Cassey's POV
"Hindi mo pa sinasagot ang tanong ko. Sino ka at anong ginagawa mo rito?" Dahan-dahan siyang lumapit sa'kin habang ako ay napako sa kinatatayuan ko at hindi alam ang gagawin. "Saan ka galing? Anong nilalang ka? Isa ka bang Parician?"
Nakatitig ako sa mga mata niyang seryosong nakatingin sa'kin. "H-Hindi ko—"
"Isa kang tao." Nagulat ako nang bigla niyang hablutin ang braso ko. "Paano ka nakapunta rito?"
"N-Nasasaktan ako." Pinipilit kong tanggalin ang kamay niya sa braso pero masyado yung mahigpit. "B-Bitawan mo ako!"
Hinigit niya ako palapit sa kaniya kaya hindi inaasahan ang pagbangga ko sa dibdib niya. Halos mamilog ang mga mata ko dahil sa ginawa niya.
"Sagutin mo ang tanong ko! Paano ka nakapunta rito!? Sino ka!?" Sigaw niya.
Nanginig ako sa takot habang nakatingin sa mga mata niya. "H-Hindi ko alam kung pa'no ako nakapunta rito. A-Ang natatandaan ko lang, n-nasa library ako ng school namin, t-tapos nakita ko yung kakaibang libro na 'yon at hinigop na ako papunta rito."
Hindi siya sumagot at tinitigan lang ako sa mga mata ko kaya napaiwas ako ng tingin sa kaniya. Unti-unting lumuwag ang pagkakahawak niya sa kamay ko hanggang sa binitawan na niya ako at inilayo ako sa kaniya. Hindi pa rin nawawala ang pagiging seryoso ng kaniyang mukha.
"Hindi ka dapat nandito. Bawal ang mga tao rito. Bumalik ka na sa mundo ng mga tao." Pagkatapos niyang sabihin 'yon ay nilagpasan niya ako. "Wala kang maaalala pagbalik mo sa mundo niyo." Naglakad na siya paalis.
"Sandali!" Muli siyang lumingon sa'kin. "N-Nasa'n ba ako? A-Anong lugar ba 'to?"
"Kahit sabihin ko sa'yo, hindi mo na rin naman maaalala 'pag nakabalik ka na sa mundo mo."
Hindi ko maaalala?
Kahit nalilito at naguguluhan ako sa nangyayari ay pinilit kong hindi ito ipahalata.
"P-Pwede mo ba akong tulungang makabalik sa mundo ko?" Napataas ang isa niyang kilay sa sinabi ko. Nahihiya akong yumuko. "H-Hindi ko kasi alam kung paano umuwi."
"Hindi ako basta-basta tumutulong sa kahit na kanino, lalong-lalo na sa isang taong katulad mo." Seryosong sabi niya. "Hindi ka nabibilang sa mundong 'to, kaya bakit kita tutulungan? Hindi ako nagtitiwala sa kahit na sino. Sa tingin mo, pagkakatiwalaan ko ang tulad mong isang tao?"
Wala akong naisagot sa tanong niya. Hindi ko rin talaga alam ang dapat kong isagot, pero kung hindi niya ako matutulungan, paano ako makakabalik sa mundo ko?
Hindi ko pa rin maintindihan ang nangyayari. Hindi ko alam kung nananaginip ulit ba ako o talagang totoong nandito na ako sa mahiwagang mundong ito. Ni hindi ko nga rin alam kung nasaan ako at anong lugar 'to.
"Kailangan nating mahanap ang tulisang 'yon! Utos 'yon ng Mahal na Reyna."
Pareho kaming napalingon sa direksyon ng nagsalita. Nagulat ako nang mabilis na nilapitan ako ng estrangherong lalaking 'to at hinigit ako patago sa likod ng mga halaman. Nagulat ako at namangha nang gumalaw yung mga halaman at tinakluban kami upang hindi kami makita.
"H'wag kang gagawa ng kahit na ano mang ingay kung gusto mo pang makabalik sa mundo mo." Bulong niya sa'kin.
Kahit nalilito ay napatango na lang ako sa sinabi niya. Nakarinig ako ng tila mga yabag ng paa ng isang kabayo malapit sa'min. Kahit hindi ko nakikita ay ramdam kong tumigil iyon sa may harapan naming dalawa.
"Masyado talagang mabilis ang tulisang na 'yon. Palagi na lang tayong pinahihirapan." Dinig kong sabi ng isang lalaki.
"Paniguradong lagot na naman tayo sa Mahal na Reyna." Sagot ng isa pang boses.
"Nagnakaw na naman siya." Napatingin ako sa katabi kong estranghero nang bumulong ito.
Maya-maya lang ay nakarinig kami ng mga yabag muli ng mga kabayo. Mukhang nakaalis na sila. Noon lang muling bumuka yung mga halaman at bumalik sa dati nilang pwesto na animo'y isang normal na halaman.
"Umalis ka na, tao."
Tumalikod siya sa'kin at sumipol sa kawalan. Nabigla ako nang may bumabang napakalaking ibon sa mismong harapan niya. Sumakay siya roon pero bago sila lumipad ay tumingin muna siya sa'kin pagkatapos ay lumipad na at nawala na sila sa paningin ko.
Nilibot ko ang aking paningin sa mundong aking napuntahan. Katulad ng nasa panginip ko, lahat ng puno rito ay mistulang isang Christmas tree na may christmas lights pero hindi gano'n kakinang ang kaniyang mga bunga, hindi katulad sa panaginip ko.
Napansin ko rin ang malaking pagkakaiba ng paligid sa panaginip ko. Mas maganda ang lugar na 'to sa panaginip ko kumpara sa nakikita ko ngayon.
Anong nangyari? Bakit ibang-iba 'to sa napanaginipan ko?
Pero alam kong ito yung lugar na 'yon. Hindi ako pwedeng magkamali. Ipinagtataka ko lang kung bakit ganito ang itsura nito kumpara sa panaginip ko.
Is this really the strange world that I've been dreaming of?
Nakarinig ako ng kaluskos malapit sa'kin. Nagsimula na naman ang kabang nararamdaman ko. Luminga-linga ako sa paligid pero wala akong makita. Mas lalong lumakas yung kaluskos na parang palapit na nang palapit sa'kin.
"Huli ka!"
Napasigaw ako sa gulat nang may tumaklob sa'kin na parang isang malaking net. Pumunta siya sa may harapan ko. Iwinagayway niya sa hangin yung mahabang espadang hawak niya saka ito ipinatong sa may balikat niya. Nakita ko ang pag-iiba ng kulay ng buhok niya, mula sa kulay itim hanggang sa magkaroon ito ng iba't-ibang kulay. Nakita ko ang pagngisi niya sa'kin.
"Kamusta, tao?"
•••••••
"MS. CHAVEZ!!!"
Napabalikwas ako at wala sa oras na bumangon mula sa pagkakahiga ko sa sahig ng library nang marinig ko ang malakas na sigaw na 'yon ni Mrs. Lopez.
Nakataas ang isa niyang kilay habang nakapameywang sa harapan ko. "Ms. Chavez, this is a library not a bedroom! At anong ginagawa mo at dito mo pa naisipang matulog!? Hala, sige! Umuwi ka na sa inyo!"
"O-Opo. S-Sorry po."
Agad kong pinulot ang bag ko. Napansin ko yung kakaibang libro sa may sahig malapit sa bag ko. Pasimple ko itong kinuha at isinilid sa bag ko saka muling tumayo. Yumuko muna ako bilang paggalang sa kaniya bago tuluyan nang lumabas ng library.
Habang naglalakad ay iniisip ko yung mga nangyari.
Panaginip lang ba ang lahat ng 'yon?
"Pero mukhang totoo." Bulong ko.
Napahawak ako sa bag ko kung saan nandoon yung libro. Malalaman ko ang sagot kung totoo ba talaga 'yon o hindi dahil sa librong 'to.
Nagmadali na akong makauwi. Ginawa ko na rin ang mga dapat kong gawin bago ako pumasok sa kwarto ko. Nang matapos ang lahat ay dumiretso na ako sa kwarto at agad na inilabas yung libro mula sa bag ko.
Pinagmasdan ko ang kakaibang itsura nito. Hinawakan ko ang malalaking ugat na nakapalibot dito.
"Panaginip lang ba talaga ang lahat ng 'yon?" Umiling ako. "Pero pakiramdam ko, totoong nangyari 'yon."
Naalala ko yung estrangherong lalaki. Hindi ako pwedeng magkamali dahil siya talaga yung lalaking 'yon. Siya yung lalaking hinahabol noon ni Mrs. Lopez. Kung totoo man lahat ng nangyari, paanong nando'n siya sa mundong 'yon?
O mas dapat ko bang itanong, paanong nakapunta siya rito sa mundo namin?
Kung totoo nga 'yon, bakit siya nandito? Anong ginagawa niya rito? Tao ba siya o isa rin siya sa mga nilalang sa mahiwagang mundong 'yon? Ano ba talaga siya?
Bigla kong naisip yung mga sinabi niya sa'kin. "Hindi ko maaalala ang lahat pagbalik ko rito?"
Pero bakit naaalala ko ang lahat?
Napatingin ako sa orasan na nakasabit sa dingding ng kwarto ko. Dahil sa pag-iisip ko, hindi ko na namalayan ang oras. Inilagay ko sa ibabaw ng side table ko yung libro at saka nagpasya nang mahiga at matulog. Bago ko naipikit ang mga mata ko ay sinulyapan ko muna yung libro saka pumikit na.
Denver's POV
Habang kumakanta ako at naggigitara sa loob ng classroom ay rinig ko ang malakas na tilian ng mga babae sa loob at labas ng classroom namin.
Napatingin ako kay Cassey habang kumakanta ako na tahimik na nakaupo sa katapat kong upuan at nakatingin sa may bintana.
Kilala ko siya. Karamihan kasi sa mga kaklase ko ay hindi ko kilala at hindi rin naman ako nag-aabalang alamin pa.
Pero siya, matagal ko na siyang napapansin. Hindi dahil palagi siyang nabubully. But because there's something in her that makes me want to know her more. Siguro dahil gusto kong malaman kung bakit hindi siya lumalaban sa tuwing inaapi siya.
Napatigil ako sa pagkanta nang bigla siyang tumayo at lumabas ng classroom dala ang bag niya.
Hindi ba siya papasok?
Hindi ko alam kung bakit ko siya sinusundan. Hindi ko naman gawain 'to. Hindi ko gawaing mangealam ng buhay nang may buhay. Pero hindi ko alam kung anong pumasok sa isip ko at sinusundan ko ngayon ang babaeng 'to.
Pumunta siya sa rooftop ng main building nitong school. Ibinaba niya sa isang tabi ang bag niya saka naglakad sa may dulo nitong rooftop. Tahimik siyang nakatanaw sa kabuuan ng school.
Hindi ko alam kung anong pumasok sa isip ko at nilapitan ko siya. Tumabi ako sa kaniya at katulad niya ay tinanaw ko rin ang kabuuan ng school mula roon.
"Dito ka pala tumatambay." Kita ko sa peripheral view ko ang paglingon niya sa'kin. Nilingon ko siya at nakita ko ang pagkagulat sa mukha niya. Nginitian ko lang siya. "Magdiditch ka ng class, 'no?" Biro ko.
"A-Anong ginagawa mo rito?"
Ngumiti akong muli sa kaniya. "Sinusundan ka. Mukha kasing magcucutting classes ka eh." Tinignan ko ulit ang kabuuan ng school at ngumiti. "Dito ka ba nakakahanap ng peace? Pwede bang patambay rin dito?" Nilingon ko siya ng nakangiti.
Gulat pa rin ang reaksyon niya. "Hindi ko naman 'to pagmamay-ari para pagbawalan ang bawat taong pupunta rito."
Tumawa ako. "You have a point."
Nagtagal kami ro'n ng isang oras ng wala man lang umiimik sa'min. Nababaliw na yata ako dahil kahit hindi naman kami gano'ng nag-usap, nag-enjoy ako sa isang oras na 'yon. Maybe, she really have that something in her.
Hanggang sa magdismissal ay sinundan ko pa rin siya. Pinagmamasdan ko siya habang nag-iintay siya ng bus. Malakas ang ulan kaya paniguradong mahihirapan siyang sumakay.
Halos trenta minutos din siyang nakatayo roon. Maya-maya lang ay naglakad na siya. Sinundan ko siya sa paglalakad niya. Mabuti na lang at may payong akong dala. May kotse naman ako pero iniwan ko at nagpakabasa sa ulan para lang sa kaniya? Nababaliw na nga yata ako.
Malayo-layo rin ang nalakad namin nang medyo humina na ang ulan hanggang sa tuluyan na itong tumila.
Tumigil kami siya sa paglalakad kaya nagtago ako sa likod ng poste.
"Lumabas ka na diyan." Rinig kong tawag niya.
Sumilip ako at nagulat ako nang makita kong nakaharap siya sa direksyon ko. Wala akong nagawa kundi ang lumabas na lang sa pinagtataguan ko. Napapakamot sa ulo akong lumabas doon sa likod no'ng poste saka sumandal doon at ngumisi.
"Sorry, but I'm not a stalker, i-if that's what you think." Nag-aalinlangan kong sabi.
"Hindi ako tatawag ng pulis kung aalis ka na lang." Aniya.
"I-I just want to—"
Napatigil ako sa pagsasalita nang makakita ako ng isang kakaibang liwanag. Pareho kaming napatingin doon ni Cassey.
Sinundan ko ng tingin kung saan nanggagaling yung kakaibang liwanag. Pinasingkit ko ang mga mata ko nang makita kong sa isang bintana ng isang bahay 'yon nanggagaling.
"Yung libro." Bulong niya na hindi ko narinig.
Nagulat ako nang biglang tumakbo si Cassey papasok do'n bahay. Sandali! Diyan ba siya nakatira? Muli akong napatingin doon sa bintana sa itaas kung saan nanggagaling yung kakaibang liwanag.
Bumukas yung bintana noon. Nabigla ako nang may isang lalaki ang nandoon at tumalon pababa ng bahay. Agad akong nagtago roon sa poste saka sumilip. Pinasingkit ko ulit ang mga mata ko para mas makita siyang mabuti. Palinga-linga sa paligid yung lalaki saka tumakbo ng mabilis.
Lumabas ako ro'n sa poste nang mawala na yung lalaki. Napatingin akong muli ro'n sa bintana. Nakita kong nakadungaw roon si Cassey habang nagpapalinga-linga sa paligid na parang may hinahanap. Napatingin naman ako sa daang tinahak no'ng lalaki.
Sino naman ang misteryosong lalaking 'yon? Kilala ba siya ni Cassey?