"G-Gavin?" gulat na sambit niya habang nakatitig sa mukha nito. “Tinawagan ko siya kanina. Alam kong kailangan ninyong mag-usap,” tugon naman ni Mang Damian. Laglag naman ang kanyang balikat na tumigin kay Mang Damian bago muling tumingin kay Gavin. “Bakit sinundan mo pa ako dito?” dismayadong tanong niya rito. Biglang binalot ng takot ang kanyang puso. Takot na makasama itong muli dahil alam niyang malapit lang ang kapahamakan sa piling nito. Malapit lang hanggang nandiyan si Don Guillermo. “Bakit ka umalis?” Sa halip na sumagot sa kanyang tanong ay iyon ang namutawi sa mga labi nito. Kita niya sa mga mata nito ang labis na lungkot at pag-aalala. Hindi naman niya masagot ang tanong nito. Pakiramdam niy ay nalunok niya ang sariling dila. Nabalot ng kaguluhan ang kanyang pag-iisip.

