Chapter 01
"Rika!"
Mula sa pagtakbo palapit sa mansyon ng pamilyang Monteverde ay narinig ko ang sigaw ni mama mula sa cellphone na hawak ko. "Nasaan ka nang bata ka? Umuwi ka na!"
"O-opo!" hinihingal na sagot ko at agad na pinatay ang tawag. Sayang lang kasi ang load niya kung pagsasabihan niya ako rito.
Inilabas ko ang inis sa pagsigaw habang tumatakbo. Lagot na naman ako nito! Gabi na kasi, tingin ko ay mag-a-alas siyete na. Pero heto, pauwi pa lang ako. Paniguradong maitatanong na naman sa akin kung ganitong oras ba dapat ang uwi ng isang babae.
Binuksan ko ang mataas na gate at napayuko sabay hawak sa magkabilang tuhod nang mapatigil. Nakakapagod!
Taas-baba ang dibdib ko habang sinusuri ang mga itim at mamahaling sasakyan na bumungad sa akin.
Anong meron?
Nilampasan ko ang mga iyon at tinungo ang madilim na bahagi ng mansyon. Baka kasi may bisita ang pamilya ng mga Monteverde at nakakahiya ang itsura ko ngayon kung sa front door ako papasok.
Kahit madilim, binilisan ko ang paglalakad para makarating kaagad sa kitchen. Sanay na ako sa ganitong palihim na pagpasok kaya memoryado ko na ang daan kahit walang ilaw.
"s**t!"
Napatalon ako sa gulat may marinig ang matalim na mura mula sa panlalakeng boses nang may nabangga ako.
"Pa, ikaw ba 'yan?" tawag ko rito at kumapa sa dilim. Nalalanghap ko ang amoy ng sigarilyo at alak. Lasing siguro siya kaya nagbabago na naman ng boses. Kaya kasi niyang magpalit at gumaya ng iba't-ibang boses lalo kapag tinamaan na ng alak.
Nang makapa ang katawan ng matanda ay pinagpag ko ang pang-upo niya dahil ramdam kong natumba din siya kanina dahil sa lakas ng impact. Naglalasing pa kasi! Isusumbong ko 'to kay mama.
"What the hell?!" Napamura ulit ito, 'di nakatakas sa pandinig ko ang accent niya, parang sanay na sanay sa English. Foreigner ba 'to?
Hindi naman siguro! Si papa lang 'to, malakas ang kutob ko.
Gano'n na lamang ang pagkalaglag ng panga ko nang bigla akong matilapon sa malamig na sahig dahil may magtulak sa akin. Napadaing ako nang tumama ang siko kong may gasgas. "Papa naman! 'Di pa gumagaling sugat ko!" reklamo ko rito, pinipilit na kumbinsihin ang sariling ama ang kausap ko sa dilim.
"Who the hell are you?!"
"Ha? Pa, ako lang 'to, si Ri—"
Nabitin sa ere ang sasabihin ko nang muli siyang magsalita. "I'm not your dad!"
Bumilis ang t***k ng puso ko sa pag-amin nito at nataranta. "Ano?! Kung gano'n, sino ka? Magnanakaw ka, 'no?" Tumili ako at mabilis na lumapit sa kanya para tadyakan at mahuli siya. "Lagot ka sa akin!"
"Damn it, kid!" reklamo nito habang kumakawala sa pagkakayakap ko sa kanya. Pinakiramdaman ko ang estrangherong lalake, matigas ang katawan nito at matibay! Ang hirap niyang bihagin.
"Tulong!" iyon ang huling sigaw ko nang mapa-upo ako dahil sa pagkakahila at may humawak sa bewang ko. Ikinukulong ako nito sa braso at tinakpan pa ang bibig ko.
"You are the thief here!" gigil na sagot niya.
Mabilis akong umiling. "Hindi! Ano ba?! Taga rito ako!" sigaw ko at pilit na kumakawala sa kanya sa pamamagitan ng paggalaw ng katawan.
"I'm the son of the owner of this house."
"Ano?!" Nanlaki ang mga mata ko at napatigil nang muling naalala ang sinabi ni mama bago ako pumasok sa eskwela kanina.
"Agahan mo ang pag-uwi mamaya. Darating si Senyorito Brandon. Kailangan namin ng dagdag na trabahador para sa paghahanda sa pagbabalik niya rito sa mansyon."
Mariin akong napalunok habang pinoproseso ang pangyayari. Paano kung itong lalakeng 'to si senyorito? "Lagot!"
"Lagot ka talaga," dagdag naman nito, may accent pa rin ang pagkakabigkas. Halatang 'di sanay magtagalog!
Umubo ako para ibahin ang boses at pinakiramdaman siya. Nang lumuwag din ang pagkakahawak niya sa akin ay buong pwersa ko siyang itinulak. "Multo po ako! Multo!" sagot ko at gumawa ng ingay na nakakatakot para masindak siya.
"You!" Hindi ko na siya pinansin, mabilis akong bumalik sa harap ng mansyon para roon dumaan.
Nang makita ang liwanag ng ilaw ay tinakpan ko ang mukha ko hanggang sa makarating sa tapat ng double door. Hinawakan ko ang nagtataas-babang dibdib at ngumiti. "Magandang gabi po!" bati ko sa mga naroon at normal na naglakad kahit sa loob-loob ko, sobrang bilis ng t***k ng puso ko.
"Rika, bakit ngayon ka lang?!" singhal ng nagmamadaling lumapit sa akin na si mama. "Ano ba namang itsura 'yan? Maligo ka roon at magpalit! Ikaw na lang ang papalit sa pagiging waitress mamaya!"
"Opo!" sagot ko at nilingon saglit ang pinagdaanan kanina dahil baka makita ang senyorito. Sana talaga, hindi siya iyong lalake na nasa labas.
Sumunod ako kay mama nang kaladkarin niya ako papunta sa isang kwarto ng mga kasambahay. Inalis ko ang bag sa katawan at inihagis sa kama bago pumasok sa banyo.
Nang makita ang sarili sa salamin, napangiwi ako dahil dumudugo ang sugat sa tuhod at siko ko. May galos rin sa mukha at paa ko dahil sa pakikipag-away kanina. Kinuha ko ang alcohol sa medicine kit at kinagat ang kanang braso para 'di makalikha ng ingay. Ilang mura ang nabanggit ko sa isip habang binubuhusan ang sugat. Napakahapdi!
Nilubos ko na ang sakit nang sabunan ko iyon ng sabon. Madami rin kasi iyong lupa kanina at baka ma-impeksyon pa. Sayang na naman ang pera namin kung sakaling ma-ospital pa ako dahil do'n.
Nagbihis ako ng uniporme namin bilang kasambahay. Ayaw ko iyong isinusuot dahil bestida iyon. P'wede naman kasing pants na lang din katulad ng kina mama. Pero hindi raw pwede. Lantad tuloy ang hita ko na puro galos.
"Good evening po, ma'am, sir!" mabait na batang bati ko sa mga nakakasalubong na bisitang papunta sa hapagkainan. Nasa malayo lang kaming mga waitress. Naghihintay na may magtawag sa amin at mag-utos.
Abala ako sa paghila pababa ng laylayan ng bestidang suot nang mapunta ang tingin ko sa lalakeng nasa kabisera ng mahabang hapagkainan. Agaw pansin kasi ito. Maayos at tila nilagyan pa ng gel ang buhok niya. May kakapalan ang kilay at kita mula sa dako ko ang kumikinang na pares ng kulay bughaw niyang mga mata.
Nalaglag ang panga ko dahil sa pagkamangha. Halata na may lahi siya dahil matangos din ang ilong niya. Napaka-gwapo! Para siyang artista sa Holywood.
Sino kaya iyon?