Lumipas ang araw, linggo at buwan.
“Push! Push Mrs. Ledesma, push!” iyon ang wika ng Doctor habang nasa paanan ng kasalukuyan nang nanganganak na si Carmina.
Eksaktong pang siyam na buwan na iyon ng pagbubuntis niya at noong umagang iyon, pagkagising ay may naramdaman na siyang kakaibang likido sa kanyang underwear. Pagbangon niya upang tingnan iyon sa banyo ay tsaka na lumabas ang pagkarami raming tubig mula sa kanyang pwerta. Alam niyang panubigan niya na iyon kung kaya agad na niyang ginising ang asawa.
Napabalikwas naman sa pagbangon si Arnulfo. Agad na itong nagbihis ng pang-alis at inalalayan siya` pababa ng bahay dirediretso papunta sa sasakyang naghihintay na sa kanila. Everything was ready na kabilang na ang mga gamit ng bata na kasalukuyan nang nasa loob ng sasakyan. May kaba man silang nararamdaman noong mga oras na iyon, iyon ay dahil lamang sa excitement dahil wala namang dapat ipag-alala dahil maayos naman ang kalagayan ng bata maging si Carmina sa loob ng siyam na buwang pagdadalang tao nito.
“The baby is crowning. Isang push pa at lalabas na ang baby ninyo, Mrs. Ledesma…. 1, 2, 3, push!”
Kasunod ng pagsasabing iyon ng Doctor ay ang mahigpit na paghawak niya sa mga kamay ng asawang si Arnulfo, kasabay ng pagsigaw niya ng malakas habang buong lakas rin ang ginawa niyang pag-iri. Maya-maya pa ay narinig na nila ang pag-iyak ng bata.
“Congratulations! It’s a bouncing baby boy!” saad ng Doctor nang ipakita ito sa kanila. Ginabayan nito si Arnulfo upang ito na ang magputol ng unbilical cord ng bata at nang malagyan iyon ng clamp ay inilagay na sa ibabaw ng dibdib ni Carmina.
They were in tears out of pure happiness at that moment. Sa wakas ay buo na ang kanilang pamilya. Ang pamilyang matagal na nilang pinagdasal at pinangarap.
***
Lumipas pa ang ilang buwan.
It was Uno’s six months celebration noong dumalaw sila sa isang ancestral church sa labas lang ng kanilang lungsod. Tamang tama ay katatapos lang noon ng termino ni Arnulfo. Napagpasyahan nitong magpapahinga muna sa pulitika at magpo-focus muna sa pamilya nito. Doon ay humingi sila ng pasasalamat sa lahat ng mga biyayang natatanggap nila sa araw araw lalong lalo na sa gabay sa kanilang buhay may-asawa. Wala na silang mahihiling pa dahil biniyayaan sila ng Diyos ng malusog, at masayahing anak.
Sa harap ng altar ng simabahan ay tandang tanda pa ni Carmina noong ilabas niya ang sama ng loob sa Diyos noong latagan siya ng annulment paper ng asawa. Pinagtitinginan siya ng mga tao noon dahil sa walang tigil niyang pag-iyak. Parang kelan lang noong nangyari iyon. At ngayon nga ay dala dala na nila ang batang inire-request nila sa bawat panalanging isinasambit noon.
Magkasabay silang lumabas ng simbahan noong matapos ang misa. At paglabas nila ay agad niyang napansin ang pamilyar na matandang babaeng tila pinagkakaguluhan sa isang tabi ng daan.
Mabilis niyang namukhaan ang babae, sa pagkakatanda niya ay ito ang babaeng nag-alok sa kanya na tutulungan siyang maayos ang married life nila sa pamamagitan ng pag-oorasyon sa panyo ng kanyang asawa upang bumalik ang pagmamahal nito sa kanya.
Sa puntong iyon ay kinausap niya muna ang asawa upang ipakarga dito ang anak. Gusto niya kasing kausapin ang matandang babae upang pasalamatan ito sa ginawa nito sa kanilang pamilya.
Ngunit hindi pa man nakakalapit dito ay nagulat na siya sa nasaksihan ng mga mata. Paano’y inaaway ito ng mga tila ba naging costumer nito.
Gusto niya sanang sawayin ang mga taong iyon sa ginagawang pang-iinsulto at pagmamaliit sa matandang babae ngunit may isa nang lalaking tanod na lumapit at pinaalis ang mga taong tila dahilan ng pagkabalisa ng babae.
“Isa rin ho ba kayo sa nagoyo ng matandang babae na ‘yan?” tanong ng tanod sa kanya nang hindi pa siya lumalayo roon.
“Ho?” naguguluhan naman niyang tanong.
“Kung isa kayo sa nagrereklamo ng naloko ng babaeng ‘yan eh wala ho kayong magagawa at wala naman talagang kakayahang manggayuma ang babaeng ‘yan. Ilang taon na ho iyang wala sa tamang pag-iisip.”
Nagulat siya sa ipinagtapat nito. Paanong wala sa tamang pag-iisip eh matinong matino nga ito noong nakausap niya noong nakaraan.
Pinagmasdan niya ang matandang babae. Sinisigawan nito ang mga taong naroroon at inaambaan ang mga nagtatangkang lumapit.
Napamaang na lamang siya. Hindi niya akalain na isa siya sa mga taong napaniwala sa inalok nito noong panahong iyon. Ngunit bakit naman kasi hindi siya maniniwala eh kapanipaniwala naman talaga ang matandang babae noong nakaraan. Dahil doon ay napatawa na lamang siya sa sarili. So ang lagay ay hindi naman pala talaga ito totoong manggagayuma at hindi rin totoo na natulungan siya nito para mapaibig ulit ang asawa.
“Tara na mahal,” bahagya siyang nagulat noong hawakan siya sa kamay ni Arnulfo. Doon ay natauhan siya at naglakad na kasabay ang mag-ama papunta sa sasakyang nakaparada sa hindi kalayuang parking area ng simbahan.
Ilang minuto rin siyang hindi nakaimik tungkol sa nalamang iyon hanggang sa makauwi ng bahay. Noong gabing iyon ay kinausap niya ang asawa.
“Mahal, ano nga pala ang totoong dahilan bakit nag file ka na lang ng annulment? I mean, given naman na talaga na matagal na tayong nag-struggle na magkaroon ng anak, we fought and agreed na dadamayan ang isa’t isa pero bakit bigla bigla ka na lang nakapag desisyon ng ganoon? Does it mean nawala na lang ang interest at pagmamahal mo sa akin?” interesado niyang tanong habang pinapagitnaan nila ang anak na kasalukuyan nang natutulog habang nakahiga sa kanilang kama.
“I was just mad and tired of the situation at that time kaya inisip kong makipaghiwalay na lang. Pero kailanman hindi nawala ang pagmamahal ko sa iyo. Sadyang ma-pride lang ako at reckless sa mga actions and words na binibitawan ko, pero ang totoo hindi ko naman kaya na mawalay ka sa akin kahit isang araw lang,” sagot nito. “Ito ang pakatatandaan mo mahal, hinding hindi na iyon mangyayari lalo pa’t nandito na si Uno. Aalagaan ko kayo at hinding hindi sasaktan,” saad pa nito kapagkuwan.
Malaki naman ang pagkakangiti niya sa mga naririnig sa bibig ng asawa. One thing she realized today, hindi pala talaga ang gayuma ang dahilan ng pagbabalik nito sa kanya. Kung hindi ang walang sawang pag-aalaga niya at pagmamahal sa lalaki.
“Sa buhay, hindi maiiwasan na darating ang mga pagsubok, ang mahalaga kahit ano pa ang solusyon na maisip mo ay hindi ka susuko.”
WAKAS