Umuwi muna siya para makapagpalit ng damit at makapag ayos ng mukha. Hinalungkat niya pa ang pinakatago-tago niyang itim na palda na hanggang sakong ang haba. May kapartner din iyong white long sleeve na pang itaas. Costume niya iyon noong minsang mag role play sila at siya ang gumanap na nerd. Ang kailangan na lang niya ay sirain---este ayusin ang mukha ng ba-bagay sa suot niya. Ginuhitan na niya ng itim na eyeliner ang kilay niya. Sinigurado niyang makapal iyon. Naglagay ng liquid foundation at nilagyan ng black heads ang pisngi at ilong gamit pencil eyeliner. Naglagay siya ng lipstick para hindi naman mukhang maputla ang aura niya. Red lipstick na sinadya niyang ilampas para mag mukhang makapal ang kanyang labi. Tinirentas niya ng dalawa ang buhok at ang huli ay isinuot niya ang malaking eye glasses na walang grado. Naipasalamat niyang kompleto pa ang mga iyon. Isinuot niya rin ang itim niyang sapatos na walang takong. Nang makuntento sa sarili ay kinuha na niya ang old fashion na shoulder bag at lumabas na siya at nag abang ng tricycle. Maaga pa naman. Seven thirty pa lang ng gabi at may thirty minutes pa siya. May mga dumaraang tricycle ngunit may mga sakay na. May isang walang pasahero ang dumaan at agad niyang pinara ngunit hindi man lang huminto. Natakot yata sa itsura niya. Sa huli ay napagdesisyunan niyang maglakad na lang. Wala naman sigurong mangangahas na bastusin siya dahil sa itsura niya. Makalipas ang may higit kinse minutos ay narating na niya ang Coffee shop. Pumasok siya at inokupa ang seat na malapit sa may pinto. Maya-maya lamang ay may pumaradang itim na BMW sa parking lot. Iniluwa ng pinto niyon ang fresh na fresh niyang date na si Hugo. Nakasuot ito ng white polo na long sleeve with black neck tie at pinartneran ng itim na slacks at itim na branded na sapatos. Hawak nito ang suit coat na hinubad lang nito. Sa tingin pa lang ay halatang big time. Excited na siya kung ano ang magiging reaksyon nito kapag nakita siya. Halatang pinaghandaan pa naman nito ang date nila. Well.. siya din naman ay nag ready ng todo. Nang makapasok sa loob ay luminga-linga pa ito. Tila may hinahanap. Halos nasa table niya lang ito nakatayo ay hindi pa siya nakikita.
"Hinahanap mo ba 'yung ka-date mo?" nakangiting sabi niya. Medyo nilakasan niya ang boses para marinig talaga nito. Lumingon ito sa kanya at nangunot ang nuo. Tila inaaninag ang mukha niya.
"W-who are you?" naguguluhang tanong nito.
"Si Lily ' to yung ka date mo," malawak ang ngiting sabi niya.
"What? What happened to you?" hindi makapaniwalang tanong nito. Hindi inaasahan na ganun ang kanyang magiging itsura.
"Nag prepare para sa date natin. O, bakit ayaw mo ba sa itsura ko? Kinakansel mo na 'yung date natin?" sinadya niyang maghimig na naiinis. Hindi ito agad nakasagot kaya tumayo siya at akmang lalabas na ngunit pinigilan siya nito.
"Where are you going?" nag aalalang tanong nito.
"Saan pa ba? Edi uuwi na. Ayaw kong nasasayang ang oras ko," naiinis niyang sabi. Pero deep inside ay pumapalakpak siya sa sobrang saya. Mukhang disappointed ang bakulaw!
"No. Let's have our date," pigil nito.
"Okay," pag sang-ayon naman niya. Pumunta sila sa kinapaparadahan ng kotse nito at ipinagbukas siya nito ng pinto sa passenger seat. Tumungo naman ito sa driver's seat at nag umpisang mag drive. Tahimik lamang sila habang nasa biyahe. Sa isang Romantic Spanish restaurant sa Makati siya dinala nito. Inalalayan pa siya nitong makababa. Umariba na naman ang pagkapilya niya kaya um-abresete siya dito para naman isipin ng lahat na girlfriend siya nito. Gusto niyang pagtawanan ito ng mga tao roon dahil pumatol ito sa nerd. Hindi naman ito nagreklamo. Iginiya sila ng isa sa mga nag a-assist doon sa table na ipina-reserved nito. Halatang pinaghandaan talaga ng bakulaw na ito ang date nila. Inalalayan pa siyang makaupo.
"What do you want to eat?" tanong nito nang makaupo na.
"Bahala ka na," tipid niyang sagot. Nang may lumapit na waiter at kunin ang order nila ay napakarami nitong in-order. Nang umalis ang waiter ay saka naman ito bumaling sa kanya. Mataman lang siyang tiningnan ngunit hindi naman nagsalita.
"O, bakit ka ganyan makatingin? May dumi ba ako sa mukha?" aniya sa nang uuyam na tinig.
"No. I just realized that whatever you wear and done to your face. You still look amazing. I like that you did that for a change. I feel secured that no one would've shown interest towards you, especially men," confident na sabi nito. Anong sinasabi ng bakulaw na ito? Tila hindi niya nagugustuhan ang sinabi nito. Hindi, dapat ay naiinis na ito sa kanya ngayon. Bago pa siya maka-react ay dumating na ang in order nitong mga pagkain nila. Sa sobrang inis ay ibinaling na lang niya sa pagkain ang atensyon. Gigil na gigil siya habang hinihiwa ang steak. Ini-imagine niyang katawan nito ang hinihiwa niya.
"Are you okay?" nag aalalang tanong nito.
"Oo naman. Nakakainis lang itong steak nila. Parang ikaw," sarkastik niyang sabi. Matapos ay ipinagpatuloy ang paghiwa sa steak.
"If you want, we can order another dish," suhestyon naman nito.
"Naku huwag na. Masyado na itong marami. Masyado mo namang pinapayaman ang may ari nitong restaurant," tanggi niya.
"Okay, but I'm just worried about you. I want this date to be memorable for us," seryosong sabi pa nito.
"Ay, kung iyon ang gusto mo edi, sige gawin nating memorable," aniya habang nakangiti ng pagka tamis-tamis. Naghiwa siya ng steak at iniumang dito.
"Kainin mo 'to. Baka sabihin mo naman eh, boring akong ka-date,"aniya. Wala naman itong reklamo at kinain ang isinubo niya.
Kumuha pa siya ng iba pa at sinubuan ulit ito. Wala naman itong reklamo. Napansin niyang may ilang customer ang napapatingin sa gawi nila at nagbubulungan. Mga inggitera! Aniya sa isip.
Tila enjoy na enjoy naman ang bakulaw dahil sinusubuan niya. Sa totoo lang ay marami na itong nakain. Halos ito na lang ang kumakain dahil hindi makatanggi sa mga isinusubo niya. Magka-impatcho ka sana!
"I'm full already," maya-mayang sabi nito ngunit kinain pa rin ang isinubo niya.
"Naku, sayang naman itong mga in-order mo. Alam mo kahit mayaman ka ay hindi ka dapat nag aaksaya ng pagkain. Maraming nagugutom na tao," panenermon niya dito na tila bata ang kausap. Iyon ang palaging sinasabi ng mama niya kapag hindi niya nauubos ang kanyang pagkain.
"You're right. I have an idea," nakangiting sabi nito. Ano naman kaya ang pumasok sa utak ng bakulaw na ito?
"Ano naman iyon?" hindi nakatiis niyang tanong.
"I will give food for those less fortunate on the streets,"
Namangha naman siya dito. Seryoso ba ito? Mukha namang hindi ito nagbibiro. Nagpaalam siya saglit at tumungo sa ladies room. Pakiramdam niya ay oily na ang mukha niya. Kumuha siya ng tissue at marahang pinunasan ang mukha. May babaeng lumabas mula sa cubicle at tinabihan siya. Inayos ang buhok gamit ang kamay bago bumaling sa kanya.
"Boyfriend mo ba 'yung kasama mo?" tanong nito.
"Hindi," aniya habang pinupunasan pa rin ang mukha.
"Eh, ano mo siya? Mabuti at nakipag date' yun sayo eh, hindi ka naman gaanong kagandahan," prangkang sabi nito.
"Excuse me lang miss. Kumpara naman sayo ay wala ka pa sa kalingkingan ng beauty ko. Yung kasama ko kanina, hindi ko siya boyfriend kasi asawa ko siya," gigil na sabi niya. Pinagkadiinan niya ang salitang 'asawa'
Hindi naman makapaniwala ang mukha nito.
"Galit ka teh? Nagtatanong lang naman," naiiritang sabi pa nito. Babalingan niya pa sana ito ngunit lumabas na ito. Hmp! Makasabing di kagandahan. Sabihin niya kaya 'yun sa sarili niya! ngitngit niya. Nang matapos ay bumalik na siya sa table nila.
Hinitay lang siya nito bago tinawag ang waiter. Pinabalot nito ang mga natirang pagkain. Karamihan ay hindi man lang nagalaw. Matapos magbayad ay binitbit na nito ang mga pagkaing tineyk-out nito. Tahimik lamang sila sa biyahe. Nang may mamataan itong mga batang kalye ay iginilid nito ang sasakyan at ibinaba ang bintana ng kotse. Tinawag nito ang mga batang kalye. Nag uunahang magsilapit naman ang mga ito.
"These are all for you kids," masayang sabi nito bago inabot sa mga ito ang naka-paper bag na mga pagkain.
"Salamat po kuya," sabay-sabay pang sabi ng mga ito. Bakas ang saya sa mga mukha ng mga ito. Matapos iyon ay nagpaalam na ito sa mga bata at itinuloy ang pagmamaneho. Tila may malambot na kamay ang humaplos sa puso niya. Hindi niya lubos maisip na may ganung kabaitan palang tinataglay ang bakulaw na ito. Napatitig siya sa mukha nito. Batid niyang maging ito ay nakaramdam ng munting kasiyahan dahil sa simpleng ginawa nito ay may pamilyang hindi magugutom sa gabing iyon.
"Hey, why do you keep on staring at me? I know that I'm gwapo. Are you starting to like me?" nang aasar na sabi nito na bahagyang bumaling sa kanya bago muling itinuon ang pansin sa daan.
"Asa ka!" naiinis na sabi niya sabay irap. Sa inis ay hindi na niya ito tiningnan.
Nang marating ang apartment na tinutuluyan niya ay dali-dali siyang bumaba.
"Salamat sa dinner," walang emosyon niyang sabi bago akmang tatalikod na ngunit pinigilan siya nito. Bumaba pa ito at nilapitan siya.
"Ahm, I just wanna..." hindi nito maituloy ang sasabihin at nagkamot pa sa batok.
"Ano na naman?" nandidilat na tanong niya.
"I just want to ask for a good night kiss,"
"Good night kiss? Baka nakakalimutan mong ninakawan mo ako ng halik nang kasal nina Tricia at Zac. So, wala kanang kiss ngayon at isa pa, hindi naman kita boyfriend kaya hindi pwedeng hahalikan mo ako kung gusto mo," galit niyang sabi. Nanghahaba naman ang nguso nito at kumibot-kibot ngunit wala namang sinabi.
"Kung gusto mo ng kiss, ayun dun," turo niya sa pader.
"Ikis-kis mo sa pader yang nguso mo," naiinis na sabi niya bago nag martsa patungo sa tinutuluyan. Bago buksan ang pinto ay nilingon niya pa ito at inirapan. Tila naman nalugi ang itsura nito. Nagkakamot sa ulo na tinungo nito ang kotse at pumasok roon. Ngayon niya nararamdaman ang init ng suot niya. Hinubad niya ang mga iyon at nagmamadaling tumungo sa banyo para mag shower.
Ilang minuto na siyang nakahiga ay hindi pa rin siya makatulog. Posible kayang mahal niya pa rin ito? Ipinilig niya ang ulo. Hindi. Hindi pwede. Baka kung kailan mahal na mahal ko na naman siya ay bigla na naman niya akong iwan. Hindi pwede ito. Kailangang kong kontrolin ang nararamdaman ko para sa kanya. Hindi na siya ang dating Lilybeth San Agustin na madaling nahulog sa karisma nito.