Ngayon ko lang siya nakita. Paniguradong hindi siya iyong Senyorito Brandon na sinasabi ni mama dahil wala ang mukha niya sa family portrait na naka-display dito sa mansyon. Isang babae at isang lalake ang anak ni Senyora at Senyor Monteverde. Nasaan kaya iyong senyorito? Kuryoso ako dahil baka siya iyong naka-engkwentro ko kanina.
Muli akong napatitig sa lalakeng bughaw ang mga mata. Ano kayang pangalan niya? Siguradong magiging crush siya ng ibang kasambahay rito na walang inatupag kun'di maghanap sa internet ng mayamang mapapangasawa.
Nanlaki ang mga mata ko at itinuro ang sarili nang bumaling siya sa pwesto ko at itinaas ang kamay para tawagin. "A-ako po?"
Tumango lang siya habang blanko ang mga mata. Napangiti ako at dahan-dahang lumapit sa kanya. "Ano po iyon, sir?" magalang na tanong ko at 'di maiwasang mapangiti. Grabe, bakit ang perpekto ng mukha nito? Ang gwapo at ang kinis pa ng balat!
"Give me..." Napalunok ako ng sariling laway nang magsalita ito at kilala ng tenga ko ang baritono at matalim magsalita ng ingles na tinig niya. Napapikit ako saglit dahil sa kahihiyan. Mukhang siya iyong nakaaway ko kani-kanila lang! Kaboses niya. Pero sana, hindi siya iyon!
"Hey!" ulit niya.
Napatitig lalo ako sa kanya at napaarko ang kilay. "P-po?" Tumikhim ako nang may mapagtanto. "I mean, ano po?" tanong ko gamit ang pinaliit na boses. Baka kasi mabosesan niya ako kung siya iyong napaglamalan kong magnanakaw kanina.
"Tsk!" Napa-asik ito at nagtiim bagang.
Napa-atras ako at yumuko dahil mukhang nagalit ko siya. "Sorry po, sir."
"Can you..." Napatingala ako at kinagat ang pang-ibabang labi para isipin ang english ng salitang 'ulitin'. "Again?" patanong iyon dahil hindi ako sigurado sa nabanggit ko. Nakaka-mental block kasi lalo na't first time kong makipag-usap sa isang foreigner!
"I said, pour me a drink."
Kumunot ang noo ko habang ina-analyze ang sinabi niya. Buhusan ko raw siya ng tubig? Totoo ba? "Ikaw po?" tanong ko para mas malinaw.
"Yes. Now," mariin at nagtitimping sagot niya.
Napatingin ako sa kanya nang 'di makapaniwala bago kinuha ang pitchel na may lalagyang tubig. "Do you like cold, sir?"
"Yeah, make it fast."
"Okay po!" mabilis na sagot ko at kinuha iyon para dalhin sa kanya. Sunod ay tinanggal ko ang takip no'n. Kita kong sinundan niya ako ng tingin at mas lalong nagsalubong ang kilay niya. Parang hirap na hirap siyang intindihin ako. "Tell me if stop," paalala ko bago itinaas ang pitchel sa ulo niya at dahan-dahang ibinuhos.
"Oh my god!" rinig kong reaksyon mula sa isang babae na kasama sa hapag.
"What the?!" Mabilis kong itinaas ang lalagyan ng tubig nang magmura ang lalake at marahas niyang hinawi ang kamay ko palayo sa kanya. Nabitawan ko ang pitchel dahil sa pagkabigla lalo na nang mahulog iyon at lumikha ng nakakabinging tunog ng pagkabasag.
"S-sorry po, sir! Sabi mo kasi ibuhos ko 'yon sa 'yo," mabilis na paliwanag ko para ipagtanggol ko sa sarili.
"Stupid!" sigaw niya dahilan para mapayuko ako dahil sa gulat at takot.
Handa na akong lumuhod nang hilain niya ang palapusuan ko. Mahigpit iyon kaya ramdam na ramdam ko ang galit niya. "Pasensya na po talaga, bobo lang!"
"Leave!"
Nag-angat ako ng tingin sa kanya dahil sa takot. "P-po?! 'Wag niyo po akong palayasin. Sorry po talaga! Please?" mabilis na paki-usap ko habang ikini-kiskis sa ang magkabilang palad sa isa't-isa. "Babawi po ako sa susunod, sir!"
"Get out of here!"
"Dito lang po ako aalis? Hindi sa buong bahay niyo?"
"Damn it!" para siyang bomba na sumabog na.
"Ito na po, aalis na!" tarantang sagot ko at tumalikod na sa kanya.
Pero bago pa ako makahakbang palayo ay may humila na naman sa kamay ko. "Why are you so stupid?!"
"Ano na naman po ba?" iritado ring tanong ko dahil quota na siya sa pagtawag sa akin ng bobo. Kahit naman kasi mahina ako sa ingles, nakakaintindi ako ng mga mura. "Galit na galit ka pero may kasalanan ka rin naman, ah! May kamay ka pero bakit 'di na lang kasi ikaw 'yong naglagay ng tubig? Porque mayaman ka!"
Napalunok ako nang hindi siya magsalita. Bagkus, nanliit lang ang mga mata niya at matalim ang tingin sa akin. "That's why I need to fire you. Kaya ko naman at wala ka nang pakinabang dito."
FPapatalsikin ako rito? Mawawalan na ako ng trabaho? Hindi! Hindi pwede!
"Joke lang, sir!" Nanginginig akong humalakhak at tumingin sa lamesa. Kinuha ko ang table napkin na naroon at inalis ang pagkakatupi nito para ipamunas sa basa niyang buhok.
Tumikhim ako at marahang tinapik ang balikat niya. "Ah, sir, baka gusto mong yumuko ng kaunti? 'Di kita maabot," nakangiti at sobrang lumanay na pakiusap ko sa kanya.
"I don't need you to dry my hair."
"Ano na lang po..." panimula ko at ibinaba ang telang hawak. Tumingin ako sa paligid at nakita ang mga bubog sa tabi ko. "Lilinisin ko na lang 'yong kalat!" mabilis na sagot ko pero mabilis niyang hinawakan ang palapulsuan ko.
Bakit ba ang hilig niyang humawak do'n? Gusto kong magreklamo pero baka mas lalo lang siyang magalit.
"Please? Sorry na po?" niliitan ko na ang boses ko. Nagbabakasakaling madadaan siya sa pagpapa-cute.
"Leave," sagot niya at tuluyan akong hinila paalis do'n.
Nakakawala ng angas! Parang mas maganda na lang kung nagkusa akong umalis kaysa makaladkad.
"Treat your cuts," iyon ang utos niya bago niya ako iniwan. Napatingin ako sa paa kong tinignan niya kanina sa ibaba. May parte ngang dumudugo sa ibabang hita ko. Natamaan siguro ng bubog kanina. Pero 'di ko ramdam ang sakit. Siguro, namanhid na ang katawan ko sa hapdi ng alcohol kanina.
"Sir!" tawag ko sa lalake habang hindi pa siya nakakalabas. "'Di ba, hindi mo naman po talaga ako isusumbong kay Senyorito Brandon para paalisin dito?"
Napaawang ang labi nito at 'di makapaniwalang tinuro ang sarili. "Inuutusan mo akong magsubong sa sarili ko?"
Napalunok ako at napahawak sa tiyan nang may maramdamang parang may mga paro-parung nagsiliparang doon. "Kung gano'n, ikaw si senyorito," bulong ko dahil sa labis na hiya.
"Yeah, don't you remember me?"
"Po?" Kumunot ang noo ko dahil 'di ko na narinig ang sinabi niyang salita sa bandang dulo. Humina kasi ang boses nito.
"Forget it," pagtapos niya sa usapan at muli akong tinalikuran bago siya naglakad palayo.
"Senyorito!" tawag ko pero hindi siya tumigil kaya tumakbo para sundan siya. "'Di mo naman talaga ako papalayasin dito, 'di ba?"
Malapit na ako sa kanya nang tumigil siya at harapin ako. "Bakit ba ang kulit mo?!"
"Please? Oo o hindi lang po para matamihik na ako."
"Hindi," maikli pero mabilis sagot niya.
Tumango ako. "Hindi mo ako papaalisin?" paninigurado ko.
"Oo."
"'Yon! Salamat po, senyorito!" Malawak akong ngumiti. "Ang gwapo mo po! Bagay sa 'yo 'yang buhok mo. Wet look!" pagpupuri ko para mawala na ang galit niya pero nanatiling seryoso ang mukha niya.
"You're unbelievable!" Iling niya.
Akala ko aalis na siya pero lumuhod siya sa harap ko na parang prinsepe. Napakurap ako at 'di makapaniwalang tinignan siya habang itinutupi ang itim na panyong inilabas niya mula sa bulsa ng suot na coat.
Mariin akong napalunok nang tumingala siya sa akin. Si senyorito, bakit siya nakaluhod sa harap ko? Bakit niya pinipigilan ang pagdurugo ng sugat ko?
"Senyorito, 'di mo naman po kailangang gawin 'yan. Dumarami na tuloy ang utang ko sa 'yo."
"Treat your wounds or else, I'll fire you."
"Yes, senyorito!" mabilis na sagot ko at yumuko saglit nang makatayo na siya ulit. "Salamat po! Tatanawin ko itong—" Napanguso ako nang tumalikod na siya at naglakad palayo. 'Di man lang pinatapos ang sasabihin ko.
"Senyorito!" tawag ko ulit sa kanya pero sa pagkakataong iyon ay hindi na siya lumingon pa. 'Di bale, magpapasalamat na lang ako mamaya o bukas!
"Anak, ano ba namang iyong ginawa mo? Bakit mo naman binuhusan ng tubig si Senyorito?" bungad ni mama nang makita ako habang naglalakad pabalik sa sariling kwarto.
Nang makalapit siya sa akin ay nagpaliwanag ako, "E, sabi po kasi niya, 'pour me a drink'. Kaya ayon, binuhusan ko siya. Dapat kasi 'pour my cup' para alam kong baso ang tinukoy niya o dapat 'di na lang siya nag-utos. Ayan tuloy!" At natapos iyon sa reklamo. Bumalik kasi iyong inis ko kanina.
Napabuntong hininga si mama at hinawakan ang kamay ko. "Anak, common sense naman. Kapag gano'n, inuutusan ka niyang lagyan mo ng inumin ang baso niya." Maya-maya ay umiling siya. "Nangyari na, kaya tandaan mo na lang 'yon para hindi na ito maulit, maliwanag ba?" tanong niya at lumuhod sa tapat ko bago pa ako makasagot. "Nasugat ka pala. Hali ka, gamutin natin saglit."
Nagpahila ako papunta sa kwarto namin at umupo sa sariling kama. "Ma, sabi kanina ni senyorito palalayasin niya ako," pagki-kwento ko habang pinapanood ang magulang na alisin ang pagkakatali ng panyo na nakatakip sa sugat ko.
Tiningala niya ako at ipinakita ang itim na panyong may burdang kulay ginto sa isang sulok. Naroon ang nakaburdang pangalan na 'Brandon', pagmamay-ari nga talaga iyon ng senyorito. "Kay Senyorito Brandon itong panyo?"
Tumango ako at kinuha iyon sa kanya. "Lalabhan ko na lang po mamaya para matuyo na bukas. Tapos magso-sorry rin ako."
"Ipagtimpla mo rin siya ng kape kung umaga ka pupunta sa kanya," dagdag pa ni mama na sinang-ayunan ko.
"Bukas na lang tayo ulit magkita, senryorito," sambit ko habang pinapatag ang pagkakaplantsa ng bagong labang panyo.