Kabanata 1

957 Words
Tanging ang liwanag na nanggagaling sa buwan ang siyang nagsisilbing ilaw kay Amelia habang tinatahak ang madilim at masukal na kagubatan. Kalong-kalong lamang ang tatlong taong gulang na si Adeline. Ang nag-iisang babaeng anak nila ni Erick. Halos magkanda-dapa na siya sa katatakbo ngunit hindi siya tumigil. Hindi niya na rin inalintana ang matinding pangangalay ng kaniyang mga braso maging ng kaniyang mga binti. Ang tanging bagay na mahalaga sa kaniya ay ang makaalis sila ni Adeline sa lugar na iyon. Kahit na may kalayuan na sila mula sa mansyon ay hindi pa rin matigil ang malakas na pagkabog ng kaniyang dibdib. Naroroon pa rin ang matinding takot at pangamba para sa kaligtasan ng kaniyang anak. Sa pagkakataong iyon ay wala na siyang ibang mahihingan ng tulong. Wala na siyang ibang makakapitan kundi ang sarili na lamang. Isinakripisyo na ng kaniyang pinakamamahal na asawa ang sariling buhay makatakas lamang sila ng anak na si Adeline. Ayaw niyang masayang at mauwi lamang sa wala ang ginawa nitong pagsakripisyo para lamang masiguro ang kaligtasan ng kanilang anak. Ang inaakala niya sanang masayang kaarawan ni Adeline ay nauwi lamang sa madugo at malagim na trahedya. Maraming sibilyan ang nadamay at nauwi lamang ang lahat sa masaklap na katapusan. Hindi niya lubos akalain na sa loob ng halos limang taon nilang pagtatago ni Erick ay matutunton pa rin sila ng mga tauhan ni Don Gustavo. Isang big time at makapangyarihan na negosyante na may madilim na pinaplano. Naghahangad si Don Gustavo ng mas nag-uumapaw na kapangyarihan at ng buhay na walang hanggan. Ito ang siyang nagmamay-ari sa isang lihim na laboratoryo kung saan nagtatrabaho ang kaniyang asawa bilang isa sa mga mga doktor nito. Dito isinasagawa ang pag-aaral para sa gamot na magbibigay dito ng buhay na walang hanggan. Bagay na sa simula pa lamang ng pagsasama nina Erick ay malaki na ang pagtutol ni Amelia. Ngunit sadyang desperado si Erick lalo na't may malubhang karamdaman ang kanilang anak. Kailangan nila ng malaking pera para sa panghabang-buhay nitong gamutan. At sa hindi inaasahang pangyayari ay mismong si Erick ang siyang nakatuklas sa bagay na ito. Hanggang sa sandaling inatake si Adeline ng sakit at nag-agaw buhay. Tinapat na sila ng doktor na hindi na magtatagal pa ang buhay ng kanilang anak. At hindi iyon tinanggap ni Erick. Dahil sa pagnanais na madugtungan ang buhay ng kanilang anak ay napilitan itong nakawin ang serum sa loob ng laboratory matapos ay saka nagpasyang lisanin ang kanilang lugar upang magtago. Ang serum na iyon ang siyang itinurok kay Adeline. Magkahalong takot at saya ang kaniyang naramdaman ng sandaling maghilom ang lahat ng sugat ni Adeline sa katawan. At sa loob ng tatlong taon ay heto't buhay pa rin si Adeline kasama nila. Mananatili lamang na isang lihim ang misteryo ang bumabalot sa buong pagkatao ng kanilang anak. Ngunit hindi iyon pinaligtas ni Don Gustavo. Ginamit nito ang impluwensya mahanap lamang sila. At nagtagumpay nga ito sa paghihiganti. Napatay ang kaniyang asawa, at ngayon naman ay isusunod sila ng kaniyang anak. Bagay na hindi niya hahayaan na mangyari kay Adeline. "Huwag kang mag-alala anak, magiging ligtas ka, pangako yan ni mama," usal ni Amelia na abot talampakan na ang matinding takot na nararamdaman. Nakatitig lamang sa kaniya ang batang si Adeline na wari ba ay pinag-aaralan ang reaksyon sa kaniyang mukha. Kapagkuwan ay saka sumilay ang matamis nitong ngiti. Isang anghel na wala man lamang kamalay-malay sa kalbaryo na kanilang pinag-dadaanan. Hindi mapigil ni Amelia ang mapaluha. Ang labis na takot sa kaniyang dibdib ay sandaling napalitan ng saya dahil sa matamis na ngiting nakaguhit sa mga labi ni Adeline. Walang katiyakan kung makakalabas pa siya roon ng buhay. Ngunit isang bagay lamang ang kanyang sinisiguro. Lalabas si Adeline sa lugar na iyon ng ligtas. Mas lalo pa niyang binilisan ang kaniyang pagtakbo. Kahit na gayon na lamang ang nararamdaman niyang pagod ay nagpatuloy lamang siya. Hindi dapat makapante. Nasa paligid lamang ang mga kalaban, kailangan niya pa ring mag-ingat at maging mapagmatyag. Ngunit, ang hindi alam ni Amelia ay nakasunod na sa kaniya ang ilan sa mga tauhan ni Don Gustavo. Mula sa kanyang direksyon ay biglang umalingawngaw ang malakas na putok ng baril. Kamuntikan niya pang mabitawan si Adeline nang maramdaman ang balang tumama sa kaniyang tagiliran. Bumulwak ang dugo at unti-unti niya nang nararamdaman ang labis na panghihina. Ngunit hindi niya iyon ininda. Nagpatuloy lamang siya kahit iika-ika na. Kailangan niyang mailabas sa lugar na iyon si Adeline ng buhay. Ngunit umabot na siya sa kaniyang hangganan. Napa-upo siya habang kalong-kalong pa rin ang anak. Bumuhos ang masasaganang luha sa kaniyang mga mata nang banayad na haplusin ang maamong mukha ng kaniyang anak. Isang mapait na ngiti ang kaniyang pinakawalan. Ito na marahil ang huli nilang pagkikita. Batid niya na sa anumang sandali ay malapit nang bumigay ang kaniyang katawan. Malaki ang natamo niyang sugat at hindi niya na kakayanin na magpatuloy. Wala na siyang magagawa sa mga sandaling iyon kundi ang ipagkatiwala na lamang sa nasa itaas ang kaligtasan ng kaniyang anak. "Diyos ko, iligtas niyo po ang aking anak," humahagulhol niyang usal habang naliligo sa sariling dugo saka niyakap si Adeline nang mahigpit. Napapikit na lamang nang mariin si Amelia habang mahigpit na nakayap kay Adeline. Kung sakali man na may plano pa ang mga lalaking ito na barilin siya ay nakahanda na siyang gawing pananggalan ang sariling katawan para sa proteksyon ng kaniyang anak. "Ma-mama," mahinang sambit ni Adeline at hinaplos ang kaniyang mukha. Muli siyang napahagulhol nang maramdan ang init na nagmula sa maliit nitong palad. "P-patawad anak ko," paulit-ulit niyang sambit dahil sa pagkakataong iyon ay wala na siyang kawala. Maya-maya pa ay unti-unti na niyang naramdaman ang mabibigat na mga yabag na papalapit sa kanilang kinaroroonan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD