12

1733 Words
PAREHO silang napaigtad at mabilis na naghiwalay. Kapwa napuno ng takot at gulat ang mga mata. Subalit nakahinga din agad nang maluwag nang matanto nilang si Jillian iyon. Nakapamaywang ito at biglang ngumisi. “Natakot kayo, ‘no?” natatawa pang sabi nito habang papalapit. Inalalayan ni Hector sa pagtayo si Gemma subalit naramdaman niyang dumistansya na rin ito sa kanya. Hinayaan na lang niya ang dalaga. “Kayo, ha?” tudyo pa ni Jillian. “Ang lakas ng loob ninyo. Yari kayo kung nakita kayo ng mama mo, Gemma.” “Hinahanap na ba ako ni Mama?” may takot na sabi ni Gemma. “Ewan ko. Kami ang naghahanap sa inyo. Bumalik kami doon, parheo kayong wala. Naghiwa-hiwalay nga kami para makita kayo agad. Tama nga ang hinala kong sumimple kayo.” At bumaling ito sa kanya. “Baka gusto mong makiangkas pauwi, Matt. Ihahatid ka na namin hanggang sa sakayan kesa maglakad ka na naman.” Tumingin muna siya kay Gemma bago sumagot. “Sige, Matt. Matatapos na rin siguro ang party. Saka baka makahalata na si Mama na wala ako doon,” masuyong taboy nito sa kanya. “Kung uuwi na kayo, di, sige,” sagot niya na medyo bantulot. Bahagyang itinulak ni Jillian si Gemma pasulong. “Mauna ka na ng lakad para walang makahalata. Kunwari kami ni Matt ang magkasama.” At inabot ng babae ang kamay niya. Nilingon sila ni Gemma. Bumaba ang mga mata nito sa kamay nilang magkadaop. Nakita niyang bahagyang kumunot ang noo nito pero walang salitang binitiwan. Binilisan na nito ang paglalakad pabalik sa party. Papasok sa service gate na dinaanan nila kanina ay sinalubong sila ni Kaye. “Umiba ka ng daan, Gemma. Hinahanap ka ng mama mo,” warning nito. Nagkatinginan sila ni Jillian. At bago pa siya makahuma ay hinatak na siya ng babae. “Sa iba na lang tayo dumaan.” Sinulyapan siya ni Gemma at tinanguan siya nito. “Baka makahalata sa inyo ang mama ni Gemma,” sabi sa kanya ni Jillian habang patungo sila sa main entrance. “Tapos ang maliligayang araw ninyo.” “Kinausap ako ng mama niya kanina,” seryosong wika niya. “Sinabi mong kayo na?” Halos may kasamang hilakbot ang tono nito. “Hindi. Mapapahamak si Gemma kapag ganoon ang sinabi ko. Pero hindi ko itinago ang totoong nararamdaman ko. Nangako pa akong hindi ko lolokohin si Gemma.” Nanlaki ang mga mata ng babae. “Talaga? Wow, Matt! Ang lakas ng loob mo. Bilib naman ako sa iyo. Ano, nakapasa ka naman ba?” Umiling siya. Masakit man sa loob ay inulit niya ang pangungusap ng disgusto sa kanya ng mama ni Gemma. Napabuntong-hininga na lang si Jillian. Pagbalik nila sa party ay natanawan nilang kausap ni Gemma ang mama nito. Naghintay sila ng ilang sandali bago nag-aya si Jillian na magpaalam na sila. Matabang silang tinanguan ng mama ni Gemma. At nang ihahatid sana sila ng dalaga at pinigilan ito ng ina. “May mga bisita ka pang eestimahin, Gemma,” sabi nito bago sila tinalikuran. “Pasensya na kayo,” nahihiyang sabi sa kanila ni gemma, tila maiiyak pa. “Okay lang, ‘no!” mabilis na sabi ni Kaye. “Sige, see you na lang sa school,” sabi naman ni Jillian. “Bye, Gemma, Happy birthday uli,” halos sabay na sabi nina George at Rainier. Tumalikod na ang mga ito subalit hindi pa tuminag si Hector. Nakatingin pa rin siya sa dalaga. “Pasensya ka na, Matt.” Sinikap niyang ngumiti kahit na nga ba hindi niya maipaliwanag ang lungkot na nakagapang sa puso niya. “Cheer up, Gem. Party mo ito. Sige, mauna na kami. Happy birthday.” Malungkot na ngumiti si Gemma. At bago siya ganap na tumalikod at bumuka ang kanyang mga labi. “I love you.” Nabawasan ang lungkot na nakaguhit sa anyo ng dalaga. HINDI maipinta ang mukha ni Hector. Umalis siya ng bahay na kinakantiyawan ng kanyang mama. Hinahanap nito sa kanya si Gemma. Sawa na raw ito sa puro kuwento lang. Gusto na nitong makilala ang dalaga. Kung siya ang masusunod ay iyon din naman ang gusto niya. He was proud of her. At tiyak niyang magugustuhan ito ng kanyang mama. Pero paano mangyayari iyon kung buhat nang gabing iyon ay hindi pa sila nagkakausap nang matino? Buhat nang matapos ang debut party, tila kabuteng nagsulputan ang mga manliligaw ng dalaga. Ang mga kaeskuwela ay madali nitong naiiwasan. Pero kung alin pa ang outsider, iyon ang hindi. Hatid-sundo pa si Gemma. Iba’t iba ang kotseng nakikita niyang sinasakyan nito. Pero iisa lang ang lalaking naghahatid-sundo. Obviously, may basbas ng mama ni Gemma ang lalaking nakakalapit dito ngayon. Hindi mukhang estudyante ang lalaki. Kung tama ang tantiya niya ay walo o sampung taon na ang agwat nito sa kanila. Kung pisikal na anyo nito ang susumahin niya ay matured na ito. Guwapo subalit hindi na maipagkakamali ang edad. Ilang beses siyang nagtangka na makausap nang sarilinan si Gemma subalit hindi siya nagtatagumpay. Tila okupado ito sa manliligaw. May one-week affair ang college nila at iregular ang klase. At bukas din iyon sa mga outsider kaya ang mga hambog na anak-mayamang manliligaw ni Gemma ay hindi na humihiwalay sa dalaga. Umaastang tila girlfriend na nito si Gemma. Hindi niya maasahang tulungan siya nina Jillian at Kaye. “Okupado” rin ang mga ito. Ni hindi nga niya mahagilap kahit ang mga kaibigan. Tila ibang affair ang inaasikaso ng mga ito kaya ilang araw na rin niyang hindi nakikita ang apat. Pero kahit wala siyang gagawin sa eskuwela ay pumapasok siya. Humahanap siya ng tiyempo na magkakausap sila ni Gemma. God, he missed her. At mientras lumilipas ang mga araw na hindi niya ito malapitan man lang ay lalo niya itong nami-miss. Araw at gabi ay si Gemma ang laman ng isip niya. Puno siya ng pangarap para sa kanilang dalawa. At madalas kaysa hindi, sumasalit sa pangarap niyang iyon ang alaala ng mainit na halik nila. Gusto niyang maulit iyon. And he wanted for more. At naniniwala siyang hindi naman kasalanan iyon. It was not just a testosterone rush. He loved her and he wanted the physical expression of that love. Binilisan ni Hector ang paglalakad nang makitang papasok ng building sina Gemma at ang lalaking nakabuntot dito. Her made himself visible. At tinitiyak niyang nagtatagpong palagi ang mga mata nila. Gusto niyang ipaalala kay Gemma na higit sa lalaking iyon ay siya ang may karapatang dumikit dito. Bahagya siyang natuwa nang makitang pumasok sa CR si Gemma. Pumasok din sa katabing CR ang lalaking kasama nito. Nagsumping ang kanyang mga daliri. He wished Gemma would come out first—kahit karaniwan nang mas nagtatagal sa CR ang mga babae. He wanted to talk to her. Kahit sandali lang. God, he missed her so much. Malaking konsuwelo na sa kanya na makausap ito kahit sandali lang. Parang nagulat pa si Hector nang makitang palabas ng CR si Gemma. Hindi siya nag-aksaya ng sandali. Mabilis siyang lumapit dito. “Matt!” gibik ni Gemma, halatang nagulat. “Gem, let’s talk. Kahit sandali lang, please,” pakiusap niya. Lumingon si Gemma sa katabing CR. Nagsalubong naman agad ang kilay niya. Pakiramdam niya ay unti-unti ring sumubo ang dugo niya. Hinawakan niya si Gemma sa braso at banayad na hinaltak. “Ano mo na ba ang lalaking iyon?” halata ang selos sa tinig niya. Dinala niya ito sa katabing hagdan ng CR. Mabuti na lang at walang ibang tao doon na makakapansin sa kanila. “W-wala, Matt.” “Ilang araw na tayong hindi nag-uusap.” Lumambot ang tinig niya. “I miss you.” Tinitigan siya ni Gemma. At hindi pa man ito nakakapagsalitang muli ay para na siyang matutunaw. He could strongly sensed that she missed him, too. “I missed you too, Matt,” sabi nitong tila binigyan ng kumpirmasyon ang nasa isip niya. Hindi na siya masyadong nag-isip pa. Hinila niya ang kamay nito at inakay paakyat. “Saan tayo pupunta?” tanong ni Gemma. “Aakyat lang tayo. Gusto ko lang mag-usap pa tayo nang walang asungot.” “Pero—” hindi na itinuloy pa ni Gemma ang sasabihin. Mabilis silang nagbitaw ng mga kamay nang pagpanhik nila sa second floor ay mamataan ang ilang estudyante. “Akyat pa tayo,” mabilis na sabi niya kay Gemma. As usual, walang tao sa third floor. At mas lalo na ngayon na walang klaseng ginaganap doon. Inabot niyang muli ang kamay ni Gemma. At itinulak ang pinto ng unang kuwarto. Nang makapasok sila ay agad din niyang inilapat ang pinto. “Matt, bakit dito? Baka may makakita sa atin. Baka pag-isipan tayo ng hindi maganda,” puno ng pag-aalalang sabi nito. Kunwa ay wala siyang narinig. “I missed you, Gem,” he said again. Napalunok ito. “Pasensya ka na, Matt. Si Mama kasi—” “Iyon ang gusto niyang lalaki para sa iyo?” It was more of a statement rather than a question. “Kayo na ba?” Kumislap ang luha sa mga mata nito. “Ikaw ang gusto ko, Matt. Ikaw ang mahal ko,” pasigok na sabi nito. “Salamat, Gem. Pero hindi iyan ang sagot sa tanong ko, hindi ba?” Umagos ang luha nito. “Mas sigurado daw ang kinabukasan ko kay Greg. Hindi lang maykaya ang pamilya kundi may sarili nang negosyo. He’s almost thirty. Ang layo-layo ng agwat namin. Pakiramdam ko, tatay ko na ang kasama ko. Palagi na lang siyang nakasunod sa akin. I hate it. I hate him. Matt, ikaw ang mahal ko.” His heart constricted. Napuno ng galit at iba pang emosyon ang dibdib niya. Galit sa kanilang sitwasyon at awa para sa relasyon nila. Nagtagis ang mga bagang niya. Pero sa halip na lumabas ang anumang salita sa lalamunan niya, kinabig niya si Gemma at niyakap ito. Nauwi sa impit na pag-iyak ang tahimik na pagluha nito. Pumikit din siya nang mariin. Nakaramdam siya ng panghahapdi ng mga mata. Mabilis niyang diniinan ang sulok ng mata. Hindi niya gustong makita ni Gemma na umiiyak din siya. But God only knew how much he was hurting. Nararamdaman niya ang unti-unting pagguho ng mga pangarap niya para sa kanila ni Gemma. Nararamdaman niyang unti-unting nawawala sa kanya ang dalaga. At hindi niya gustong mangyari iyon. Hindi siya susuko ng ganoon na lang.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD