Marco-5

1836 Words
"Hindi mo ba kilala ang babaeng ito, Marco?" tanong pa ni Hazel kay Marco na sa kanya nakatingin. Napakagat siya sa labi. Sa dinami-dami ng tao sa mundo, bakit kailangan pang kakilala ni Marco ang Hazel na ito. Ang babaeng akala mo kung sino. Masyadong mataas ang tingin sa sarili. At mababa ang tingin sa katulad niyang modelo. Kung sa bagay, anak yata ito ng isang kilalang negosyante. Kaya ganoon na lang kataas ang tingin nito sa sarili. "I know her," narinig niyang tugon ni Marco. Sinulyapan siya nito. "Pwede mo ba kaming iwan saglit, Marco?" sabi pa ni Hazel. "I don't know the issue here, but fine. Tapusin niyo agad iyang pag-uusap na iyan," sabi ni Marco. Sa kanya pa rin nakatingin bago humakbang palayo. Hindi niya alam kung ano pa ang pag-uusapan nila ni Hazel. Hindi na rin naman siya nakikipagkita kay Francis. Si Francis pa nga ang habol nang habol sa kanya. At hindi lang naman siya ang babaeng kinatatagpo nito. Isa rin siya sa niloko ni Francis noon. Si Francis ang unang nobyo niya. Pero hindi rin nagtagal ang relasyon nila. Paano, wala nang ibang nais si Francis kundi ang masolo siya. Ilang beses nitong sinubukan na may mangyari sa kanila. Pero hindi siya pumapayag. Wala siyang balak magpagamit sa lalaking hindi siya sigurado kung pakakasalan siya. Buti na lang din at walang nangyari sa kanila ni Francis. Manloloko ito. Matakaw sa babae. Isama pang hindi matanggap ni Francis ang Mommy niya. Kinahihiya nito ang trabaho ng ina. Siya lang ang gusto ni Francis. Hindi kasali ang pamilya. Alam niyang wala siyang maipagmamalaki sa pamilya niya. Lalo na ang trabaho ng Mommy niya. Kaya ganoon na lang kaliit ang tingin ni Francis sa kanya at sa ina. Well, galing din sa mayamang pamilya si Francis. Mukhang ang mga tulad niya, isa lang laruan sa mga mayayaman. "Ano ito, Savannah? Pagkatapos mo kay Francis, si Marco naman? Ang galing ah. Mas big time na ngayon ang na-target mo," panunuya ni Hazel. Pinamamaliit siya nito gamit ang mga mata. "Look at yourself. Wala kang pinagkaiba sa nanay mong bold star," taas-kilay pa nitong sabi. Kinuyom niya ang mga kamay. Nagpipigil siyang sampalin ang lapastangang babae sa harapan niya. Okay na sana kung siya lang ang insultuhin nito. Huwag lang isama ang Mommy niya. "Sa tuwing magkikita na lang ba tayo, wala ka nang ibang gagawin kundi insultuhin ako at ang nanay ko?" taas-mukhang sabi niya. Pinagsalikop niya ang mga kamay sa dibdib. Sanay siya sa mga taong wala nang ginawa kundi insultuhin siya at ang nanay niya. Madalas, hindi na tumatalab sa kanya ang ano mang pang-iinsulto nila. "Oo! Dahil isa kang malanding babae!" asik nito. "Hazel," kalmadong tawag niya. Wala siyang planong patulan ito ngayon. Nasa bahay siya ng taong nagligtas sa kanya. Hindi niya alam kung magkaano-ano ang dalawa. Bilang respeto kay Marco, hindi siya gagawa ng eksena. "Ikakasal na kayo ni Francis, hindi ba?" tanong niya. "Oo. Dahil hindi ka niya kayang pakasalan at iharap sa pamilya niya. Lalo na ang bold star na nanay mo," tuya nito. "Ganoon naman pala. Ano pa ang kinatatakot mo?" tanong niya. Humakbang siya palapit kay Hazel na nakataas ang mukhang nakatingin sa kanya. "Ayokong nakikita iyang nakakainis mong mukha, Savannah!" "Pareho lang naman tayo, Hazel. Huwag na sana tayong magkita pa. Dahil baka sa susunod, hindi na ko makapagtimpi at masampal na kita dahil sa napakatabil mong dila!" mariin niyang sabi. "Tinatakot mo ba ko, ah babaeng malandi?!" asik nito. Akmang sasampalin siya ni Hazel nang isang kamay ang pumigil sa braso nito. Si Marco. Nakatayo sa tabi ni Hazel. "Bitiwan mo ko, Marco!" hiyaw ni Hazel. "Tama na, Hazel. Hindi ka dapat manakit!" sabi ni Marco. Mahigpit ang pagkakahawak sa braso nito. "Malandi ang babaeng ito, Marco! Mayayaman lang ang target niya! Baka ikaw na ang sunod niyang biktima!" sigaw ni Hazel. Mukhang nais pa nitong magwala sa galit sa kanya. Kalmado lang siya. Nakakahiya kay Marco kung gagawa siya ng gulo sa bahay nito. "Alam mo, Hazel, hindi lang ako ang dapat mong bantayan. Dahil maraming babae iyang si Francis," taas-mukhang sabi niya. Saka siya tumalikod para umiwas na. "Hoy! Babae!" sigaw ni Hazel. Nagpatuloy siya sa pag-akyat ng hagdan. Iiwas na lang siya bago pa magkagulo. "Savannah! Bumalik ka dito!" sigaw pa rin ni Hazel. "Hazel, tama na. Kumalma ka nga," pigil ni Marco rito. "Kainis. Bakit hanggang dito sa San Ignacio umabot ang babaeng iyon? Magkaano-ano kaya sila ni Marco? Bwisit talaga. Sinusundan siya ng malas!" inis na sabi niya pagkapasok sa silid na tinutuluyan niya. Hindi na siya dapat lumabas hangga't nariyan pa ang Hazel na iyon. Tiyak magwawala lang ito. Masyado itong inlove at baliw na baliw kay Francis. Eh manloloko naman. Nagpabalik-balik siya sa loob ng silid. Kinakagat ang kuko. Ilang minuto na siyang nakakulong dito. Hindi pa rin siya makalabas. Baka nasa ibaba pa ang baliw na iyon. Hindi pa rin siya kinakatok ni Marco. "Nakaalis na kaya siya?" bulong niya. Nasa ganoong pag-iisip siya nang bumukas ang pintuan. Pumasok si Marco. "Nakaalis na ba si Hazel?" tanong niya at hinarap ito. "Yes," malamig na tugon nito. "Pasensya na sa nangyari, Marco. Aalis na ko ngayon. Kung okay lang, pahiramin mo ko ng maayos-ayos na damit bago ko puntahan ang bahay ni Ramon," litanya niya. Hindi inaalis ni Marco ang tingin sa kanya. "Totoo ba? Isa ka sa mga babae ni Francis?" tanong nito. Hindi pinansin ang sinabi niya. Nagkibit balikat siya at bumuntong-hininga. Hindi niya alam kung maniniwala ito pag sinabi niyang isa lang din siya sa niloko ni Francis. "Hindi ko alam kung maniniwala ka sa akin. Lalo na't paniguradong nakausap mo na si Hazel at kung anu-ano na ang sinumbong sa iyo," mataray niyang sabi. Nais niyang magmukhang matapang at mataas pa rin. Kahit mababa na ang tingin ng marami sa kanya. Dahil para sa kanya, hindi siya mababang babae. "Ikakasal na sila ni Francis. Kung ano man ang ugnayan niyo ni Francis, itigil mo na. Huwag kang sumira ng isang relasyon, Savannah. Marami pang lalaki diyan," seryosong litanya ni Marco. "Wala akong sinisira!" pagmamatigas niya. Nagulat siya nang marahas na hilahin ni Marco ang braso niya. Mahigpit nitong hinawakan. Napangiwi siya. Ramdam na ramdam niya ang kuko nito sa balat niya. "Nasasaktan ako," mahinang sabi niya. "Kilala ko ang mga babaeng katulad mo. Wala kayong pakialam kahit makasira kayo ng relasyon. Wala rin kayong hiya!" gigil na sabi nito. Lalo pang humigpit ang hawak sa braso niya. Nasasaktan na talaga siya. Hampasin niya ito sa balikat pero balewala lang dito. "Bitiwan mo ko!" sabi niya habang pilit kumakawala. Sa kinikilos ni Marco ngayon, sigurado na siyang naniwala ito sa sinabi ni Hazel. Hindi na siya mag-aaksaya pa ng panahon para ipaliwanag ang sarili. Bahala na ito sa gusto nitong paniwalaan. Hanggang ngayon na lang naman sila magsasama. Once na makaalis na siya ng San Ignacio at makabalik ng Maynila, wala nang rason para magkita pa silang muli ng gwapong lalaking kaharap. "Layuan mo na si Francis. Hayaan mo na siya kay Hazel. Humanap ka na lang ng ibang pwede mong maging lalaki!" mariing sabi nito. Halos kahibla lang ang layo ng mga labi nila. Nalalanghap niya ang mabangong hininga nito. Isama pa ang mamahaling cologne nito. Pakiramdam niya hindi siya humihinga habang nakatitig sa itim na mga mata ni Marco. Nakakatakot. Pero wala siyang dapat ikatakot. Alam niya ang totoo. Malinis ang konsensya niya. Wala siyang sinisirang relasyon. Biktima lang din siya ni Francis. "Tigilan mo ang panggugulo kay Hazel at Francis. Kung hindi, ako ang makakaharap mo!" mariing banta nito. Katulad ng kuko nitong bumabaon sa balat niya ang lalim ng salita nito. Hindi siya kumibo. Magsasayang lang siya ng laway. Napatili siya nang marahas siyang itulak ni Marco. Bumagsak siya sa malambot na kama. "Diyan ka lang. Huwag kang aalis. Ipapabili kita ng gagamitin mo para makaalis ka na sa bahay ko!" sabi pa nito. Tila ba napakawalang kwenta niyang tao. Hindi siya kumibo. Naiiyak siya kaya kinagat niya ang ibabang labi para hindi tumulo ang luha. Hangga't kaya niyang tiisin ang sakit, titiisin niya. Narinig niya ang pagbukas ng pintuan at malakas na pagsara noon. Mula pagkabata, ganito siya tratuhin ng lahat. Para bang isa siyang basura na walang kwenta. Para bang hindi siya tao na kailangan din ng respeto. Dahil ba sa pagiging anak siya ng isang s*x star? Hindi ba siya pwedeng maging iba sa nanay niya? Ginawa naman niya lahat para hindi matulad sa ina. Mula high school, marami nang nanliligaw sa kanya. Pero sa takot na maging katulad siya ng ina, iniiwasan niya ang mga lalaki. Buong buhay niya, isang lalaki pa lang ang nakarelasyon niya. Si Francis. Wala nang iba. Sa dami ng mga lalaking lumalapit sa kanya, nag-iingat siya. Iyon nga lang, minalas siya sa isa. Akala niya matino si Francis. Buti na lang at hindi pa naging ganoon kalalim ang relasyon nila. Nagpapasalamat siyang nakipaghiwalay agad kay Francis. Iyon nga lang, nagkasabit pa dahil sa mapaghinala at insecure na fiancee nito. Mukhang patuloy siyang susundan ng Hazel na iyon at ipapahiya sa marami. Kahit wala naman siyang ginagawa. Insecure at selos na selos lang naman sa kanya ang babaeng iyon. Naghintay siya sa loob ng silid, gaya ng utos ni Marco. Isang oras yata ang lumipas bago bumalik ito. May bitbit itong malaking paper bag ng kilalang brand. "Magbihis ka na. Para masamahan kita sa bahay ni Ramon. Para na rin makaalis ka na ng San Ignacio. Baka dito ka pa mag-asik ng lagim," litanya ni Marco. Inikot niya ang mga mata. Hinablot niya ang paper bag kay Marco. Nagpasalamat siya. "Pagkakuha mo ng sasakyan mo sa bahay ni Ramon, bumiyahe ka na pabalik ng Maynila," sabi pa nito. Tumango lang siya at lumakad patungong bathroom, bitbit ang paper bag. "Kalma lang, Savannah. Hindi sa lahat ng oras at tao kailangan mong sabihin ang side mo. Hayaan mo sila. Magsasawa din ang mga iyan," bulong niya habang isa-isang inilalabas ang mga damit na pinamili ni Marco. Napailing siya nang makita ang laman. Makapal na jacket. Pantalon. Sapatos. Bra. At panty. Well, haharapin niya ang isang r****t na tulad ni Ramon. Tama lang na balot na balot siya. Para hindi na siya maisipan pang gawan ng masama. Matapos magbihis, agad siyang bumaba ng hagdan. May nakita siyang puting cap na mamahalin sa sala. Dinampot niya at sinuot. Bilang modelo, alam niya kung ano ang babagay sa suot niya. Hinanap niya si Marco para samahan na siya sa bahay ni Ramon. Nadatnan niya ito sa may kalagitnaan ng malaking bahay. Napatingin pa ito sa kanya at pinagmasdan ang kasuotan niya. "Mukha kang inosente pag ganyang balot na balot ang katawan mo," komento pa nito. "Salamat," walang emosyong pasalamat niya. Wala siya sa mood patulan ang mga pasaring nito. Isa pa, kahit papano may utang na loob siya rito dahil niligtas siya nito. Maganda nang huwag na itong patulan. "Aalis na ba tayo?" tanong niya. Handa na siyang harapin ang demonyong manyakis na si Ramon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD