Hanggang mag-umaga hindi ako nakatulog dahil sa lamok, dahil mainit, at higit sa lahat dahil sobrang tigas ng hinihigaan ko. Sumakit tuloy ang likod ko paggising. Kainis. At mas lalo pa akong nanlumo nang makita ang repleksyon ko sa salamin na sabog ang hitsura. Maitim pa ang eye bags. Mapula rin ang mga mata ko dahil sa walang tulog buong magdamag.
Mabuti na lang talaga at hindi ko 'to mukha. Hayst. Naghanap na lang ako ng malinis na damit sa drawer ni Fellen. Mabuti na lang at nakahanap ako ng white T-shirt at shorts. In fairness, magaganda ang mga damit niya. Hindi nga lang mamahalin. At sobrang ayos ng mga damit niya na parang sinunod sa kulay ng rainbow.
Pinagmamasdan ko ang sarili ko sa salamin. Napailing na lang ako nang mapansing hindi bagay sa akin ang may salamin. Bakit ba kasi siya nagsasalamin? Kinuha ko ang salamin sa mata ko pero kaagad na nanlabo ang paningin ko kaya ibinalik ko ulit ito. What the?! Malabo pala ang mata niya kaya nagsasalamin. Akala ko for fashion lang. So, wala akong choice kundi ang magsalamin? Mukha akong nerd! Kainis!
Pagkababa ko, naabutan ko ang nanay nila na may dalang basket na may lamang tambak na damit. Maglalaba siguro. Hindi ko na lang ito pinansin dahil gutom na ako. Hindi pa naman ako kumain kagabi. Ano kayang ulam?
Pagpasok ko sa kusina, may nakita akong bagay na nakatakip sa mesa. Binuksan ko ito at tumambad sa akin ang pritong kanin at tortang talong na naman. Ano ngayon ang kakainin ko? Hindi pa naman ako sanay sa ganito.
"Pakainin mo na ang mga kapatid mo, Fe. Maglalaba lang ako," bilin ng nanay nila bago lumabas ulit na may dalang sabon. Pagkatapos niyang lumabas ay sakto namang pumasok ang limang bata pati na rin si Larymel na hindi man lang makatingin sa akin. Siya ang umasikaso sa mga kapatid niya habang ako ay nakatayo lang sa gilid at nakatingin sa kanila.
"Oh? Kumain ka na," utos nito matapos asikasuhin ang mga kapatid.
"I told you... I'm allergic," mahinang bulong ko.
"Allergy. Allergy. Kumain ka na nga lang. Ang dami mo pang sinasabi," ani niya.
Nakakainis talaga siya. Napabuntong-hininga ako sa inis. Hindi pa rin talaga siya naniniwala sa akin at sinakyan lang ang sinabi ko noon. Labag man sa loob ko pero naupo ako kasama nila at kumuha ng sarili kong pagkain. Hindi ko halos maigalaw ang kamay kong may hawak na kutsara na may lamang kanin at tortang talong. Napalunok ako nang maisubo ko na ito.
It tastes... different.
Hindi ko pa ito nalalasahan kahit kailan. Napatingin ako sa braso ko. Hindi ako namamantal.
Oh my God.
So, hindi ako allergic sa katawan ni Fellen? Ang ibig sabihin ba nito ay puwede ko nang kainin ang lahat ng bawal sa akin?
Lumuwag ang pakiramdam ko sa isiping iyon.
"Ano 'yang mukhang 'yan? Parang ngayon ka lang nakatikim ng pritong talong," komento pa ni Larymel pero hindi ko na ito pinansin. Kumuha ulit ako ng ulam.
I don't know why, but it tastes so good.
Maybe dahil first time ko itong malasahan.
Napasarap yata ang kain ko at halos maubos ko ang kanin.
"Ate, gusto mo ba sa'yo na lang 'tong kanin ko?" alok ng isa sa kambal.
"Isay, ubusin mo na 'yan," sabat ni Larymel at tumingin sa akin. "Ang takaw mo ngayon."
Inikutan ko na lang ito ng mata.
Matapos kumain ay isinama ako ni Larymel sa palengke at mamimili raw kami ng groceries. Kaagad akong sumama dahil ayaw kong manatili sa bahay nila. Sobrang init.
Siya lang ang namili at sumusunod lang ako sa kanya.
"Hindi ka pa ba tapos?" bagot kong tanong habang nakatingin sa kuko ko.
"Tumahimik ka nga lang. Kanina ka pa," medyo may inis na sa tono ng pagsasalita nito kaya tumahimik na lang ako pero palihim ko siyang minumura sa likuran niya.
Tsk.
Ang sungit-sungit kasi.
Halos dalawang oras siguro ang lumipas at sa wakas ay pauwi na rin kami. Pero ang nakakainis ay kailangan pa naming maglakad papunta sa paradahan ng mga tricycle.
"Lola Rosa! Magandang araw po."
Napatingin ako kay Larymel nang lumapit ito sa matandang nakaupo sa bakal na upuan sa gilid ng daan. Tumaas ang kilay ko nang mapansing pamilyar ang matanda.
Saan ko nga ba siya nakita?
"Kamusta ka na, Neumie?"
Natigilan ako nang banggitin nito ang tunay kong pangalan.
Paano?
Kaagad akong lumapit sa kanya.
"Kilala n'yo ako?" gulat kong tanong.
Ngumiti ito sa akin.
"Oo naman. Kamusta ka na? Kaya mo pa ba?"
Makahulugan ang ngiti nito.
Doon na ako natauhan.
"Ikaw ba ang may gawa sa akin nito?" seryoso kong tanong.
Akala ko tatanggi siya pero hindi.
Ngumiti pa ito at tumayo.
Naramdaman ko kaagad ang pagtaas ng inis ko.
"Lola Rosa... ano pong—"
Pinutol ko ang tanong ni Larymel.
"Ibalik n'yo na ako, please..."
Hinawakan ko ang kamay niya at nagmakaawa pero wala itong sagot.
"Please... ayoko na dito."
Tumulo na ang luha ko pero nakangiti pa rin ito.
Dahan-dahan niyang binawi ang kamay niya sa akin at umatras saka tumingin kay Larymel.
"Ikaw na ang bahala sa kanya, Larymel. Alam kong kaya mo siyang tulungan."
"Ano pong ibig n'yong sabihin?"
"Lahat ng sinabi niya ay totoo. At ikaw lang ang nag-iisang taong makakatulong sa kanya upang makabalik siya sa katawan niya."
"Lola..."
Mabilis akong lumapit ulit sa matanda at lumuhod sa harapan niya.
"Please... bakit mo ba ginagawa sa akin 'to? Anong kasalanan ko sa'yo?" naiiyak kong tanong.
"Sa akin? Wala. Pero sa mga taong inapakan mo... marami."
Natigilan ako sa sinabi niya.
"Minsan kailangan nating humantong sa ganitong sitwasyon para matuto tayo sa kamalian natin. At ikaw..." Tiningnan niya ako sa mga mata. "Kailangan mong tapusin ang misyon mo para makabalik."
Tumayo ako.
"What mission?"
"Ikaw lang ang makakaalam no'n—"
"What do you mean?! Sabihin mo na ngayon para matapos ko na!" Nagsimula nang umusbong ang galit sa dibdib ko.
"Hindi puwedeng madaliin ang itinakdang mangyari, hija. Kailangan mong matutunang mamuhay katulad ng mga taong inaapi mo. Dahil sa malaking kasalanan mo sa kanila, ikaw naman ngayon ang magdurusa."
"Wala akong ginagawang masama!"
"Talaga ba?"
Hindi ako nakasagot.
"Kailangan mong mamuhay sa katawan ng isang mahirap para matutunan mo kung gaano kahalaga ang bawat sentimong itinatapon mo lang."
"Matutunan? Bakit ko naman kailangang matutunan 'yon? Duh! Hindi ko kasalanan na ipinanganak akong mayaman!"
"Pero hindi rin nila kasalanan na ipinanganak silang mahirap, hija."
Tuluyan na nga akong natigilan at walang maisagot sa kanya.
"O siya. Mauna na ako... hanggang sa muli nating pagkikita."
"No! Wait!"
Susundan ko na sana ito nang pigilan ako ni Larymel.
"Let me go! Ano ba!" inis kong sigaw dito.
"Tumigil ka na."
"No! Kailangan ko siyang makausap ulit! Bitawan mo nga ako!"
Nagpumiglas ako pero malakas siya.
"Sabi nang tumigil ka na!!"
Doon na ako natigilan nang sumigaw siya sa akin.
Napatingin ako sa kanya.
May galit na sa mga mata niya habang nakatingin sa akin.
Napilitan akong kumalma.
"Gulong-gulo ako kaya puwede ba, itikom mo 'yang bibig mo?"
Inis na binawi ko ang braso ko sa kanya.
"No! I can't wait any longer. Gusto ko nang bumalik sa buhay ko at wala akong pakialam sa mission na sinasabi ng matandang 'yon. Gusto ko nang bumalik! Hindi ka ba nakakaintindi? Ayoko na dito! Ayoko na sa masikip at mainit n'yong bahay, ayoko na sa mahirap n'yong buhay! Ayoko na! Gusto ko nang umuwi!"
"Hindi ka ba nakakaintindi sa sinabi ni Lola Rosa?"
"Wala akong pakialam sa sinabi niya! At wala akong ginagawang masama!"
Tiningnan niya ako nang seryoso.
"Sa sama ng ugali mo, matatagalan kang bumalik," ani niya sabay lakad palayo.
Natameme ako.
What the hell?!
Napasigaw ako sa pinaghalong galit at frustration.
"Ayoko na dito! Ibalik n'yo na ako!!! Ah!!!"