Napatingin si Roselda sa hawak niya. Isa itong lalagyang parang lantern, yari sa halamang-dagat na tila alambre at napapaikutan ng sobrang manipis na sinulid na waring hibla ng buhok. Kaya lang hindi ilaw ang nasa loob nito kung hindi mga isda. Tatlong kakaibang mga isda. Malaki ang kanilang bunganga na napupuno ng matutulis na mga ngipin. Parang may katarata ang kanilang mga mata at animo'y bulag. Sa kanilang noo, nakausli ang palawit na tila may mumunting bombilya sa dulo na nagliliwanag. Maging ang kanilang mga katawan ay nagbibigay ng malaputing-bughaw na liwanag. "Mga sarilaw." Narinig niyang sabi ni Rabalya. O Sarapay, ayon pa kay Managat. Hindi niya alam kung ano ba ang kanyang itatawag sa matandang sirena, na siya palang kanilang hinahanap at ina ni Managat. "Dito sa mundo ng mga

