5

1193 Words
NANG MGA sumunod na araw ay sinubukan ni Cai na iwasan si Wilder. Mahirap gawin dahil halos araw-araw pa rin silang nagkikita sa mga duty at lecture. Mukhang hindi rin naman nito gaanong napapansin ang kanyang ginagawa dahil hindi na gaanong uma-absent si Ginger. Kapag nasa paligid ang nobya ay walang ibang nakikita si Wilder. Patuloy na nasasaktan si Cai pero wala naman siyang ibang magagawa. Wala ring dahilan para magalit siya o magselos man lang. Hindi siya pinaasa ni Wilder. Wala rin naman siyang karapatan talagang masaktan. Magkaibigan lamang sila ng binata. Isang tanghali ay mag-isa lang si Cai na kumain sa university cafeteria. Malamig na inumin na lang ang kailangan niyang bilhin dahil may baon na siya. Nakapuwesto na siya sa isang mesa sa sulok nang may bigla na lang maupo sa kanyang tapat. Bahagyang namilog ang kanyang mga mata nang mabatid na si Wilder iyon. May bitbit na tray ang binata. “Hi,” ang nakangiting bati nito sa kanya. “H-hi,” ang ganting bati ni Cai. “Ano ang ginagawa mo rito?” Hindi sila magkaklase sa umaga. Hindi nga niya sigurado kung may klase si Wilder sa umaga nang araw na iyon. May dalawang oras pa bago ang kanilang klase sa hapon. “May make-up class ako sa isang minor subject na binalikan ko kanina. Ikaw, bakit mag-isa? Nasaan si Petra? Magkaklase kayo ngayong umaga, `di ba?” “Naku may sakit kaya hindi nakapasok. Kaya nga mag-isa lang ako ngayon na kakain at papatay ng oras hanggang mamaya.” Inilabas na ni Cai ang kanyang baunan ng pagkain. Tapa ang ulam niya sa araw na iyon. Ginawa niya noong isang araw para may baun-baunin siya sa eskuwela. “O sa `yo na `to,” ang sabi ni Wilder na iniusog mula sa kanya ang isang platito na mayroong bilog na leche flan. Umiling-iling si Cai. “Naku hindi na—“ “Para sa `yo talaga `yan. Nakita na kita kanina pa.” “Binili mo para sa akin?” Tumango si Wilder. “Huwag na nang ma-touch gaano mura lang naman `yan.” Napangiti na si Cai. Kinilig ang kanyang gagang puso kahit na aware naman na magkaibigan lamang sila ni Wilder. “Thank you.” “Tara na, kain na. Bibigyan kita nitong munggo at pork chop pero penge rin ng tapa. Mukhang masarap.” Nag-share nga sila ng ulam. Kaswal silang nagkuwentuhan habang kumakain. Ikinakamangha ni Cai ang realisasyon na kaya rin pala niyang maging komportable nang ganoon kasama si Wilder sa kabila ng kaguluhan sa kanyang damdamin. “So saan ka tatambay habang wala pa tayong klase?” ang kaswal na tanong ni Wilder pagkatapos nilang kumain. “Sa mall,” ang tugon ni Cai habang inililigpit ang kanyang mga baunan. “May bibilhin ka? Sakto, may bibilhin din ako. `Lika ka na.” Nagsalubong ang mga kilay ni Cai. “Hindi ba kayo magkikita ni Ginger?” Umiling si Wilder. “May audition. Sasamahan ko nga sana kaso kaya na raw niya. Hindi na rin kasi ako maka-absent kaya hinayaan ko na lang siya roon.” “I’m sure makukuha siya.” “Ipinagdarasal ko nga rin na sana ay makuha siya sa kahit na isang role, kahit na gaano ka-minor lang. Nitong mga nakaraang araw ay nade-depress siya kasi nga wala siyang nakukuhang trabaho.” “Mahusay naman si Ginger. I’m sure magkakaroon siya ng magandang pagkakataon.” “Sana nga. So, tara na.” “Sasamahan mo `ko talaga sa mall?” Tumango si Wilder. “Kung sinabi mo kasi kaagad na magpupunta ka sa mall di kanina pa tayo roon. Doon na sana tayo kumain.” Mula sa university ay kinailangan nilang mag-jeep para makarating sa pinakamalapit na mall. Inunahan na ni Cai si Wilder sa pagbabayad sa jeep. Sinimangutan siya ng binata. Ngumiti nang matamis si Cai. “Binigyan mo `ko ng leche flan, eh,” Pagdating nila sa mall ay tinanong siya ni Wilder kung saan siya magpupunta. Itinuro niya ang isang bookstore. Nahihiya man si Cai, hindi niya napigilan sa pagsunod sa kanya si Wilder. “Huwag mo `kong tatawanan,” ang banta ni Cai bago niya damputin ang isang romance book. Binuklat niya iyon. Ngumiti si Wilder. “Nasa tipo mo naman ang nagbabasa ng mga ganyan.” “Ano ang ibig sabihin ng sinabi mong `yan?” “You’re a romantic.” Tumango si Cai, hindi na sinubukan pang magkaila. Totoo naman ang bagay na iyon. Ang pagiging romantic niya na iyon yata ang may kasalanan kung bakit hindi niya makalimot-limutan ang nararamdaman para kay Wilder. Parang minsan ay gusto niyang sisihin ang mga pocketbooks na kinahuhumalingan sa pag-asa na hindi mamatay-matay sa kanyang dibdib. “Nagka-boyfriend ka na ba?” Umiling si Cai. “Nagmahal?” Dahan-dahan siyang tumango. Nagmamahal. “Huwag mong sabihin na kaya ako hindi nagkaka-boyfriend ay dahil sa hilig ko sa mga ganitong libro,” ani Cai, nagsusumikap na mailihis kahit na paano ang usapan. Banayad na natawa si Wilder. “Hindi ko iyon sasabihin, `no.” “Medyo sinungaling ka rin pala, ngayon ko lang nalaman.” Lalong natawa si Wilder. “Itong mga librong `to, hindi lang kilig ang hatid sa akin,” pagpapaliwanag ni Cai. “Hindi lang escape. Hindi lang good feeling. Optimism. Iyon ang itinuturo sa akin ng mga librong ito. Hindi ko nga malaman minsan kung good thing pa ang bagay na iyon. Sa mga kuwento kasi, kahit na nagkakaroon ng maraming problema ang mga bida, kahit na maraming hadlang ang dumating, sa bandang huli ay sila pa rin. Sa bandang huli ay happy ever after pa rin. Alam ko naman na hindi palaging ganoon sa totoong buhay. Alam ko naman na sa totoong buhay ay hindi natatapos ang lahat sa happy ever after. Magpapatuloy ang dating ng conflict. Wala talagang kasiguruhan ang future. Pero ang sarap lang kasing isipin. Parang ang sarap maniwala na mayroong one great love ang bawat tao sa mundo. Teka nga, hindi ka ba nababaduyan sa pinag-uusapan nating dalawa. Lalaki ka.” “Nahihiya lang akong sabihin,” ang nagbibiro nitong sabi. Nahampas ni Cai ng hawak niyang libro ang dibdib ni Wilder. “Pero seryoso,” ani Wilder na mas medyo nagseryoso nga ang mukha. “Wala namang masama na maniwala ka. Walang masama kung maging optimistic ka sa love. Walang masama kung hihintayin mo ang one great love para sa `yo. Kailangan nga ipaglaban at ipagpilitan kapag pakiramdam mo ay nahanap mo na ang the one.” “Ipaglaban at ipagpilitan? `Di ba kapag one great love ay kusang maaayos ang lahat kahit na gaano pa kabigat ang dumating na conflict? Hindi ipinagpipilitan?” Tumango si Wilder. “Huwag mo lang dapat sukuan. Patuloy na maniwala.” Parang bumangon ang determinasyon sa dibdib ni Cai. “Ang baduy na nating dalawa.” Nagulat si Cai nang banayad na pisilin ni Wilder ang kanyang ilong. “Okay lang `yan. Wala namang ibang nakakaalam.” Napangiti si Cai. Sa mga pagkakataong ganoon ay masarap kalimutan ang lahat ng bagay maliban sa kanilang dalawa ni Wilder. Masarap umasa. Masarap mangarap. Masarap magmahal.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD