MADALAS silang magkasabay ni Gemma sa library. Nerd yata ang turing sa kanila dahil iilan lang sila na paboritong tumambay sa library. Sa kaso ni Hector ay kailangan niya talagang pumunta doon para sa research niya. At si Gemma ay likas ding masipag mag-aral.
Perpektong pagkakataon nila iyon sa isa’t isa dahil ang dalawang kaibigan/guwardiya ni Gemma ay wala sa tabi nito. Siguro ay magliliyab kapag pumasok sa library. Pero hindi sila nagtatabi ng okupa sa mesa. Nagkakausap lang sila kapag kunwa ay naghahanap ng libro.
“Hindi na ako hinahatid-sundo ng mama ko,” pabulong na sabi sa kanya ni Gemma. “Pero araw-araw nagre-report sa kanya sina Jillian at Kaye,” tukoy nito sa dalawang kaibigan.
“Loyal sila sa Mama mo?”
“Oo. Iyong parents nila, may utang kasi sa mama ko. Saka high school pa lang kami, kilala na niya iyong dalawa. Schoolmates kami. Section one ako, section two sila. Kahit noon pa, lahat ng lalaking lumalapit sa akin, sinusumbong nila kay Mama.”
“Eh, ako?”
“Hindi. Kaya huwag kang lalapit sa akin kapag makikita ka nila.”
Sinilip sila ng librarian. Mabilis na kumuha ng libro si Gemma at bumalik na sa mesa nito. Siya naman ay ilang minuto pang nasa harap ng book shelves kahit na wala naman ang isip niya doon. Mayamaya ay may bitbit nang libro na bumalik siya sa mesa niyang halos katapat ng kay Gemma. Nagkatinginan sila. Sumenyas na si Gemma na lalabas na. Tumango lang siya.
Tumayo na si Gemma. Bitbit na nito ang mga gamit at dumaan sa counter upang isoli ang libro. Sa may pintuan ng library ay huminto ito. Lumingon sa kanya at nakangiting kumaway.
Tila dinunggol ang dibdib ni Hector. May hatid na saya ang biglang pagsikdo ng dibdib niya.
They never talked about it pero tila nagkakaintindihan na sila.
“PARENG Matt, ang ganda ni Gemma, ano?” sabi ng kabarkada niyang si Rainier. Dumaan sa harapan nila si Gemma kasama sina Jillian at Kaye subalit tila hindi siya nakita nito. Siya lang naman ang hindi pinansin. Sina Jillian at Kaye ay sumulyap kina Rainier at George. Nag-iwan ng pagtataas ng kilay at pag-ingos. Balewala lang iyon kay Hector. Hindi naman niya iniintindi anuman ang gawing pagtrato nina Jillian at Kaye. Sanay na siya sa hindi pagpansin ni Gemma sa kanya. Alam naman niyang palabas lang iyon. Mamaya sa library, magkikita na naman sila.
“Akala ko ba si Jillian ang type mo, bakit kay Gemma ka napapanganga ngayon?” si George ang nagsalita.
“Si Jillian pa rin ang type ko. Pero alam kong si Gemma ang mas maganda. Halata namang si Gemma ang pinakamaganda sa buong college.”
“Akala ko, papapelan mo si Gemma. Yari ka dito kay Matt.”
Tumawa si Rainier. “Hindi ako tumatalo ng kaibigan.” Dinunggol siya nito. “Kumibo ka na, Matt. Alam ko naman kung bakit hindi ka nagsasalita. Humahanga lang ako, pare.”
Tiningnan lang niya ito.
“Hanggang kailan ka liligaw-tingin, Matt?” tanong sa kanya ni George.
“Mahirap abutin iyang si Gemma. Dadaan ka muna sa mama niya,” sabad naman ni Rainier. “Kung sa papa lang niya, hindi ka naman mahihirapan. Balita ko’y nasa abroad.”
“Bakit ka naman magpapakahirap? Di huwag kang dumaan sa mama niya,” sabi ni George na tila nakakaloko.
“’Tado! Pilosopo,” kantiyaw dito ni Rainier. “Matt, matatapos na ang sem hanggang patingin-tingin ka pa rin ba? Kumilos ka na. Baka maunahan ka ng iba, hala ka.”
“Ikaw ba ang uuna sa akin?” seryosong tanong niya.
“Pare, walang taluhan,” sagot agad ni Rainier. “Ang ibig kong sabihin, hindi lang ikaw ang may gusto kay Gemma. Crush ng bayan iyan. Wala nga lang magkalakas ng loob na kumilos dahil nga guwardiyado ng mama niya. Tapos iyon pang dalawang babaeng iyon, nakaguwardiya din. Eh, paano kung mayroon palang isa na malakas ang loob na makalusot? Patay ka. Sayang ang pagliligaw-tingin mo.”
“Oo nga, Matt. Subukan mo lang. Tingin ko naman kay Gemma ay mabait. Saka naaalala ko, noong orientation, maayos naman ang pakita sa iyo. Naging magka-team pa kayo sa isang game, di ba?” ani George.
Bago pa siya makakibo ay nagsalita nang muli si Rainier. “May ideya ako, Pare. Ganito.”
LALONG excited si Hector na magtungo sa library nang hapong iyon. Hindi nawala sa utak niya ang napag-usapan nilang magkakaibigan. At alam niya, kapag sinabi ng mga kaibigan niya ay talagang gagawin ng mga ito.
Nasa library na si Gemma nang dumating siya doon. Sinulyapan siya nito pagbungad pa lang niya sa aklatan. As usual, iilan lamang ang estudyante doon. At hindi naman umiiba ng mesang inookupa si Gemma kaya agad na nagtagpo ang kanilang mga mata.
His heart warmed. Iba ang kaligayahang gumagapang sa puso niya sa simpleng pagtatagpo ng kanilang mga mata. Tila doon pa lamang ay nababawi na ang hindi nila pagpapansinan sa buong maghapon.
Ibinaba niya ang library card niya sa mesa ng librarian at tumuloy na sa book shelves. Tiningala niya ang nagkakapalang libro sa Philosophy. Wala siyang kailangan sa subject na iyon subalit iyon ang bookshelf na bakante kaya doon siya naghintay ng ilang sandali. Mayamaya pa ay nakita na niya sa sulok ng kanyang mga mata ang paglapit ni Gemma.
Sumulyap siya sa librarian. Busy iyon sa pagbabasa ng magazine. Isa pa, tila walang pakialam ang librarian sa mga naroroon basta wala lang mag-iingay. Bumaling siya kay Gemma. Awtomatiko ang pagsilay ng matamis niyang ngiti para dito.
Gumanti sa kanya ng ngiti si Gemma subalit tila alanganin pa iyon. Sa wari ay nag-aalala pa itong may makakita sa kanila gayon solo na nila ang pasilyong iyon. Pumihit ng harap si Gemma sa hilera ng mga libro. Kumuha iyon ng isa at binuklat sa gitna.
“Pasensya ka na kanina. Kasama ko kasi sina Jillian at Kaye,” pabulong na sabi nito.
Nagkibit lang siya ng balikat. It was the usual line. At bagaman naiintindihan niya at hindi na rin niya mabilang kung ilang beses na niyang sinaway si Gemma na hindi na nito kailangang ipagpaumanhin pa iyon ay palagi namang iyon din ang pambungad nito sa kanya.
“May sasabihin ako sa iyo, Gemma,” pabulong ding sabi niya. Nasanay na siya sa ganoong tono nila. Hindi sila maaaring mag-usap sa normal na tinig. Bukod sa makakabulahaw sila sa iba ay malamang na mabisto pa sila na iba ang pakay nila sa regular na pagtungo nila sa library.
Mula sa librong binuksan nito ay nag-angat ito ng tingin patungo sa kanya. Puno ng pagtatanong ang mga mata nito. Puno din iyon ng ibang emosyon.
Lumunok si Hector. Nakapagpasya na siyang iyon ang pagkakataon upang sabihin ang gusto niya. Dinadaga ang dibdib niya pero malamang na dagukan niya ang kanyang sarili kung bigla ay aatras siya.
“Ano iyon, Matt?” may agam-agam ngunit tila may pagkainip din na tanong sa kanya ng dalaga.
Lumunok siya uli at saka tumikhim. “I… I love you, Gem.”
He uttered the words with all the emotions dwelling within him since the first time he saw her. Alam niyang masyado nang gasgas ang mga salitang iyon subalit wala naman siyang maisip na ibang salita na makakapagpahayag ng tunay niyang nararamdaman.
At pakiramdam niya ay bahagya siyang nakalaya nang masabi ang mga salitang iyon. Bahagya sapagkat hindi pa niya alam kung ano ang magiging reaksyon ni Gemma. Isinugal niya sa maikling pangungusap na iyon ang maiikling sandali na pinagsamahan nila ni Gemma sa library na iyon.
And now he was looking at her intently. Nakatingin din ito sa kanya. Hindi niya alam kung may lumipas na segundo na nakaligtaan niya sapagkat hindi niya nakitang nagkaroon ng ibang reaksyon ang dalaga. Nakatingin pa rin ito sa kanya kagaya ng kung paano ang pagkakatingin nito sa kanya kanina.
And then her lips formed a small smile. At nabanaag din niya ang pagkislap ng mga mata nito. “Matt.” That was all she said. Pero sapat na iyon kay Hector upang makahinga siya nang maluwag.
Bumaha ng saya sa dibdib niya. Sa ilalim ng librong hawak ni Gemma ay kinapa niya ang kamay nito. Mabilis namang iniwas ng dalaga ang sariling kamay.
“Baka may makakita,” maagap na sabi nito.
“I love you,” ulit niya. “I love you so much.”
“I… I love you, too, Matt, kaya lang…” She sighed. “Secret na lang muna natin ito. Mahigpit ang mama ko. Baka pahintuin niya ako sa pag-aaral.”
Mabilis siyang tumango. “Naiintindihan ko, Gem.”
Their gazes locked. Hindi niya alam kung gaano katagal at si Gemma din ang unang bumitaw. Bitbit nito ang hawak na libro at sumenyas sa kanyang aalis na. bahagya lang siyang tumango. Sinundan niya ito ng tingin hanggang sa paglapit nito sa librarian upang hiramin doon ang kinuhang libro.
Hindi siya tumitinag sa kinatatayuan. Ang totoo ay ayaw niyang tuminag. Sobrang saya niya. Baka kung ihakbang niya ang isang paa ay mauwi iyon sa pagtalon dahil sa labis niyang tuwa. Gusto niyang niyang nagsisigaw pa.
At long last, malinaw na ang lahat sa pagitan nila ni Gemma.
Siya na malamang ang pinakamaligayang tao sa buong mundo sa mga sandaling iyon.