“PABASA AKO NG NCP mo, Cai.”
Napatingin si Cai kay Wilder. Magkasama silang dalawa sa isang mesa sa isang karinderya na malapit na ospital kung saan sila naka-rotate sa linggong iyon. Napaaga sila ng dating at napagpasyahan nila na doon na lang muna magpalipas ng oras. Pareho rin naman silang hindi pa nag-aalmusal. Inilibre siya ni Wilder. Pinigilan niya ang sarili pero kinilig pa rin ang gaga niyang puso.
“Bakit? Wala kang sariling nursing care plan?” ang tugon ni Cai.
“Meron. Makikibasa lang ng sa `yo.”
“Bakit?”
“Ikaw ang laging may pinakamataas na grade sa mga NCP, eh. Sige na. Huwag ka nang umarte riyan. Hindi ko naman kokopyahin.”
“May sinabi ba ako?” Inilabas ni Cai mula sa kanyang bag ang notebook kung saan niya inilagay ang kanyang nursing care plan. Araw-araw ay kailangan nila niyon para sa mga pasyente na itinalaga sa kanila.
Nakangiting tinanggap ni Wilder ang notebook at binuklat. Kaagad na nagsalubong ang mga kilay nito. “Cairo pala ang full name mo,” ang sabi nito, mababakas ang labis na pagkagulat sa tinig.
“Oo,” ang natatawang tugon ni Cai. “Halos dalawang buwan na tayong magkaklase, hindi mo pa rin alam ang full name ko?”
“Kasi madalas na ‘Cai’ lang ang tawag sa `yo ng mga kasama natin. Miss Montes naman sa mga CI at prof. Akala ko nga Cacai ang totoong pangalan mo. Cairo talaga? As in Egypt?”
Tumango si Cai. “Cairo talaga. Sa hindi malamang kadahilanan daw ay nagandahan nang husto ang nanay at tatay ko sa Cairo. Sa word lang, hindi sa lugar mismo. Hindi sila nakarating doon. Parang unique raw kasi. Kaya ipinangalan sa akin.” Gusto niya ang kanyang pangalan sa totoo lang. Kahit na madalas siyang tinutukso, ikinatutuwa pa rin talaga niya ang pangalang ibinigay sa kanya ng mga magulang.
“Ang cute. Kasing-cute mo.”
Kinilig si Cai kahit na sinubukan niyang pigilan ang kanyang sarili. Cute raw siya, eh. Pinagmasdan niya ang guwapong mukha ni Wilder habang binabasa nito ang kanyang notebook. Mukhang pinagtutuunan talaga nito ng pansin ang mga nakalagay roon. Confident naman siya na maayos ang kanyang nursing care plan pero parang gusto pa rin yata niyang hablutin pabalik at siguruhin na maayos nga ang kanyang pagkakagawa. Wala bang wrong spelling? Maganda ba ang penmanship niya?
Hindi lang guwapo si Wilder, matalino rin. Pinagsusumikapan talaga nitong matuto sa mga gawain at leksiyon. Pinagsusumikapan nitong maging mahusay sa kanilang ginagawa. Hindi man isa sa mga pinakamahusay, nakikita pa rin ng lahat ang pagpupursige nito.
“Bakit ka nag-nurse?” ang halos wala sa loob na tanong ni Cai kay Wilder.
“Kahit na tapos na ako ng Business Ad?”
“Tapos ka na ng Business Ad?” ang nagulat na tanong ni Cai. Marami silang mga kaklaseng second courser pero hindi niya alam na isa si Wilder sa mga iyon. Alam niya na mas matanda ang binata sa kanya pero akala niya ay isang taon lang.
Tumingin sa kanya si Wilder at ngumiti. “Hindi mo alam na second course ko na ang Nursing?”
Tumango si Cai. “Hindi ko alam.”
“Siguro iniisip mo lang na ang hina ng utak ko dahil nasa school pa rin ako hanggang ngayon.”
“Hindi, ah!” ang maigting na sabi ni Cai. Totoong hindi niya iisipin na mapurol si Wilder. “Naisip ko lang na nag-shift ka.”
“Isang taon na lang ako sa business course ko noong engganyuhin ng tita kong nasa States ang mommy ko na mag-Nursing na lang ako. Mas mapapadali ang pag-a-abroad ko. Pero nanghinayang naman ako kasi nga isang taon na lang. Hindi ko rin talaga kasi sigurado kung gusto kong mag-Nursing. So sabi ko kay Mommy, tapusin ko na muna ang business course ko para hindi sayang. Pinagbigyan naman nila ako. Pagka-graduate ko, pinilit na naman ako nina Tita na mag-Nursing. Dahil parang tamad pa akong maghanap ng work, heto ako ngayon, kumukuha ng ikalawang kurso. Umaasa sa baon.”
“Ang galing. Mas may options ka dahil dalawa ang kurso na natapos mo.”
“Pero ang hirap pala nitong Nursing. Hindi ko inakala noong una. Hindi ako sanay sa mga demo-demo, eh. Saka minsan ay nahihirapan ako sa patient care talaga. Hindi katulad mo na parang natural na natural.”
Isang matamis na ngiti ang sumilay sa mga labi ni Cai. “Gusto ko kasi talaga ang nursing, eh. Mula pagkabata ay gusto ko nang maging nurse. Hindi nagbago ang pangarap na iyon. Sakitin kasi ako noong bata pa ako. Lagi ako sa ospital. Natutuwa raw ako sa mga nurse na nag-aalaga sa akin. Natutuwa ako sa suot nilang puting uniform at cap. Para silang mga angel. Ang cap ang halo nila. Kaya big deal na big deal sa akin noong nakuha ko ang cap ko, eh.”
Bahagyang nailang si Cai nang kanyang mabatid na nakatitig sa kanya si Wilder. Mukhang aliw na aliw sa kanya ang binata. Ang ganda ng ngiting naglalaro sa mga labi nito. May kinang ng paghanga sa mga mata nito. Pinigilan niyang bigyan iyon ng kakaibang kahulugan pero hindi niya gaanong mapagtagumpayan.
“Ang galing talaga. Hindi ka namin katulad na nag-Nursing lang para makapag-abroad.”
“Hindi naman masama ang bagay na iyon, eh. Ako rin naman gustong makapag-abroad. Tuwang-tuwa ang nanay ko noong nalaman niyang kukuha ako ng nursing sa kolehiyo. Nasa New York kasi siya, fifteen years na rin. Katulong siya roon. Nagsimula sa pagiging TNT hanggang sa maging legal ang pag-stay. Gusto kong kumita ng dollars. Gusto kong makasama ang nanay ko sa New York. Hindi naman ako magpapa-ipokrita at sasabihin na dito lang ako sa Pinas at tutulong sa mga kababayan natin. Siyempre, kapag nagkaroon ng pagkakataon ay lalarga kaagad ako sa ibang bansa.”
“Pero mas mahal mo pa rin ang propesyon kaysa sa iba.”
“Parang ang corny naman yata,” ang natatawang sabi ni Cai.
“Corny bang talaga? May pakiramdam ako na iba ka magmahal, eh.”
Pabiro at nanunudyo ang pagkakasabi ni Wilder kaya naman sinikap niyang maging pabiro rin ang kanyang tinig. “Talaga. Ibang-iba akong magmahal. Bigay-todo. Hindi nang-iiwan. Hindi na binabawi.” Hindi niya sigurado kung ano ang nagtulak sa kanya na sabihin ang mga salitang iyon.
“Bigay-todo? Hindi nang-iiwan? Hindi na binabawi?”
Tumango-tango si Cai. Hindi niya inalis ang paningin kay Wilder kahit na labis na siyang naiilang, kahit na ramdam na ramdam niya ang pag-iinit ng kanyang mukha.
“Ang suwerte naman ng lalaking mamahalin mo.”
Ang suwerte mo? Humugot nang malalim na buntong-hininga si Cai. “S-sana ay d-dumating na kasi siya.”
“Darating din ang tamang panahon.”
Hindi na naman napigilan ni Cai ang pag-ahon ng pag-asa sa kanyang dibdib. Tamang panahon. Masama ba kung aasa siya na magkakaroon sila ng tamang panahon? Baka umubra ang mga bagay-bagay pagdating ng araw. Baka naman kailangan lang niyang maghintay. Baka naman hindi pa talaga hopeless?
“Uy, ano ang pinag-uusapan n’yong dalawa rito?”
Sabay silang napatingin ni Wilder sa pinanggalingan ng tinig. Kaagad na nagliwanag ang buong mukha ni Wilder nang makitang palapit sa kanila si Ginger. Parang kaagad siya nitong nakalimutan dahil sa nobya nito. Hindi na hinayaan masyado ni Cai na sumama ang kanyang pakiramdam. Sandali niyang naloko ang kanyang sarili pero mukhang kaagad ipinapaalala sa kanya ng tadhana ang kanyang lugar.