Marco-6

2080 Words
Walang kumikibo sa kanilang dalawa ni Marco habang tinatahak nila ang daan patungo sa bahay ni Ramon. Hindi na niya matandaan kung saan ang bahay ng demonyong iyon. Buti na lang alam ito ni Marco. Kung sa bagay, ito nga pala ang nagmamay-ari ng mayamang village na tinatahak nila. Huminto sila sa pamilyar na gate. Bigla niyang naramdaman ang panginginig ng mga paa niya. Nilukob din siya ng takot habang nakatingin sa gate kung saan siya lumabas kagabi nang walang sapin sa mga paa. Lumapit ang gwardiyang naroon at kumatok sa salamin sa may driver’s seat. Binuksan lang ni Marco ang bintana. Walang salitang lumabas sa bibig niya, pero sumaludo ang guard dito, saka mabilis na tumakbo para buksan ang gate. Kumakabog ang dibdib niya habang tila nakikita niya muli ang mga eksena kagabi sa bakuran na iyon. Kung paano siya nagtakbo para mailigtas lang ang sarili sa kapahamakan. “Andito na tayo,” malamig na sabi ni Marco. Naging malamig bigla ang pakikitungo ni Marco sa kanya dahil kay Hazel. Kung anu-ano marahil ang sinabi ng babaeng iyon kay Marco para pagmukhaing masama siya. Hindi pa rin siya gumagalaw sa kinauupuan. Natatakot siya. Natatakot siyang bumaba at mag-isang pumasok sa loob ng bahay ni Ramon. Baka sa pagkakataong ito hindi na siya makatakas pa sa mga kamay nito. “Savannah, andito na tayo. Bumaba ka na at kunin mo na ang mga gamit mo,” utos sa kanya ni Marco. “Ah.. Eh...” tanging tugon niya nang sulyapan niya ito. “Ano kasi.. Marco eh,” sabi pa niya nang mapansin niyang palabas na ng pintuan ng malaking bahay si Ramon. Nanlaki ang mga mata niya. Lalo pang lumakas ang kabog ng dibdib niya sa takot na naramdaman. Takot na takot siya. Nanginginig ang buong katawan niya sa takot nang makita ang demonyong si Ramon. “Savannah, are you okay?” narinig niyang tanong ni Marco sa kanya. Nanathili naman siyang nakatingin kay Ramon na kunot-noong nakatitig sa sinasakyan nila. “O... Okay lang,” putol-putol na tugon niya. Nanginginig pa ang mga kamay niya nang hawakan niya ang handle ng pintuan. Hindi tuloy niya mabuksan-buksan iyon. Walang lakas ang mga kamay niya dahil sa panginginig. “Savannah!” mariing tawag sa kanya ni Marco, sabay hawak pa nito sa braso niya. “Okay ka lang ba? Namumutla ka at nanginginig ang buong katawan mo,” sabi pa nito. “Ah... eh...” wala siyang masabi. “Stay here. Ako na ang bahalang kumausap kay Ramon. Ako na rin ang kukuha ng mga gamit mo sa loob. Dito ka na lang maghintay,” litanya nito sa kanya. Ewan niya kung bakit pero sunod-sunod na tango ang naging tugon niya. Hindi niya kayang harapin si Ramon. Hindi rin niya kayang pumasok sa loob ng bahay nito kung saan muntik na siyang mapagsamantalahan. “Lock the door paglabas ko, para hindi ka masyadong matakot. Ako na ang bahala kay Ramon,” bilin pa nito sa kanya. Tanging tango lang ang naisagot niya rito. Sinundan niya ng tingin si Marco nang bumaba ito sa kotse. Agad itong sinalubong ni Ramon na may malapad na ngiti sa labi. Nanathili siyang nakatingin sa dalawa. Nakita niyang nawala ang ngiti sa labi ni Ramon nang magsalita si Marco. Wala siyang naririnig sa pinag-uusapan ng dalawa, pero hula niya sinabi na ni Marco ang sadya nila. Mamahalin ang sasakyan na sinasakyan niya. Tinted marahil ang salamin kaya hindi siya nakikita ni Ramon mula sa labas. Mukhang hindi rin sinabi ni Marco na nasa loob siya ng sasakyan. Napasandal siya sa upuan at nagbuga ng hangin nang pumasok na sa loob ng bahay ang dalawa. Pilit niyang pinapakalma ang sarili. Alam niyang ligtas na siya sa mga kamay ni Ramon. Salamat kay Marco. Kahit marahil hindi lang siya ligtas sa mga pang-iinsulto sa kanya ni Marco at pangmamaliit. Habang naghihintay sa labas, nilingon niya ang paligid. Wala sa bakuran ang kotse niya. Nagtaka siya kung saan naman dinala ni Ramon ang kotse niya. Hindi naman iyon mamahalin para pag-interesan pa nito. “Saan kaya nila tinago?” bulong pa niya. Halos trenta minutos na ang lumipas pero hindi pa rin lumalabas si Marco. Naiinip na siya sa kahihintay. Sadyang hindi lang siya makalabas ng sasakyan dahil sa trauma, kaya kailangan na lang niyang maghintay pa sa loob. Maya-maya lumabas na si Marco kasama ang isang kasambahay na bitbit ang mga gamit niya. Hindi na niya nakita si Ramon na lumabas pa ng bahay. Nagtaka rin siya kung bakit hindi rin lumabas ng bahay ang Mommy niya para makita siya. Bumukas ang pinto ng kotse sa may likod, at inilagay ng kasambahay ang lahat ng gamit niya roon. Agad niyang hinila ang bag at hinanap ang cellphone niya. Nakahinga siya ng maluwag nang makita niya iyon. “Nasaan ang Mommy ko?” agad na tanong niya kay Marco pagkasakay nito sa driver seat. “Wala ang Mommy mo sa loob,” tugon nito. “Ah? Nasaan?” kunot-noong tanong niya. Hindi agad nakasagot si Marco sa kanya. Kinailangan muna nitong magmaniobra para makalabas ng gate. Matiyaga naman siyang naghintay. Lowbat din kasi ang cellphone niya kaya hindi pa niya matawagan ang Mommy niya. “Sabi ni Ramon, umalis daw. Dala ang kotse mo,” sabi nito sa kanya. Kaya pala wala ang kotse niya sa bakuran ni Ramon. Saan naman kaya nagpunta ang Mommy niya? Baka hinahanap na siya nito. Baka nag-aalala na sa kanya ang Mommy niya. Kailangan niyang matawagan ito agad. “Pwede ba akong makahiram ng charger?” tanong niya. “Walang charger dito. Kung gusto mo, bumalik muna tayo sa bahay,” tugon nito. “Pwede ba tayong bumalik?” alanganing tanong niya. “Oo,” tanging sagot nito. Mas okay na rin siguro na bumalik muna sila sa bahay ni Marco. Para malaman din niya kung ano ang napag-usapan nito at ni Ramon. Isa pa, hindi naman siya basta-basta makakaalis dahil wala ang kotse niya. Naisip niyang baka kung saan-saan na siya hinahanap ng Mommy niya. Baka nag-aalala na ito sa kanya ngayon. “Pwede bang pakibilisan mo? Baka kasi nag-aalala na sa akin ang Mommy ko,” pakiusap pa niya. Wala itong naging tugon sa kanya pero naramdaman niyang bumilis ang takbo nila. Seryoso ang mukha ni Marco habang nakatuon ang buong atensyon sa pagmamaneho. Pagdating sa bahay nito, agad siyang nag-charge ng phone para matawagan ang Mommy niya. Pagbukas niya ng cellphone, umaasa siyang magte-text sa kanya ang Mommy niya o di kaya may missed calls. Pero wala. Wala ni isang text o tawag man lang galing sa Mommy niya. Sinubukan niyang tawagan ang Mommy niya para sabihin dito na okay na siya at ligtas siya. Iyon nga lang, walang sumasagot. Naka-ilang subok siya sa pagtawag. Wala pa rin itong sagot. Nag-text na rin siya sa ina para ipaalam na okay siya. “Natawagan mo na ba ang Mommy mo?” tanong sa kanya ni Marco nang puntahan siya nito sa sala at dalhan ng juice. Nagpasalamat naman siya rito. “Hindi pa,” iling-ulo niyang tugon. “Ah. Marco, ano nga palang pinag-usapan niyo ni Ramon?” curious na tanong niya. “Wala naman. Hindi na importante iyon,” tugon nito. “Tawagan mo na ang Mommy mo para malaman niyang okay ka,” sabi pa nito. Tumango naman siya at sinubukang tawagan muli ang ina. Sa pagkakataong ito sumagot naman ito. “Mommy,” masigla niyang tawag sa ina nang marinig ang boses nito. At least ligtas ito. Walang anumang ginawa dito ang demonyong iyon. “Oh, Savannah. Napatawag ka. May kailangan ka ba? Hinahanap mo ba ang kotse mo? Pasensya ka na ah, ginamit ko muna. Pumunta ako sa bahay ng kaibigan ko dito sa San Miguel,” mahabang litanya ng Mommy niya. Nalungkot siya bigla. Ni hindi man siya kinumusta nito kung okay ba siya? Ligtas ba siya? Kung saan siya nagpalipas ng gabi? Napansin niyang nakatingin sa kanya si Marco. Bigla siyang nakaramdam ng awa sa sarili. Bakit ba tila hindi man nag-alala sa kanya ang Mommy nito? Nagawa pa nitong gamitin ang kotse niya at pumunta sa malayo. Iniwan siya sa San Ignacio, mag-isa. Ano pa nga ba ang aasahan niya sa ina? Mula pa naman noon, wala na itong pakialam sa kanya. Mabango at kinakausap lang naman siya nito tuwing hihingi ng pera sa kanya. Pero ni minsan hindi nga pala siya nito kinumusta kung okay lang ba ang trabaho niya. Kung ayos lang ba ang mga katrabaho niya. Dapat lang na masanay na siya. Huwag na siyang umasa pa na concerned sa kanya ang ina. Sadyang inilabas lang siya nito sa mundo. Pagkatapos, bahala na siya kung paano niya bubuhayin ang sarili. “Sige ho, Mommy,” tanging tugon niya sa ina nang sabihin nitong mag-bus o di kaya mag-taxi na lang siya pabalik ng Maynila. Dahil matatagalan pa raw ito sa San Miguel. Palalamigin muna daw nito si Ramon. Hindi na siya magtataka kung paglipas lang ng ilang araw o linggo, kasama na naman ng Mommy niya ang demonyong iyon. Ganyan na lang siguro talaga ang Mommy niya. Buti na lang kaya niyang buhayin ang sarili. At kaya rin niyang ipagtanggol ang sarili. Hindi niya napigilan ang pagpatak ng luha nang matapos na ang usapan nila ng Mommy niya. Wala man lang itong idea kung nasaan siya. Paano, hindi nga ito nagtanong. “Are you okay?” nagulat pa siya kay Marco na naroon nga pala. Mabilis niyang pinahid ang mga luha sa pisngi. “Yeah,” tipid na sagot niya. Hinila niya ang baso ng juice. “Susunduin ka ba ng Mommy mo?” tanong ni Marco. “No,” amin niya. Nais lang niyang maging totoo kay Marco. Para naman at least may idea ito kung normal ba ang Mommy niya. Na halos ma-r**e at mamatay na siya kagabi, ni hindi nito alam kung saan siya napadpad. Wala pa rin itong pakialam. Tila ang nais lang yata nito ay ang malayo siya kay Ramon. “Why?” nagtatakang tanong ni Marco. “Busy siya kasama ang mga kaibigan niya,” tugon niya. Ngumiti siya. Ngiting mapait. Masakit sa lalamunan. “Mas mahalaga pa ba ang mga kaibigan niya kesa sa iyo?” “Parang ganoon na nga,” tugon niya. “Halos mamatay ka na kagabi, tapos hindi man siya nag-alala sa iyo?” “Hindi,” tugon pa rin niya. “What the f*ck?” mura ni Marco. Napangiti siya nang mapait. “Nasa Mommy ko ang kotse ko. Nasa San Miguel ito at magtatagal daw ito roon. Ano ba ang magandang sakyan ko pabalik ng Maynila?” tanong niya kay Marco. “Wala ka bang kaibigan na pwedeng sumundo sa iyo?” tanong ni Marco. “Wala. Ayokong may ibang makaalam sa dinanas ko rito sa San Ignacio,” tugon niya. Pinakatitigan naman siya ni Marco. Hindi nakaligtas sa kanya ang pag-igting ng panga nito. “Pwede kitang ihatid ng Maynila, pero hindi ngayon. May trabaho pa kasi ako.” “Paano sa driver mo?” “Wala akong driver.” “Bukas pwede na?” tanong niya. “Hanggang bukas pa ako busy sa trabaho. Bukas makalawa pwede na kitang ihatid ng Maynila,” tugon nito. Hindi siya nakakibo. Ibig sabihin kailangan pa niyang mag-stay dito ng dalawang araw bago siya pwedeng ihatid ni Marco sa Maynila. Wala naman siyang ibang maaasahan sa ngayon. Wala ang kotse niya. Si Marco lang naman ang pwedeng tumulong sa kanya ngayon. Wala nang iba. Isa pa, ligtas naman siya sa bahay ni Marco. Hindi siya masusundan ni Ramon. “Kung kailangan mo na talagang makabalik ng Maynila, pwede kang mag-taxi,” suhestiyon nito. Sa totoo lang, may takot siya sa taxi. Sa dami ng mga nababalitaan niyang krimen, kaya ayaw niya ng taxi. Kung mag-bus naman siya, baka pag-guluhan pa siya pag may nakakilala sa kanya. Isama pa ang mabagal. Dahil bawat bahay, hihinto ito. Kaya wala talaga siyang choice kundi ang mag-stay sa bahay ni Marco at hintayin kung kailan siya nito pwedeng ihatid. “Hihintayin ko na lang siguro na maihatid mo ako sa Maynila,” lakas-loob na sabi niya kay Marco. “Sige,” tugon nito at tumango pa sa kanya. “Ipapaakyat ko na muna ang mga gamit mo sa guest room. Umakyat ka na rin muna roon para makapagpahinga,” sabi pa nito sa kanya. “Salamat, Marco,” pasalamat niya sa lalaking kahit ayaw sa kanya ng kaibigan nito, tinutulungan pa rin siya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD