MARIEL / GENEVIEVE POINT OF VIEW
TANGINA, BAKIT ANG PUTI NG KISAME?
Nagmulat ako ng mata, nangingirot ang buong katawan ko, parang binugbog ako ng isang batalyon ng sundalo. Pero teka—sandali lang. Bakit ako may nararamdaman pang katawan? Akala ko tapos na ang buhay ko?
Dahan-dahan akong bumangon, pero puta, ang bigat ng katawan ko. Parang may sampung sako ng bigas na nakadagan sa akin. Ang huling naaalala ko ay 'yung pagsabog ng gasul—napakaliwanag, napakainit, at napaka-PUTANGINA ANG SAKIT!
Pero ngayon, wala akong kahit anong paso sa katawan.
Nag-ikot ang mga mata ko sa paligid. Maliwanag ang kwarto, kulay puti ang mga dingding, at amoy hospital. Lumingon ako sa kaliwa. May dextrose na nakatusok sa akin. Lumingon ako sa kanan, may isang bouquet ng bulaklak sa tabi ng kama.
Putangina, nasan ako?
Napatingin ako sa sarili kong kamay—manipis, maputi, at halatang hindi sanay sa trabaho. Tumingin ako pababa sa katawan ko at nagulat sa nakita ko. Maliit ang katawan ko! Hindi ito ang sanay akong makita! Asan na ang matigas kong muscle? Asan na ang mga latay at peklat ko sa katawan?!
Parang wala sa sarili, bumaling ako sa isang maliit na salamin sa tabi ng kama. Nanginginig kong inabot ‘yon at tinapat sa mukha ko.
…
PUTANGINA! SINO ‘TO?!
Muntik ko nang ihagis ang salamin sa sobrang gulat. Ang nakita ko ay isang babae na hindi ako! Mahaba ang buhok, sobrang itim na parang commercial ng shampoo. Maputi, makinis, at may mga matang parang laging nagmamakaawa. Ang labi? Punyeta, parang ang lambot-lambot at walang bakas ng sigarilyo o dugong natuyo mula sa suntukan!
PUTANGINA, NASAAN SI MARIEL DE LEON?!
"AHHHHHHHH!!!" Napasigaw ako nang malakas, na agad namang nagresulta sa pagbukas ng pinto.
"Miss Genevieve! Kalma lang po!"
Genevieve? Sinong Genevieve? Tangina, may nawawalang tao ba dito?
Pumasok ang isang nurse na mukhang mas gulat pa kaysa sa akin. Hawak-hawak niya ang clipboard niya at halatang hindi niya alam ang gagawin.
"A-Ayos lang po ba kayo?" tanong niya, halatang kinakabahan.
Hindi ako agad nakasagot. Pinilit kong kumalma kahit na ang utak ko parang isang sirang radyo na hindi mapigil sa kakaulit ng "ANONG PUTANGINA TO?!"
Huminga ako ng malalim, nilunok ang laway na parang tinik sa lalamunan, at saka ako muling nagsalita.
"Ano'ng pangalan ko?" diretsong tanong ko.
Napakunot ang noo ng nurse. "Po?"
"ANO. ANG. PANGALAN. KO?" mas madiin kong ulit, pilit na pinipigilan ang panginginig ng boses ko.
Nakita ko siyang nagkibit-balikat bago tumingin sa chart niya. "Miss Genevieve Santos po."
Napakurap ako. Teka. Santos? Kilala ko ‘tong apelyidong ‘to.
Parang biglang bumaha ang alaala sa utak ko, mga memorya na hindi akin. Isang babaeng mahina, laging umiiyak, at laging tumatakbo papalayo sa isang lalaking may matigas na tingin. Isang pamilyang hindi siya gusto, isang katawan na laging may iniindang sakit, at isang pusong literal na mahina.
Putangina, si Satan hindi ako pinapasok sa impyerno. INIRESPAWN NIYA AKO SA KATAWAN NG ISANG MAHINANG NILALANG!
"Miss Genevieve?" Tawag ulit ng nurse, halatang nag-aalala.
Huminga ako nang malalim. Calm down, Mariel. Hindi pwedeng mabaliw ka rito. Isa itong sitwasyon na dapat pag-isipan nang maigi.
"Uh, ano'ng nangyari sa akin?" tanong ko, mas kalmado na ngayon.
Napakamot ng ulo ang nurse. "Ah, inatake po kayo sa puso sa bahay ng fiancé n'yo."
Napasinghap ako. "TANGINA, MAY FIANCÉ AKO?!"
Halos mabitawan ng nurse ang clipboard niya. "A-Ah, oo po! Hindi n'yo po ba natatandaan?"
Teka, teka, teka. Una, hindi ako si Genevieve. Pangalawa, sino 'yang fiancé na 'yan? At pangatlo, BAKIT AKO NA-HEART ATTACK?!
Pumikit ako saglit at sinubukang i-digest ang bagong impormasyon. Hindi ako puwedeng basta-basta lang magwala rito. Ang kailangan ko ay impormasyon.
Pinilit kong isa-isahin ang mga memoryang pumasok sa utak ko.
Ang babae—o ako na ngayon—ay si Genevieve Santos. Lumaki sa mayamang pamilya, pero itinuturing na pabigat dahil sa kanyang mahinang pangangatawan. Walang respeto ang pamilya niya sa kanya, at ni hindi siya binibigyang halaga. Pero sa kabila ng lahat, isa lang ang gusto ni Genevieve: mahalin siya ng fiancé niyang si Ali Murat Ozcan.
At putangina, itong fiancé niya… galit sa kanya.
Hindi lang basta galit—KINAMUMUHIAN SIYA!
Bakit? Kasi obsessed si Genevieve sa kanya. Literal na parang isang stalker na kahit ilang beses siyang sinabihan ng lalaki na "UMALIS KA SA BUHAY KO!" ay hindi niya tinigilan. At ngayon? Inatake siya sa puso matapos marinig mula mismo kay Ali ang mga salitang:
"Mas gugustuhin kong mamatay kaysa pakasalan ka!"
Napakurap ako.
TANGINA NAMAN. ANG CHEESY.
Pero seryoso, inatake sa puso dahil lang sa sinabi ng lalaki? Ano ‘to, teleserye?!
Napahawak ako sa noo ko. This is too much. Kailangan kong mag-isip. Kailangan kong alamin kung ano'ng gagawin ko rito.
Pero isang bagay lang ang sigurado ako.
HINDI AKO SI GENEVEIVE.
Ako si Mariel De Leon, at kung sa tingin ng mga hayop na 'to ay tatanggapin ko nang basta-basta ang lahat, eh putangina, HINDI.
Huminga ako ng malalim at tumingin sa nurse. "Pwede na ba akong lumabas?"
Nagkatinginan ang nurse at ang isang doktor na kararating lang. "Miss Santos, kakagising n'yo lang mula sa isang matinding atake sa puso. Kailangan pa po nating obserbahan—"
"Kung hindi ako makakalabas ngayon, ako mismo ang lalabas," putol ko, sabay hugot ng dextrose sa braso ko.
"Miss Santos! Huwag po—"
Pero huli na. Tumayo ako, pero tangina, parang kutson ang katawan ko. Ang hina! Nanginginig pa ang mga tuhod ko. Parang ‘yung mga kalamnan ko sanay lang sa pagtulog buong araw!
Putangina. Kailangan ko ‘tong palakasin.
Napatingin ako sa sarili kong reflection sa isang salamin sa gilid ng kwarto. Putangina, ang fragile ko. Mukha akong isang mahinhin na babae na isang ihip lang ng hangin, matutumba na.
Hindi puwede ‘to.
Kung akala ng mundo na magiging mahina ako tulad ng dating Genevieve, nagkakamali sila.
Dahil ako si Mariel De Leon, at hindi ako aapak-apakan ng kahit sino.
Kahit ng gagong Ali Murat Ozcan na ‘yan.
___________
Putangina, bakit parang biglang bumagal ang mundo?
Katatayo ko lang para makalabas sa kwartong ‘to nang biglang maramdaman ko ang matulis na dulo ng karayom na dumampi sa balat ko. Napalingon ako sa nurse na kanina lang ay mukhang hindi alam ang gagawin—ngayon ay may hawak na syringe at may matalim na tingin sa akin.
“Teka, anong—”
Hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil biglang nanlamig ang katawan ko. Para akong kinuryente mula ulo hanggang paa, sabay ramdam ng panghihina. Ang mga mata ko ay unti-unting pumipikit, at kahit anong pilit kong kumilos, hindi ko magawa.
PUTANGINA!
Gusto kong sumigaw, gusto kong gumalaw, pero para akong isang siraulong manika na naubusan ng baterya. Ang huling narinig ko bago ako tuluyang mawalan ng malay ay ang malamig na boses ng doktor.
“Pasensya na, Miss Santos, pero hindi ka pa pwedeng umalis.”