Chapter 2- Coincidence

1791 Words
RAMDAM ko pa rin ang hang over ng first day of class last week. Pasado alas singko pa lamang ng umaga nang magising ako. Hindi katulad nang nakasanayan kong oras kung kaya't hindi maiwasang mabigla ni Mama sa akin. "Oh, ang aga mong nagising ngayon anak, anong mayroon?" "Ah.. kailangan ko lang pong mag-review nang maaga sa library para sa recitation mamaya," sagot ko at saka kumuha ako ng fried rice at fried egg sa may lamesa at nilantakan agad iyon ng pagkain. "Hinay-hinay lang, anak. Pero, recitation? E, kasisimula lang ng klase n'yo last week, hah?" "Iyon na nga po, 'Yung prof po kasi namin sa philo, sinisiguradong may natutunan kami sa bawat lesson. Saka, hindi po 'yata ako nakapaghapunan kagabi, ma. Kaya gutom na gutom ako," natatawa ko pang sabi. Natawa na lang din si Mama habang naglilinis ng lababo. "Ganoon ba? Pero, mukha ngang gutom na gutom ka. E, umakyat ka kasi agad ng k'warto mo pag-uwi kahapon, e." "Okay na rin 'yon, mama. Para mabawasan din ang baby fats ko!" pilyang sabi ko. "Ikaw naman, anak, hindi ka naman mataba, e." Sandali kong sinuyod ang kabuuan ni mama. At sa tuwina ay bigla kong naitanong. Tutal naman ay masyado pang maaga para sa nine am class ko. "Ano po pa lang mga hilig ko no'ng gawin, ma?" Doon naman sandaling napalingon sa akin si mama. "Bakit mo naman naitanong 'yan?" "E, curious lang po ako, ma. Wala rin kasi akong matandaan, e. Kasi 'di ba, mahilig kumanta at tumugtog si Hennielyn? Kaya naisip ko, baka pareho lang kami nang kinahihiligang gawin ng best friend ko." Nang tumigil si mama sa ginagawa ay siyang paglapit din naman niya mula sa direksyon ko. "Aaminin ko, anak, nagmana ka sa papa mo na mahilig din kumanta." Bahagya akong napangiti. "Talaga po, ma?" "Oo, anak, pero.. may mga bagay na hindi po p'wedeng balikan sa ngayon. Anak, mas makabubuti siguro kung hahayaan mong bumalik nang kusa ang interes mo sa pagkanta bago mo ulit gawin ang bagay na 'yon." "Hindi po kita maintindihan, ma. Ano po ba talagang nangyayari sa akin? Saka, bakit hindi ko maalala ang nakaraan? Bukod sa natatandaan ko lang ang lahat ng tungkol sa pagkatao ko, 'yung mga memories noon, burado sa alaala ko, e. May amnesia po ba ako?" Sandaling napabuntong hininga si mama. Bagay na lalong nagpa-curious sa akin. Nakapagtataka kasi kung paanong hindi ko maalala ang nakaraan. "Anak, mabuti pa at kumilos ka na, at para makapag-review ka pa nang maaga sa school," pag-iiba ni mama ng usapan. "Pero nag-uusap pa po tayo, ma." "Marami pang pagkakataon, anak. Sige na, kumilos ka na." Hindi ko maintindihan kung bakit iniiwasan ni mama ang katanungan ko. May itinatago ba siya sa akin? Hanggang sa mag-asikaso ako ay laman pa rin ng isipan ko ang naging usapan namin ni mama. Samantala'y mabilis naman akong nakaligo at nakapag-ayos sa sarili ko. Pulbo lang ang inilagay ko sa aking mukha dahil ang sabi ni Mama ay mas simple, mas maganda. Naniniwala naman ako sa kasabihan na 'yon, maliban lang sa tuwing umiiwas siya kapag may itinatanong ako sa kaniya tungkol sa past life ko. Hindi ko nga maintindihan, e. Basta, namulat na lang ako na tanging kasalukuyan lamang ang aking naaalala. Pero ang nakapagtataka ay hindi naman nawala sa isip ko ang pangalan at mukha ng aking ama't ina, at maging ng best friend kong si Hennielyn. Marahil ay sila lang ni mama ang bumungad sa akin ng araw na iyon simula nang makamulatan ko na tila bago ang lahat ng pangyayari para sa akin. Pagkarating ko pa lamang sa school ay dumiretso na ako sa library. Nanghiram din ako ng libro para p'wede ko iyong mai-uwi kahit isang araw. Ilang minuto rin ang iginugol ko sa pagre-review hanggang sa halos kalahating oras na lang din bago magsimula ang klase. At para sa akin ay magiging handa na ako para sa discussion mamaya, kung sakali man na matawag ang pangalan ko para sa recitation. Pagkaakyat ko sa second floor kung saan ay nabaling agad ang atensyon ko sa kumpulan ng mga tao na naroon sa may covered court. As usual, kilig na kilig na naman ang mga kababaihan dahil daw sa mga basketball heartthrobs. May kaniya-kaniya ang mga itong team na sinusuportahan. Pero wala akong pakialam dahil pag-aaral lang dapat ang inaatupag ko para hindi ko ma-disappoint si mama. Sa hindi kalayuan ay natanaw ko si Peter na nagchi-cheer din. Naka-focus lang ang tingin ko sa direksyon niya at sa isang iglap ay nakita niya rin ako kaya kumaway siya sa akin. Sinenyasan niya pa akong lumapit sa direksyon niya kaya naman dali-dali akong naglakad patungo roon. Pero habang palapit ako sa kaniya ay natigilan ako dahil may nakabangga ako. "Aray!" wika ko matapos mahulog sa sahig ng mga dala kong libro. "I'm sorry, miss.." Tila hingal na hingal pa ang lalaking nakabangga ko pero hindi ko iyon pinansin dahil agad kong pinulot 'yung mga dala kong libro. At saka dali-daling tumayo. "It's okay," tipid kong sagot. At nang magtama ang mga mata namin ay nakita kong nakatitig lamang ang lalaking nakabangga ko sa akin. At para bang 'yung expression ng mukha niya ay gulat na gulat. Habang ako naman ay iniisip kung saan ko siya unang nakita. At hindi ako p'wedeng magkamali dahil siya ang isa sa mga classmates ko. Magsasalita pa lamang siya nang biglang may tumawag sa pangalan niya. "Lithian! Start na raw sabi ni coach." Doo'y sandali pa siyang napalingon sa akin bago pa man magpasyang bumalik sa laro. Kaya naman tuluyan na akong nakalapit kay Peter. "Nagkakilala na pala kayo ni Lithian, 'di bale, mamaya ay pormal kitang ipakikilala sa kaniya at kay Vincent." "Lithian?" pag-uulit ko pa. "Oo, actually, classmate natin siya." "Ah! Parang natatandaan ko nga siya, e." "O, iyon naman pala, e. Mabait 'yon si Lithian!" k'wento pa niya. Habang napanuod na rin ako sa laro ng mga basketball players sa school. Katulad din nang pag-request ni Peter sa akin na samahan ko siya habang hindi pa nagsisimula ang klase. Habang nanunuod ay ewan ko ba kung bakit parang may kakaiba akong naramdaman habang parang paulit-ulit na nagsi-sink in sa utak ko 'yung pangalan niya. At aaminin kong hindi ko maiwasang isipin na ang amo ng mukha niya. Marami pa akong nakilala sa mga kaklase ko. Isa na roon si Morisette, ang isa sa magaganda kong kaklase. Kaakit-akit naman kasi talaga ang ganda niya kaya hindi malabong nagpipilahan sa panliligaw sa kaniya ang mga kalalakihan. Hindi ko rin inaasahan na mano-nominate ako bilang Class President, at maging sa botohan ay nanguna ako, at nang dahil sa suporta na rin ni Peter. Masaya naman ako dahil nabigyan ang katulad ko ng chance ng aking mga kaklase upang ihalal na class president. Habang si Morisette naman ang aming naging muse at si Lithian ang escort. No'ng break time ay niyaya ako ni Hennielyn sa may canteen. Miss niya na raw kasi akong kasabay kumain. Habang kumakain kami ay hindi ko maiwasan na magtanong sa kaniya. "Best, pamilyar ka ba sa mga athlete natin dito sa school?" "Sa ngayon ay wala pa. Ahm, bakit, best?" Napailing naman ako. "Ah. Ngayon lang kasi ako na-entertain sa mga athlete na 'yan, e. Ewan ko ba kung bakit hindi mawala sa isipan ko ang eksena kanina sa may covered court!" Totoo naman kasi, ever since ay puro aral o di kaya naman ay sa bahay lang ako. Tuwing linggo naman ay tumutulong ako kay mama na magtinda ng mga kakanin na ginagawa niya pagkatapos naming magsimba. Kaya kung minsan ay nakakalimutan ko na ang ilang activities na ginagawa ng isang teenager. "Bakit? A-ano bang nangyari?" Ramdam ko ang panginginig sa winika niyang katanungan pero no choice ako kundi balewalain 'yon. "Ah, kanina kasi ay may lalaki akong nakabangga, grabe lang kasi kung makatitig siya sa akin, para bang gulat na gulat." "Hay naku, best, 'wag mo na 'yun masyadong isipin. Pero baka naman kasi nagandahan lang sa'yo," wika niya na tila nagpanatag naman sa kalooban ko. Pero bahagyang napakunot ang noo ko habang binabalik-balikan ang isiping iyon sa utak ko. "Pero, ang weird, e. Basta, hindi ko ma-explain," hindi siguradong sagot ko. Nakita ko ang pag-ikot ng paningin ni Hennielyn dahil mukhang hindi siya ganoon ka-interesado sa tinutukoy ko. "Ahm, what if kumain na lang kaya tayo ng ice cream after nito? Para lumamig-lamig naman 'yang mood mo," pahapyaw na pang-aasar ko sa kaniya. "Sira, okay na okay ako, 'no. Lalo na kung kasabay sana natin si Peter." "Ah, I see. Iyon naman pala ang hinihimutok mo riyan. 'Wag kang mag-alala dahil simula bukas ay aayain ko si Peter na samahan tayong kumain tuwing break time," nakangiti kong sabi na ikinalapad ng ngiti niya. Kaya naman sinamantala ko ang natitirang oras at matapos namin kumain ay nagyaya na akong magpunta sa may ministop para bumili ng favorite naming ice cream ni Hennielyn. Habang nagtatawanan kami palabas ng ministop ay sakto naman na may nakabangga ulit ako. Pambihira naman kasi ang pagka-careless ko. Hindi ko kasi napansin na may papasok pala. Kaya saktong paglingon at pagkabukas ko ng pinto ay ang mga katagang iyon na naman ang bumungad sa akin, "I'm sorry miss." Pawis na pawis ang katawan nito at mukhang katatapos lamang maglaro ng basketball. At nang magtagpo ang mata namin ay natulala ako dahil siya na naman. What a coincidence? Pero hindi ko namalayang nalagyan ko pala ng ice cream ang sando jersey niya. Habang si Hennielyn naman ay mukhang nanatiling tikom ang bibig at gulat na gulat ang mga mata. Subalit hindi ko inaasahan na babanggitin ng lalaking kaharap namin ang pangalan ko, "Keena?" "Ha? E, paano mo nalaman ang name ko?" curious na tanong ko. Nakita ko ang pagkamot niya sa ulo at sinabi, "Ah, narinig ko lang kanina sa room. Officer ka, 'di ba?" "Oo, at ikaw din 'yung bumangga sa akin kanina a-at escort ng classroom." "Sorry talaga ah." Napangiti na lang ako. Hindi naman kasi gano'n ka-big deal sa akin 'yon kaya forgiven na. "It's okay," tipid na sagot ko habang nagmamadali namang bumalik ng classroom si Hennielyn. Mahahalata ang pagkabalisa niya ng mga oras na 'yon at hindi ko maintindihan kung bakit. "Keena, halika na.." nagmamadaling pang-aaya niya sa akin. Nagtaka naman ako dahil hindi pa naman tapos ang lunch break at nagmamadali na siyang umalis. Kahit hindi kami magkaklase ni Hennielyn ay magkatabi naman kami ng classroom. Kaya nakakapagsabay pa rin kaming mag-lunch break. Pero hanggang sa bago pa man kami maghiwalay ng best friend ko ay hindi ko pa rin maintindihan ang kakaibang reaksyon ng mukha niya-- dahil tila naging balisa siya at hindi ko mawari kung anong mayroon. Lalo na nang makita niya 'yung Lithian na 'yon..
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD