“`WAG KANG TANGA.”
Hindi sigurado ni Cai kung bakit iyon ang nasabi niya sa sarili noong unang beses niyang nakita at nakilala si Wilder. Sa delivery room ng isang ospital ang lugar na unang beses silang nagkita. Pareho silang nursing student at unang araw ng kanilang Related Learning Experience. Magkasama sila sa isang grupo sa buong semestre na iyon.
Crush kaagad ni Cai si Wilder. Hindi naman na nakapagtataka pa ang bagay na iyon. Napakaguwapo ng binata. Matangkad at tisoy. Pagkakita sa kanya ay kaagad siya nitong nginitian. Ngiting mas nagpatingkad ng kaguwapuhang taglay nito. Ngiti na nagpatigil sandali sa pagtibok ng kanyang puso. Ngiti na pakiramdam niya ay magbabago nang lubos sa kanyang buhay.
Iyon yata ang dahilan kung bakit nasabi niya sa sarili na hindi siya maaaring maging tanga. Paanong mababago ng isang lalaki ang kanyang buong buhay? Siguro ay nangyayari ang mga ganoong bagay sa ibang babae pero hindi sa kanya.
“Hi, kagrupo yata kita. Wilder,” ang pagpapakilala ni Wilder sa sarili. Sila lamang dalawa ang nasa waiting area ng delivery room. Pareho silang nakasuot ng puting uniporme na papalitan nila ng scrub suits mamaya. Kalahating oras silang maaga para sa kanilang shift.
“C-Cai,” ang tugon niya. Gusto niyang kurutin ang sariling pisngi dahil sa kanyang pagkautal.
“Sa palagay mo ay makakakompleto tayo ng DR cases sa rotation na ito?” ang kaswal nitong tanong habang nauupo sila sa mga monobloc na naroon.
Nagkibit ng balikat si Cai. “Sana. Para naman hindi na tayo mag-request ng panibagong rotation.” Kailangan nila ng kompletong cases para maka-graduate sila. Major requirement din ang Delivery Room cases para sa kanilang board exam. Masyado pa sigurong maaga para isipin ang mga iyon pero mas maigi na talaga na makatapos sila sa rotation na iyon para hindi na nila babalikan at poproblemahin . Para na rin hindi sila mahirapang maghanap ng mga manganganak.
“Sana talaga marami ang manganak sa two weeks na nandito tayo.”
Ngumiti si Cai. “Sana nga.”
“Hindi sana ang DR ang gusto kong unang rotation ngayong sem kaya lang wala nang ibang available. Ang group lang na ito ang may opening. Naisip ko lang na mas maigi nang mauna na ito para chill na lang sa ibang rotation.”
Tumango si Cai. Hindi niya gaanong maalis ang kanyang mga mata sa binata. Sinikap niyang iiwas ang mga paningin dahil baka nakakahiya na siya, pero hindi niya ganap na mapagtagumpayan. Mesmerized siya sa mukha nito, sa tinig nito, sa paraan ng paggalaw ng mga labi nito.
“Masyado na ba akong nagpi-feeling close?” ang tanong nito, bahagyang natatawa. “Sorry. Transferee kasi ako kaya wala pa akong friends.”
“Hindi okay lang. Sige lang, dumaldal ka lang.”
Hindi na nagkaroon ng pagkakataon pang mas dumaldal si Wilder dahil dumating na rin ang kanilang ibang mga kasama. Anim sila sa grupo na iyon. Si Wilder lang ang hindi niya kilala dahil ang iba pa nilang mga kasama ay naging kaklase na niya noong nakaraang semestre. Si Petra ang maituturing niyang malapit na malapit na kaibigan pero nakakausap naman niya ang ilan sa mga kagrupo. Kaibigan pa rin naman niyang maituturing sina Kuya Paul, Daniel at Ginger.
Nawala na kay Cai ang atensiyon ni Wilder nang dumating si Ginger. Nadismaya man, hindi na siya gaanong nagulat pa. Walang lalaki yata ang hindi nabibighani sa gandang taglay ni Ginger Mercado. Matangkad ang babae. Hindi tisay pero pantay ang kulay ng katawan. Halos hanggang baywang ang mahaba nitong buhok na unat na unat. Maliit lang ang mukha nito pero maganda. Suma-sideline ang kaklase bilang isang commercial model.
“Uy, guwapo `yong bagong ka-group natin,” ang pabulong na sabi ni Petra kay Cai.
“`Wag kang tanga. Tingnan mo nga kung paano makatingin kay Ginger,” ang sabi ni Cai.
Napalabi si Petra. “Sinasabi lang na pogi, tanga na agad? Affected much ka, `teh?”
“Magkakatuluyan `yang dalawang `yan,” ani Cai habang nakatingin kina Ginger at Wilder. Parang wala nang ibang nakikita ang dalawa kundi ang isa’t isa. Iba na ang ngiti sa labi ng mga ito.
“Mukhang tama ka, friend. Bagay na bagay pa ang dalawa. Ang saklap lang ng life, kaagad tayong nawalan ng pag-asa kay Wilder bebe.”
“Ganoon talaga.” Sinubukan ni Cai na huwag gaanong magpaapekto pero hindi talaga masukat ang pagkadismaya sa kanyang dibdib. Mabait naman sa kanya si Ginger kaya mabait din siya sa kaklase, pero pakiramdam niya ay inagawan siya. Parang gusto niyang isigaw na siya ang unang nakakita kay Wilder. Na para bang may halaga ang bagay na iyon.
Sinikap ni Cai na kalimutan ang kakaibang nararamdaman para kay Wilder. Sana ay madali lang gawin ang bagay na iyon. Talagang nabihag ni Ginger si Wilder. Palakaibigan ang binata sa kanilang lahat pero hindi maikakaila na mas espesyal sa paningin nito si Ginger. Sa lahat ng libreng pagkakataon ay magkasama ang dalawa. Hanggang sa university ay halos hindi na mapaghiwalay sina Ginger at Wilder.
Dapat ay naglalaho na ang anumang espesyal na damdamin sa dibdib habang nakikita niya ang espesyal na pagtitinginan ng dalawa. Pero sadya yatang tanga siya pagdating sa pag-ibig dahil habang mas nagkakaigihan sina Ginger at Wilder ay mas nahuhulog ang kanyang loob. Parang mas napapamamahal sa kanyang puso si Wilder. Kahit na alam niyang hindi magiging kanya ang binata. Patuloy pa rin siyang tumitingin kahit na alam niyang hindi siya ang tinitingnan nito.
Habang lumilipas ang mga araw na nakakasama ni Cai sa mga duty at lectures si Wilder ay mas lumalalim ang kanyang espesyal na nararamdaman. Habang tumatagal din ay mas nahihirapan na siyang magkunwari na hindi niya nararamdaman ang mga nararamdaman. Habang lumilipas ang mga araw ay pahirap na nang pahirap ang pagtatago ng pag-ibig.
Ang hirap pala ng pag-ibig na hindi mai-express. Masakit at parang sasabog na siya. Masakit sa tiyan. Masakit sa dibdib. Lalo na kasi alam niyang walang katugon ang kanyang nararamdaman.
Pero likas yata sa puso ang maghangad ng mga taong hindi mapapasakanila. Likas yatang mas mahalin ang isang tao na hindi naman ikaw ang mamahalin. Likas yata sa tao ang pagiging tanga sa pag-ibig.
Umasa na lang si Cai na darating ang araw na lilipas din ang nararamdaman niyang iyon. Umasa na lang siya na hindi siya habang-buhay na magpapakatanga. May hangganan din ang paghanga na iyon. Magmamaliw rin ang pag-ibig.