Kabanata 4

1935 Words
“Lena!” Napapikit si Lena at napakagat sa ibabang labi nang marinig ang malakas na tawag ni Uno. Nakatayo ito sa may hagdanan habang nakahawak sa barandilya. “Saan ka pupunta?” Napayuko si Lena at dadan-dahang humakbang paharap. Ayaw niyang salubungin ang mga mata ni Uno dahil sigurado siya na nag-aapoy na naman ang mga iyon sa galit. Hindi niya na mabilang kung ilang beses niya nang sinubukan na tumakas ngunit sa tuwing tatapak na siya sa pintuan ay bigla na lamang itong sisingaw kung saan. Kung minsan nga ay napapa-isip siyang pasukin ang silid nito upang tingnan kung may nakatagong CCTV camera o sadya nga talagang malakas ang pakiramdam nito dahil gagawin pa lamang niya ay naiisip na ni Uno. “Hindi ba't ilang beses ko nang sinabi sa 'yo na bawal kang lumabas ng bahay?" Dahan-dahan si Uno na bumaba ng hagdan. Pataplis itong tiningnan ni Lena mula sa bahagyang pagkakayuko. Hanggang ngayon ay nagtataka pa rin siya kung bakit wala pa ring pinagbago ang pisikal na itsura ni Uno. Dati pa rin ang itsura nito simula noong kunin siya nito sa bahay-ampunan. Makintab at maitim pa rin ang buhok nito. Ang dulo niyon ay naglalaro sa kwelyo ng suot nitong pulang polo shirt na bumagay sa kulay ng balat nito. Mestiso at aakalain mong anak ng isang foreigner dahil kulay hazel nuts ang mabibilog nitong mga mata na napapaligiran ng mahahaba't makapal na pilik. Sa tindig at porma ng katawan ay aakalain mong modelo ng isang sikat na brand ng damit. Kung minsan nga ay mga pagkakataon na natutukso siya na tingnan ang katawan nito lalo na kapag nakikita niya ito na walang suot na pang-itaas na damit. Halos lahat na yata ng mga pangalan ng santo sa buong daigdig ay nasambit niya na. Kung hindi lang sana ito ang taong pinagkaka-utangan niya ng kaniyang buhay ay baka matagal na siyang naglalakad ng walang suot na underwear. Sa pagkakatanda niya ay nasa trenta anyos na si Uno noong ampunin siya nito. Ngunit hanggang ngayon ay bata pa rin itong tingnan dahil hindi man lang kumulubot ang balat nito. Napapa-isip siya minsan kung anong klaseng pampahid ang ginagamit nito sa balat upang mapanatili nito ang kabataan. Baka nga mapagkamalan pa siyang mas matanda kesa rito na mukhang bente anyos lamang. Kahit sabihin pa na maalaga ang isang tao sa sarili ay hindi nangangahulugan na hindi ito tatanda. Pero ibang-iba si Uno.  Bakit wala siyang nakikita ni anumang sinyales ng pagtanda nito? Marami siyang mga katanungan na nais niyang mabigyan ng kasagutan. Mga katanungan na itinago niya sa loob ng halos labing-anim na taon. "Ilang beses ko bang dapat sabihin na delikado para sa 'yo ang mundo sa labas, Lena," matigas na pahayag ni Uno ngunit may pag-aalala sa boses. Nangulimlim ang mga mata ni Lena nang mag-angat ng mukha. Hindi batid ni Uno kung bakit sa tuwing nakikita niya na ganoon ang mga mata ni Lena ay parang pinipiga ng husto ang dibdib niya. Pakiramdam niya ay may nagawa siyang mabigat na kasalanan para masaktan ng ganoon na lamang ang damdamin nito. At isa iyon sa kan'yang mga kahinaan. Mahina ang loob ni Lena at sobrang matatakutin noong bata pa ito. Noong unang gabi nito sa mansyon ay halos kulang na lamang ay atakahin siya sa puso nang marinig ang malakas nitong pagtili. Buong akala niya ay kung napano na ito lalo na't nag-iisa lamang ito sa loob ng silid. Ngunit laking gulat niya nang puntahan ito. Halos nangitim na ang mga labi nito sa sobrang takot nang makakita ng malaking daga sa ilalim ng kama. At simula noong gabing iyon ay ayaw na nitong mahiwalay sa kaniya. Wala siyang ibang nagawa kundi ang hayaan itong matulog sa loob ng kan'yang silid. Natigil lamang iyon ng mag-edad na itong sampung taon. May mga pagkakataon din na basta-basta na lamang uiiyak si Lena lalo na kapag hindi agad nasusunod ang gusto. Hindi niya lubos akalain na ganoon pala kahirap ang mag-alaga ng bata. Ngunit kahit gaano pa kasutil na bata itong si Lena ay hindi ito nakakalimot sa mga epesyal na araw sa buhay niya. Palagi itong may nakahandang sorpresa. Nagkaroon ng kulay at kahulugan ang buhay niya magbuhat nang makasama niya ito. At ipinangako niya sa kaniyang sarili na kailanma'y hinding-hindi niya hahayaan na umiyak si Lena at gagawin niya ang lahat maging masaya lamang ito. "Ayusin mo na ang sarili mo dahil maya-maya lamang ay nandito na si Elvira para turuan ka. Siguraduhin mo lang na susunod ka sa lahat ng ituturo niya dahil ayaw kong mapahiya sa kan'ya. Nagkakaintindihan ba tayo, Lena?" Hindi lang sa mukha ni Uno makikita ang pagiging strikto nito maging sa pamamaraan din ng pagsasalita. Kung hindi mo pa lubusang kilala itong si Uno ay aakalain mong palaging galit. Bihira lamang ang mga pagkakataon na nakikita ito Lena na may ngiti sa mga labi. Parang gumuhong bigla ang mundo ni Lena pagkarinig sa sinabing iyon ni Uno. Unti-unti niya mang nararamdaman ang pangingilid ng kan'yang mga luha. Buong akala pa naman niya ay matutupad na rin sa wakas ang matagal niya nang hinihiling kay Uno na makapag-aral sa kolehiyo, ngunit hindi pala. Gusto niya rin sanang maranasan na pumasok sa isang tunay na paaralan, suot ang uniporme at itim na sapatos. Masayang nagtatawanan kasama ang mga bagong kaibigan na kailanma'y hindi niya naranasan dahil nagsilbing paaralan niya ang mansyon sa loob ng mahigit sampung taon. Nangako sa kan'ya si Uno na kapag nag-aral siya ng mabuti ay hahayaan siya nitong magdesisyon kung saang unibersidad niyang mag-aaral. Ngunit ang lahat ng iyon ay mananatili na lamang na pangarap na kailanma'y hindi mabibigyan ng katuparan. Muli siyang napayuko nang unti-unti na niyang nararamdaman ang mga luhang nagsisibagsakan sa kan'yang mga mata. Ilang beses ba niyang dapat patunayan rito na karapat-dapat siyang pagkatiwalaan? Na hindi na siya ang dating bata na sipunin at konting kalabog lang ay napapalundag na siya dahil sa sobrang takot. Malaki na siya at nasa tamang edad na rin para magdesisyon sa sarili niya. Kung sabagay, bakit pa nga ba siya aasa sa mga ipinangako sa kan'ya Uno? Mga pangako na nakasulat lamang sa hangin. Nanatili na lamang siyang tahimik. Pinilit niyang pigilan ang damdamin na noon pa nais sumabog. Ngunit wala rin naman siyang magagawa kahit ipilit pa niya ang gusto niya. Wala siyang karapatan na magdesisyon para sa kan'yang sarili dahil sampid lamang siya. Isa lamang siyang anino na sumusunod sa bawat galaw ng kan'yang amo. "Pinoprotektahan lang kita, Lena  dahil ayaw kitang mapahamak," wika ni Uno nang mapansin ang pananatiling tahimik ni Lena. Ngunit sa pagkakataong iyon ay hindi na nakapagpigil pa ang dalaga sa tuluyang pagsabog ng kan'yang damdamin. "Ilang beses ko bang dapat na  marinig ang tungkol sa bagay na iyan? Hindi ka ba nagsasawa? Dahil kung ako ang tatanungin, matagal na akong sawa. Sobrang sawang- sawa na!" Hindi na namalayan ni Lena na tumaas na pala ang boses niya dahil sa damdamin na tuluyan nang kumawala. Natigilang bigla si Uno. Bumakas sa mukha nito ang labis na pagkabigla. Hanggang ngayon ay hindi pa rin maintindihan ni Lena kung bakit kailangan siyang protektahan ni Uno. Meron bang gustong manakit sa kan'ya? May nagbabanta ba sa buhay niya? May gusto bang pumatay sa kan'ya? Bakit? Bakit ganoon na lamang ang labis na pag-aalala sa kan'ya ni Uno na kulang na lamang ay ikulong siya sa tore kung saan dinala ng matandang hukluban si Rapunzel. Dinaig pa niya ang preso sa Munting Lupa. Noon pa man ay walang ibang inaasam si Lena kundi ang magkaroon ng isang masayang pamilya kapiling ang bago niyang pamilya. Magkaroon ng isang ama at ina na magmamahal sa kan'ya ng lubos. Mga kapatid na magiging karamay nito sa lahat ng oras. Kaya ganoon na lamang ang labis nitong kaligayahan nang malaman na merong mag-aampon sa kan'ya. Ngunit ang inaakala niyang masayang pamilya sa piling ni Uno ay nagmistulang malamig na kulungan. Ilang taon siya nitong pinagkaitan ng kalayaan na masaksihan ang ganda ng mundong ibabaw. Kung minsan nga ay naisip niyang bumalik na lamang sa bahay-ampunan. May mga pagkakataon din na pinagsisisihan niya ang lahat. Kung nakinig lang sana siya noon kay Rigel marahil ay magkasama pa rin sila hanggang ngayon. Marahil ay hindi siya ngayon namumuhay ng parang isang bilanggo na nahatulan ng panghabambuhay na pagkakakulong. Kailanma'y hindi niya makakamtan ang kalayaan hangga't nananatili siya sa poder ni Uno. "Kailan ka pa natutong sumagot, Lena?" Wala ni anumang reaksyon sa mukha ni Uno habang nakatingin sa buong kaanyuan ni Lena. Ito ang unang pagkakataon na narinig nito si Lena na sumagot sa kan'ya. Wala ni anumang salita ang lumabas sa bibig ni Lena at tanging mga luha ang nagsilbing kasagutan niya. Hindi na niya nagawang magpaalam. Mabilis siyang pumanhik sa hagdan at nagkulong sa loob ng kan'yang silid. Dumapa siya sa ibabaw ng malambot niyang kama at doon hinayaan ang mga luha na bumuhos dahil sa sobrang sakit na nararamdaman. Tuluyan na siyang nawalan ng pag-asa na darating ang sandali na muli niyang makikita ang pinakamatalik na kaibigan na si Rigel. Ala-una y medya na nang hapon nang dumating si Elvira San Andress sa mansyon. Agad naman itong sinalubong ni Uno mula sa pintuan. Simple lamang ang taglay nitong ganda. Bata pa itong tingnan sa edad nitong trenta anyos. Katamtaman lamang ang taas at kulay ng balat. Maganda ang tindig at postura. Sa suot nitong flare dress ay lumabas ang magandang hubog ng katawan nito. Matagal ng kilala ni Uno si Elvira. At isa ito sa mga pinagkakatiwalaan niyang kaibigan. "Pasensya na kung nahuli ako nang dating, Uno. Nasaan siya?" Naglakad na si Elvira patungo sa sala habang iniikot ang paningin. Matagal na ring panahon magbuhat ng huling punta niya rito. Hindi masakit sa mata ang kulay ng pintura na ginamit sa pader. Bumagay rito ang kulay gintong valance curtain. Napapalamutian rin ang paligig ng mga mamahalin at babasaging mwebles. Sa pagitan ng dalawang bintana ay isang estante na yari sa kahoy ng mahogany na mas matanda pa sa kan'ya. Dito nakalagay ang mga libro, bago man o luma. Ang dating madilim at nakakatakot na mansyon ngayo'y   maaliwalas na at nagkaroon na ng buhay. "Nasa loob ng kwarto niya, nagmumukmok," tugon ni Uno. Naupo si Uno nang naka-de kwatro at inunat ang mga braso sa high rebound sponge ng upuan. "Nag-away na naman ba kayo ng anak mo?" nakahalukipkip na tanong ni Elvira. Matalim na tingin ang iginawad sa kan'ya ni Uno. Halata na hindi nito nagustuhan ang sinabi niya. "Sorry." Sa tingin pa lamang ni Uno ay tiklop na agad si Elvira. At sa susunod ay hindi na siya mangangahas na sabihin pa ang bagay na iyon dahil sigurado siya na baka sa susunod ay hindi lang iyon ang abutin niya. Dahan-dahan nang tumayo si Uno mula sa pagkakaupo at bahagyang tumalikod kay Elvira. "Sa susunod, h'wag na h'wag ka ng magkakamali na sabihin pa ang bagay na iyan lalo na sa mismong harapan ni Lena. Nagkakaintindihan ba tayo, Elvira?" Mahina ngunit mariin ang bawat salitang binitiwan ni Uno. Matapos ay tumalikod na ito at iniwan si Elvira sa sala at pumasok sa loob ng silid. Dahan-dahan na binuksan ni Uno ang malaking aparador na nasa kaliwang bahagi malapit sa kan'yang kama. Yari iyon sa kahoy ng narra at isa sa mga antigong gamit sa loob ng mansyon. Kinuha niya roon ang isang malaking baul at binuksan. Doon nakasilid ang mga importanteng papeles at ilan sa mga antigong gamit na minana pa niya sa kan'yang mga ninuno. Kinuha niya sa loob noon ang isang brown envelope kung saan nakalagay ang birth certificate ni Lena.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD