Dion's POV
"Bro, sigurado ka bang dito ang bahay ng sinasabi mo?" tanong sa akin ni Mark habang nasa likod ko ito. Narating naming dalawa ang tinitirahan ni Luke. Hindi ito ganoon kalaki kumpara sa iilang bahay na katabi nito pero sigurado akong makakahingi ako ng tulong para mamalagi na muna dito.
"Oo... Ito 'yong bahay na tinuro sa 'kin ni Luke..." Hindi pa ako ganoon kasanay na banggitin ang pangalan nito dahil sa tuwing maririnig ko ang pangalan nito ay kakaiba lang ang aking inaalala.
"Sana lang ay mali ako ng hinala na dito namamalagi ang ilan sa mga sindikato," pabulong na sabi ni Mark. Dahil doon ay kusa akong naalarma. Hindi ito dapat basta-basta na lang magsasalita ng ganoon gayung hindi pa namin alam kung saan nga ang kuta ng mga taong iyon.
"Mark, manahimik ka muna. Delikado 'yang sinasabi mo," may pag-aalalang pahayag ko sa kaniya. Natahimik naman ito at saka walang ibang ginawa kundi ang tumango.
Nasa harap na kami ng tinitirahan ni Luke at nakahanda na rin kami ni Mark para tawagin ito pero biglang lumabas ang dalawang babae na kanina lamang ay nakita ko. Wala akong sinayang na pagkakataon para tanungin kung naroon sa loob si Luke.
"Nandiyan ba si Luke?" tanong ko. Bahagyang nagulat pa ang dalawa dahil sa biglang pagsulpot namin ni Mark pero kalaunan ay nahalata kong nakilala rin ako ng mga ito sa wakas.
"Kayo po 'yong lalaki sa ilog?" manghang tanong ng isa sa akin. Sunod-sunod naman ang ginawa kong pagtango hanggang sa nakita kong nagmamadaling pumasok ang isa. Batid kong tatawagin na nito si Luke.
Agad na nagtagpo ang aming paningin at saka ako nito binigyan ng parang isang gulat na mukha.
"Anong ginagawa mo dito?!" sigaw nito. Parang nakakita ito ng multo.
"Mukhang nakalimutan mo na yata ang pinag-usapan natin?" nakangisi kong tanong sa kaniya. Halos mapasabunot naman ito sa buhok dahil sa pagkadismaya.
Dali-dali itong bumaba at saka diretso akong pinuntahan.
"Talagang hindi mo ako titigilan?" Naramdaman ko na lang bigla ang mahigpit na paghawak nito sa aking kamay pero binalewala ko lamang iyon. Sinadya kong ilapit ang aking mukha sa mukha nito.
"Kailangan ko ng tulong mo," agad kong sabi sa kaniya. Ilang segundo itong natulala sa mukha at tila hindi alam kung anong mga salita ang dapat na itugon sa akin. Nabigla na lang ako nang agad itong magsalita.
"Nagpapatawa ka ba? Pagkatapos mong gawin 'yon sa 'kin, ang lakas pa ng loob mo para humingi ng tulong ko?" Halos magtagpo ang magkabilang kilay nito dahil sa galit.
Iniwas ko ang pagkakahawak nito at saka napatingin kay Mark na titig na titig sa aming dalawa ni Luke. Hindi rin ako sigurado kung naririnig ng dalawang bata ang pinag-uusapan namin ni Luke gayung kanina pa nakatingin ang mga ito sa amin.
Hinawakan ko ang kamay niya at saka sinserong napatitig sa mga mata nito. Bahagya pa itong napaatras dahil sa ginawa ko.
"Luke, we really need your help... Wala kaming matutuluyan ni Mark," sabi ko habang hindi pa rin pinapakawalan ang pagkakahawak ko sa kaniya. Naging malakas ang pwersa nito at saka inalis ang kamay kong nakahawak sa kaniya.
"Hindi kita maintindihan. Ni hindi ko nga alam kung anong pangalan mo. Tapos ngayon hihingi kayo ng tulong dahil wala kayong matutuluyan? Pa'no kung mga serial killers pala kayo?" Tamang-tama lamang ang diin ng pagkakasabi ni Luke ng mga salita para marinig ko iyon ng maayos pero ramdam na ramdam ko ang inis sa boses nito.
"Kung gano'n, magpapakilala ako. I am Nyt Cervantes," pagpapakilala ko sa kaniya at saka ko naman inilahad ang aking kamay.
Kitang-kita sa mukha nito ang pagkadismaya at pagtataka na tila hindi nito gustong maniwala sa sinabi ko. Hindi ko pwedeng sabihin ang totoong pangalan dahil nakatago iyon sa pangangalaga ni Damian at para na rin maiwasan namin ang aming mga magulang ni Mark.
"Paano ako makakasiguro na totoo ang sinasabi mo?" takang tanong nito. Wala akong ibang maisip na paraan. Napatingin ako sa gawi ni Mark at halatang pati ito ay hindi rin alam kung ano ang idadahilan. Huminga ako ng malalim at saka nagsalita.
"May lupain dito na kailangan naming bilhin," pagdadahilan ko. Ginawa ko ang lahat ng makakaya ko para maging kapani-paniwala ang lahat ng sinasabi ko. Tinitigan ko ito ng mabuti.
Halatang puno pa rin ng pagtataka ang mukha nito kaya hindi malayo na marami pa rin itong itanong sa akin.
"Saang lupain at bakit kailangan niyo pa na makituloy?" Inilagay nito ang dalawang braso sa ibabang bahagi ng dibdib nito.
"Diyan kang sa kabilang bayan," agad na sagot ko.
"Sa may Santa Lusiya?" Hindi ko na alam kung ano pa ang sasabihin ko kaya napatango na lang ako. Ilang segundo itong napapaisip bago muling magsalita.
"Sabagay... Sadyang iilan lang talaga ang bahay dito. Pero bakit hindi na lang kayo makituloy sa Santa Lusiya? Wala ba kayong kamag-anak don?" Dahil sa mga tanong nito ay kusang umandar ang aking utak para magdahilan.
"Kaya nga kami naparito dahil wala kaming matuluyan sa Santa Lusiya–" Hindi pa ako natatapos sa aking sasabihin nang saluhin kaagad nito ang aking sinasabi.
"Oo na, sige na. Pero hindi porke't papatuluyin kita sa bahay namin ay do'n ka na rin matutulog. Nakikita mo naman 'tong sirang kubo 'di ba? Ayusin niyo 'to ng kasama mo at dito kayo matulog." Napatingin ako sa tinutukoy niyang kubo at laking gulat ko nang mapagtantong halos hindi na magawang maka tayo ng mga haligi. Hindi ko na napigilan ang magreklamo.
"Sigurado ka ba? Eh hindi ko kayang mag-ayos ng bahay..."
"Hindi ko na problema 'yon, Nyt. Pasalamat nga kayo at may tutuluyan pa kayo." Halatang-halata ang tagumpay sa mukha nito para makaganti sa akin. Wala akong ibang pwedeng pagpilian kaya mapipilitan talaga akong sundin ang kagustuhna nito.
"Grabe parang hindi naman 'ata 'yan matutulugan," narinig kong sabi ni Mark mula sa likod ko. Tila nag panting ang tainga ni Luke nang magsalita si Mark.
"Anong pangalan mo?" naniningkit na tanong ni Luke. Nakita ko ang pagkapahiya sa mukha ni Mark.
"S-sky... Togonon..." Napayuko si Mark nang sumagot kay Luke.
"Nagrereklamo ka ba? O gusto niyong bumalik ng Maynila?" Kahit kailan talaga hindi na nawala ang pagkairita sa boses nito. Naiisip ko tuloy kung dahil pa rin ba sa Jake na iyon kaya nagkakaganito si Luke.
"Sige na... Tatanggapin na namin," agad na sabi ko dito. Wala lang mangyayari kung makikipag talo pa kami ni Mark.
"Mabuti naman kung gano'n..." Pagktapos nitong sabihin ay saka kami nito iniwan. Nakita ko ang dalawang babae na tila mahihiyang ngumiti sa amin ni Mark.