Twelve years ago…
NAALIMPUNGATAN si Gemma sa kung anong ingay. Hahabulin pa sana niya ang nararamdamang antok nang maulinigan ang boss ng ina. Kagyat na gumapang ang takot sa buong katawan niya. Tila namanhid siya at hindi agad nakakilos. Namataan niya ang mga damit niyang nagkalat sa silid. Pero bago pa siya ganap na makakilos upang pulutin iyon at isuot ay bigla nang bumukas ang pinto.
“Punyeta!” malutong na tungayaw nang mama niya at pasugod nang pumasok sa loob.
Parang lalo siyang namanhid. Mabilis na hinila ng mama niya ang buhok niya at saka siya pinagsasampal. Nakagat niya ang kanyang mga labi. Masakit ang bawat pagdapo ng palad nito sa kanyang pisngi subalit mas masakit ang pagkakasugat ng kanyang puso.
Hindi siya masyadong makapag-isip subalit mayroong isang solidong tanong sa isip niya. Nasaan si Matthew? Bakit bigla na lang na naririto ang kanyang mama?
“Punyeta kang bata ka!” galit na galit na sabi ng kanyang mama. “Anong kaletsehan ito? Nasaan ang utak mo? Nag-isip ka ba nang matino bago mo ginawa ito?” at muli ay ang hindi mabilang na pagsampal at pagsabunot nito sa kanya.
Hindi siya lumaban. Ni hindi siya umiwas sa bawat p*******t ng kanyang ina. Panay lang ang tulo ng kanyang luha. At ang sinikap lang niyang gawin ay huwag matanggal sa kanyang katawan ang kumot na itinatabing niya sa kanyang kahubaran.
“Magbihis ka!” hininaaan ng kanyang mama ang tinig. “Dalian mo!” at itinulak siya nito kung saan nakakalat ang damit niya.
wala ring kibo na dinampot niya ang mga damit. Halos manginig ang mga kamay niyang habang isinusuot iyon. Hindi siya iniiwan ng kanyang mama. At sa mahinang tinig ay puro pagmumura pa rin ang lumalabas sa bibig nito.
“Ayusin mo iyang buhok mo,” padaskol na sabi nito.
Bahagya lang niyang sinuklay iyon at mabilis na itinali. Ni wala ang isip niya doon. Si Matthew ang hinahanap niya. Natulog siyang si Matthew ang kayakap niya. she was even having a beautiful dream with him.
Bakit ang mama niya ngayon ang naririto?
At alam niyang hindi doon lang matatapos ang galit ng kanyang mama.
“Tara na,” wika ng mama niya.
Halos ayaw niyang humakbang. Matt, where are you?
Kinaladkad siya ng mama niya patungo sa pinto. “Umayos ka, Gemmalyn kung ayaw mong mapahiya sa harap ng ibang tao,” banta nito sa kanya.
Napapikit siya nang mariin. Para bang hindi pa siya mapapahiya sa sitwasyong iyon. Damn you, Matt! Nasaan ka? Akala ko ba magtatanan tayo?Akala ko ba hindi tayo maghihiwalay? Akala ko ba mahal mo ako?
Hindi niya nagawang isatinig ang alinman sa mga salitang iyon. Napaiyak na lang siya uli. At nang lumabas sila ng pinto ay nakita niyang napapagitnaan si Matthew ng mga magulang nito marahil.
“Gem.” He called her.
Hindi niya alam kung saan nanggaling ang galit na sumulak sa kanya pagkarinig sa tinig na iyon ng binata. Buhat sa pagkakayuko niya ay nag-angat siya ng mukha.
At kung magagawa lang niyang patayin ng titig niya si Matthew ay pinatay na niya.
She hated him that instant. He betrayed her. Hindi niya ito mapapatawad kahit kailan.
“HINDI KA na babalik sa eskuwelahang iyon,” matigas ang tonong sabi ng kanyang ina.
“Paano ang pag-aaral ko, Mama?” tanong niya sa boses na halos hindi magawang lumabas sa bibig niya. Paos na paos siya sa pag-iyak. Mugtong-mugto rin ang kanyang mga mata.
“Saka ka na mag-aaral, pag-iisipan ko pa.”
“Mama—”
“Tumigil ka, Gemmalyn. Sinira mo ang lahat ng plano ko para sa iyo. Hindi kita pinag-aaral para mag-asawa. Dapat ay pag-aaral ang inaasikaso mo at hindi lalaki.”
“Bakit si Greg, Mama? Bakit si Greg, ipinagtutulakan mo sa akin?”
Pinandilatan siya ni Mrs. Liciada Mauricio. “Kilala ko si Greg. Mapasubo ka man sa kanya, sigurado akong magiging maayos ang buhay mo.” Mayamaya ay napatango ito. “Yaman din lang at gusto mo na palang mag-asawa, di mabuti siguro’y magpakasal na kayo ni Greg.”
“Mama!” halos maghilakbot na wika niya.
“Hindi ba’t nagtanan ka dahil gusto mo nang mag-asawa? Puwes magpakasal kayo ni Greg. Si Greg naman ay handang-handa nang pakasalan ka. Hinihintay lang sana niyang makatapos ka sa kurso mo pero hindi na bale. Kahit naman hindi ka makatapos ay uubra. Tatawagan ko si Greg.”
“Mama!” iyak niya.
Ismid ang itinugon sa kanya ni Liciada. Nang iwan siya nito sa kanyang kuwarto ay hindi nito nakalimutang ikandado iyon.
Nag-iiyak na naman siya. Ilang araw nang tila siya preso sa bahay na iyon. Dinadalhan lang siya ng pagkain ng katulong. Bawal siyang lumabas. At tuwing pupuntahan siya doon ng kanyang ina ay puro sermon ang ibinubuga sa kanya.
Mangatwiran man siya ay wala ring nangyayari. Pero ngayon ay gusto niyang sumigaw. Gusto niyang isigaw sa ina na hindi niya gusto magpakasal lalong-lalo na kung kay Greg. Hindi niya gusto ang lalaking iyon.
Pumasok sa kanyang silid si Aling Metring. Dala nito ang tray ng pagkain niya.
“Kumain ka, Gemma. Malaki na ang inihulog ng katawan mo. Baka magkasakit ka niyan,” puno ng malasakit na sabi nito. Si Aling Metring na ang katulong nila mula pa noong bata pa siya.
“Ayokong kumain. Gusto ko nang mamatay.”
Napasinghap ito. ”Anak, huwag mong sabihin iyan. Lalong huwag mong sasadyain na mamatay ka. Malaking kasalanan sa Diyos iyan.”
“Kung ipapakasal ako ng mama sa Greg na iyon, baka mas masarap pang mamatay na lang.”
Puno ng awang napatingin na lang sa kanya si Metring. Alam nila pareho na wala silang magagawa kapag sinabi na ni Liciada ang gusto. Ito ang reyna sa pamamahay na iyon. Hindi uubrang mabali ang nais nito.
Naalala niya ang kanyang ama. Sana ay kapiling pa nila ito. Pero malayo na sa kanila ngayon ang papa niya. Nag-asawa ng iba sa Amerika ang kanyang ama upang maging maayos ang estado nito doon at hindi na TNT. He married a Filipina nurse who was already an American citizen. Alam iyon ng mama niya. at pumayag ito kapalit ng mas malaking perang ipapadala ng kanyang papa.
Sabi ay magdidiborsyo din daw at kukunin din silang mag-ina. Subalit nahulog ang loob ng kanyang papa sa naging asawa nito doon. Tinotoo na nito ang pag-iwan sa kanila. Mayroon na daw anak doon ang kanyang ama.
Tila balewala naman iyon sa kanya mama. Diniktahan nito ang kanyang papa na sustentuhan siya. Masakit mang aminin, mukhang pera ang kanyang mama. Tila walang ibang mas mahalagang bagay dito kundi ang pera.
At pati siya ay malamang na maging kasangkapan para din sa motibo nito na magkapera. Kasosyo nito sa negosyo ang ina ni Greg kaya lalong ipinagtutulakan siya nito sa lalaki.
Bumalik sa kanyang silid ang kanyang ina.
“Mag-empake ka, Gemma. Aalis tayo.”
“Saan tayo pupunta, Ma?”
“Uuwi muna tayo sa Bataan. Mahirap na. Baka tumakas ka pa. napag-usapan na namin ng mama ni Greg ang tungkol sa inyong kasal. Susunod na lang sila sa Bataan upang doon pag-usapan ang lahat.”
“Ayoko, Mama!” sigaw niya.
“Walang mangyayari sa pagtutol mo. Sino ba ang ipinagmamalaki mo? Ang hampaslupang Matthew na iyon? Nasaan siya ngayon? Ni hindi siya nagtangka na sundan ka dito, Gemma.”
Tumigas ang anyo niya. Oo nga at galit siya kay Matthew. Pero ang isang sulok ng puso niya ay umaasam pa rin na gagawa ito ng paraan upang magkita sila. Baka mayroong dahilan si Matt. Baka mayroong ipapaliwanag sa kanya. She had given him the benfit of the doubt subalit sa bawat araw na magdaan at wala man lang siyang maramdamang pagkilos nito ay lalong lumalaki ang galit niya.
Kinuha niya ang bracelet na iniregalo nito sa kanya. Iniingat-ingatan niya iyon pero ngayon ay galit na tinitigan niya. Mayamaya ay gigil nagigil niyang initsa iyon sa basurahan.