"Lena!" malakas na tawag ni Bb. Madel kay Lena. Nasa kabilang pinto lamang ang opisina nito.
Napabalikwas si Lena mula sa kanyang kinauupuan. Marahil ay dumating na ang mag-aampon sa kaniya.
Si Bb. Madel ang siyang namamahala sa Legacy Homes Orphange. Ang bahay ampunan kung saan siya iniwan ng taong di-umano ay nakapulot sa kaniya. Maraming bagay ang gusto niya sanang itanong rito bago pa man siya tuluyang lumabas ng bahay-ampunan ngunit sa tuwing magsisimula na siyang mag-usisa ay palagi na lamang nitong iniiba ang usapan. Maraming bagay ang idinadahilan nito na sa tingin niya ay ayaw nitong ipaalam sa kaniya ang tunay niyang pagkatao. Kung kanino at saan siya nagmula.
Bahagya siyang napayuko.
Hindi niya pa rin matiyak kung dapat ba siyang matuwa, dahil sa wakas ay magkakaroon na rin siya ng tinatawag na pamilya.
Napahawak siya sa tapat ng kaniyang dibdib.
Ayaw niya sanang iwan si Rigel. Hindi lamang dahil sa matalik niya itong kaibigan kundi sadyang matatakutin at mahina ang loob sa lahat ng bagay. At siya ang bukod tanging nagbibigay dito ng lakas ng loob upang matutong pagkatiwalaan ang sarili. Nag-aalala siya sa maaaring mangyari kay Rigel sa oras na makalabas na siya ng bahay-ampunan.
Tumayo na siya at tinungo ang pintuan. Naramdaman niya na ang malakas na pagkalabog sa kaniyang dibdib. Mariin niyang pinagmasdan ang pinto. Nagdadalawang isip kung kakatok o tatakbo na lamang palayo.
Bahagya niyang ikinuyom ang kanyang mga kamao. Mabigat man sa kaniyang kalooban ay kinakailangan niyang gawin ang bagay na matagal niya nang pinapangarap.
Mariin niyang ipinikit ang kaniyang mga mata saka nag-ipon ng lakas ng loob bago kinatok ang pinto.
"Bukas 'yan." Narinig ni Lena na sabi ni Bb. Madel.
Dahan-dahang binuksan ni Lena ang pinto at bumungad sa kaniya si Bb. Madel na may kausap na lalaki.
Ito na marahil ang mag-aampon sa kaniya.
"Nariyan ka na pala, Lena," masayang wika ni Bb. Madel. Pagkarinig ay agad na iginawi ng lalaki ang paningin kay Lena. Matapos ay dahan-dahan itong lumapit patungo sa direksyon ni Lena.
"Kumusta, Lena?" Ginawaran si Lena ng ngiti ng lalaki matapos ay bahagya nitong ginulo ang buhok ni Lena.
Sa hindi malamang dahilan ni Lena, ay biglang nag-init ang kaniyang mga pisngi. Nanatili lamang siyang nakayuko hanggang sa makabalik na ang lalaki sa upuan.
Mula sa kinatatayuan ni Lena ay sinuyod niya ng tingin ang lalaki na nasa kaniyang harapan
Sa pagkakatantsya niya ay nasa trenta anyos pa lamang ito. Bata pang tingnan. Sa tindig at pananamit pa lamang ay halatang mayaman.
"Lena, maghanda ka na't aalis na kayo ni Mr. Trinidad," ani Bb. Madel ng muling iginawi ang tingin kay Lena.
"Magpakabait ka Lena."
"O-opo!" diretsong tugon ni Lena.
Nagpaalam na si Lena na upang kunin ang kaniyang mga gamit. Laking gulat niya na lamang nang makita si Rigel sa pagbukas niya ng pinto.
"Rigel?"
"Tutuloy ka pa rin ba?" mariing tanong ni Rigel na bahagyang naka-yuko ang ulo.
"Oo, Rigel. Alam mong matagal ko nang pinangarap na magkaroon ng pamilya. At ito na ang araw na 'yon."
Nakita ni Lena ang pagkuyom ni Rigel ng mga kamao matapos ay mabilis itong tumakbo papalayo. Batid na ni Lena na mangyayari ang bagay na iyon ngunit kung magpapadala siya sa kaniyang damdamin ay tuluyan lamang na maglalaho ang mga pangarap niya sa kaniyang mga palad.
Patawad, Rigel.
Mapait na sambit ni Lena sa kanyang sarili at nagmamadali na bumalik sa kaniyang silid.
Mula sa bungad ng pintuan ay nakita ni Lena si Mr. Trinidad na naghihintay sa may tapat ng gate.
Minabuti niya na lamang na huwag nang puntahan si Rigel. Panigurado lamang na isang baldeng luha ang ilalabas ng mga mata nito kapag nagpaalam na siya rito. Bagay na makakapagpabigat lamang sa kanyang kalooban bago tuluyang maka-alis ng bahay-ampunan.
Dahan-dahan nang ihinakbang ni Lena ang kaniyang mga paa. Mula sa kaniyang kintatayuan ay muli niyang pinagmasdan ang kabuuan ng bahay ampunan. Ang lugar na nagsilbing tahanan niya sa loob ng mahigit pitong taon.
Nagpakawala siya ng mapait na ngiti sa hangin. Kahit papaano ay nagkaroon din siya ng magagandang alaala sa loob ng bahay na ito kasama ni Rigel. At ang mga alaalang iyon ay mananatili lamang sa kaniyang puso lumipas man ang maraming taon. Mga magagandang alaala na magsisilbing kayamanan na kailanma'y pakaiingatan niya habang siya'y nabubuhay.
Alam niyang magkikita pa rin sila ni Rigel. Hindi man bukas, kundi sa mga susunod pang mga araw. Hindi rin siya nawawalan ng pag-asa na balang araw ay may kukuha rin kay Rigel at magkaroon ng masayang buhay kasama ang bago nitong pamilya.
Hindi lubos akalain ni Rigel na basta-basta na lamang kakalimutan ni Lena ng ganoon na lamang ang naging pangako nila sa isa't isa.
Pangakong hindi mag-iiwanan at mananatili lamang na magkasama habang-buhay. Bagay na nagkaroon na ngayon ng katapusan.
Hindi niya na namalayan ang tuluyang pagpatak ng kaniyang mga luha. Ramdam niya ang labis na sakit sa unting-unting pagpunit sa kaniyang puso.
Batid niyang matagal nang pinapangarap ni Lena ang magkaroon ng pamilya. Masama na kung masama siyang kaibiga ngunit sa tuwing naririnig niya ang bagay na iyon sa bibig ni Lena ay nagdudulot ng sugat sa kaniyang dibdib. Ayaw niyang mawalay ito sa kaniyang tabi. Ayaw niyang mawala si Lena.
Si Lena ang bukod tanging kaibigan na meron siya.
Ang bukod tanging pinaghuhugutan niya ng lakas ng loob.
Ang siyang nagbibigay liwanag sa madilim niyang mundo.
Ang nagbigay sa kaniya ng pag-asa na ipagpatuloy ang buhay sa mga panahong nilamon siya ng labis na kalungkutan.
Iniisip niya pa lamang ang tuluyan na pagtalikod sa kaniya ni Lena ay halos pinipiga na ng husto ang kaniyang dibdib.
Hindi niya kakayaning mawala ang babae na siyang unang nagpatibok sa kaniyang puso.
Walang kasing sakit ang ngayo'y naghahari sa kaniyang damdamin.
Ayaw kong magkahiwalay kami ni Lena!
Usal ni Rigel at nagmamadaling tumakbo pababa ng hagyan. Magbabaka-sakali na maabutan pa si Lena.
Magbabaka-sakali na baka mapigilan pa ang tuluyan nitong pagtalikod sa kaniya.
Halos humihingal siya sa sobrang pagod nang marating niya ang pintuan. Nakatukod ang mga kamay niya sa kaniyang mga tuhod at naghahabol ng hininga. Mula roon ay nakita niya si Lena na papasok na sa loob ng itim na kotse at
nakahanda nang umalis.
"Lena!" malakas na sigaw ni Rigel.
Mabilis niyang tinakbo ang gate ngunit hindi na nagawa pang abutan si Lena dahil
mabilis na pinaharurot ang sinasakyan nitong kotse. Pakiramdam niya ay tila ayaw silang pagsamahin ng tadhana dahil tadhana na mismo ang kusang gumagawa ng paraan upang tuluyan silang magkahiwalay. Bagay na hindi niya matatanggap.
"Lena! Lena!" paulit-ulit na sigaw ni Rigel sa pangalan ni Lena habang mabilis na tinatahak ang bawat bakas na naiwan ng sinasakyan nitong kotse.
Wala nang pakialam si Rigel kung saan man siya dalhin ng kaniyang mga paa. Wala na siyang pakialam kung saan man siya mapadpad. Wala na siyang pakialam kung abutin man siya ng ilang taon sa katatakbo maabutan lamang si Lena.
"Lena! Lena!" humahagulhol na usal ni Rigel na halos magkanda dapa-dapa na sa gitna ng daan.