ISANG linggo lang ang lumipas at sinabi sa kanya nina George at Rainier na napasagot na ng mga ito sina Kaye at Jillian. Hindi siya makapaniwala pero nakita naman niya ang ebidensya. Hindi na nakaingos ang dalawang babae. Bagkus, tila aabot na sa tenga ang mga ngiti.
Pero hindi pa rin dumikit si Hector sa mga ito. Sa sumunod pang mga araw ay naging constant sight na sa campus ang lima. Gemma looked like a fifth wheel. At habang hindi naman iniinda ni Gemma iyon, ang dalawang kaibigan nito ang problematic sa sitwasyong iyon.
“Pare, sumama ka sa amin,” aya ni George sa kanya.
“Welcome na ba ako sa dalawang maldita?” pabirong sabi niya.
“Mababait din pala,” sabi ni Rainier. “Sa una lang suplada.”
“Kungsabagay, ang bilis ninyong napasagot.”
“Siyempre, iba kapag tutok. Araw-arawin ba naman, eh,” ani George, tila nagyayabang.
“’Tado ka, baka mamaya, sasamantalahin mo naman? Makakarma ka niyan,” paalala niya dito.
“Pare, hindi! Actually, tinamaan din ako dito.” Itinapat nito ang isinarang palad sa dibdib. “In love na ako kay Kaye.”
“Ako man. Seryoso na ako kay Jillian,” sabi ni Rainier.
“Iyong dalawa ba, seryoso sa inyo?” tanong niya.
“Oo naman. We talked about it,” sabi ni George. “Goodbye na ako sa girls watching. Kami na ni Kaye palagi ang magkasama sa vacant period.”
“Same with us,” ani Rainier. “Problema nga tuloy ni Jillian si Gemma. Siyempre, walang partner si Gemma. Nagiging unwanted baggage siya.”
“Ano?” napataas ang tinig niya. Mapait sa panlasa niya na tila itinataboy ngayon ng dalawang babae ang minamahal niya. But then, nakita niya agad ang bentahe niyon. “Kaya ninyo ba ako isinasama?”
“Originally, idea ko ito, di ba?” sabi ni Rainier. “Papapelan namin iyong dalawang babae para maka-score ka kay Gemma. It’s happening now. Only, our feelings got involved. Okay na rin. Favorable pa rin sa atin ang end result, di ba?”
“Philosophy and logic ba iyan?’ kantiyaw dito ni George.
“’Tado!” ani Rainier bago bumaling uli sa kanya. “Matt, pagkakataon mo na ito. Makakalapit ka na kay Gemma. Legal na legal kasi gusto nina Jillian na magkaroon din ng partner si Gemma.”
“Saka gusto din nila na magkaroon din kami ng konting privacy. Palagi kaming lima kapag lumakad,” Sali ni George.
“Dahil kay Gemma?” kunot-noong sabi niya.
“Yes, at huwag kang magalit, okay?” si Rainier uli at tinapik siya nito sa balikat. “By the way, congrats! Okay na kayo ni Gemma, di ba? Bilib din ako sa inyo. Ang galing ninyong magtago. Walang kaalam-alam iyong dalawa sa inyo. Ang akala nina Jillian, puro aral lang ang inaatupag ni Gemma.”
Napangiti na siya. “O, sige, sasama na ako sa inyo. Pero teka, paano iyong mama ni Gemma? Baka naman trap lang iyan? Baka sina Kaye din ang magsusumbong sa mama ni Gemma na nakikipaglapit na si Gemma sa ibang lalaki?”
“Guwag kang mag-alala, pare. Hindi sila ganoon.besides, magde-debut na si Gemma. Kapag eighteen na siya, papayagan na siyang mag-entertain ng manliligaw. Medyo made-demote ka lang ng konti. From being a boyfriend down to suitor level but at least, puwede ka pa ring dumikit sa kanya.”
“Sigurado kayo, ha? Baka mamaya si Gemma ang mapapahamak dito?”
Napapalatak si George. “Naks! Talagang si Gemma ang number one concern niya.”
“Siyempre, mahal ko iyon!” nagmamalaking sagot niya.
LANGIT ang mga sumunod na araw kina Hector at Gemma. Nagkaroon sila ng maraming oras sa isa’t isa sapagkat may pansarili ring interes sina Jillian at Kaye na mapagsolo kapiling sina Rainier at George. May mga pagkakataong magkakasama din silang anim subalit mas marami ang oras na solo-solo ang kanilang mga drama.
Hindi na rin gaanong hatid-sundo si Gemma ng mama nito. Busy daw ito sa negosyo kaya hinayaan na itong mamasahero na lang. Mas madalas ay nagko-commute na lang ang dalaga pauwi. At kapag uubra, ipinipilit ni Hector na maihatid ang dalaga kahit hanggang sa entrance lang ng subdivision na tinitirhan ng mga ito.
Kasali rin siya sa plano ni Gemma para sa nalalapit na debut party nito. Bagaman nasa mama nito ang pinal na desisyon para sa gaganaping party, pinayagan din naman si Gemma na mamili ng mga isasali sa cotillion de honor at eighteen roses.
Kasali sina Jillian, Kaye, George at Rainier. At mas lalo naman siya.
“Sa debut mo, magsasabi ako sa mama mo,” aniya.
“Naku, huwag!” maagap na wika ni Gemma. “Magagalit iyon. Kabilin-bilinan niyang bawal akong makipag-boyfriend. Kapag eighteen na ako, puwede na daw akong magpaligaw pero huwag ko daw agad na sasagutin. Baka lalong maging istrikta sa akin iyon kapag nalaman niyang nag-boyfriend na ako agad.”
Natawa siya nang mahina. “Hindi ko naman sasabihing mag-boyfriend na tayo. Ang sasabihin ko lang, kung puwede akong umakyat ng ligaw.”
“Hindi ka natatakot sa mama ko?” arok nito.
“Iyong totoo? Natatakot. Sino ba naman ang hindi matatakot, itsura pa lang ay mataray na.” Malaya niyang nasasabi iyon dahil si Gemma mismo ay aminado sa itsurang iyon ng sariling ina. “Kaya lang, kailangan kong magsabi. Gusto kong makilala niya ako na tapat ang intensyon ko sa iyo. Nakaka-guilty din naman na palihim ang relasyon natin. Kung ako lang ang masusunod, gusto ko, nakalantad tayo. Mahirap itong palihim.”
“Alam mo naman kung bakit secret ito,” tila na-guilty na sabi ni Gemma.
Hinaplos niya ang pisngi nito. “Alam ko. Pero ngayong magiging eighteen ka na, magpapaalam na ako sa mama mo. Para at least, puwede na akong makalapit sa iyo. I mean, iyong makalapit nang hindi na kailangang magpatago-tago pa.”
“Paano kung halimbawa, ayawan ka ng mama ko? Paano kung hindi ka niya gusto para sa akin? Prangka iyon. Sasabihin niya agad kung ayaw niya sa iyo o hindi.”
Nag-alala siya. “Sana naman ay hindi. Hindi naman kita niloloko, di ba? At hindi kita lolokohin kahit kailan,” seryosong sabi niya. “I love you, Gem. Mahal na mahal kita.”
Napangiti ito. “Mahal din naman kita, Matt. Sana, walang maging problema sa inyo ni Mama.”
Ginagap niya ang kamay nito at masuyong pinisil. “Let’s hope so.”
“ANG POGI ng anak ko, ah?” may tuwang sabi ni Barbara kay Hector. Nasa tapat siya ng salamin at naglalagay ng hair gel. Hawak naman ng mama niya ang naka-hanger pang Barong Tagalog. Gabi ng debut party ni Gemma. At excited na kinakabahan rin siya sa okasyong iyon.
“Ma, nako-conscious naman ako niyan, eh,” aniyang ang tinutukoy ay ang pagtitig nito.
“Aba’y sa pogi ka namang talaga. Aber, kung ako ang nanay ng Gemma na iyon, bakit kita tatanggihan para sa anak niya? Guwapo na mabait pa,” at pagigil nitong pinisil ang pisngi niya.
“Kinakabahan ako, Ma. Masyado kasing istrikta ang mama ni Gemma.”
“Kapag tapat ang hangarin mo, hindi ka matatakot kahit kanino,” seryosong sabi nito. “Teka nga, palagi mo na lang bukambibig iyang Gemma na iyan, hindi mo naman dinadala dito.”
“Inaaya ko siya, Ma, kaya lang huwag daw muna. Nahihiya kasi.”
“Bakit siya mahihiya? Hindi naman ako nanlalapa ng tao.”
Napangiti siya. “Hayaan mo, Ma. One of these days, dadalhin ko siya rito. Medyo patago pa rin ang relasyon namin, eh. Alam mo na, may rules ang mama niya.”
Napaismid si Barbara. “Hindi ako kumporme sa ganyan. Lalo lang natutulak ang mga kabataan na maglihim kapag ganyan. Mapipigil ba naman ang pag-ibig? Tingnan mo ikaw, hindi kita hinihigpitan. Basta ba huwag lang mapapabayaan ang pag-aaral.”
Inakbayan niya ang ina. “Hindi ko po pinapabayaan ang pag-aaral ko. Matataas po ang grades ko,” malambing na sabi niya.
“Kaya nga natutuwa kami ng papa mo. May pagpapahalaga ka sa pag-aaral. Siya, lumakad ka na at baka ma-late ka pa sa party.”
Nag-taxi siya patungo sa bahay nina Gemma. Sina Rainier ay may kotse kaya lang ay out of the way sa kanya kaya tinanggihan na niya ang alok nitong sabay-sabay silang pumunta sa party. Pamilyar naman siya sa subdivision at ibinigay naman sa kanya ni Gemma ang address kaya walang problema.