Kabanata 37

2208 Words
SHEINA Hindi ako nakapaghanda roon. Hindi ko akalaing magpapakita pa siya pagkatapos ng muntik nang mangyari sa akin na kagagawan ng Gregorio na yun. Akala ko matatakot na siyang magpakita rito sa San Policarpio, lalo na at wanted na siya ng mga sundalo at pulis dito sa amin. Pero nagkamali ako doon dahil nandito siya ngayon sa harapan ko.  Ewan ko kung ano itong nararamdaman ko ngayon habang tinitingnan ko sa mga mata niya ang tatay ko, pero alam kong hindi ito isang masamang panaginip lamang. Talagang nandito siya! Abot-langit tuloy ang kaba sa dibdib ko ngayon! Bakit siya nandito? At ano ang gagawin ko ngayon? Ayaw ko siyang harapin! Baka ano pa ang gawin niya sa'kin! "Sheina..." bigla niyang sambit, at iyon din ang naging trigger upang kumilos ako. At nang kahit papano ay nakabawi na ako sa pagkakabigla ko, ang unang pumasok sa isip ko na gawin ay ang tumakbo papunta sa loob ng bahay. Nasa likuran kasi ako ng bahay namin kung saan ako naglalaba, dito sa tabi ng garden kung nasaan naman ang mga tanim ko. Kaya dito ako naglalaba ay dahil nandito ang poso namin. Wala ring tao dito dahil palayan na ang nasa likuran ng bahay namin kaya naman alam kong walang nakakakita dito sa ama ko ngayon. Kaya pwede niya talagang gawin ang kahit ano nang walang nakakaalam. Kaya ganoon na lang ang takot ko habang tumatakbo ako. Nang marating ko ang pinto ng bahay ko ay agad ko rin itong isinara at ni-lock. Siniguro kong maayos ang pagkakasara ng kitchen door namin upang hindi doon dumaan si Tatay mula sa likuran, at pati mga bintana ay isa-isa kong sinara. Nag-stay naman ako sa sala kung nasaan ang main door. Kampante kasi akong hindi doon lalapit si Tatay dahil makikita siya ng mga kapitbahay ko kapag doon siya kumatok. At tama nga ako. Dahil sa kitchen door siya biglang kumatok. Ang bilis na talaga ng t***k ng puso ko dahil doon. Bawat tunog ng katok niya sa pinto na gawa sa kahoy ay nagbibigay sa akin nang matinding kilabot. Hindi ko rin alam kung bakit ako takot na takot sa kanya, gayong alam ko namang hindi niya ako sasaktan dahil kung gusto niya akong saktan ginawa niya na sana noon pa. At saka hindi naman ako tanga. Alam ko naman kung bakit siya nandito. "Sheina... Anak... Pagbuksan mo naman ako. Hayaan mo naman akong kausapin ka..." rining kong pakiusap niya sa akin mula sa labas ng pinto. "Pakiusap, anak. Gusto lang kitang makausap saglit." Ayaw ko na sanang sagutin siya, pero nagalit din ako sa mga narinig ko mula sa kanya. "Kausapin? Pagkatapos ng ilang taong hindi ka nagpakita o nagparamdam man lang ay ngayon ay gusto mo na akong kausapin?" Hindi siya agad nakasagot doon. "Anak, patawarin mo na ako kung ngayon lang ako nagpakita... Alam kong galit ka sa akin at ayaw mo akong makausap, pero may kailangan kang malaman." "At ano naman yun?" tanong ko sa kanya. Hindi ko namalayan na nag-iinit na pala ang mga pisngi ko dahil sa sobrang galit sa kanya ngayong humihingi siya sa akin ng tawad. "Sabihin mo na kung ano 'yang gusto mong malaman ko. Wag ka nang magpaliguy-ligoy pa." "Sige, Sheina. Sasabihin ko na. Kailangan mong malaman na nasa panganib ka. Kaya sana ay umalis ka na rito sa San Policarpio." "Ano? Ako? Nasa panganib? Pero bakit?" naguguluhang tanong ko sa kanya. Pero naalala ko kung ano ang tinanong sa akin ng Gregorio na iyon nang sumugod iyon dito sa bahay nang gabing yun. "Teka, sabihin mo nga ang totoo, 'Tay. Nasa panganib ba ako dahil sa 'yo? May nagawa ka bang kasalanan sa mga kasamahan mo at umalis ka na sa puder nila? Iyon ba? At ngayon naman ay pinaghahanap ka na nila at sa akin ka nila hinahanap?" "P-Parang ganoon na nga, anak..." sagot niya sa tonong parang nanginginig pa. Gusto ko sanang maniwalang umiiyak na siya ngayon sa likod ng pintong nakapagitan sa aming dalawa ngayon, pero masyado na akong umasa noon na may concern pa siya sa pamilya niya para maiyak sa ganitong mga bagay. "Pasensiya ka na kung nadadamay ka---" "Pasensiya?" ulit ko sa sinabi niya. Gusto ko ngang matawa nang bongga eh. "Muntik na akong mapatay ng Gregorio na yun dahil hinahanap ka niya sa akin, tapos ang sasabihin mo lang sa akin ay pasensiya, 'Tay? Seryoso ka ba diyan?" Basa na ang mga mata ko at mainit na rin ang mga tenga ko dahil sa halo-halong emosyon na nararamdaman ko ngayon. Ang kapal lang kasi ng mukha niya. Ang lakas ng loob niyang magpakita sa akin at humingi ng pasensiya pagkatapos ng nangyari na parang muntik lang ako makagat ng aso. Akala niya ba ay mapapatawad ko siya nang basta-basta kapag humingi siya sa akin ng tawad? Hindi ba't kasalanan niya itong lahat? Ang paghihirap namin noon nang umalis siya, ang pangangamuhan ni Nanay sa Maynila, at ang pagrerebelde noon ni Kuya? Lahat ng paghihirap namin ay dahil iniwan niya kami, tapos iyang pagiging parte niya ng Neo Partisan Army na yan ay muntik pa akong mapahamak. At ngayon hihingi siya ng pasensiya? Nasisiraan na ba siya ng ulo? O sira na talaga ang ulo niya? "Anak..." "Umalis ka na lang, 'Tay," sabi ko na lang din sa kanya na umiiyak. Nakatingin ako sa pinto ng kusina namin na para bang nakikita ko ang mukha niya sa labas na nakatingin din sa pinto. "Ayaw na kitang makausap. Sumasakit lang ang dibdib ko sa 'yo..." "Pero Sheina... Kailangan mong malaman kung bakit dapat umalis ka na rito," pagpupumilit niya naman. "Hindi ka na ligtas dito. Babalik at babalik sila rito para hanapin ako, o baka kunin ka nila para gawing pa-in laban sa akin---" "Wala akong pakialam!" sigaw ko naman sa kanya na nagpatigil sa pagsasalita niya. "Wala akong pakialam sa kung ano ang nangyayari sa 'yo, 'Tay. Pinili mong umalis noon, kaya kung ano man 'yang problema mo na yan, 'wag mo akong idamay diyan. Bakit ako aalis? Dito ako nakatira. Hindi ba dapat ikaw ang gumawa ng paraan para malayo ako sa panganib? Bakit ako ang mag-a-adjust para sa 'yo?" "Sheina, hindi mo naiintindihan---" "Talagang hindi ko maiintindihan dahil hindi naman na kita kilala. Ikaw nga ang ama ko, oo, pero ibang tao ka na," sagot ko sa kanya. "Dapat nga eh nahihiya kang humarap sa akin dahil sa ginawa noon, pero balak mo akong paalisin dito sa bahay? Hanggang ngayon nadadamay pa rin kami sa mga maling desisyon mo sa buhay mo?" "Sheina... Patawarin mo ako, anak," sagot naman niya and this time sigurado na akong umiiyak siya. Garalgal na rin kasi ang boses niya. At mas lalo lang akong napaiyak dahil doon. "Tama ka naman eh. Hindi ka na dapat naapektuhan sa mga nangyayari. Yun nga lang, hindi ko kontrolado ang lahat ng tao sa paligid ko. Ilang beses ko nang sinabi sa kanilang hindi ka malapit sa akin para saktan nila, kaya lang hindi sila makikinig sa kahit ano'ng sabihin ko. Susubukan at susubukan nilang saktan ka." "At ano, wala kang magagawa para pigilan sila? Ako pa talaga ang aalis?" pagmamatigas ko naman. Kasi totoo naman, bakit ako pa ang kailangang magdusa sa mga bagay na dulot naman ng kagagawan niya? Bakit lagi na lang siyang may dalang mga pasakit sa buhay ko? "Gagawin ko ang lahat para mapigilan sila, anak. Pero kailangan pa rin kitang balaan. Alam kong ayaw mong umalis dito, pero habang nandito ka ay malalagay ka sa panganib. Kaya ako nagpunta rito para pigilan silang idamay ka pa ulit. Dahil ayoko nang bigyan pa kayo ng problema." "Sinasabi mo ngayon yan pero ano 'to, 'Tay? Hindi ba problema na naman 'to? Mag-isa lang ako ngayon sa bahay. Wala pa si Jeron kaya hindi ko nga alam kung makakatulog pa ako nito ngayong sinasabi mong nasa panganib na ako rito." "Jeron? Sinong Jeron?" Natigilan ako sa tanong niya dahil ngayon ko lang na-realize na hindi niya nga pala kilala si Jeron. "Boyfriend ko. Kasama ko na siya rito sa bahay. Pero wala siya ngayon dahil umuwi muna siya sa kanila." "Mabuti naman kung may nakakasama ka na pala rito sa bahay, anak. At least mas mapapanatag ako kung may asawa ka na---" "Boyfriend ko pa lang siya." "Ganoon na rin yun kung nagsasama na kayo rito," aniya. "Alam kong wala akong karapatan para kilatisin pa siya pero sana ay maayos ang lalaking yan, anak. Ayaw kong makapangasawa ka ng tulad ko." Hindi na ako sumagot doon sa huling sinabi niya dahil alam kong pawang mga masasakit na salita lang ang lalabas sa bibig ko. Dahil gaya ng sinabi niya, ayaw ko rin talaga mag-asawa ng katulad niya. Hindi ako pipili ng taong iiwan lang din ako sa ere. At sigurado ako na hindi gagawin sa akin iyon ni Jeron. "Sheina, ang gusto ko sana ay makinig ka sa sinasabi ko dahil buhay mo na ang nakataya rito. Mas magalit ka sa akin lalo kung yan ang nararamdaman mo, pero buhay mo na ang nasa panganib kaya kailangan mo akong pakinggan. Parang awa mo na anak. Hindi mo naman kailangang patawarin ako para pakinggan ang sinasabi ko. Gusto ko lang na hindi ka na madamay pa. Kaya umalis ka na rito. Isama mo ang boyfriend mo kung kinakailangan." Natigilan ako doon at napaisip. Medyo tumatak kasi sa akin iyong sinabi niya na buhay ko na ang nakatasalalay sa desisyon ko. At totoo naman. Hindi biro ang babalang ibinigay niya sa akin. Ano pa ang silbi ng pagmamatigas ko kung ikamamatay ko rin naman yun? At paano kung pati si Jeron na wala namang kinalaman dito ay madamay rin? "Sheina, hindi na ako magtatagal dahil baka may makakita na sa akin dito. Pero 'wag kang mag-alala, ililigaw ko naman ang mga yun para hindi ka na nila gambalain pa rito. Magpapakita rin ako sa ilang tagarito para maalerto ang mga pulis para higpitan nila ang pagbabantay sa y'o. Iyon man lang ay magawa ko para sa 'yo. At kung gusto mo namang makausap pa ako at malaman kung ano ang nangyayari para maintindihan mo ang buong sitwasyon, magpapakita ako sa kweba sa may batis sa gubat lagpas ng tulay papuntang Talisay. Bukas. Hihintayin kita doon buong araw. Kung ayaw mo naman akong makita, mag-iiwan na lang ako doon ng sulat at kunin mo kinabukasan sa loob ng kweba." "Ang dami mo namang inuutos sa akin," reklamo ko. "Hindi ako makikipagkita sa 'yo doon. Baka kung ano pa ang mangyari sa akin." "Ikaw ang bahala, anak," sabi niya naman at nahimigan ko sa boses niya ang lungkot. "Patawad kung dahil sa akin ay humantong sa ganito ang lahat. Hayaan mo. Hangga't hindi importante ay hindi ako magpapakita sa 'yo," dagdag niya pa. "Aalis na ako."  Natahimik na sa likod ng pinto kaya alam kong umalis na siya. At nang masiguro kong wala na siya, ako naman ang napahagulhol ng iyak dahil sa nangyari. Hindi pa rin siguro ako sanay na heto siya at nagpapakita sa akin ngayon. Noong bata ako, wala akong ibang hiling kung 'di ang pagbabalik niya, kasi ibig sabihin noon ay ang pagbalik din ng saya sa pamilya namin. Dahil bata pa ako ay masyado akong optimistic noon. Naniwala talaga ako na babalikan niya kaming mag-iina niya. Kaya lang nagdalaga na lang ako ay ni anino niya ay hindi na bumalik dito sa San Policarpio. Hanggang sa kusa na lang namatay na parang apoy na hinipan ang pag-asa sa puso ko na babalik pa siya sa amin. At ngayong nakabalik na siya, gusto niya na pakinggan ko ang sasabihin niya na parang walang nangyari? Ang hirap sa mga taong may nagawa sa 'yong malaking kasalanan ay hindi sila nahihiyang humarap sa 'yo. Bigla ka na lang kakausapin na parang close kayo, na parang hindi niya winasak ang mundo mo. Ayoko sa ganoong klase ng mga tao. Nakaidlip na pala ako nang magising ako sa katok sa pinto ko. Sinilip ko sa butas sa bintana kung sino ito dahil baka si Tatay na naman ito, pero si Raffy pala ang nasa labas. Tinatawag niya ang pangalan ko na parang nagpa-panic siya kaya kaagad ko na rin siyang pinagbuksan. "Raffy? Bakit para kang natatae diyan? Ano'ng meron?" "Nandito ka pala! Buti naman!" sagot niya sa akin at pumasok na siya sa loob ng bahay. "Akala namin kung ano na ang nangyari sa 'yo rito!" "Huh? Bakit ka naman ganyan kung mag-alala?" "Tinawagan kasi ako ni Jeron. Bigla raw hindi ka na makontak," sagot niya sa akin. Napasapo naman ako sa noo ko dahil naalala ko na nahulog ko nga pala ang cellphone ko sa tubig sa palanggana! Patay! Malamang hindi na yun gagana pa ulit! "Eto, kausapin mo siya! Kanina ka pa 'non sinusubukang kontakin!" Ibinigay sa akin ni Raffy ang phone niya. Dinial niya na pala ang number ng kaibigan niya, at ngayon ay ako na ang may hawak nito. Wala naman akong choice kung 'di ang kausapin siya dito sa phone ni Raffy. Ipapaliwanag ko na lang kung bakit hindi niya ako makontak. "Hello?" Boses ng babae ang narinig ko kaya nagulat ako. "Raffy?" "Sino 'to?" tanong ko na dahil bakit babae ang may hawak ng phone ni Jeron? "Si LJ 'to, girlfriend niya," sagot naman nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD