PRIMERA klase ang memorial park na pinaglalagakan ng labi ni Timoteo. Kung si Barbara lang ang masusunod ay hindi nito gustong doon ilibing ang asawa. Mayroong museo ang pamilya nito sa Cavite subalit iginiit niyang doon ilagak ang kanyang papa. Marangal ang naging burol ni Timoteo at nilubos niya ang paggastos hanggang sa pinaglibingan nito.
Ang katwiran niya ay iyon na ang huling maibibigay niya sa taong pinagkakautangan niya ng loob. Timoteo had been a good father to him. Sa kabila ng naging kasalanan niya dito ay binigyan pa siya nito uli ng pagkakataon na mag-aral. Utang niya dito kung ano man ang katayuan niya ngayon.
Totoong nasaktan din siya nang mamatay si Timoteo. Fatal ang naging atake nito sa puso kaya nabigla sila nang husto. Marami pa naman sana siyang plano para sa mga magulang. Papa-renovate niya ang kanilang bahay at pinangakuan din niya ang mga ito ng isang en grandeng bakasyon.
Pero namatay agad si Timoteo. Si Barbara na lang ang nakasaksi sa pagtupad niya sa lahat ng pangako niyang iyon.
Huminto si Hector sa flower shop sa bungad ng memorial park. Bumili siya ng bulaklak upang dalhin sa puntod ni Timoteo. Ilang sandali pa at patungo na siya sa puntod nito.
Ibinaba niya ang bulaklak sa ibabaw ng lapida ng kanyang papa at naupo sa harapan niyon. Mayroon ding tuyong bulaklak sa gilid ng lapida, dala marahil ni Barbara nang huling dumalaw doon. Itinabi niya iyon at pinalis niya ang ilang dahon na nalaglag doon.
Tahimik na ipinako niya ang tingin sa lapida.
Pa, alam mo bang nag-out of town si Mama? May boyfriend na siya ngayon. I’m sure hindi ka magseselos. Logical ka naman palagi. At sigurado akong masaya ka rin ngayon na masaya si Mama ngayon.
I’m back, Pa. Kahapon lang ako dumating. Biglaan at nagulat si Mama. Pero hindi ko pa nasasabi sa kanya ang totoong dahilan. Alam ko kasing malulungkot siya kapag nalaman niya. Pero sasabihin ko na sa iyo, Pa. Maiintindihan mo naman ako, di ba?
Susubukan kong hanapin ang totoong parents ko, Pa. Sila ang bahagi ng pagkatao ko na nawawala. Hindi ko pa rin naaalala ang lahat ng mga nangyari noon pero magbabaka-sakali ako. Sana makita ko sila. At pangako, Pa, hindi ko kakalimutan si Mama kahit makita ko sila. Malaki ang utang-na-loob ko sa inyo. At mahal ko rin kayo bilang mga magulang ko na nagkandili sa akin.
Nangilid ang luha sa kanyang mga mata. Bumalik sa isip niya ang mga alaala nila ni Timoteo. He was missing him. Sana ay hindi ito agad namatay.
Nag-ukol siya ng ilang sandali pang pananahimik bago nagpasyang umalis. Pabalik na siya sa kotse nang may bumagsak na bola malapit sa kanya. Lumipat ang tingin niya doon. Pero mas natawag ang pansin niya ng batang lalaking humahabol sa bola. Anim o pitong taon marahil. Maputing-maputi at singkit ang mga mata.
He felt a thud in his chest. The little boy reminded him of someone.
Huminto ang paggulong ng bola sa paanan niya. Yumuko siya at dinampot iyon. Nang iaabot niya ang bola sa bata ay natigilan siya. Gemma. Kamukha ni Gemma ang bata. At marahil kung naging babae iyon ay hindi malayong iyon din ang itsura ni Gemma noong bata pa ito.
Instantly he felt a pain in his heart. He was missing her again. “Here,” sabi niya tila mayroong bikig sa kanyang lalamunan.
“Thank you,” sabi ng bata. Hindi ito agad umalis at tumitig din sa kanya.
“Ilang taon ka na?” tanong niya dito.
“Six,” bibong sagot nito at iminuwestra pa sa mga daliri kung ilan ang anim. “Anong pangalan mo?” tanong naman nito sa kanya.
Napangiti siya. “Hector.” Natigilan siya. He was used to address himself as Matthew. Hindi niya tiyak kung nadulas lang ngayon ang kanyang dila kaya nasabi niya dito ang tunay niyang pangalan.
“Greggie!”
“Mommy!” Sabay sila ng bata na napalingon sa tumawag. At lalo siyang natigilan. Ang babaeng tumawag sa bata ay ang babaeng espesyal sa kanya.
“Gem,” he almost whispered.
Napatingin sa kanya si Gemma. At halos manginig sa ginaw si Hector dahil sa malamig na titig na ibinigay nito sa kanya. Nagmamadali itong lumapit sa bata.
“Let’s go, Greggie.” Halos haltakin nito ang bata at tumalikod nang hindi siya tinapunan pa ng tingin.
“Gem!” habol niya dito.
Puno ng poot na lumingon ito sa kanya. “Hindi kayang pantayan ng anumang salita ang galit ko sa iyo, Matt. Ikaw ang kahuli-hulihang taong nanaisin ko pang makitang muli.” At mabilis nang tumalikod ito.
“SAKAY NA. Bilis,” kulang na lang ay itulak ni Gemma ang bata pasakay sa kotse. Mabilis siyang umikot sa driver’s seat at pinaharurot na ang sasakyan.
Mahigpit ang hawak niya sa manibela. Tila doon niya ibinubuhos ang damdamin niyang nagwawalang makaalpas. Magkalapat na magkalapat ang kanyang mga labi. At kahit hindi niya humarap sa salamin, alam niyang nagngangalit ang itsura niya.
Hindi na niya inaasahang makikita pa si Matthew Lim. Pagkatapos ng nangyari noon, isinumpa na niya si Matt. Abot hanggang langit ang pagsisisi niya na minahal niya ang lalaki. Hindi niya mapapatawad ang ginawa nito sa kanya.
“Mommy, galit ka ba?”
Humugot si Gemma ng paghinga nang marinig ang tinig ng anak. Hindi siya agad na sumagto. Sinikap niyang mabawasan ang galit na nangingibabaw sa dibdib niya bago ito nilingon.
“I’m sorry, Greggie.”
Tumitig sa kanya si Greggie. Ganoon naman palagi ang anak niya. Tinitingnan pa siyang mabuti na tila inaarok ang sinseridad ng kanyang sinasabi. She made another sighed. Si Greggie ang tanging lakas niya kaya sinisikap niyang maging matino ang buhay niya.
“Bakit ka nagalit kanina? Hindi ko naman sinasadyang matamaan iyong mama ng bola ko. Mukha siyang mabait, Mommy. Tinanong pa nga niya kung ilang taon na ako. Sabi ko six. Di ba, six pa lang ako? Next month pa ako magse-seven.”
Ginulo niya ang buhok nito. “Oo, next month, seven ka na. Magkakaroon ka ng party.”
“Sa McDo, Mommy?”
“Sa bahay na lang, Greggie. Mas maganda kung sa bahay. Marami tayong ihahanda na hindi puwede kung sa McDo.”
“Okay. Sayang, wala na si Daddy. Hindi na niya makikita ang birthday party ko.”
Masuyong tiningnan niya si Greggie. “Nandito pa naman ako, Greggie,” pigil ang emosyong sabi niya. “Hindi ba, pangako ko sa iyo, kahit wala na ang daddy mo, hindi naman kita papabayaan?”
“Sabi ni Lola saka Aling Metring, mag-aasawa ka din daw. Mommy, magiging iba na ang daddy ko kapag nag-asawa ka uli, di ba? Baka salbahe lang ang magiging bagong daddy ko. Ayoko.”
“Greggie, huwag mong isiping iyon. Hindi ako mag-aasawa.”
“Talaga? Never?”
“Never.”Wala naman siya talagang balak na mag-asawa pang muli.
Bumaling si Greggie sa labas. Ugali na nitong panoorin ang dinadaanan nila. Pero hindi rin naman ito mapipirmi. Minsan ay dudukwang sa likod upang abutin ang baong laruan o libro.
O kaya naman ay magtatanong sa kanya ng kung anu-ano. Mula sa mga inosenteng tanong kung bakit nalalanta ang bulaklak hanggang sa kung paano lumalabas nang walang tigil ang tubig sa isang fountain.
Minsan ay nagugulat siya sa ibang tanong ni Greggie. Kagaya noong isang beses na nagtanong ito sa kanya kung ilang taon silang naging mag-boyfriend ni Greg bago sila nagpakasal. Hindi niya alam kung sino ang nagtulak kay Greggie upang itanong iyon pero sabi ng katulong nila sa bahay, iba na daw talaga ang mga bata ngayon.
Palatandaan daw ng pagiging matalino ang pagiging palatanong ni Greggie pero sa oras na iyon ay mas gusto niyang manood na lang ito sa dinadaanan nila. Wala siya sa mood na sumagot sa mga tanong nito.
Nang mabagot si Greggie sa pagtanghod sa labas ay kinuha nito ang bola. Pero sandali lang at initsa na uli iyon sa back seat.
“Mommy, bakit tinawag mo ng Matt iyong lalaki kanina? Tinanong ko ang pangalan niya. Sabi niya sa akin Hector daw.”
Kumunot ang noo niya. Hector? Kailan pa naging Hector si Matthew? Imposible namang ibang tao ang pinagbuntunan niya ng galit kanina. Siguradong-sigurado siyang si Matthew iyon. Maaaring mahaba ang labindalawang taong nagdaan pero tiyak niyang si Matthew iyon.
He had changed a lot. Kung noon ay karaniwan lang ang anyo ni Matthew ay hindi mukhang habulin ng babae ay iba na ngayon. Kailangan niyang amining malaki ang iginandang lalaki ni Matt. Matikas ang tindig at mukhang mature na mature na.
Napatiim siya ng bagang sa huling naisip. Matured na nga kaya? O baka naman kagaya pa rin noong dati na magaling lang sa simula pero hindi naman pala kayang panindigan ang isang bagay?
Duwag si Matthew. At ang tanga-tanga niya na nagmahal sa isang lalaking duwag.
Humigpit muli ang hawak niya sa manibela. Hindi siya maaaring magkamali. Si Matthew iyon. He had call her Gem. At si Matthew lang ang tanging tao na tumatawag sa kanya ng ganoon.
It used to sound like an endearment to her. Gustong-gusto niyang tinatawag siya ni Matthew nang ganoon. Damang-dama niya na espesyal siya dito. Pero dahil ang tanga nga niya, malay ba niyang balewala naman pala dito ang ganoon? Iiwanan lang pala siya nito sa ere.
Kinusot niya ang mga mata. Nag-iinit iyon at may nagbabadyang luha. Tapos na siyang umiyak. Maraming-maraming luha na siyang itinapon sa pangyayaring iyon. Pagod na siya.
Binilisan niya ang pagpapatakbo at ilang sandali lang ay nakauwi na sila. Nagtatakbo na si Greggie patungo sa kuwarto nito. Malamang kaysa hindi ay computer games na naman ang aasikasuhin niyon. Napailing siya. Kailangan na niyang unti-unting disiplinahin sa bagay na iyon ang anak.
“Nasaan si Mama?” tanong niya sa katulong.
“Nasa kuwarto. Mamamahinga daw muna. Nagluto siya, napagod malamang.”
“Aakyat na muna ako, Aling Metring. Sumakit ang ulo ko. Pakibigyan na lang si Greggie ng meryenda kapag nanghingi.”
“Sige, ako nang bahala dito. Wala naman sigurong bisitang darating. Nagpasabi ba ang partido ni Greg? Dalawang taon na siyang patay ngayon. Darating ba sila?”
“Hindi na. Magpapamisa na lang daw sila sa Nueva Ecija.”
“Sus, sino kaya ang kakain sa mga niluto ng mama mo? Ang dami-dami niyon.”
“Hayaan ninyo na. Ako nang bahala mamaya. Aakyat na muna ako.”
Pumasok siya sa guestroom. Buhat nang mamatay si Greg ay iyon na ang kuwartong inokupa niya. Ang dating kuwarto nila ay nakakandado. Binubuksan lang iyon kapag kailangang linisin o mayroong mga dating bagay na dapat kunin doon. Siya, hangga’t makakaiwas ay hindi magnanais na pumasok doon.
Tila hapong inihiga niya ang kanyang katawan. Nang ipikit niya ang mga mata ay si Matthew kaagad ang mukhang nabuo doon. Naging mariin ang pagpikit niya.
Bakit kailangang magtagpo pang muli ang landas nila? Ayaw na niyang makita pa si Matthew. Mananariwa lang muli ang sugat…