4

1660 Words
“INFAIRNESS NAMAN sa `yo, Wilder. Ang ganda ng lugar mo.” Inilinga ni Cai ang paningin sa paligid. Kasalukuyan silang nasa condominium unit ni Wilder nang hapon na iyon. Gagawa ang grupo nila ng project at ini-offer nito ang lugar nito para hindi na sila tumambay sa coffee shop. Mas magiging komportable raw sila kapag doon. Mayroon na kasing mabilis na internet connection ang binata. May printer na rin. Mas makakatipid sila. Maganda ang unit ni Wilder. Masinop ang mga gamit. Malinis ang paligid. Siguro ay pinaghandaan nito kahit na paano ang pagdating nila. Ang sabi ni Wilder ay may dalawa pa itong kasama na umuupa sa lugar. Wala nga lang ang dalawa ngayon dahil umuwi ng kani-kanilang probinsiya kaya solo nila sa araw na iyon ang unit. May dala na silang mga pagkain at inumin para hindi na gaanong maabala pa si Wilder. “Thank you talaga sa pagpapagamit mo sa lugar mo, Wilder, ha?” anang group leader nila na si Kuya Paul. Katulad ni Wilder ay ikalawang kurso na ni Kuya Paul ang Nursing. Isa itong dentista. Halos sampung taon ang tanda nito sa kanila kaya automatic ang pagiging group leader nito. “Maliit na bagay lang, Kuya Paul,” ang nakangiting tugon ni Wilder. “Pero teka nga. Bakit wala pa rito si Ginger?” ang tanong ni Paul. “Ano, Kuya, hahabol na lang daw,” ani Wilder na napapangiwi. “May natanggap kasi siyang text kaninang madaling araw. Eekstra siya sa isang teleserye.” “Naku, Wilder, hindi pupuwedeng palaging ikaw ang sasalo ng trabaho ng girlfriend mo sa mga ganitong group project, ha. Parang ikaw na ang gumagawa sa mga assignment at project niya. Paano siya matututo kung ganoon?” “Hahabol daw talaga siya, Kuya,” ang tugon na lamang ni Wilder. Pero napansin ni Cai na mukhang maging ang binata ay duda sa sinabi. Hindi na lang siya umimik dahil alam niyang ang suma ay si Wilder pa rin ang gagawa ng parte ni Ginger sa group project. Hindi rin niya hinayaan na lumago ang nararamdamang inis para sa dalaga. Parang nahihirapan na siyang intindihin si Ginger lalo na kung si Wilder naman ang nahihirapan. Parang gusto niyang pagsisihan na ang naging payo niyang mas intindihin si Ginger, mas hayaan sa ikaliligaya nito. “O sige, start na tayo nang makarami.” Iyon na nga ang kanilang mga ginawa. Nang mga sumunod na oras ay naging abala na sila sa kani-kaniyang gawain. Nang matapos si Cai sa kanyang parte ay lumapit siya kay Wilder. “Tulungan na kita sa research ni Ginger,” aniya. Sinadya talaga ni Cai na tapusin kaagad ang ginagawa para matulungan si Wilder. “Huwag na. Kaya ko na. Promise.” “Tapos na ako. Wala na akong gagawin. Sayang naman ang time. Para mabilis na tayong matapos. Akina, bilis na.” Nag-alangan nang ilang sandali si Wilder bago siya inabutan ng printouts. “Salamat.” “Maliit na bagay.” Nang mga sumunod na sandali ay tahimik lang silang nagtrabaho. Isa rin sa mga dahilan kung bakit hindi makaalis si Cai sa grupo na iyon ay dahil responsible ang halos lahat. Hindi pabaya sa mga gawain. Walang gaanong pasaway. Kung hindi lang pala-absent si Ginger ay perfect na siguro sila sa paningin ng mga professor at clinical instructor. Nang sumapit ang tanghalian ay inihanda na nila ang kanilang mga dala. Naging masaya ang kuwentuhan habang kumakain sila. Panay ang biruan nila. Masaya si Cai dahil katabi niya si Wilder. Parang napakagandang musika sa kanyang pandinig ang masigla na tawa nito. “Ako na ang bahala sa mga `yan mamaya,” ang sabi ni Wilder nang madatnan si Cai sa harap ng lababo. “Hindi, ako na. Nakakahiya naman sa `yo,” ang nakangiting tugon ni Cai. “Nakigamit na nga kami ng lugar mo, hindi pa ba naman kami magliligpit.” “Okay lang naman talaga. Ako na ang maghuhugas ng mga pinagkainan mamaya. Mas nakakahiya yata kung paghuhugasin ko ang bisita.” “Nai-stress ako kapag nakakakita ako ng mga hugasin sa lababo.” Medyo totoo ang bagay na iyon. Tinuruan kasi siya na huwag hahayaan na dumami ang hugasin sa lababo. Bukod sa hindi magandang tingnan, malas din daw. Banayad na natawa si Wilder. “Tutulungan na lang kita.” Ganoon nga ang nangyari. Magkatulong nilang hinugasan ang mga pinangkainan nila. “Ikaw ang nagluto ng dala mong kaldereta?” ang kaswal na tanong ni Wilder. Nahihiyang tumango si Cai. “Oo. Bata pa lang ako tinuruan na akong magluto ng lola ko. Kusinera iyon, eh. Binuhay niya ang mga anak niya sa maliit niyang karinderya. Hindi na nga lang siya gaanong nakakapagluto ngayon kasi medyo malabo na ang mga mata niya saka marami nang masakit sa katawan.” “Siya ang kasama mo mula nang umalis ang nanay mo papuntang New York?” Tumango uli si Cai. “Kaya kasi nangibang-bansa ang nanay kasi namatay sa heart attack ang tatay ko. Kailangan daw niyang isipin ang kinabukasan ko kaya nag-decide siya na mag-abroad. Gusto rin talaga niya sa Amerika. Gusto niyang doon tumira. Basta pangarap daw niya iyon mula pagkabata.” “Ikaw ba may ganoon ding pangarap?” Nagkibit ng balikat si Cai. “Hindi ko sure, eh. Ang sigurado ko lang ay gusto kong makasama ang nanay ko. Madalas kaming magkausap sa telepono saka sa chat pero iba pa rin kasi kapag may nanay. Kahit ba sabihing kasama ko naman si Lola, iba pa rin talaga ang nanay.” “So pupunta ka r’on?” “Pagpupursigehan ko para magkasama kaming mag-ina.” “H’wag mo `kong kalilimutan `pag and’on ka na, ha?” “`Sus, baka naman ako na ang hindi mo maalala pagkatapos ng graduation?” “Hindi `yan.” “Hmn. Sige, tingnan na lang natin.” Inayos ni Cai sa isang baunan ang mga natirang pagkain para mailagay niya sa ref. “Ipinagtira ko talaga si Ginger ng kaldereta. Ang sabi niya dati, favorite niya `to. Mamaya pagdating niya ay matikman naman niya.” “Hindi na iyon darating ngayon.” Nangunot ang noo ni Cai. “Ang sabi mo—“ “Sinabi ko lang `yon para hindi na gaanong ma-badtrip si Kuya Paul. Pero grabe ang mga ganyang taping. Maghapon at magdamag ang hintayan lalo na sa mga ekstra.” Napailing-iling pa si Wilder. “Malay mo ito na ang break na hihihintay ni Ginger.” “Iyan na lang din ang ipinagdarasal ko.” “`Pag sumikat ang girlfriend mo, bongga.” Pakiramdam ni Cai ay iyon ang tamang sabihin kaya lumabas ang pangungusap sa kanyang bibig. Pero kailangan niyang aminin na hindi siya gaanong sinsero sa pahayag na iyon. Tumango lamang si Wilder. “Huwag kang ma-o-offend sa itatanong ko, Wilder, ha?” Sandali lang nag-alangan si Cai bago niya ipinagpatuloy ang sinasabi. “Mahal mo ba talaga si Ginger?” “Mahal na mahal,” ang mabilis nitong tugon. Parang may malaking kamay na bakal na dumaklot sa puso ni Cai at mariin iyong pinisil. “Sa kanya lang ako nakaramdam ng ganito, alam mo ba? Love at first sight. Noong makita ko siya ay parang alam ko na na siya ang para sa akin. Alam ko na na mamahalin ko siya nang husto. Ang lakas ng t***k ng puso ko na para bang wala na akong ibang narinig. Alam mo `yong slow mo effect sa mga romcom? Parang nakaramdam ako ng ganoong effect sa kanya.” “T-talaga?” Hindi sigurado ni Cai kung paano pa niya nagagawang tumayo roon at makinig. Pakiramdam kasi niya ay may munting parte sa kanyang puso ang namatay. Bakit pa kasi siya nagtanong? Talaga bang umasa siya na maririnig kay Wilder na hindi nito mahal si Ginger? Nakikita niya nang malinaw na hindi ganoon ang sitwasyon. Nasa mga mata nito ang masidhing pag-ibig. Sa katunayan ay hindi lang sa mga mata nito, parang nakasulat sa buong pagkatao nito ang pagmamahal sa nobya. “Siya na ang babaeng pakakasalan ko. Siya na ang babaeng gusto kong maging ina ng mga anak ko. Siya na ang babaeng gusto kong makasama habang-buhay.” Ilang sandali na natulala lang si Cai kay Wilder. Hindi pa rin niya malaman kung paano siya nananatiling nakatayo kahit na labis siyang nasasaktan. Kahit na parang hindi siya makahinga sa sobrang sakit. Kapagkuwan ay naramdaman niya ang pamamasa ng kanyang mga mata. Nagsalubong ang mga kilay ni Wilder. “Okay ka lang? Ba’t parang namumula ang mga mata mo?” “Ah, ano… Uh… H-hindi…” Humugot nang malalim na hininga si Cai at pilit na kinalma ang sarili. Ipinaalala niya sa sarili na kailangan niyang mas itago ang nararamdaman nang mga sandaling iyon. Sinikap niyang tumawa. Dahil sa ginawang iyon ay nalaglag ang mga luha na naipon sa kanyang mga mata. Bahagya pa siyang napapitlag nang pahirin ni Wilder ang kanyang mga luha. Nasa mga mata pa rin nito ang pagtataka. May nasilip din siyang pagmamalasakit at pag-aalala. Walang pagmamahal. Mas nanikip ang puso ni Cai pero sinikap pa rin niyang ngumiti. Iyon na yata ang pinakamahirap na ginawa niya sa kanyang buhay. “Ano… kinilig lang ako. Grabe, na-touch lang ako sa mga sinabi mo. Hindi ko kasi alam na kaya palang sabihin ng isang lalaki ang mga ganoon. Ang s-suwerte lang ni Ginger sa `yo.” Mukhang tinanggap naman ni Wilder ang kanyang paliwanag at napangiti na rin. “Darating ang tamang araw na maririnig mo rin ang mga ganoong salita sa tamang lalaki.” “Naks naman.” Pero sana talaga ikaw ang tamang lalaki para sa akin. Kasi iyong naramdaman mo kay Ginger, iyong slow mo effect at malakas na pintig ng puso, naramdaman ko iyon sa `yo. Love at first sight din. Parang pakiramdam ko rin ay ikaw na ang para sa akin. Ang aking happy ever after. Kaso mukhang malabo talaga na maging tayo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD