3: ONE BY ONE
Nasa loob pa din ng shower room si Madeline at kinakatok pa din nya yung pintuan. Nanginginig na sya sa takot at kung anu-ano na ang kanyang naiisip.
Naramdaman nya na parang may malamig na hangin nananggagaling sa kanyang likuran kaya’t sandali syang tumigil sa pagsigaw at pagkatok sa pintuan. Tumingin sya sa kanyang likuran. Wala syang masyadong makita dahil may kadiliman nga sa loob. Ilang sandali pa ay may isang puting bagay ang mabilis na dumaan sa kanyang harapan.
“Sinong nandyan?” Nanginginig na sya at hindi na nya mapigilan ang pagpatak ng kanyang mga luha.
Ikaw. Ikaw. Susunod. Susunod ka na. Ikaw. Ikaw. Paulit-ulit na naririnig ang mahinang bulong ng babae ang mga salitang iyon na nanggagaling sa bawat sulok ng shower room.
“Para mo ng awa, wag ako.” Papalakas ng papalakas ang salita ng babae na lalong nagpatakot sa kanya. Nagtatakip na sya ng tenga para hindi nya marinig.
“Tama na! Tama na!” Dahan-dahan syang napaupo sa sahig habang nakatakip ang kanyang mga kamay sa kanyang tenga. Lumalamig din ang paligid at pakiramdam nya ay hindi lang sya ang tao sa shower room. Iyak lang sya ng iyak at hindi na nya alam ang gagawin.
Hindi nagtagal ay nawala ang boses ng babae. Tila nahimasmasan si Madeline at tumingin sa paligid. Nagmadali syang tumayo upang buksan ang pintuan at nabuksan naman nya iyon. Pagkabukas na pagkabukas nya ng pintuan ay ang matandang babae ang sumambulat sa kanya na naging dahilan ng kanyang pagsigaw.
“Nakita mo ba sila?” tanong ng matanda na nakatingin sa likuran ni Madeline. Mabagal at nakakakilabot ang tinig ng matanda.
“A - ano pong sinasabi nyo?” tanong ni Madeline na puro luha ang mga mata.
Ngumiti lang ang matanda at hindi agad sumagot. Sobrang maputla ang itsura ng matandang babae. Tuyo ang mga labi nito na nagtutuklap-tuklap. Malalim din ang kanyang mga mata na parang hindi na natutulog.
“Mukhang kailangan nyo na pong magpahinga manang.” Tumalikod si Madeline at iniwanan ang matanda upang pumunta sa kanilang silid.
“Isasama ko kayo sa pagpapahinga ko,” sagot ng matanda. Natigilan si Madeline sa narinig at nilingon ang matanda. Hindi ito gumagalaw at nakaharap pa din sa shower room. Hindi kumukurap ang mga mata nito at parang may kinakausap pa sa loob ng shower room. Nagmadali sa paglalakad si Madeline hanggang makarating sya sa kanilang kwarto.
Humarap sya sa salamin upang magsuklay. Napansin nyang namumutla na din sya.
“Madeline, guni-guni lang ang lahat. Huwag kang matakot.” Tutuyuin na sana nya ang kanyang buhok ng biglang may narinig na naman syang boses ng isang babae.
Ikaw na. Ikaw na. Halika na. Halika na. Mahinang bulong ang kanyang naririnig na parang nasa malapit lamang ang boses na iyon sa kanya. Tumingin sya sa loob ng kwarto.
“Katarina? Phoemela, kayo ba yan?” tanong nya habang natingin sya sa loob ng kwarto. Walang sumagot sa kanya at bigla din namang nawala ang boses na naririnig nya.
“Guni-guni lang talaga yun.” Muli ay humarap si Madeline sa salamin. Laking takot nya ng may nakita syang babae sa salamin. Nakatayo ito sa sulok ng kanilang kwarto. Hindi nya alam ang gagawin at hindi sya makagalaw. Mahigpit na ang pagkakahawak nya sa suklay na parang mababali ito. Hindi nya alam ang gagawin kaya’t naisipan nyang magdasal.
Pumikit sya para hindi makita ang babae at tsaka sya nagdasal. “Hail Mary, full of grace. Our Lord is with you. Blessed are you among women, and blessed is the fruit of thy womb Jesus.”
Dumilat sya sandali para tingnan kung nawala na ang babae. Ngunit pagdilat nya nakita nyang papalapit ang babae sa kanya. Sa sobrang takot ay ipinagpatuloy nya ang pagdadasal at muli syang pumikit. “Holy Mary, Mother of God, pray for us sinners, now and the hour of our death.”
Paulit-ulit lang dinasal ni Madeline ang Hail Mary habang nakapikit. Ang babaeng kanyang nakita ay unti-unting lumalapit sa kanya ng hindi nya namamalayan. Bumibilis ang t***k ng puso nya at hindi sya makagalaw. Inilakas nya ang pagdarasal para matabunan ang takot na kanyang nararamdaman.
Ikinagulat ni Madeline na parang hindi lang sya ang nagdarasal sa kwartong iyon. May isa pang boses ng babae syang kasabay sa pagdarasal. Para makita kung sino ang kasabay nyang iyon ay dumilat sya. Pagmulat na pagmulat ng kanyang mga mata nakita nya sa salamin na katabi na ng mukha nya ang mukha ng babaeng nakita nya.
Ang mukha ng babae ay duguan at nagdarasal kasabay nya. Napatigil si Madeline at hindi alam ang gagawin.
Sige pa, Madeline. Bulong ng babae sa kanya. Hindi napigilan ni Madeline ang sumigaw dahil natakot sya ng banggitin ng multo ang kanyang pangalan. Ang pakiramdam nya ay malakas na ang kanyang pagsigaw kahit ang totoo ay wala namang nalabas na boses sa kanya. Ilang saglit pa ay nahimatay ito at bumagsak sa sahig.
Nagsasaya ang lahat sa ibaba habang naghahapunan. Walang nakakaalam kung anong nangyari kay Madeline. Pero hindi mapakali si Katarina at palingon-lingon ito sa may hagdanan. tinitingnan kung pababa na ang kaibigan.
“Katarina, are you okay?” tanong ni Cole dahil napansin nyang hindi mapakali si Katarina.
“I’m fine. Hindi lang ako mapalagay.” Naglagay sya ng pagkain sa plato dapat ni Madeline. “Dadalhan ko na lang si Madz ng pagkain. Baka kasi nagtatampo yun.” Tumayo sya upang iakyat ang pagkain ng kaibigan.
“Sasamahan na kita Katz!” Sumunod na din si Phoemela sa kanya. Nagdala pa sya ng apple at inumin.
Dumiretso sila sa kwarto at agad hinanap si Madeline. Ibinaba ni Katarina at Phoemela ang dala-dala nilang pagkain sa table.
“Hindi pa ba sya tapos maligo?” tanong ni Phoemela.
Lumabas si Katarina at pinuntahan ang shower room na pinagliguan ni Madeline. Sinubukan nyang buksan ang pintuan pero nakalock ito kaya kumatok na lang sya.
“Hoy Madeline! Ilang taon mo balak magshower? Wag ka na mag-inarte, pwede?” Sermon ni Katarina. “Madeline nandyan ka pa ba?” Tanong nya ulit.
“Sandali na lang.” sagot ng boses ni Madeline mula sa loob ng shower room.
“Bilisan mo. Yung pagkain mo nandun na sa kwarto.” Dugtong ni Katarina. “Tara na Phoem.” Naunang umalis si Katarina at naiwan pang nakatayo si Phoemela sa harapan ng pinto.
“Phoem, I said let’s go!” ulit ni Katarina na naiinis na. Agad namang sumunod si Phoemela na parang balisa.
“Katz, iba yung pakiramdam ko eh⎼” hindi pa man tapos magsalita si Phoemela ng biglang may narinig silang kalabog galing sa ipinagbabawal na silid. “Ano yun?” tanong ulit ng dalaga.
“Malamang sila Blake na naman yan.” Naunang bumaba si Katarina pero nakita nya sina Blake sa dining room na nagtatawanan. Tumingin sya kay Phoemela na nasa likuran nya.
“Why?” tanong ni Phoemela.
Umakyat ulit si Katarina at pumunta sa harapan ng ipinagbabawal na kwarto.
“Bakit ba Katz?” Pag-uusisa ulit ni Phoemela. “Di ba sabi mo sina Blake ulit ang nandyan?”
“Nasa baba sina Blake, Phoem.” Dahan-dahang hinawakan ni Katarina ang door knob ng pintuan at itinulak nya ito para bumukas. “Nakalock na.” Itinulak nya ulit ang pintuan. “Siguro isinara na ‘to ni manang.” Binitawan nya ang door knob at tumalikod. “Bumalik na tayo sa baba.”
Hindi pa man sila nakakalayo ay may narinig ulit silang kalabog mula sa loob. Napatigil silang dalawa at nagkapit ng kamay. “Katarina, hindi ko gusto ‘to. Mabuti pa hintayin na natin si Madeline. For sure natatakot na din yun mag-isa.”
“Mabuti pa nga.” Bumalik ang dalawa sa shower room na magkahawak ang kamay. Nagulat sila pagdating dun na bukas na ang pintuan. “Nakita mo ba syang lumabas?” tanong ni Katarina.
“Hi – hindi. Makikita naman natin kung lumabas sya.” Humigpit ang kapit ni Phoemela sa braso ni Katarina na papasok sa loob ng shower room.
Papasok na sana sila sa shower room ng biglang sumara ang pintuan. Sa sobrang takot ay nanakbo silang dalawa at mabilis na bumaba sa hagdanan. Papunta na sila sa dining room ng marinig ni Katarina ang boses ni Madeline.
“Tulungan nyo ko.” Boses ni Madeline na tila nahihirapan. Napatigil naman agad si Katarina sa narinig. Napatingin sya sa ipinagbabawal na kwarto at nakita nyang bukas na ang pintuan.
“Phoem, tawagin mo silang lahat. Bilisan mo.” Hindi kumukurap si Katarina habang nakatingin sa pintuan. Nagmadali namang tumakbo si Phoemela upang tawagin ang mga kasamang nasa dining room.
Nang papalapit na ang mga kasama sa kanya dahan-dahan na syang umakyat ng hagdanan na hindi napapawi ang tingin sa pintuan ng kwarto. Medyo nakabukas ang pintuan kaya’t kita nya ang nasa loob.
“Huwag!” boses ulit ni Madeline ang narinig nya. Nakita nya sa puwang ng pintuan ang kaibigang nasa sahig.
“Madeline!” Nagmadali syang pumasok upang tulungan ang kaibigan. Nakita naman nya ang babaeng nasa paanan ni Madeline. Napaatras sya at hindi agad nakagalaw. Ngumiti lang ang babae at biglang nawala. Tulala pa rin at hindi makagalaw si Katarina dahil hindi nya alam kung ano yung nakita nyang babae. Babaeng nakaputi at nakalutang. Duguan ang mukha at matigas ang buhok. Malalim ang mga mata at namumutla ang itsura.
Hindi pa din sya gumagalaw kung hindi pa nya ulit narinig ang boses ng kaibigan.
“Katarina.” Mahinang tawag ni Madeline na nanghihina.
Tila nahimasmasan naman si Katarina at agad nilapitan ang kaibigang nakahiga sa sahig. “Madeline, ayos ka lang ba?” Inangat nya ang ulo ng kaibigan at tinulungang makaupo.
Naramdaman ni Katarina na basa ang ulo ni Madeline pero hindi dahil sa kanyang basang buhok. Tinanggal nya ang kamay sa pagkakahawak sa ulo ng kaibigan at tumambad sa kanya ang madaming dugo.
“Phoemela, tulong!” Nagpapanic si Katarina at hindi alam ang gagawin. Agad namang pumasok si Cooper sa kwarto at binuhat si Madeline.
Duguan ang damit ni Madeline na may mga gasgas din sa braso. May dugo ring lumalabas mula sa tenga nya.
Nagmadaling tumakbo si Katarina sa kanilang kwarto para kunin ang susi ng kanyang kotse. Napatigil sya saglit at napatingin sa pagkain na nakapatong sa table. Ngunit lumabas na din sya at agad sumunod kina Cooper sa baba.
“Sa kotse ko. Ipasok nyo sya sa kotse ko.” Sabi ni Katarina. Pumasok na din si Katarina sa kotse at inistart na ‘to. Muli ay napatingin sya sa side mirror at nakita na naman nya ang babae. Nagmadali syang bumaba para tingnan ito. Tumingin sya sa likod ng kotse, sa kaliwa at sa kanan.
“Katz, what are you doing? Kailangan nating dalhin si Madeline sa ospital.” Sabi ni Phoemela.
Pero hindi mapakali si Katarina kaya kahit sa ilalim ng kotse ay sumilip sya pero iba ang kanyang nakita. “Holy crap!” sigaw nya. Tumayo sya at tumingin kay Cooper. “Flat ako! Kotse mo na lang ang gamitin natin.”
“Hindi din natin magagamit yung kotse,” sabi ni Perry.
“What do you mean?” Lumapit agad si Cooper at tiningnan ang kotse. “What the…… pa’no tumagas ang gas ko? Damn!” Sinipa nya ang gulong ng kotse nya.
“Katarina! Si Madeline nasuka ng dugo!” sigaw ni Phoemela mula sa loob ng kotse ni Katarina.
Nagpapanic na ang lahat at hindi na alam ang gagawin. Pumasok si Katarina sa loob para tingnan si Madeline. “Madz, konting tiis lang.” Lumabas sya ulit at hinanap si Cole.
“Nasan si Cole? Yung kotse na lang nya.” Nakita nila na papalabas pa lang ng bahay sila Cole kasama si Quinn. Sinalubong naman agad sya ni Katarina.
“Nasan yung susi ng kotse mo? Nasan? Si Madeline, kailangan nyang madala sa ospital.” Dire-diretso na si Katarina magsalita.
“Yun nga yung pinagtataka ko. Nandun lang yun sa table sa kwarto. Pero pagbalik ko wala dun yung susi at puro nagkalat na pagkain na lang yung nandun.” Paliwanag ni Cole.
Nagulat si Katarina sa narinig at naalala nya ang itsura ng kwarto nung kinuha nya ang susi ng kotse nya. “Pero imposible. Nakaayos pa ang pagkain nung umalis ako. Paanong?” Parang may naisip na ideya si Katarina. Binalikan nya sina Phoemela sa kotse.
“Ipasok na ulit natin si Madeline. Hindi natin sya madadala sa ospital.” Kinarga ulit ni Cooper si Madeline sa papasok ng bahay.
“Blake, Lindsey, hanapin nyo si manang. Kailangan natin ng tulong. Subukan nyo ding maghanap ng signal.” Utos ni Katarina.
“Sino ka para utusan kami.” Pagrereklamo ni Lindsey. “Ikaw na lang ang gumawa kung gusto mo.”
“Mga walang kwenta!” naiinis na bulong ni Katarina. Inihiga nila sa sofa sa sala si Madeline at hindi alam ang gagawin.
Pagpasok na pagpasok nilang lahat sa loob ng bahay biglang humangin ng malakas. Sumara ang lahat ng pintuan at bintana at sabay-sabay na tumunog ang mga orasan sa bahay.