MAG-ISA lang si Hector sa tinatambayan nilang magkakaibigan. Inaasahan na niya iyon dahil bahagi iyon ng usapan nila. Mayamaya ay nakita niyang naglalakad sina Jillian, Kaye at Gemma. Sa likod ng mga ito ay sina Rainier at George. At sa tingin niya, lalo nang tumikwas ang nguso nina Jillian at Kaye dahil sa pag-ingos.
“Sabay tayo ng vacant mamayang alas tres, di ba?” narinig ni Hector na sabi ni George nang mapatapat ang mga ito sa kanya. “Samahan na namin kayong magmeryenda.”
“Hindi kami nagmemeryenda,” pasupladang sagot ni Kaye.
“Ililibre namin kayo,” ani Rainier.
“May pera din kami,” paismid namang wika ni Jillian.
Itinago niya ang pagngiti. Wala sa itsura nina Rainier at George ang hahabol sa babae dahil sa ilang buwan nila sa campus, hindi lang iilan ang mga kolehiyalang nagpapansin sa dalawa palibhasa ay mga guwapo. Kungsabagay ay hindi naman siya pahuhuli ng itsura, iyon nga lang, taglay ng dalawa niyang kaibigan ang katangian tila kinapos sa kanya. s*x appeal.
Pero hindi niya problema iyon lalo na ngayon. Sila na ni Gemma. Pakialam ba niya kung may s*x appeal siya o wala. Si Gemma lang naman ang minimithi niyang mag-ukol ng pansin sa kanya at nagtagumpay na siya.
Sinundan niya ng tingin ang mga ito. Naringgan pa niyang nangungulit sina George at Rainier. Nakadama siya ng excitement. Mamayang alas tres, sa vacant period nila ay magkikita sila uli ni Gemma. Anhin na lang niya ay hilahin ang susunod pang mga oras.
DUMAAN si Hector sa canteen. Nakita niyang nakaupo sa mesa sina Jillian at Kaye. Sina George at Rainier naman ay nasa counter, nagbabayad ng meryenda. Pasimple niyang tinawag ang mga ito. Si Rainier ang napalingon sa kanya. Mabilis siya nitong sinenyasan ng thumbs up.
Napangiti siya nang maluwang at agad nang tumalikod. Nagmamadali ang mga hakbang niya patungo sa library. Once more, magkakasama na naman sila ni Gemma. Lalo niyang binilisan ang mga hakbang.
Sa blind corner sa may pintuan ng library ay hindi siya nakapagpreno. Nabangga niya ang kasalubong niya. “Gem!” gulat na sabi niya nang makilala ito. At ang mga susunod na salita ay nakulong na sa lalamunan niya.
Magkadikit pa rin sila. Nalanghap niya ang preskong amoy ng cologne nito. Nenuco. Para bang kay sarap na makayakap ni Gemma. Yet he fought the urge to hug her. And kiss her. God, he was eighteen years old and still never knew how it felt to kiss and be kissed.
“May… may nakalimutan ako,” sabi ni Gemma. “Mauna ka na doon, babalik na lang ako,” tukoy nito sa library.
“Sasamahan na lang kita.”
Sandali itong nag-atubili bago tumango. “Sige.”
Sa third floor sila nakarating. Nakalimutan nito ang lecture sa pinanggalingang klase at mabuti na lang na bakante ang classroom nang balikan nila iyon. Sa lahat ng lugar sa university ay iyon ang madalang ang tao. Karaniwang laboratory classes ang ginagawa doon at sa umaga halos ang schedule.
Palabas na sila ng classroom nang may pumasok na nakakakiliting ideya sa utak ni Hector. Hinila niya si Gemma palapit sa kanya.
“Matt?!” gibik nito.
Niyakap niya ito sa bewang at saka ngumiti. “I love you.”
Nanlaki ang mga mata nito. Bumaba ang kamay nito sabraso niyang nakapulupot sa bewang nito. “A-ano bang gagawin mo? Baka may makakita sa atin dito, ma-dean’s office tayo,” nagpa-panic na sabi nito.
Lalo niyang hinigpitan ang yakap at pilyong ngumiti. “I love you, Gem.” Bumaba ang tingin niya sa mga labi nito.
Ipinilig nito ang ulo at halatang naasiwa sa ayos nila. “I love you, too, Matt,” madaliang sabi nito. “Tara na. Baka may makakita sa atin dito.”
“Puwedeng pa-kiss muna?”
Lalong nanlaki ang mga mata ni Gemma. “Ha? Ayoko! Ayoko!” Nagpumiglas ito.
His heart sank with disappointment but his rational mind understood her. Pinakawalan niya ang dalaga at nauna na rin siyang lumabas ng classroom. “Okay. Tara na.”
“Matt,” habol naman nito. “G-galit ka ba?”
Palihim siyang napangiti. Nang bumaling siya kay Gemma ay seryoso ang kanyang anyo. “Para pa-kiss lang, eh,” aniyang kunwa ay masama ang loob.
“D-delikado naman iyon,” sabi ni Gemma tila takot ding mapalakas ang boses kahit silang dalawa lang ang naglalakad sa pasilyo.
“Para sandali lang,” nangongonsensyang sabi niya. “Alam mo ba iyon? Iyong sandali lang?”
Huminto sa paglakad si Gemma. “Sandali lang? Promise?”
Huminto rin siya sa paglakad. Halos umangat sa lalamunan niya ang kanyang puso sa rumaragasang tuwa. “Sandali lang. Promise.”
“Okay. Bilis na. Hangga’t walang tao.”
Sabay silang luminga sa magkabilang panig ng pasilyo. Then he turned to her. Yumuko siya at mabilis na ginawaran ito ng magaang halik sa mga labi.
Maybe it was just a fraction of a second. But he was sure the sweetness of that kiss would linger to him for a lifetime. It was his very first kiss no matter how brief it was!
“I love you, Gem,” maemosyong sabi niya. God he was so happy. Pakiramdam niya ay mapapaiyak siya sa tuwa. He reached for her hand. Nagpaubaya si Gemma. Pero pagkaraan lang ng ilang paghakbang nila ay bumitaw din ito.
“Nakalagay sa handbook, bawal ang PDA,” nakangiting paalala nito.
Nagkibit na lang siya ng balikat. Masyado siyang masaya para ipagtampo pa niya ang bagay na iyon.