“Anong sabi mo? Ayaw mong lumabas?!” gigil na tanong ni Kath habang nakapamewang na lumapit kay Four. “Anong gusto mo? Kakain ka lang?! Hoy! Para sabihin ko sa’yo, lahat kami dito ay may kanya-kanyang ambag!”
“Maglilinis na lang po ako dito at tutulong sa gawaing bahay.”
“Aba! Mahiya ka nga sa laki ng katawan mo!” bulyaw ni Kath na agad na inawat ng dalagita na nagtanong tungkol sa sugat ni Four kanina. May ibinulong ito kay Kath na sandaling nagpatigil dito. Pero sadyang mainit ang ulo ng babae ng dahil sa gutom. “Ah! Wala akong pakialam! Wala akong pakialam kahit siya pa si Ty—”
“Tama na!” pasigaw na awat ni Lisa kay Kath! Agad na umurong si Kath nang makita ang nanlilisik na mga mata ni Lisa sa kanya. “Kami na ang kakausap kay Four. Tapos na ang usapan dito. Bumalik na kayo sa mga kwarto ninyo at magpahinga. Maaga pa tayong magsisimula bukas ng umaga! Salamat sa inyong lahat.”
Hindi na sumagot pa si Kath ngunit hindi niya inalis ang mga galit na mata kay Four. Wala namang nagawa ang binata kung hindi ang umiwas sa tingin na ‘yon. Unti-unti nang naglabasan ang mga tao at nagsimulang magligpit ng kanilang mga gamit habang nagbubulungan. Inabutan naman ni Bong si Kath ng isang balot ng biskwit na padabog na kinuha ng babae bago umalis.
Lima ang naiwan sa kusina. Si Lisa, Bong, Alden, Carlito at Four. Silang lima ang aalis bukas ng umaga para humanap ng pagkain. Hindi naman talaga ganoon kahirap humanap ng pagkain, noon. Ngunit iba na ang sitwasyon nila sa ngayon. Nagamit na kasi nila Lisa ang halos lahat ng napapakinabangang pagkain mula sa mga convinient stores at tindahan na malapit sa kanila. Karamihan din kasi sa mga grocery stores at supermarkets na nakapalibot sa kanila ay tuluyan ng nasira ng pagsabog at ang karamihan sa mga pagkain ay nasira na. Kaya naman sa pagkakataong ito ay kailangan na nilang lumayo para lang makakita ng pagkain, at maaaring umabot pa sila sa kabilang siyudad para doon.
“Tatapatin kita, Four,” seryosong sabi ni Bong na tumayo sa harapan ng nakayukong binata. “Hindi ko rin gusto na narito ka. Pero naiintindihan ko kung bakit ka dinala dito ni Lisa. Naiintindihan ko rin na wala kang maalala. Pero sana, makisama ka. Kailangan namin ng isang lalaki para mas maraming pagkain ang makuha. Para hindi sayang nag lakad. Isa pa, isa ‘tong magandang pagkakataon para makuha mo ang tiwala ng mga kasama namin.”
“Pe-pero… natatakot ako… paano kung may umatake uli na taong-lobo?”
“Hindi mangyayari ‘yon. Hindi lumalabas ang mga halimaw sa umaga at hindi sila lumalapit sa may mga liwanag. Huwag mo ng itanong kung bakit, dahil ayon lang ‘yan sa mga na-obsebahan namin.”
“Kung gano’n, hindi kayo sigurado?”
“Isa lang ang sigurado dito,” sagot naman ni Alden. “Mamamatay tayo sa gutom kapag hindi tayo kumilos. Nakikita mo ba ‘yong taong ‘yon?” tanong ni Alden sabay turo kay Carlito na nasa sulok at tila may ibinubulong sa sarili. Panay din ang pagkuskos ng mga palad nito na tila giniginaw. “Kahit ganyan siya. Pinipilit niyang makatulong sa paghahanap ng pagkain. Eh, ikaw? Tama ang sinabi ni Kath. Ang laki ng katawan mo, at magagamit natin ‘yan sa paglabas para kumuha ng mga supplies.”
Umupo si Four sa isang upuan at yumuko. Bakas pa rin sa mukha niya ang takot at pag-aalala. Pero naiisip din niya na tama ang sinabi sa kanya ng mga taong nasa paligid niya ngayon. Iniligtas at kinupkop siya ni Lisa, at kailangan niyang ibalik ang pabor na ‘yon sa kanila. Kailangan din niyang makuha ang tiwala ng mga kasamahan nito, dahil kung hindi, baka ipagtulakan na lang siya ng mga taong naroon na mamatay sa labas. At ayaw niyang mangyari ‘yon.
“Si-sige! Sa-sasama ako sa inyo. Pero… po-protektahan ninyo ako.”
Tumawa si Bong at binunot ang baril na nasa baywang. Inilapag niya iyon sa lamesa, sa harapan ni Four. “Protektahan mo ang sarili mo, para ma-protektahan mo rin ang iba. Iyan ang prinsipyo na sinusunod namin dito.”
Tinignan lang ni Four ang baril sa kanyang harapan. Ni hindi niya iginalaw ang mga kamay para hawakan iyon. Alam niyang sandata iyon, pero hindi niya alam kung magagamit iyon. Muling tinapik ni Lisa ang braso ni Four at nagpasalamat siya sa naging desisyon ng binata. Alam niyang hindi madali iyon para kay Four, lalo na at parang na-trauma ito sa nangyari. Pero kagaya ng iba, hindi maalis sa kanya ang pag-aalala. Pag-aalala na baka isang araw ay biglang bumalik ang ala-ala ng malupit at marahas na Mafioso.
Nang makita pa lang niya ang binata ay kilala na niya ito. Kaya hindi na niya kinailangang tanungin pa ang pangalan nito. Bilang isang pulis ay matagal niyang minanmanan si Four at ang Dragonica. Kahit bago pa tuluyang sirain ng virus ang dating buhay ng mga tao sa mundo, ay talagang matunog na ang pangalan ng grupo sa bansa. Alam ni Lisa kung ano ang kayang gawin ng pamilyang iyon. Lalong-lalo na si Four. Alam niya kung gaano kalupit at kabangis ang lalaking nangingig sa harapan nila ngayon. Pero kailangan nila ng tulong nito sa ngayon, lalo na at malayo ang pagkukuhaan ng pagkain at ng mga kailangan nila. At wala siyang magagawa kundi ang samantalahin ang sitwasyon ni Four. Gayunpaman, gusto rin ni Lisa na malaman kung ano ang nangyari sa tanyag na boss ng Dragonica Family at paanong humantong ito sa ganitong kalagayan.
Agad na gumawa ng plano sila Lisa, Bong at Alden, samantalang sila Four at Carlito ay nakaupo lang at hindi nagsasalita. Kailangan nilang makarating sa susunod na lungsod, ng mabilis, upang sa gayon ay makabalik din sila bago lumubog ang araw. Iyon ay kung sakaling wala talaga silang makitang pagkain sa malapit sa kanila. Pero hindi nila alam ang maaaring mangyari sa daan. Lalo na at limang buwan na ang lumipas at hindi pa sila nakakatungtong sa ibang lugar. Kaya wala silang ideya kung ano kalagayan at naghihintay sa kanila sa kabilang mga lungsod. At maaaring hindi sila makabalik kaagad.
“Narito tayo ngayon,” sabi ni Lisa sabay turo sa mapa. “Nasa sentro tayo ng Mandaluyong ngayon. Maaari tayong pumunta ng Pasig, San Juan, Makati, Maynila at Quezon City. Pero sa tingin ko, mas maganda kung sa Pasig tayo magpo-focus. Mas malapit ito at mas kabisado ko ang mga daan dito.”
“Sige,” sang-ayon ni Alden. “Ang mabuti pa, ihanda na natin ang mga dadalhin natin. Siguro magdala tayo ng pagkain at tubig na sasapat sa atin sa loob ng tatlong araw.”
“Sige gawin natin’yan,” tugon ni Lisa.
Agad na inutusan ni Lisa si Four na kumuha ng isang malaking kaldero, habang siya naman ay nagsindi ng mga panggatong. Pinalagyan niya ng tubig ang malaking kaldero at isinalang iyon. Hindi na kasi ganoon kalinis ang tubig na lumalabas sa gripo nila kaya kailangan pa itong pakuluan ng husto para mapakinabangan. Sila Bong naman ay inihanda na ang mga sandata na dadalhin nila at sila Carlito at Alden ang siyang naghanda ng dadalhin nilang rasyon.
“Lisa…” tawag ni Four sa dalaga na nakaupo at nakapikit na. Pareho nilang binabantayan ang pagkulo ng tubig.
“Hm?”
“Masamang tao ba ‘ko? Bakit… bakit ayaw sa akin ng mga tao dito? May alam ba kayo kung sino talaga ako?”
Bahagyang nagulat si Lisa sa hindi inaasahang tanong mula kay Four, pero hindi siya nagpahalata. Dahan-dahan siyang dumilat at tinignan ang binata. At kahit anong gawin niya ay hindi talaga niya makita dito ang Tyrant Four na kilala niya. “Wala… wala, Four… Wala kaming ideya.”
“Kung gayon sino si Tyrant Four? Kanina tinawag ako ni Brix ng gano’n. Tapos si Kath, iyon din ang itatawag niya sa akin kanina… Sino ba si Tyrant Four, Lisa?”
Umayos ng upo si Lisa, ngunit hindi niya inalis ang mga mata sa binata. Kailangan niyang maka-isip ng sagot at makumbinsi si Four. Natatakot din siya na baka kapag sinagot niya ng tama ang tanong nito ay biglang maalala nito kung sino talaga siya. Pero wala siyang maisip na tamang isasagot.
“Masyado ka lang nag-aalala, Four. Huwag mo na lang silang pansinin. Sabi ko nga sa’yo, naninibago lang sila dahil matagal-tagal na rin na may nadadag sa grupong ito. Masasanay din sila. Tsaka, hindi ko kilala ‘yong Tyrant Four na sinasabi mo. Baka nabasa nila sa mga babasahing nakakalat d’yan.”
Bumagsak ang ulo ni Four at tila mas nalungkot. Napabuntong-hininga naman si Lisa.
“Huwag ka na nang mag-alala. Darating ang araw na babalik din ang mga ala-ala mo. Ang gawin mo ngayon, mabuhay ka. Magsaya ka. Ipagpasalamat mo na hanggang ngayon humihinga ka pa. Alam kong napakarami mo ring tanong. Ako rin. Sila rin. Pero hanggang ngayon, wala pa ring sagot sa mga tanong namin. Pero hindi kami nawawalan ng pag-asa. Nakita mo naman,” sabi ni Lisa. Ngunit walang nagbago sa ekspresyon ni Four. “Ang mabuti pa, magpahinga ka na muna. Matulog ka na. Kumukulo naman na ang tubig. Bukas na lang natin ito isalin sa mga lagayan natin.”
Tumingin si Four kay Lisa at ngumiti. Iyon ang unang beses na nakita ni Lisa na ngumiti ang binata. “Salamat sa’yo, Lisa. Napakabait mo sa akin. Pangako. Gagawin ko ang lahat para makatulong sa inyo. Kahit na, takot na takot ako.”
“Wala ‘yon! Ano ka ba?! Sige na matulog ka na. Humanap ka na lang ng pwesto mo doon. Kahit saan ka komportable, go lang! Huwag ka lang siyempre tatabi sa mga babae,” nakangiting sabi ni Lisa na kaagad namang sinunod ni Four.
Tulog na ang mga kasamahan nila Lisa at ang mga lalaki naman at abala pa rin sa mga gawain nila. Pero ayaw ni Four na maka-istorbo sa kanila kaya minabuti na lang niyang sundin ang sinabi ni Lisa. Pumwesto siya sa ilalim ng hagdanan. Masikip doon, pero kumportable. Hindi rin siya basta na lang makikita sa pwestong iyon. Humiga siya doon at ipinikit niya ang kanyang mga mata. Ngunit hindi siya makatulog. Pakiramdam niya kasi ay napakarami niyang naririnig. May mga kaluskos, may alulong, may tumatakbo, at may mabibigat na mga yabag. Ngunit tuwing ididilat niya ang kanyang mga mata ay wala naman. Sumilip pa siya sa bintana para siguraduhing walang halimaw sa labas. Pakiramdam din niya ay may kakaiba sa kanyang pang-amoy. May mga bagay siyang naaamoy na hindi niya maintindihan. Buong gabi niyang pinag-isipan iyon, hindi siya nakatulog hanggang sa sumikat na lang ang araw.
“Four! Bumangon ka na. Aalis na tayo,” sabi ni Bong habang sinisipa ng mahina ang binti niya. Pero hindi tulog si Four. Kaagad siyang bumangon at sinundan si Bong na kaagad naglakad papalabas.
Mataas na ang sikat ng araw at maliwanag na ang buong lugar. Nakiramdam si Four sa paligid. Ngunit ang mga naririnig niya kagabi ay hindi na niya marinig at ang kakaibang amoy ay wala na rin. At kahit wala siyang tulog ay hindi siya nakakaramdam ng antok o kahit anong pagod. Muli ay nakaramdam siya ng kaba at pag-aalala sa hindi malamang kadahilanan. Pakiramdam niya ngayon ay takot na takot siya. Dumagdag pa doon ang pag-iisip sa mga bagay na biglang naranasan niya.
Nakita ni Four na abala na rin ang lahat sa kani-kanilang gawain. May naglilinis, may mga nagtatamin at nagdidilig. Ang iba ang nagkukumpuni ng mga sira ng hide-out at ang iba naman ay abala sa mga gawaing bahay. Mayroon ding nag-aayos ng mga baril at naghahasa ng mga patalim. Totoong bawat isa sa kanila ay mga naka-tokang mga gawain.
“Alden! Tignan mo nga ‘tong natumbang puno na ‘to! Noong nakaraan ko pa sinabi na alisin ‘to dito para mas maraming kamatis ang maitanim! Pati ‘yong bato na ‘yon!” sabi ng isang babae na medyo may edad na. May kalakasan ang boses ng babae at tinawag nito ang atensyon ni Four.
“Pasensya na Ate Mercy. Wala naman kasi ditong may kaya na i-urong ang mga ‘yan. Tignan mo nga ang laki niyan. Sige, pagbalik namin, magdadala ako ng malaking lagari o kaya chainsaw. Para mapira-piraso na ‘yan,” kumakamot sa ulo na sabi ni Alden.
“Hay, naku. Sige, sige! Salamat!”
Nang marinig ni Four ang usapang iyon ay naisip niyang tumulong. Gusto niyang, matuwa sa kanya ang mga taong naroon. Kaya lumapit siya sa nakatumbang puno, para tignan kung ano ang magagawa niya. Masyado talaga iyong malaki iyong malaki at kulang ang dalawang tao para mayakap iyon. Ngunit sinubukan pa rin itong itulak ni Four.
“Four! Huwag ka ng mag-aksaya ng lakas d’yan! Magugutom ka lang, hindi mo maitutulak ‘yan!” sigaw ni Alden sa binata nang makita niya ito. Tinawag naman noon ang atensyon ni Lisa at ni Bong na abala na sa pag-aayos ng mga dadalhin nila.
Hindi iyon pinansin ni Four. Sa unang tulak niya ay hindi talaga gumalaw ang puno. Bahagyang nakabaon din ito sa natibag na kalsada. Kaya kung titignan, ay imposible talaga itong maitulak. Pero hindi tumigil si Four. Pakiramdam niya kasi ay kaya niyang pagalawin iyon.
Muli siyang pumwesto para itulak ang puno. Huminga siya ng malalim at ibinwelo na ang ang kanyang mga braso at binti.
“Isa… dalawa… tatlo!” bilang ni Four sabay buong lakas na itinulak niya ang puno. Ayaw pa rin nitong gumalaw, pero itinodo pa ni Four ang pagtulak. Bigla siyang nakaramdam ng pag-init ng kanyang katawan at pakiramdam niya ay bigla siyang lumakas. Sumigaw siya ng malakas habang buong lakas na itinutulak ang puno at hindi nagtagal, gumalaw ito. Naitulak niya ito ng halos dalawang metro at naitabi niya para hindi na makasagabal. At lahat ng naroon ay natulala sa kanilang nakita. Hindi sila makapaniwala sa kakaibang lakas na ipinakita ni Four.
Maging si Four ay natulala nang makita niya ang nagawa. Nakanganga lang siya habang nakatitig sa kanyang namumulang mga palad.