PAGKATAPOS NG PANGYAYARI na iyon ay hindi na inasahan ni Cai na magpapakita pa sa kanya si Wilder. Gusto niyang humingi ng tawad sa inasal niya. Kahit na sabihin na masyado siyang emosyunal at nasaktan siyang talaga, hindi pa rin yata tama. Madalas niyang sabihin na tapos na siya, na natanggap na niya ang lahat at nakalimot na siya, pero bakit hindi yata niya mapanindigan? Bakit parang bumabalik siya sa dating kinaroroonan? Dahil inasahan niya na hindi na muna makikita si Wilder, nagulat siya nang paglabas niya kinabukasan ay nadatnan niyang nasa kusina na nila ang binata at nagkakape kasama ng kanyang lola. Nginitian siya nito na para bang walang nangyaring emotional outburst sa pagitan nila. “Hindi ka na galit sa akin?” ang banayad na tanong ni Wilder nang mapag-isa sila sa may bakur

