Chapter Nineteen
Mabilis na lumipas ang mga araw at dumating na ang pinakahihintay nilang araw ni Hugo. Ang araw mismo ng kanilang kasal. Excited ang kanyang mga kaibigan at kamag-anak. Naghahalo ang kaba at excitement sa dibdib niya. Ganun naman daw talaga ang pakiramdam ng mga ikinakasal. Tapos na siyang ayusan ng mga professional make up artist. Mukhang siniguro talaga ng kanyang mapapangasawa na maayos ang bawat detalye ng kanilang kasal. Halos wala nga siyang masyadong naitulong dito.
"Ang ganda-ganda naman ng bride," nakangiting bungad ng kanyang kaibigan. Maumbok na ang tiyan nito at ilang linggo na lamang ang hihintayin ay manganganak na ito.
"Nagmana sayo," biro niya bago yumakap dito. Gusto niyang maiyak sa sobrang tuwa dahil finally ay malalagay na rin siya sa tahimik at makakasama na niya habang buhay ang lalaking pinakamamahal niya. Pinigilan niya ang sariling maluha at baka masira ang make up niya. Maya-maya lamang ay bumungad ang kanyang ina.
"Anak naghihintay na ang driver sa baba," anito at nilapitan siya. Nakangiti ito ngunit maluha-luha naman ang mga mata. Binalingan niya ang ina at niyakap ng mahigpit.
"Ma, huwag kang malungkot. Wala namang magbabago kahit kasal na kami ay araw-araw pa rin kitang dadalawin," malambing niyang sabi. May nabili si Hugo na house and lot na hindi kalayuan sa lugar na tinitirhan nila ng kanyang ina. Doon sila bubuo ng masayang pamilya. Ipinangako naman ng binata na lagi nilang dadalawin ang ina niya. Maari rin naman itong bumisita sa kanila.
"Hindi lang ako makapaniwala na mag aasawa kana. Parang kailan lang nang iluwal kita," may lungkot sa tinig nito. Naiintindihan naman niya ito. Maging siya man ay may lungkot dahil malalayo siya dito.
"Don't worry po tita Belle. Pwede naman kayong dumalaw sa bahay. Tutal ay magkalapit lang naman ang bahay natin," singit naman ni Tricia. Ngumiti na ang ina niya.
"Magpapaturo po ako sa inyong alagaan ito," dagdag pa nito sabay turo sa maumbok na tiyan.
"Walang problema Tricia. Para namang anak na ang turing ko sayo," anang kanyang ina. Maya-maya ay dumating na si Zac at inalalayan si Tricia. Siya naman ay inalalayan ng kanyang ina. Inangat nito ang belo at gown niyang sayad sa sahig. Napakagarbo ng desenyo ng kanyang gown.
Makalipas lamang ang ilang minuto ay tinatahak na nila ang daan papunta sa simbahang pagdarausan ng kanilang kasal.
Hindi na niya namalayan ang oras hanggang sa matapos ang seremonya ng kanilang kasal.
"Salamat dahil bumalik ka at mahal mo pa rin ako" nakangiting sabi niya sa asawa habang nagsasayaw sila nito. Kasalukuyan silang nasa reception ng kanilang kasal. Parehong hindi mawala ang ngiti sa bawat isa.
"I should be the one to thank you kasi hinintay mo ako," sagot nito habang hindi inaalis ang pagkakatitig sa kanyang mata. Nararamdaman niyang katulad niya ay nag uumapaw din ang pagmamahal nito sa kanya.
Unti-unting bumaba ang mukha nito at dahan-dahan niyang ipiniit ang mga mata. Ilang segundo lamang ay naramdaman na niya ang mainit na labi nito. Agad naman niyang tinugon iyon.
"Mawalang galang na po sa bagong kasal. Baka pwede na nating i-slice ang cake," singit naman ng isa sa mga abay sa kanilang kasal sa tonong nagbibiro. Agad namang nag init ang kanyang mukha. Alam niyang namumula na iyon sa mga oras na iyon. Nawala sa isip niyang nasa reception pa sila ng kanilang kasal. Hindi na siya pinakawalan nito mula nang matapos ang seremonya hanggang sa makarating sa reception. Inalalayan naman siya ng asawa papunta sa table na kinalalagyan ng six layer na napalaking cake. Sa tuktok niyon ay may customize dolls na kamukha nilang dalawa ni Hugo. Magkahawak ang kanilang kamay habang hinihiwa ang cake. Kumuha ito ng maliit na slice gamit ang kutsara at sinubuan siya. Siya naman ay ganun din ang ginawa. May bumabagabag lamang sa kanya dahil si Zac lamang ang malapit na kamag anak nito ang nakadalo sa kasal nila. Ang iba ay malapit na kaibigan nito. Ang sabi lamang nito ay nakatanggap ito ng tawag sa parents nito na pipiliting makahabol ngunit habang sa matapos ang kasal ay wala kahit anino ng mga ito. Hindi na lamang siya nag usisa pa dahil ayaw niyang masira ang araw na iyon. Siguradong may dahilan ang mga ito kung bakit hindi nakadalo sa importanteng araw na iyon.
"How dare you!" sigaw niya bago ubusin ang lamang alak sa kanyang baso. "Magsisi ka. Sisiguraduhin ko na magsisi ka. Kayong dalawa ng babaeng yun," nakangiting sabi niya habang dumadaloy ang mga luha sa kanyang magkabilang pisngi. Pakiramdam niya ay may mabigat na nakadagan sa kanyang dibdib ng Oras na iyon. Ilang taon din niyang kinuha ang loob ng binata. Ang buong akala niya ay napalitan na niya ang babaeng iyon sa puso nito. Simula nang makita niya ito noong mag-transfer ito sa school nila ay hindi na siya nagkagusto pa sa iba. Para sa kanya ay ito lang ang nababagay sa kanya. Nanggigigil na naikuyom niya ang kamay na may hawak na baso. Kapag naaalala niya ang mga panahong iyon ay hindi nawawala ang babaeng kinaiinisan. Si Lily ang babaeng pinili ng kanyang pinakamamahal na si Hugo. Pakiramdam niya ay may tinik na tumutusok sa kanyang lalamunan. "S-so sad. Kahit anong effort ang gawin ko s-siya pa rin ang pinili mo," patuloy pa rin siya sa pagsasalita. May kadiliman at may malakas na tugtugin. Sa kabilang parte ay may mga nagsasayawan. May kani-kanyang mundo ang mga naroon. Gusto muna niyang ibuhos lahat ng inis sa alak. Huli na nang malaman niya ay naikasal na ang mga ito. Iyon pala ang dahilan kung bakit hindi niya ito masyadong nakakausap.
"Natasha, you're drunk," awat ng kanyang kaibigang si Kate. Pinilit nitong agawin ang hawak niyang baso na may lamang alak.
"H-hindi ako lasheng! Pabayaan mo ako. Iwan mo na lang a-ako," pagmamatigas niya. "Sanay na akong iniiwan," dagdag pa niya. Lumaki siyang walang ama dahil iniwan sila nito ng kanyang ina at sumama sa ibang babae. Kahit na nagmakaawa pa ang kanyang ina ay iniwan pa rin sila nito.Nag umpisang maging magulo ang buhay niya dahil doon. Nalulong sa sugal at alak ang kanyang ina at madalas siyang mapagbuntunan nito ng galit kapag natatalo sa sugal. Sa tuwing uuwi ito at wala pang nakahandang pagkain ay sinasaktan siya nito. Tila manhid na ang katawan niya sa pananakit na ginagawa nito. Iyon din ang nagtulak sa kanya para gumawa ng isang bagay na naging dahilan ng pagkawala nito. Siya lamang ang nakakaalam ng bagay na iyon. Ang alam ng kanilang kamag-anak ay aksidente lamang ang nangyari. Kung kailangan niyang gawin muli ang bagay na iyon ay gagawin niya. Ipinangako niya sa sarili na magiging masaya siya pagkatapos niyon.
"You look miserable, dahil lang sa guy na iyon nagkakaganyan ka," bakas ang pagkaawa sa mukha nito.
"Yes, dahil sa kanya kaya ako nagkakaganito. K-kasal na siya sa babaeng kinababaliwan niya ngayon. T-tapos ito ako ngayon, miserable," nangingiti niyang sabi. Hindi na siya makapag isip pa ng tama. Marahil ay dala na rin ng alak na nainom.
"Tasha, maybe this is a sign na hindi talaga kayo para sa isat-isa,"
"H-hindi totoo yang sinasabi mo. Babalik siya sa akin. Isa lang naman ang kailangan mawala p-para magkasama na kami," nakangiti pa ring sabi nito. Sa tingin niya ay nasobrahan na ito sa nainom na alak kaya ito nakakapagsalita ng ganun. Hindi niya iniisip na magagawa ng kaibigan ang manakit ng tao para lamang makuha ang gusto nito.
"Lasing kana. Ihahatid na kita," pagpupumilit pa nito bago akmang hahawakan ito sa braso ngunit agad naman nito iyong tinabig.
"L-leave me alone. Hi-hindi pa ako uuwi. I want to celebrate their wedding," anito. Nakuha pang humalakhak. "I will make sure na iyon na ang pinakamasaya nilang araw," anito bago muling ininom ang laman ng kanyang baso. Napailing-iling na lamang ang kanyang kaibigan at hindi na lamang binigyang pansin ang sinabi nito.