Dion's POV
"We really need to talk," pahayag ko. Kausap ko ito sa cell phone. Sunod-sunod naman ang pagbuntong hininga nito.
"Yeah, kailangan talaga nating mag-usap. Alam mo, hindi ko na talaga gusto 'tong nangyayari sa atin," iritado nitong sabi. Kahit naman ako ay ganoon din ang sasabihin.
"Kinausap ko na sila mama at dad... Alam kong sila naman talaga ang pakana nitong lahat..." Sa bawat paglabasmasok ng aking hininga ay ang matinding inis sa aking sarili. Hindi ko na magawang pigilan ang mga ginagawa ng mga magulang ko.
"May paraan pa... Kausapin natin 'yong lalaki na kumausap sa atin no'n?" Muntik na akong mapamura dahil sa sinabi ni Mark.
"Ano?! Mark, nag-iisip ka ba? Delikado 'yang sinasabi mo!" Hindi ko na rin napigilan ang pagtaasan ito ng boses. Sa pagkakakilala ko kay Mark ito ang tipo ng tao na hindi magdadalawang isip para gawin ang mga gusto sa buhay.
"May paraan ka pa ba?" galit nitong tanong sa akin. Natahimik ako dahil sa tanong nito. Batid ko naman na wala na akong ibang paraan para makapasok sa militar.
"Hindi ko na rin alam ang gagawin ko..." Kahit ako ay nawawalan na rin ng pag-asa. Minsan tuloy naiisip ko na lang na sana ay hindi na ako naging parte ng pamilya. Kahit kailan naman ay hindi nila ako sinuportahan sa mga gusto ko.
"Dion, 'yon na lang ang tanging paraan para makapasok tayo. It's now or never... No matter how it takes, we should try it. Wala naman sigurong mawawala..." Sadyang nadadala na ako sa mga sinasabi ni Mark. Labis-labis ang kagustuhan namin na makapasok sa militar kaya kung magkakaroon man ako ng pagkakataon para makapasok ay hindi ko iyon sasayangin. Ngayon lang ako nag-alangan ng ganito. Hindi ko alam kung tama ba na maki-ayon sa kagustuhan ni Mark pero wala naman sigurong mawawala kung susubukan namin.
"Anong plano mo?" tanong ko. Hindi pa lumilipas ang isang segundo ay agad din itong sumagot.
"Bago makaalis ang lalaking 'yon sa lugar kahapon, kinuha ko ang number niya. Tinext ko na siya pagkauwi." Talagang hindi nga ako nagkamali sa mga hinala ko. Gagawin at gagawin talaga ni Mark ang lahat para lang makagawa ng mga hakbang.
"Bakit hindi mo sinabi sa 'kin?" inis kong tanong sa kaniya.
"Kapag sinabi ko ba, papayagan mo ako? 'di ba, hindi?" Agad na sagot nito. Wala akong nagawa kundi ang mapa-buntonghininga. Sa kabilang banda ay naiintindihan ko si Mark. Ginagawa lamang nito ang kagustuhan. Kahit na mayroon akong kaba tungkol sa lalaking iyon ay kailangan pa rin namin gumawa ng paraan.
"Sige na, pumapayag na ako..." Habang iniisip ko ang sitwasyon ko ay hindi ko mapigilan ang mahirapan. Simula nang mamulat ako sa katotohanan, wala ng ibang sumagi sa isipan ko kundi ang maging sundalo.
"Mabuti naman kung gano'n... Ilang oras na lang at tatawag na sa akin si Damian..."
"Sinong Damian?" tanong ko.
"'Yon ang pangalan niya," agad na sagot ni Mark. Tumango na lamang ako.
"Sige mag-aasikaso na muna ako ng mga gamit ko." Pagkatapos kong magsalita ay agad ko na ring pinatay ang tawag. Wala akong pinalampas na minuto para malagay ang lahat ng mga gamit ko sa maleta.
Hindi ko naman maiwasan na isipin si tito Alvin at ang mga kapatid ko. Hindi ko alam kung anong paliwanag ang dapat kong gawin para maintindihan nila ang gagawin ko. Sa kabilang banda, alam kong maiintindihan din nila ako sa huli.
Kinuha ko ang isa pang maleta at saka inilagay ang mga damit ko. Dito ko makikita ang kaligayahan para sa sarili ko. Ang makatulong at ipagtanggol ang bansa ay isang malaking sakripisyo pero iyon ang gusto ng puso ko at wala sino man ang makakapigil sa gagawin ko.
****
Nasa kalagitnaan kami ng kalsada ni Mark. Tapos na naming kausapin si Damian pero para sa akin ay may masama pa rin akong kutob sa pinapagawa nito sa aming dalawa ni Mark.
"Nasaan naman kaya 'yong trycle na 'yon?" tanong ni Mark habang tinatanaw nito ang kahabaan ng kalsada Pati ako ay napapatanaw na lang din sa kalayuan ng kalsada. Mukhang nagkamali pa yata ng utos ang lalaki sa amin. Wala ni isang trycle ang dumaraan.
"Sabi ko naman sa 'yo, 'wag na nating pagkatiwalaan 'yon eh–"
"Dion naman... Napag-usapan na natin 'to, 'di ba?" iritadong sabi sa akin ni Mark. Wala akong ibang nagawa kundi ang tumango. Ano pa nga ba ang magagawa ko? Wala rin kaming ibang pwedeng gawin kundi ito na lang.
"Oo na, sige na. Hanap na lang tayo ng masasakyan," sabi ko. Nakakapag taka lang na dito pa kami sa Samar pinapunta ng Damian na iyon.
Maraming katanungan ang lalaking iyon sa amin ni Mark at sa karanasan namin tungkol sa pagmimilitar. Mabuti na lamang at nakapag-aral ako ng palihim at batid kong ganoon din si Mark dahil kasabay ko ito sa lahat ng mga ginagawa. Pero kakaiba pa rin ang pag-aaral kung ito ay gagawin mismo sa totoong buhay.
"Medyo mahirap 'tong assignment natin pero kung ito lang ang tanging paraan maging sundalo tayo, wala na tayong iba pang pagpipilian." Napatitig ako kay Mark. Kitang-kita ko ang pangamba sa mukha nito pero kaakibat niyon ang tapang at dedikasyon sa ginagawa.
Hindi ko maiwasan na isipin ang mga sinabi ni Damian. Batid kong delikado itong gagawin ni Mark pero ito ang pinaka unang misyob na gagawin namin ni Mark at kailangan magawa namin ito ng pulido.
"Nandito na tayo, Mark... Gawin na natin 'to," pahayag ko. Tinapik ko ang balikat niya at saka naman ito pilit na ngumiti.
"Masaya akong gawin ito dahil ito ang gusto ko at alam kong gano'n ka rin." Napabuntong hininga ako at saka inalala ang pag-uusap namin nila Damian. Kalakip ng misyon namin ay ang pag-iiba ng aming pangalan. Binigyan ako ng isang red tag at nakalagay doon ang aking pangalan bilang si Nyt Cervantes at si Mark naman bilang Sky Togonon.
Pareho kaming naninibago sa aming pangalan pero ito lang ang tanging paraan para hindi kami matunton ng aming mga pamilya. Ngayon pa lang ay may kaunti ng kaba sa aling dibdib dahil gagawin at gagawin nila mama at dad ang lahat mahanap lang ako. Pero may tiwala ako kay Damian. Sana lang ay siguraduhin nito na hindi sila matutunton ng kanilang pamilya.