Dion's POV
"Aba, kung makapagsalita ka parang kasalanan ko pa ah?" Tama lang na iyon ang sabihin ko sa kaniya. Hindi ko kasalanan kung nadala siya sa akin.
Nakita kong naniningkit ang kaniyang mga mata. Alam kong nagsisimula na itong magalit. Kusang napunta sa katawan nito ang aking mga mata.
"Hindi rason 'yon para hindi mo ako pigilan–"
"Paano kita pipigilan kung ikaw mismo ang humahatak sa katawan ko?" agad na sabi ko. Naramdaman ko ang pananahimik niya. Wala itong masabi hanggang sa mahinto ito sa pagbibihis. Tila hindi ito makapaniwala sa nangyari.
Nagulat ako nang biglang lumabas ang mga luha sa mga mata nito. Ilang saglit pa at agad itong humikbi.
"Matagal ko nang inaalagaan ang sarili ko... Matagal ko nang nilalaan ang sarili ko para sa taong makakasama ko pero..." Hindi ko maintindihan kung bakit ganito ang nararamdaman ko.
"Hindi ko kasalanan kung nadala rin ako," pahayag ko. Alam kong sa puntong iyon ay tila umurong ang aking dila at hindi alam kung anong tamang mga salita ang dapat na sabihin.
Umiwas ako ng tingin mula sa kaniya habang ramdam ko pa rin ang kalungkutan sa presensiya nito. Nakita ko siyang napaupo sa gilid ng kama habang humihikbi.
"Kasalanan ko rin naman... Matagal akong nagpakatanga sa isang pagmamahal na wala naman talagang patutunguhan..." Parang may kung anong malamig na halik mula sa hangin ang dumampi sa aking leeg nang sabihin nito iyon.
Ngayon ay mas lalong nagiging malinaw ang lahat sa akin. Kahit kailan ay hindi naging maganda ang pananaw ko tungkol sa pag-ibig. Alam kong nagiging dahilan lamang iyon para maging malungkot.
"Kung ano man ang problema mo, kailangan mo lang na maging matapang. Ipakita mo sa sarili mo na kaya mo. 'wag kang magpatunay sa iba. Gawin mo ang makabubuti hindi para sa iba, kundi para sa 'yo..." Kahit ang sarili ko ay hindi ko alam kung bakit lumabas ang mga salitang iyon sa aking bibig.
Huli na ang lahat nang bigyan ako nito ng makahulugang tingin. Pakiramdam ko ay tumatagos ang paningin nito sa kaluluwa ko. Halata naman ang kalungkutan nito pero sa tanang buhay ko ay ngayon lang ako nakakilala ng isang taong ganito katindi kung magdrama.
Maya-maya ay bigla na naman naningkit ang mga mata nito.
"Paano ko gagawin 'yon kung ang isang tulad mo ay parang hindi marunong gumawa ng mabuti?" singhal nito. Hindi ko talaga maiwasan ang mag panting ang aking mga tainga dahil sa iritasyon. Ako pa talaga ang sinabihan nito na hindi marunong gumawa ng mabuti, eh siya naman itong may gusto sa nangyari.
Hindi na ako nakapag pigil at agad din naman akong nagsalita.
"Alam mo ikaw, 'andami mong problema sa buhay pero parang nakulungan ka rin sa pag intindi na hindi lahat ng katulad ko ay hindi marunong gumawa ng mabuti. Eh, kung masama ako, edi sana sinaksak na kita," pasaring na sabi ko.
Parang hindi naman ito makapaniwala sa sinabi ko kaya agad itong tumayo at akmang susugurin ako pero mas naging mabilis ang mga galaw ko kaysa sa kaniya. Agad kong hinawakan ang magkabilang kamay niya hanggang sa ilapit ko ng marahas ang aking katawan. Ngayon natin tingnan kung hanggang saan ang tapang nito.
"Bastos ka talaga! Manyak!–" Mas lalo na namang nabuhay ang inis ko dahil sa sinabi nito kaya wala akong ibang ginawa kundi ang ilapit ang mukha ko sa kaniya.
"Ano, magsasalita ka pa?" Binigyan ko siya ng isang kindat habang hindi ko naman mapigilan ang aking panggigigil. Kung tumagal pa itong ginagawa niya sa akin, hindi ko na rin alam kung kaya ko pang pigilan at baka ano pa ang magawa ko.
Saglit akong napangisi nang makita ang bahagyang pag atras nito. Huli na para umatras pa ito. Alam kong ramdam na ramdam nito ang higpit nang pagkaka-kabig ko sa katawan niya na hanggang ngayon ay sadyang nakalagay pa rin sa likod ng baywang nito.
"Itigil mo na 'tong g-ginagawa mo," anas nito. Ang akala ko ay magtatagal pa ang posisyon naming dalawa. Ngayon ko lang naintindihan na ito ang klase ng tao na masarap asarin at paiyakin.
"Paano kung ayoko?" Muli ko siyang binigyan ng malagkit na ngiti hanggang sa ibaba ko ang aking kamay mula sa likod nito.
Tila naramdaman naman nito ang aking ginawa kaya ganoon na lamang ang pamimilog ng mga mata nito hanggang sa hindi na rin ito nakatiis at malakas ang ginawa nitong sampal sa akin.
"Hindi lang 'yan ang aabutin mo kapag nagkamali ka ulit na gawin 'yon sa kin!" sigaw nito. Bahagya akong napahawak sa aking pisngi kung saan dumapo ang palad nito. Hindi ko akalain na magagawa nito iyon sa akin.
Nakita ko na tumalikod ito sa akin pero hindi ko na naman napigilan na hindi magsalita.
"Ano pa ba ang itatago mo sa kin? Lahat ng parte sa katawan mo, nahawakan ko na." Hindi ko talaga ito titigilan. Alam ko na maiinis na naman ito. Ilang sandali lamang at nakita ko nang nilingon ako nito.
"Talagang hindi ka titigil, 'no?" inis na sabi nito. Napangisi lang ako sa sinabi niya. Hindi ito nagkakamali, talagang hindi ako titigil hanggang sa mas mainis pa ito.
"Pagkatapos nating mag-usap, alam kong matagal pa bago tayo magkita pero 'wag kang mag-alala, alam ko naman lahat ng social media address mo." Ngiting aso ang ginawa ko sa kaniya. Gusto ko nang humalakhak dahil sa eskpresyon ng mukha nito. Kitang-kita ang galit sa mukha nito at talaga nakakatuwa iyon para sa akin.
"You, punk!!! Idedemanda kita!" sigaw nito. Ano naman kaya ang laban nito sa akin kung sakaling ituloy nga nito ang pagdedemanda.
"Maliligo lang ako. Ihahatid na kita." Iyon lang ang sinabi ko at saka kinuha ang ilan sa mga gamit ko. Agad akong pumasok sa banyo hanggang sa magsimula na akong maligo.
Ilang segundo pa lang ang lumilipas nang marinig ko itong magsalita mula sa labas ng banyo.
"Bastos!!! Manyaaaaaak!!!" Natawa na lang ako sa sigaw nito. Magsasalita pa sana ako nang biglang kumalabog ang pinto ng kwarto. Hindu ko alam pero para akong nataranta at agad na lumabas ng banyo. Tama nga ang hinala ko. Umalis na siya.
Nagmadali akong ilagay ang tuwalya sa aking ibaba at agad na lumabas ng kwarto pero sadyang mabilis ito sa paglalakad kaya hindi ko kaagad nahabol. Wala akong ibang nagawa kundi ang sumilip na lamang sa bintana.
Nagulat pa ako sa huling ginawa nito. In-ere nito ang gitnang daliri sabay dila sa akin. Imbis na mainis ay napahalakhak pa ako dahil sa ginawa nito.