LEIN
2ND WEEK FIRST DAY OF SCHOOL
Maaga ako umalis ng boarding house para pumasok. Naghihilik pa ang kasama kong si Rheo no'ng umalis ako. Hapon pa kasi ang pasok nito. Walking distance lang ang university kaya nilakad ko lang papunta roon. May mga kasabay akong naglalakad papunta sa gate. May mga tricycle ring humihinto at nagbaba ng mga estudyanteng pasahero. Halos lahat ay naka-civilian kasi wala pang abiso kung kailan pwede mag-suot ng uniform. At excited na ako roon.
Nakalampas na ako ng gate kung saan may gwardiyang nagbabantay. Nagtuloy ako sa Fisheries Building kung saan nandoon ang first subject ko. Pagdating ko roon ay nadatnan ko ang ilang kaklase ko na nagku-kwentuhan. Mukhang nakahanap na ang mga ito ng bagong magiging kabarkada.
"Lein!" tawag sa akin ng kaklase kong si Megan nang makapasok ako.
Ngumiti ako sa kanya. Showing my perfectly handsome smile.
"Dito ka," sabi pa niya. Na ang tinutukoy nito ay ang bakanteng upuan na nasa tabi nito.
Lalapit sana ako roon pero bigla na lamang akong inakbayan ni Tim. Isa ko pang kaklase. Medyo badboy ang asta nito at sa first week na magkasama kami as classmate ay maraming girls ang naiinis dito. Pogi rin ito kaso nga lang medyo maangas at mahangin ito. Anak mayaman kasi kaya gano'n.
"Lein, 'wag ka diyan. Dito ka sa amin." Na ang tinutukoy ay ang grupo nito kasama pa ang dalawang kaklase ko rin na sina Sonny at Felix.
"Huh? Ah, sige," sagot ko na lang.
Hinila na ako nito palapit do'n sa grupo nila. Napatingin pa ako kay Megan. Nakasimangot ito. Mukhang hindi nagustuhan ang ginawa ni Tim. Wala na akong nagawa kundi sumunod. Nandoon din kasi ang iba ko pang kaklase mga lalaki. Dapat alam ko kung saan ako makikipagbarkada at kung kanino ako makikipag-lapit. Mahirap nang mabuking.
Napilitan akong makipag-halubilo sa mga ito. Nakipagkwentuhan at huntahan. Nakipagpalitan ng mga interest. At higit sa lahat makisama. Kahit pa na 'di ko bet ang mga pinag-uusapan nila. Ayoko lang kasing magduda ang mga ito sa akin.
"'Di ba, Lein?" tanong ni Tim sa akin.
Pero wala ang isip ko sa usapan. Ando'n na sa malayo at naglalakbay. Hindi na kasi ako maka-relate sa usapan ng mga ito kaya wala na ang atensyon ko roon. Tinapik ako nito sa balikat dahilan para bumalik ako sa tamang katinuan.
"Ha? Ah, oo," nasagot ko na lang kahit 'di ko alam ang tinatanong nito. Ngumiti na lang ako na parang na-gets ko ang usapan nila.
"Kaya gusto kita, eh," saad ni Tim at bigla akong kinabig sa leeg palapit sa katawan nito. Nagulat ako sa ginawa niya pero hinayaan ko lang.
Jusme! Hindi ko napaghandaan iyon. 'Wag gano'n, mars este pare!
Napilitan akong tanggalin ang kamay niya na naka-kawit sa leeg ko.
"C.R. lang ako," paalam ko saglit sa mga ito. Medyo nagulo kasi ang buhok ko dahil do'n. Ayoko pa naman ng messy hair. Gusto ko presentable ako lagi. At tuluyan na akong tumungo sa pinto palabas.
"Pasabay!" sigaw pa ni Tim at nagmadaling sumunod sa akin.
Gusto kong mainis. Kaya nga nagkunwari akong magsi-CR para makaiwas dito pero heto at sumunod pa talaga. Haist!
Magkasabay kaming tumungo sa Mens CR.
Hapon.
Kasalukuyan kaming nasa school auditorium. Isang departamental election kasi ang magaganap kung saan mag-e-elect ng bagong members ang club na exclusive lamang sa mga estudyante at members ng Fisheries Department. Kabilang sa mga kurso ay ang BS in Marine Biology, BS in Fisheries, BS in Fisheries and Aquatic Sciences at BS in Inland Fisheries. Lahat ay may kinalaman sa dagat at pangingisda.
Lahat ng estudyante mula first year hanggang fourth year ay kasali rito. Yearly itong ginagawa at ito ang magiging representative ng department namin sa mga school activities. May ilang mga year pa ang wala mula sa ibang courses kaya 'di pa makapagsimula.
Naka-upo na kami at as usual katabi ko na naman si Tim. Hindi ako komportable sa presence nito at hirap ako gumalaw pero sige lang. Kahit gustong-gusto kong lumipat at tumabi do'n sa mga girls ay hindi ko magawa. Kaya hanggang tingin lang ako kila Megan at sa iba pa.
Iniiwasan ko lang na baka may masabi sila. Kung bakit do'n ako uupo, eh, halos lahat ng kaklase kong lalaki ay nandito at magkakatabi. Tapos ako lang mag-isa ang andoon sa mga girls. Baka makahalata ang mga ito 'pag do'n ako sumama. Baka biglang mahatsing pa ang mga ito. Yari ako.
Naramdaman kong bigla na lamang sumandal ang ulo ni Tim sa balikat ko. Nilingon ko siya. Nakita kong nakapikit ito.
"Pasandal, ha? Tagal eh." Na ang tinutukoy nito ay ang start ng election.
Napasimangot ako. Hindi ko ma-gets kong bakit panay lapit ito sa akin. Kung hindi akbay o kabig ay sandal naman ngayon. Pero bakit sa akin lang? Sa iba naman ay hindi naman gano'n ito. Ang angas nga ng datingan nito pero pagdating sa akin ay iba. Parang ang clingy nya masyado. Pinabayaan ko nga lang. Ayoko nang mag-isip pa ng kung ano.
Nakita ko nang mukhang ready na ang board na gagamitin pati na rin ang sound system. Mukhang kompleto na ang lahat ng mga estudyante mula sa ibat-ibang kurso. Isang senior na babae ang nagsalita sa microphone.
"Good afternoon po sa lahat. Mukhang almost kumpleto na po tayo. Si Sir Mejia na lang ang hinihintay natin kaya magsisimula na tayo in five minutes. Salamat," aniya at pinatay ang mikropono. Si Sir Mejia ang tumatayong club adviser.
Nanlaki ang mata ko at lihim akong natuwa nang makita ko ang biglang lumitaw mula sa likod ng board. Shuta! Nag-heart-heart ang mata ko.
Si Rheo!
Nagtilian ang ibang girls nang makita ito. Pati ang mga classmates kong mga babae ay nakisali rin. Parang gusto ko na ring makisali. Ang lakas ng dating nito.
Naka-suot ito ng black polo shirt at jeans. Naka-converse shoes at may puting sumbrero sa ulo. Parang ang layo sa itsura nito kanina habang natutulog no'ng umalis ako ng kwarto namin sa porma nito ngayon. 'Di ko akalain na mas gu-gwapo pa pala ito 'pag naka-porma.
Ngumiti lang ito dahil sa mga tilian. Parang balewala na dito ang makarinig ng ganoon. Samantalang ako ay nakatutok pa rin ang paningin sa kanya. Hindi ko siya tinantanan. Sinundan ko ang bawat galaw niya.
Saktong napalingon siya sa kinaroroonan ko. Nakita niya ako. Kaya pasimple kong inangat ang kamay ko para ma-acknowledge niya ako. Ngumiti ako nang bongga. Hoping na ngingiti rin siya pabalik sa akin pero wala. Sa halip, biglang sumeryoso ang mukha nito. Parang dumilim iyon bigla.
Itinuloy nito ang pakikipag-usap sa mga kasama. Napalis ang ngiti ko sa labi. Feeling ko napahiya yata ako dahil do'n. Nag-feeling close agad ako sa kanya kahit kahapon lang kami nagka-kilala at kasama ko siya sa kwarto. Assumera lang ang peg ko!
Hindi ko alam kung anong nangyare. Hindi ko rin alam kung bakit gano'n ang naging reaksyon nito nang makita ako. Hindi ko alam kung may nagawa ba akong mali. Bigla-bigla na lamang itong nagbago ng ekspresyon. Pwede naman itong magpanggap na 'di niya ako nakita. Mas maiintindihan ko pa siguro iyon.
Nawalan ako ng gana dahil do'n. Sa bad trip ko ay walang sabi-sabi kong iniwas ang balikat ko kung saan nakasandal si Tim. Nahulog ang ulo nito at muntikan pang mawalan ng balanse.
"Ano ba 'yan?!" nasaad nito sa gulat.
Umayos ito nang upo. Mukhang naka-idlip na yata ito sa balikat ko.
"Magsisimula na raw," seryoso kong sabi.
Ni hindi ako nag-abalang inintindihin at tignan ito. Bahala siya sa buhay niya. Ginawa niya pa akong sandalan.