Cassey's POV
Isang malakas na sampal ang natanggap ko bago ko pa man maisampay ang mga damit na nilabhan ko. Napapaling sa kabilang direksyon ang mukha ko dahil sa lakas ng sampal na 'yon ni Auntie.
"ANO NA NAMAN BANG GINAWA MO SA SCHOOL AT PINAPATAWAG AKO NG TEACHER MO!?" Galit na galit na sigaw sa'kin ni Auntie.
"H-Hindi ko po alam." Ang totoo, hindi ko rin talaga alam kung bakit.
Tumawa siya ng sarkastik. "Ako pa ba pinaglolo-loko mo, ha!?" Tinapik-tapik niya ang pisngi ko na sinampal niya. "H'wag mo nga akong niloloko! Siguro, puro pagbubulakbol lang ang ginagawa mo sa school, 'no!? Wala talagang aasahan sa'yo! Hay! Pa'no ka ba natiis buhayin ng nanay mo noon!?" Hinawakan niya ang sentido niya habang nakapikit. "Wala ka namang kwenta!"
Nahawakan ko ng mahigpit yung basket na puno ng mga nilabhan kong damit.
"Isampay mo na 'yan, ha!? Bilisan mo at ipagluluto mo pa kami ng Uncle mo!" Pagkatapos ay tumalikod na siya at pumasok sa loob ng bahay.
Noon lang tumulo ang isa kong luha pero agad ko rin yung pinunasan. Nagpakawala ako ng isang buntong hininga saka isinampay ang mga damit na nilabhan ko.
Kinabukasan ay maaga rin akong nagising para maipagluto ko na ng almusal sina Auntie at Uncle. Hindi na ako nagpaalam pa sa kanila dahil kapwa mga tulog pa silang dalawa.
Habang naglalakad ay napadaan ako sa isang bake shop. Napatingin ako sa isang chocolate cake na nakadisplay roon. Gumuhit ang isang malungkot na ngiti sa aking mga labi habang nakatingin do'n sa cake.
"Happy birthday, Cassey." Mahinang bati ko sa aking sarili.
Tumuloy na ako sa paglalakad. Kailangan kong makapamili ng maaga dahil baka pagalitan na naman ako nina Auntie at Uncle 'pag tinanghali ako.
Habang namimili ako sa palengke ay nagulat ako nang may makabangga ako. Agad akong napalingon sa kaniya.
"Patawad." He said in his deep voice.
Nakatalikod siya sa'kin kaya hindi ko makita ang mukha niya. Pagkatapos ay nagtuloy na siya sa paglalakad. Tinitigan ko lang siya habang palayo siya sa'kin. Pinagkibit balikat ko na lang 'yon at nagtuloy na sa pamimili ng mga kailangan sa bahay. Habang naglalakad ako pabalik ng bahay ay muli akong napadaan sa may bake shop. Doon ay muli kong natanaw yung chocolate cake. Bumuntong hininga ako at nagpatuloy na muli sa paglalakad.
"Ang tagal mong dumating! Saan ka ba nanggaling, ha!? Naglakwatsa ka lang, 'no!?" Pasigaw na bungad sa'kin ni Auntie.
Nagmano ako sa kaniya at kay Uncle. "Magluluto na po ako ng tanghalian."
Nagdire-diretso ako sa kusina. Habang nagluluto ay iniisip kong dalawin si Mama ngayong araw. Tutal siya ay lang naman ang nakakaalam at nakakaalala ng birthday ko. Kung buhay pa siya, hindi siya papayag na maging malungkot ako ngayong araw. Gugustuhin niyang nakangiti at nakatawa ako buong araw. Ayaw na ayaw niyang nalulungkot o umiiyak ako lalo na kapag birthday ko.
Magagalit ka ba sa'kin Ma kung umiyak o malungkot ako ngayong araw?
"Ano ba!? Hindi pa ba tapos 'yang niluluto mo!? Ang tagal naman niyan! Gutom na kami ng Auntie mo!" Narinig kong sigaw ni Uncle mula sa sala.
"P-Patapos na po!" Tugon ko pabalik.
Pagsapit ng hapon ay nagpasya akong magpunta ng sementeryo upang dalawin si Mama. Kada magbibirthday ako, nakasanayan ko nang dalawin siya at dito magcelebrate ng birthday.
Naupo ako sa tabi ng puntod niya. "Kamusta, Mama? Pasensya na po, ngayon lang ulit ako nakadalaw sa'yo. Marami lang po kasing nangyari sa'kin nitong mga nakaraang araw." Pinilit kong ngumiti. "H'wag po kayong mag-alala Ma, okay lang po ako. Okay lang po ang anak niyo. Kinakaya pa naman po kasi 'di ba po sabi niyo, kapag may problema, 'wag agad susuko, laban lang." Hindi ko na napigilan ang pagtulo ng isa kong luha. "Sorry, Ma! Hindi ko na po mapigilan eh. Alam kong ayaw niyong umiyak ako lalo na't birthday ko pero hindi ko na po kaya. Pagod na po ako, Ma. Pagod na pagod na po ako. Pahingi naman po ng yakap oh."
Hinayaan kong tumulo ang mga luha ko hanggang sa mapagod ako. Bahagya akong ngumiti at tumigil sa pag-iyak nang mapatingin ako sa box ng cake na nasa tabi ko. Binili ko 'to bago ako dumiretso rito. Agad ko yung binuksan at inilabas sa box.
Sinindihan ko yung kandila. "H-Happy birthday to me."
Pumikit ako para humiling pagkatapos ay nagmulat ako at hinipan 'yon. Napangiti ako sa kabila ng nararamdaman kong lungkot ngayon.
Napatingin ako sa langit. Nakita ko ang pagguhit doon ng isang bahaghari. Napangiti ako ng tuluyan habang pinagmamasdan 'yon.
Nagtagal pa ako ng ilang sandali ro'on bago nagpasya nang umuwi. Nang makauwi ako sa'min ay nagluto na ulit ako ng hapunan namin, pagkatapos kumain at magligpit ay nagpunta na ako ng kwarto ko at nahiga.
Nakatingin ako sa kisame habang malalim ang iniisip. Ang sabi ni Mama noon, magkapareho kami ng birthday ni Papa. Ang sabi niya rin malaki ang pagkakahawig ko kay Papa kaya raw kahit wala si Papa ay hindi niya raw ito masyadong namimiss dahil ang simpleng pagtingin pa lang daw niya sa'kin ay parang kaharap na rin daw niya si Papa.
Noong itinanong ko kay Mama kung nasaan si Papa, kung bakit lumaki ako nang hindi ko siya nasisilayan, ang sabi lang niya sa'kin ay makakasama rin daw namin siya balang araw.
Hanggang ngayon, hindi ko pa rin alam kung nasaan siya. Kung ano bang nangyari sa kaniya. Kung buhay pa ba siya. Kung alam kaya niyang buhay pa ang anak niya at nag-iintay na balang araw makikita at makakasama siya.
"Happy birthday, Papa. Happy birthday sa'ting dalawa." Tumulo ang isang luha sa aking kaliwang mata. "Nasaan ka na ba?"
Hindi ako galit sa'yo Pa, kaya bumalik ka na. Gusto na kitang makasama.
•••••••
Nang in-announce ng last teacher namin na hindi siya makakaattend ng klase namin ay agad na nagsaya ang mga kaklase ko.
Kinuha ko na ang bag ko at nagpasya na ring lumabas ng classroom pero bago pa man ako tuluyang makalabas ay tinalisod na ako ni Claire dahilan para madapa ako at mapasalampak sa sahig.
Narinig ko ang malakas na tawanan ng mga kaklase ko. "Oops! Sorry, Cassey. I didn't know you're there."
Tumawa silang tatlo ng mga kasama niya at saka ako iniwan. Umalis na din yung mga kaklase ko pagkatapos nila akong pagtawanan. Pinilit ko na lang tumayo at kinuha ang bag ko sa sahig. Ramdam ko ang pagkirot ng tuhod ko dahil ito yung napatama nang madapa ako. Wala naman itong sugat pero kita ang pamumula nito sa lakas ng pagkakatama sa sahig.
Kahit masakit ay pinilit kong maglakad. Napagdesisyunan kong magpunta muna sa library since masyado pa namang maaga para umuwi.
Habang naghahanap ako ng libro ay naagaw ng atensyon ko ang isang libro nang bigla itong pumatak galing sa bookshelf sa harapan ko mismo. Pinulot ko ito saka pinagmasdan ng mabuti. Kakaiba ang itsura nito kumpara sa ibang mga libro rito. Mukha itong lumang libro na may parang malaking ugat na nakabalot sa palibot nito.
"Paano ba 'to mabubuksan?" Bulong ko habang pinipilit na buksan yung libro. Nang hindi ko 'to mabuksan ay tinignan ko ang kabuuan nito. "Baka naman may susi 'to."
Nagulat ako nang biglang gumalaw yung ugat na nakapalibot dito kaya agad ko itong nabitawan at nahulog sa sahig. Nang matanggal yung mga ugat na nakapalibot doon sa libro ay bigla na lang itong bumukas mag-isa. Nasilaw ako sa liwanag na lumalabas mula rito. Nakarinig din ako ng kakaibang tunog na nanggagaling mismo roon sa libro.
Yung tunog na 'yon, narinig ko na 'yon.
Hindi ko alam kung anong nangyayari roon sa libro. May kulay puting usok na lumabas mula roon at pumalibot yung puting usok sa'kin. Naramdaman ko na tila ba may kung anong humihigit sa'kin papasok doon sa libro. Napasigaw ako para humingi ng tulong pero parang walang nakakarinig ng sigaw ko, hanggang sa tuluyan na akong mahigop ni'ng libro.
Pagdilat ko ng mga mata ko ay naitabing ko sa aking mga mata ang isa kong kamay dahil sa liwanag na nanggagaling doon sa araw na tumatama sa mukha ko.
Sinubukan kong luminga sa paligid. Tumayo ako at bumilis ang t***k ng puso ko habang pinagmamasdan ang paligid ng lugar na napuntahan ko.
"Ang lugar na 'to...i-ito yung lugar na nasa panaginip ko." Hindi makapaniwalang bulong ko.
"Sino ka? Anong ginagawa mo rito?"
Napalingon ako sa nagsalita. Nakatayo siya may likod ng mga halaman habang nakatingin sa'kin ng seryoso.
Siya yung lalaki sa library. Anong ginagawa niya rito?