Dion's POV
Wala talaga akong palalampasin na pagkakataon para kausapin ang mga magulang ko tungkol sa ginawa nilang pagpigil sa akin para maging sundalo. Nasa harap na ako ng bahay. Agad akong naglakad papasok hanggang sa maabutan ko ang mga kapatid ko.
"Kuya?!" Hindi ko pinansin ang pagpuna nila sa akin. Agad kong tinungo ang kwarto ni dad. Kahit na anong gawin nila ay hindi na mababago ang desisyon ko para sa sarili ko.
"Where do you think you're going?" Boses ni mama ang nagpatigil sa akin. Akmang hahawakan ko pa lang ang pinto nang bigla itong magsalita. Humarap ako at saka kinausap si mama.
"Akala niyo pa hindi ko alam na pinipigilan niyo lahat ng mga hakbang ko? ganyan na ba kayo ka desperado para pigilan ako sa pangarap ko? na pati ang militar ay nakakayanan niyong kausapin para hindi ako makapasok sa pagsusundalo?" Hindi ko na napigilan ang sarili.
Kitang-kita ko kay mama ang galit pero hinding-hindi ko ito susukuan.
"Ganiyan na ba kahirap sa 'yo na intindihin ang mga payo namin ng daddy mo?–"
"Payo? hindi po kayo nagbibigay ng payo, ma. Pinaparamdam niyo lang sa akin na hindi ko kayang abutin ang pangarap ko!–"
"Pangarap namin na maging doktor ka, anak!"
"Pero ma, pangarap niyo 'yon... Iba ang pangarap ko para sa sarili ko at sana maintindihan niyo ako sa sinasabi ko..." Ito ang isa sa mga ayaw kong mangyari. Hindi ko gusto na umabot sa ganito pero sa tuwing mga pangarap ko na ang pag-uusapan ay sadyang una pa silang kumokontra.
Unti-unti kong nakita ang pangingilid ng luha ni mama. Bakit ba sa tuwing nagiging ganito ang sitwasyon ay parang napakahirap para sa akin na intindihin ang lahat? alam ko naman na gusto lang nila na mapabuti ako pero hindi sa paraan na ganito na halos ipagtulakan na nila ako sa isang bagay na kahit kailan ay hindi ko maatim na makamtan.
"Ganiyan na ba kahirap para sa 'yo na hindi mo kami sundin ng daddy mo?" maluha-luha nitong sabi. Suminghap ako at saka gumawa ng malalim na paghinga.
"Ma... may tanong po ako sa inyo, Kailan ho ba naging mahalaga sa inyo ni dad ang mga pangarap ko? Ilang taon ko po kayong sinusunod at habang lumilipas ang mga taon na 'yon, palagi kong sinasabi sa inyo na gusto kong magsundalo pero hindi niyo ako pinakinggan... Palagi niyong bukambibig na dapat maging doktor ako. Mahal ko kayo ni dad kaya kahit na hindi ko gusto ang kinuha ko, ginawa ko pa rin dahil ayokong magalit kayo sa 'kin... Pero ma, ngayon lang matutupad itong pangarap ko..." Kung bomba lang ako, malamang kanina pa ako sumabog dahil sa tindi ng emosyon na nararamdama ko.
Sa paglipas ng mga taon ay pinili kong manahimik. Si tito Alvin lamang ang inintindi ako. Kahit pa sabihin ni mama na nagkaroon ng malaking utang si tito Alvin sa kanila, hindi pa rin niyon mababago ang katotohanan na ito ang nagpalaki sa akin at nagbigay sa akin ng mabuting asal.
Luke's POV
Kasalukuyan kong tinatanaw ang kagandahan ng talon mula dito sa aking kinauupuan sa may kubo. Isa na yata ito sa pinaka magandang pakiramdam sa aking katawan na aking naranasan sa buong buhay. Ngayon ko lang ulit nadalaw ang talon na ito at sa paglipas ng mga taon ay tila mas naging maganda pa ito sa aking paningin.
"Kuya Luke, ligo na!" sigaw ni Jennylyn. Napatawa na lang ako sa dalawang dalagita. Tinatanaw ko lamang sila habang sinusuyod pa rin ng aking paningin ang buong kapaligiran. Ang huni ng mga ibon at ang preskong dampi ng hangin sa aking balat ay talaga namang nagbibigay ng magandang pananaw sa akin.
Muntik ko pang makalimutan na hapit na hapit ang aking shorts kaya naging dahilan din siguro iyon para mas lamigin pa ako. Hindi ko pa nga nalulubog ang aking sarili sa tubig ay ganito na agad ang nararamdaman ko.
"Papunta na ako," nakangiting pahayag ko.
Hahakbang na sana ako nang bigla naman akong matigilan. Tumagos ang aking paningin sa likod ng dalawang batang babae at mula sa hindi kalayuan ay natanaw ko ang isang lalaki. Ang lalaki na kahit yata sa aking panaginip ay napakahirap na kalimutan.
Wala akong ibang maisip na gawin kundi ang yumuko. Hindi ko nga alam kung bakit ko iyon ginagawa basta ang mahalaga ay hindi ako nito makita. Dahan-dahan ang ginawa kong mga hakbang palapit sa dalawa.
Nang makalapit ako sa kanila ay saka naman nagsalita si Lenlen.
"Kuya bakit nakayuko ka?" tanong nito. Hindi ko alam kung ano ang isasagot. Ni hindi ko rin alam kung bakit ganito ang nararamdaman ko. Bakit ganito kabilis ang t***k ng puso ko?
"May pinagtataguan ka ba kuya? Siya ba?" Muntik na akong mapangiwi nang akmang gagamitin ni Jennylyn ang hintuturo nito para tukuyin kung sino ang pinagtataguan ko kaya mabilis kong hinawakan ang kamaya nito para pigilan.
"H-hindi... 'wag kayong mangtuturo ng kung sinu-sino," pahayag ko habang ramdam na ramdam ko pa rin ang kaba sa aking dibdib. Walang nagawa ang dalawa kundi ang tanguan na lamang ako sa aking sinabi.
"P-pero bakit nga po kayo nakayuko?" Naging makulit na sa akin si Jennylyn.
Magsasalita na sana ako nang bigla akong makarinig ng isang pamilyar na boses. Hindi ako pwedeng magkamali. Kahit sa utak ko ay naririnig ko iyon gabi-gabi.
"Ikaw?!" Halos sabay-sabay pa kaming tatlo napatingin doon sa nagsalita.
"Kuya... Ang gwapo niya... Kilala mo ba siya?" manghang tanong ni Lenlen. Sa hindi malamang kadahilanan ay bigla ko na lang naramdaman ang pagtatagpo ng aking magkabilang kilay.
"Tumigil kayo," mariin na sabi ko. Nang mapansin kong palapit na ang lalaki sa amin ay doon ko lang napagtanto ang lahat. Hindi nga ako nagkamali. Ito nga ang lalaki na walang awang kinuha ang dapat ay hindi pa.
"Palapit na siya," ani Jennylyn.
Bigla ko na lamang naramdaman ang katarantahan nang mapagluho ang buong sitwasyon at tila naging dahilan iyon para pilitin ko ang sarili na gumawa ng mga kilos. Bigla ko na lang hinawakan ang kamay ng dalawa at saka walang alinlangan na nagsalita.
"Tara na, hindi na maganda ang lugar na 'to..." Kanina lamang ay ramdam ko ang kaligayahan ng aking buong sistema dahil sa lugar pero nang makita ko ang mukha iyon ay parang gusto ko na lang maglaho na parang isang bula.
Hindi ko nga rin maintindihan kung anong ginagawa ng lalaking ito dito sa Samar. Siguro ay may alam ito tungkol sa buhay ko kaya palagi ako nitong sinusundan.
Nagsimula kaming maglakad paalis ng dalawa. Wala namang nagawa ang mga ito at agad din namang sumunod sa akin.
"Sandali!" sigaw nito mula sa aming likuran. Babalakin na sana ng dalawa ang lumingon pero agad akong nagsalita.
"Walang lilingon," mariin kong saad sa dalawa. Nalilitong tumango ang dalawa.
Nagpatuloy kami sa paglalakad hanggang sa may isang mahigpit na kamay ang humawak sa braso ko. Awtomatikong huminto ang aking katawan at saka napunta sa mukha ng lalaki ang aking paningin.
Hindi talaga mawawala ang masama kong tingin sa lalaking ito.