Naya’s POV
Ang bilis gumalaw ni Boss Jelo, agad-agad, naka-display na sa labas ng clothing shop ang mga naging picture ko suot ang mga clothing design niya. Ngayong umaga kasi ay iyon ang bumungad sa akin sa message ni Tori. Tuwang-tuwa ang gaga kasi talagang naging model na raw talaga ko. Tawang-tawa naman ako nang sabihin pa niya na iritang-irita raw si Aletta nung makita ang malaking picture ko sa labas ng clothing shop. Pati nga ‘yung loob daw ng shop ay may mga picture ko rin. Sa totoo lang, hindi ko rin alam kung anong trip ni Boss Jelo, pero kahit ganunpaman, okay sa akin ‘yon dahil mas tumaas ang kita ko at mas dumami pa ang oras at araw ko na wala akong gagawin.
Bumangon na ako at lumabas ng kuwarto ko matapos magligpit ng higaan. Sa sala, nakita ko si mama na nakangiti habang panay ang scroll sa social media niya sa cellphone na bigay sa kaniya ni Ate Ayah. Nilapitan ko siya, napangiti ako nang makita kong page pala ng clothing shop ni Boss Jelo ang tinitignan niya. Naka-post na rin kasi sa page ang mga naging picture ko. Pati cover photo at display picture ay mukha ko na rin ang laman.
“I’m so proud of you, anak. Napakaganda mo pala kapag nakaayos. Para kitang hindi anak, ang ganda-ganda mo. Mukha ka talagang model sa mga picture mo.” Ramdam ko kay mama na proud na proud siya sa akin. ‘Yung mga ngiti niya kasi at tawa ay may halong pangingilid ng luha.
“Simula na ‘yan, anak. Sana mas sumikat ka pa,” singit naman ni papa na tumabi kay mama. Talagang gusto ni papa na sumikat ako. Well, okay naman sa akin kung sisikat talaga ako. Kaya lang bilang ano, model? Sabagay, hindi ko rin naman inaasahan magiging model ‘yung dating dugyot na si Thiago. Ngayon, napa-wow talaga ako sa new look niya.
“Pa, Ma, kung susuwertihin akong sumikat pa nga lalo, why not. Basta, tandaan ninyo na kapag may isa sa umangat sa amin ni Ate, isasama ko kayo. Para sa inyo ang mga pangarap namin. Kung dati, hirap na hirap kayo sa pagpapalaki sa amin ni ate, ngayong malaki na kami, kami naman ni ate ang bahala na sa inyo. Gusto namin, chill na lang kayo sa buhay.”
Napatulo lalo ang luha ni mama dahil sa sinabi ko. Inabot niya sa akin ang mga kamay ko para yakapin ako kaya lumapit naman ako. Nag-group hug kaming tatlo habang humahagulgol si mama. Hindi ko naiwasang mahawa. Napakababa rin kasi talaga ng mga luha ko.
**
Nung hapon, habang free time ako, nag-aya naman si Thiago na gumala. Akala ko kung saan niya ako dadalhin, ‘yon pala, grand opening na pala ngayon ng pinatayo niyang restuarant dito sa bayan.
“Nathia restuarant? Anong ibig sabihin niyan? Saka, anong mga pagkain ang makakain diyan?” tanong ko sa kaniya.
“Hindi mo manlang ba nahalata?” tanong din niya na kinakunot ng noo ko kasi hindi ko talaga gets ang pangalan ng restuarant niya. Tinignan ko pa ulit ang pangalan at tinitigan ko pang mabuti.
“Uy, congrats, Thiago. May anak ka na? Pangalan ng anak mo ‘yan restuarant?” pasigaw kong sabi sa kaniya kasi nagulat talaga ako.
Bigla naman siyang sumibangot. “Slow talaga minsan ang utak mo. Mabuti pa, pumasok na tayo sa loob. Kainin mo ang mga gusto mong kainin, libre ka ngayon dito sa restuarant ko,” sabi niya habang akay-akay ako.
Pagpasok sa loob, ang daming tao. Ang laki-laki rin nitong loob. Halatang pinaggastusan niya ng husto. Ang dami na rin talagang pera nitong kaibigan kong ‘to.
“Iwan muna kita, ikaw nang bahalang mamili kung anong kakainin mo. Makikibalita muna ako sa office ko kung may problema ba,” paalam niya sa akin kaya tumango na lang ako. Alam ko naman na busy rin talaga siya. Kung bakit naman kasi sinama pa niya ako sa oras niya gayong dapat e, ibuhas na lang niya ang buong time niya sa grand opening nitong business niya.
Ngayon ko lang napansin na may live band din pala. Bigla kasing umakyat ‘yung singer sa stage. Sinuri kong mabuti itong restuarant niya. Ang gara kasi halo-halo pala dito. May korean food, japanese food, vietnamese food at taiwan food. Kumabaga, pinagsama-sama niya sa iisang restuarant ang lahat ng mga asian food.
Sinamantala ko naman ang pagkakataon na matikman ang mga pagkain niya rito. Habang busy pa siya sa office niya, tinikman ko ang lahat ng masasarap na pagkain dito.
Habang kumakain ako, may mga vlogger na tagarito ang lumalapit sa akin. Pinagha-hi nila ako sa mga vlog nila. May iilan din nagpapa-picture kaya nahihiya pa rin talaga ako. Busog na busog na ako nung lapitan ako ulit ni Thiago.
“So, ano. Okay ba ang mga food dito?” tanong niya sa akin nang maupo na rin siya sa mesa ko.
“Grabe, Thiago, solid ang mga pagkain mo dito. Hindi puwedeng hindi ko madadala rito sina mama, papa at ate ayah. Pang-international ang lasa ng mga pagkain mo,” puri ko sa kaniya kaya nakita kong napangiti siya.
“Yan talaga ang inaasahan kong sasabihin mo. Salamat at nagustuhan mo. Ngayon, makakahinga na ako ng maluwag. Kasi, alam kong marunong kang tumikim ng mga pagkain na hindi masarap at masarap. Kapag kako sinabi mong hindi masarap, magpapalit talaga agad ako ng menu at ng mga chef,” pabiro pa niyang sabi kaya napalo ko siya sa braso niya.
“Baliw ka talaga.”
“Anyway, nakita ko na ‘yung mga naging photo mo doon sa clothing shop na ‘yon.” Ngumiti siya at tumango-tango. “Parang puwede kang maging model, base sa mga nakita kong posing at pagiging seryoso mo sa mga picture. Tell me kung gusto mong ituloy ang pagiging model, tutulungan kita,” sabi pa niya kaya parang nagkaroon ako ng idea.
Pero, naisip ko, hindi ko ‘yon ang pangarap ko pala. Ayokong maging model. Ayokong sumikat bilang model. Kagabi, napag-isip-isip ko, gusto ko talagang maging sikat na rapper. Kaya lang, ang problema ko, panglamay ang boses ko. Ewan ko gusto kong maging rapper dahil siguro kay Stefano.
“Pero, gusto mo bang maging model, Naya?” tanong pa ni Thiago.
Matagal bago ako sumagot. Nahihiya kasi ako sa kaniya. “Actually, gusto kong maging rapper,” nahihiya kong sabi.
Napatakip siya ng kamay sa bibig. Parang pinipigilan niya ang pagtawa niya. “N-naya, hindi kita gustong pagtawanan pero nakakatawa ‘yang sinabi mo.” hindi na niya napigilan ang sarili niya. Tumawa na siya. Tawa na lalong nagpahiya sa akin. Ang seryoso ko pa naman sa sinabi ko tapos tatawanan niya lang ako. Sabagay, bakit naman kasi rapper pa ang napili ko e. Parang ang layo-layo ko naman talaga sa itsura ng pagiging rapper.
“Rapper ng lumpia, puwede pa. Pero kung kagaya nila Stefano at Livia na magaling mag-rapper, parang malayong maging ganoon ka. Sorry, Naya, pero parang mas maganda kung magiging model ka na lang.”
Tumayo ako at nag-walk-out. Nainis ako sa sinabi niya. Akala niya nagjo-joke ako. Hindi niya alam na seryoso na ako sa sinasabi ko. Nakakainis siya. Hinabol niya ako pero hindi ko siya pinansin. Mabuti na lang at nakasakay agad ako sa tricycle. Panay ang sigaw niya sa pangalan ko pero tuluyan ko na siyang hindi pinansin. Bahala siya sa buhay niya.