9

1209 Words
IYON ANG akala ni Hector. Akala niya ay maluwag siyang makakapasok sa subdivision. Hinarang ng guwardiya ang sinasakyan niyang taxi kahit na ipinakita niyang imbitado siya at may papel na gagampanan sa debut. Bawal daw doon ang public transport. Wala siyang nagawa kaya bitbit ang barong na naglakad siya papasok sa subdivision. Ilang kalye ang kakailanganin niyang lakarin bago niya narating ang clubhouse kung saan gaganapin ang party. Pinawisan na rin siya. Pakiramdam niya ay tinakasan na siya ng pabangong iwinisik niya sa katawan at amoy ng pawis na lang ang natira sa kanya. Bahagya siyang nailang. Gusto pa naman niyang mabango siya at malinis kapag binati niya si Gemma. Iyon naman talaga ang malamang na nangyari kung pinapasok lang sa gate ang taxi na sinasakyan niya. Pero ayaw na niyang isipin pa iyon. Inisip na lang niya na sa CR muna siya tutuloy at aayusin ang sarili bago magtungo sa mismong party. Gusto niyang magpapogi sa harap ni Gemma. Alam niya maraming bisita. Tiyak na marami ding imbitado ang mama nito na malamang ay kagaya ng mga ito na mayayaman din. Inatake siya ng insekyuridad pero agad niyang isinantabi iyon. Ang kailangan lang niyang isipin ay ang pagkakaunawaan nila ni Gemma. At iyon ang mahalaga. Naisip niya ang pagkatao niya. Wala pang ideya si Gemma kung sino siyang talaga. She was always calling him Matt—kagaya ng tawag sa kanya ng lahat ng kakilala niya ngayon. Wala siyang balak na manatiling hanggang ganoon lang ang pagkakakilala sa kanya ni Gemma. Mahalaga sa kanya ang dalaga. At karapatan nitong malaman kung ano siya talaga. Someday soon ipagtatapat niya kay Gemma ang buhay niya bago siya naging si Matthew Timothy Lim. Hindi man iyon kumpleto dahil may bahagi ng alaala niya na nawawala pa hanggang ngayon, ang importante ay maipaalam niya kay Gemma ang simula ng pagkatao niya. Natanaw na ni Hector ang clubhouse. Maliwanag na maliwanag iyon at malakas ang tunog ng masiglang tugtog na pumapailanlang sa paligid. Sinulyapan niya ang relo. Malapit nang magsimula ang party. Binilisan niya ang paglalakad. Ayaw niyang mahuli siya. He got intimidated when the entered the clubhouse entrance. Ang mga kasabay niyang pumapasok doon ay pawang galing sa kalapit na parking lot. Bihis pa lang ay makikilala na kung ano ang katayuan sa buhay. Napatingin si Hctor sa sarili at sa barong niya na nakasampay sa kanyang braso na iniingatan niyang malukot. Sa Divisoria binili ng Mama niya ang barong na iyon. Maganda at maraming burda dahil gawang-Laguna daw pero alam niya, higit na naggagandahan ang suot ng iba. Ang iba nga ay naka-tuxedo pa. “Pare!” Kaagad na lumingon si Hector. Kilala niya ang boses ni George. At napahanga siya nang makita ang bihis ng mga kaibigan. Kapwa naka-barong na sina George at Rainier. Parehong lalong naging guwapo, mas nagmukhang chickboy. Tiyak niya, kahit may girlfriend na ang mga ito, aani pa rin ito ng mga paghanga sa iba. “Bakit nakaganyan ka pa?” pansin ni Rainier sa kanya. “Naglakad lang ako,” bahagyang nahiya na sabi niya. “Hindi pala pinapapasok ang taxi dito.” Napangiwi si George. “Di, ang layo ng nilakad mo. Ang layo nito sa gate. Sana pala nagsabay-sabay na tayo sa pagpunta.” “Oo nga, eh. Pinawisan na ako. Magsi-CR muna ako.” “May baon akong pabango, gamitin mo,” ani George at nagmamadaling bumalik sa parking lot.” Nauna na siya sa CR. Mayamaya ay sinundan siya doon ni George at inabot ang inaalok na pabango. Tinanggap niya iyon at iniwan na rin siya nito upang puntahan naman si Kaye. Ilang sandali pa ay patungo sa siya sa main hall. HECTOR stopped in his tracks. Sa dami ng tao sa bulwagan ay namumukod ang ganda ni Gemma hindi lang dahil sa siya ang debutante kundi sa tunay na napakaganda niya ng mga sandaling iyon. His heart beat with joy and pride. Pinigil niya ang sariling ipagsigawan na siya ang espesyal na lalaki sa puso ni Gemma. Excited na naglakad siya palapit dito. Tanging si Gemma lang ang pinag-uukulan ng atensyon niya. Anhin na lang siya ay hakbangin ng isa ang distansya palapit sa dalaga. He couldn’t wait to greet her. Their eyes met. Nabasa niya ang kasabikan sa mga mata ni Gemma at matamis itong ngumiti sa kanya. Sinuklian niya iyon ng mas matamis na ngiti. Lalo siyang naging excited na makalapit dito. Ilang yarda na lamang ang pagitan nila nang may humarang sa kanya. “Who are you?” Kagyat siyang napahinto. Pakiramdam niya ay mayroong isang makapal na pader na biglang nabuo sa pagitan nila ni Gemma. Ni hindi siya nakapagsalita agad. Ang tanging nagawa niya ay tumingin lamang sa babaeng humarang sa kanya. Ang mama ni Gemma. Lalong aristokrata ang anyo nito ngayon. Nagkikislapan ang mga brilyanteng naka-adorno sa katawan nito. Magarbo din ang suot na gown. “Nasa listahan ka ba ng mga bisita?” may pagsisinong tanong muli nito sa kanya. Napalunok siya. “O-opo. Ako po si Matt Lim. Nasa eighteen roses po ako.” Tiningnan siya nito mula ulo hanggang paa. “Ngayon lang kita nakita. Kaklase ka niya? Taga-saan ka? Kamag-anak mo ba si Generel Lim?” tukoy nito sa isang sikat na heneral na mayaman din ang angkan. “Magka-eskuwela po kami. Taga-Novaliches po kami. Hindi po nababanggit ng parents ko na kamag-anak namin si General. Baka po magkaapelyido lang kami.” At sa likod ng isip niya, alam niyang kung dugo niya mismo ang tutukuyin ay lalong hindi niya kamag-anak ang taong iyon. Tumikwas ang sulok ng labi nito, halata ang mabilis na disgusto sa kanya. Muli ay hinagod siya nito ng tingin mula ulo hanggang paa at pagkuwa ay walang salitang iniwan na siya. Hindi agad na nakakilos si Hector. Hindi niya alam kung dapat siyang makahinga nang maluwag o mas dapat na lalo siyang mag-alala. Namalayan na lang niya na nasa harapan niya si Gemma. God, she was indeed beautiful. Lalo itong naging maganda sa suot nitong gown na tila sa isang prinsesa. Dalagang-dalaga na si Gemma. “Anong sinabi sa iyo ni Mama?” Pahapyaw niyang sinagot ang tanong nito. At nadiskubre niyang tila nanginginig siya sa tensyon. “Pagpasensyahan mo na. Hindi lang ikaw ang tinanong niya. Pati iyong iba nating kaeskuwela, lalo na iyong hindi kasali sa cottilion. Iyong mga nagpa-practice lang kasi sa cottilion ang pamilyar sa kanya.” Pinilit niyang pawiin ang tensyon at nginitian na lamang ang dalaga. “Happy birthday, Gem.” “Thank you. Nasa gawi doon sina George. I’m sure sa kanila ka makiki-table. Matt, doon ako uupo, eh,” tila nanghihingi ng paumanhin na sabi nito. Itinuro nito sa espesyal na silyang nakalagay sa gitna ng bulwagan. May backdrop iyon na balloon arrangement. Tumawa siya nang mahina. “Of course, I understand, Gem. Masaya na ako na maging bahagi ng okasyong ito.” Ipinamulsa niya ang kamay. Nakapa niya doon ang munti niyang regalo. Gusto niyang maghintay ng tamang sandali upang ibigay iyon. Later, aniya sa sarili. “Sige, Gem. Doon na muna ako. Alam kong marami ka pang eestimahing bisita.” “Magsasayaw tayo mamaya,” mahinang habol sa kanya ng dalaga. “Of course, love,” sagot niyang tila ipinadala sa hangin ang mga salita.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD