CATHERINE’S POV
“LOLA, pasok na po ako!” Nagmamadali na nilapitan ko si Lola at humalik sa kaniyang pisngi. “Don’t forget to eat your breakfast. I love you!”
“Teka. Teka nga.” Mabilis akong pinigilan ni Lola sa braso nang akmang tatalikod na ako. “Ano bang meron at palagi ka nang nagmamadali sa pagpasok? Masiyado pang maaga. Alas siyete pa lang. Alas nuebe pa ang unang klase mo, ‘di ba? At saka ano’ng nangyari diyan sa nguso mo? Bakit parang kinagat ng bubuyog? At ‘yang mukha mo, parang sinampal ng sampung palad.”
Napakamot ako sa ulo. “Si Lola talaga. Lipstick po ‘yan at saka blush on.”
“Alam ko. Ang ibig kong sabihin, napansin ko na bigla ka na lang nagpaganda. Dati naman, hindi ka nagme-makeup o kahit lipstick man lang. Kahit nga ang paglalagay ng pulbo, nakalimutan mo pa kung minsan. Pero ngayon, pati iyang pananamit mo, iba na rin.” Pinandilatan ako ni Lola. “Umamin ka sa akin Catherine. May boyfriend ka na ba?”
“’La! Nagdadalaga lang po ang apo n’yo. Kung tutuusin nga, late na ako, eh. Turning twenty na ako pero ngayon lang ako nag-ayos nang ganito. Kung hindi nga lang daw po ako maganda kahit walang makeup, hindi nila ako iboboto bilang muse ng class.”
“Iyon na nga, eh. Maganda ka na kahit walang makeup kaya hindi mo na kailangang mag-ayos nang ganiyan.” Hinila ako ni Lola pabalik sa loob ng bahay. “Halika ngang bata ka. Palitan mo iyang damit mo na kinulang sa tela. Kung ayaw mong isusumbong kita sa Tatay mo.”
“Sorry, Lola. Pero kailangan ko pong umalis nang maaga. May practice po kami ng choir.” Binawi ko ang aking braso na hawak ni Lola at muling humalik sa kaniyang pisngi. “Bye po. See you later!” At saka ako mabilis na nanakbo pasakay ng kotse at inutusan ang driver na paandarin na bago pa man ako pigilan ni Lola.
Alam ko naman na sa una lang niya ako sasawayin pero kalaunana, hahayaan na niya kung saan ako masaya. Hindi dahil spoiled ako ni Lola. Kundi dahil may tiwala siya sa bawat desisyon ko.
Palaging sinasabi sa akin ni Lola na ayaw daw niyang maramdaman na may nagkokontrol sa buhay ko. Iyon daw ang hindi ko papayagan. Ang gawin akong robot ng ibang tao pagdating sa realidad ng buhay. Puwede lang daw niya akong gabayan pero hindi niya papakialaman ang mga desisyon ko, lalo na kapag alam niyang nasa tama naman at iyon ang ikakasaya ko.
At hindi naman ako nagdedesisyon o gumagawa ng mga bagay na alam kong ikakasama ng loob nina Lola at Tatay o ikakasira ng buhay ko. Mahal na mahal ko sila. Ayokong ma-disappoint sila sa akin.
Pero ngayon, guilty ako.
Dahil ang totoo, kaya ako biglang nag-ayos ng sarili ay para mapansin ako ni Prof. Garcia. Simula kasi noong araw na nakilala ko siya, napatunayan ko sa aking sarili na hindi naman pala ako immuned sa mga guwapo. Dahil simula rin nang araw na iyon, nagsimula na akong magkagusto sa bagong professor ko.
Doon na ako nagsimulang maniwala na may magic nga talaga ang first kiss.
Bukod kina lola at tatay, si Prof. Garcia na ang naging inspirasyon ko sa pag-aaral ko. Kung dati, hindi ko gaanong ginagalingan sa subject na Multimedia Systems, iba na ngayon. Mas nag-aaral pa akong mabuti para kahit hirap man, makakasagot pa rin ako kapag tinanong ako ni Prof. Garcia. Ayokong mapahiya ako at ma-turn off siya sa akin kapag bumagsak ako sa mga exam niya.
Sa loob ng isang buwan, walang araw na hindi naging makulay ang mundo ko ng dahil kay Prof. Garcia. Sa gabi, bago ako matulog, siya ang laman ng isip ko. Ang dami kong nai-imagine na kasama ko siya. At paggising ko, siya pa rin ang nagpapangiti sa akin. Hinala ko nga, hindi na lang basta simpleng crush itong nararamdaman ko para sa kaniya.
Dahil sa tuwing nakikita ko siya na may kausap na ibang estudyante at halatang nagpapansin lang sa kaniya, nagseselos ako. Nalulungkot din ako kapag Saturday at Sunday. Walang pasok kaya hindi ko siya nakikita. Kaya nga hinanap ko social media ang pangalan niya para makita ko siya kahit nasa bahay lang ako. Pero sadly, kahit isa, walang account si Prof. Garcia. Inisip ko na lang na may edad na kasi siya kaya siguro hindi na siya mahilig sa social media. Hindi katulad ng mga kabataang gaya ko na hindi yata mabubuhay kapag walang social media. Ang sabi niya sa amin noon, thirty-six years old na raw siya. Bale sixteen-years ang age gap namin.
Gano’n kalaki!
But still, wala akong pinagsisisihan na sa isang matanda na tulad ni Prof. Garcia ang unang bumihag sa puso ko. Sobrang bait niya kasi, gentleman, sweet, at matalino pa. Parang siya ‘yong tipo ng tao na hindi marunong magalit. Bonus na lang talaga ang pagiging hot at guwapo niya. Pero kahit super bait niya sa klase, nirerespeto pa rin namin siya. Napapatino nga niya kahit ‘yong pinakamakukulit at pinakapasaway na mga classmate ko.
Nakapagtataka lang kung bakit sa edad na iyon ni Prof. Garcia ay wala pa rin siya asawa at pamilya. Imposibleng walang babae ang nagkagusto sa kaniya. Kung dito pa nga lang sa school, marami ng mga babaeng tulad ko ang patay na patay sa kaniya. Hindi lang mga estudyante kundi pati mga empleyado at mga kapwa-professor niya.
“Hindi kaya bakla si Sir?” biglang sabi ni Lindsay nang mapag-usapan namin ang tungkol doon. “Kaya wala pa rin siyang asawa hanggang ngayon.”
“Baliw! Wala lang asawa, bakla agad?” mabilis namang kontra ko. “Malay natin, hindi pa lang niya talaga nahahanap ang ‘the one’ niya.”
“Well,” kibit-balikat na sagot ni Lindsay. “Baka nga. Pero puwede rin na may anak na siya pero walang asawa. O kaya, may girlfriend na siya pero hindi pa lang nila nagpapakasal.”
Hindi ko napigilan na mapasimangot sa huling sinabi ng kaibigan ko. Hindi ko yata matatanggap na may girlfriend na si Prof. Garcia. Gusto ko, akin lang siya. “Sa tingin ko, wala.”
Nagtataka na napatingin sa akin si Lindsay. “Bakit ba iginigiit mo na single pa si Prof. Garcia? Siguro, crush mo siya, ‘no? Kaya bigla kang nag-ayos nang ganiyan.”
“Sira!” Hinila ko ang buhok niya at mabilis na tumalikod para itago ang pagba-blush ko.
Kahit best friend ko si Lindsay, hindi niya puwedeng malamana ang feelings kong ito para sa bago naming professor. For sure na tutuksuhin niya ako. Or worst, baka pagtawanan niya ako dahil sa damin ng mga manliligaw ko na mga ka-edad lang namin, sa lalaki pa talaga na parang uncle na namin.
Sa ngayon, sikreto ko na lang muna ang nararamdaman kong ito. Mukhang wala rin naman itong patutunguhan dahil malabong magustuhan din ako ni Prof. Garcia. Dahil unang una, ipinagbabawal sa school ang mga guro na makipagrelasyon sa mga estudyante. Pangalawa, matinong tao si Prof. Garcia para patulan ang kagaya ko na parang pamangkin na niya.
“Hoy, bakit ka nagba-blush? Totoong crush mo si Prof. Garcia, ‘no?” Hinabol ako ni Lindsay dahil nakita niya pala ang pamumula ng buong mukha ko bago ako tumalikod.
And I know na hindi niya ako tatantanan hangga’t hindi niya nalalaman ang totoo.
Pero hindi niya puwedeng malaman itong sikreto.
“Hindi ko nga type si Prof. Garcia. At never akong magkakagusto sa mga gurang na tulad niya,” pagde-deny ko at saka mabilis na humarap kay Lindsay.
Ngunit napanganga ako dahil pagharap ko sa kaniya, sakak ko lang nalaman na nasa likuran na rin pala niya ang taong tinutukoy ko at dinig na dinig ang mga sinabi ko.