Ang pagpasok nina Niccolo at Lhevie sa mansyon ay hindi katulad ng mga nakaraang uwi nila na puno ng pananabik. Ngayon, ang mansyon ay tila naging isang malaking kabaong na malamig, tahimik, at puno ng amoy ng katapusan ng isang relasyon. Binuhat ni Niccolo si Lhevie papasok, dahil kahit anong pilit ng dalaga na maglakad, ang kaniyang mga binti ay sumusuko na sa tindi ng pagod at panghihina. Hindi lumaban si Lhevie. Hindi siya sumigaw. Hinayaan niya lang ang asawa na dalhin siya, pero ang kaniyang katawan ay tila isang matigas na troso—walang init, walang buhay, at punong-puno ng pandidiri. Bawat dampi ng balat ni Niccolo sa kaniya ay tila isang uod na gumagapang na nagpapakilabot sa kaniyang buong pagkatao. "Lhevie, please... look at me," bulong ni Niccolo, ang boses ay basag na basag.

