Nagkagulo ang mga kasamahan ni Lisa nang marinig nila ang ginawa ni Four. Lahat sila ay lumabas para makita ang kakaibang ginawa ng binata. Ang iba ay namangha, ngunit karamihan sa kanila ay hindi natuwa.
“Sinasabi ko na nga ba! May kakaiba sa lalaking ‘yan!” sigaw ng isang may-edad na babaeng na may dalang isang mahabang patalim.
“Tama! Hindi siya tao! Walang tao ang makakagawa ng ganyan! Hindi siya dapat patuluyin dito sa atin! Palayasin na ‘yan!”
Dumami pa ang sumigaw na palayasin na lang si Four sa lugar nila. At ang iba ay kumuha pa ng mga bato at pinagbabato siya. Nagulat si Four at natakot. Maingat niyang inilagan ang mga bato na ipinupukol sa kanya. Hindi niya maintindihan kung bakit siya ginaganito ng mga tao, samantalang ang gusto lang naman niya ay ang makatulong. Tatakbo na sana siya papalayo nang bigla siyang tamaan ng isang malaking tipak ng bato sa noo na kaagad niyang ikinahilo.
“Tumigil po kayo!” sigaw ni Trixie na tumakbo sa harapan ng nakaluhod ng binata. Idinipa niya ang kanyang mga kamay at humarang sa daanan ng mga bato. Mabilis namang sumunod si Brix sa kanya at ginaya ang ginawa niya. At dahil doon ay natigil ang pangbabato ng mga tao.
“Tumabi kayo d’yan, Trixie! Brix!” sigaw ng ilang naroon na tila nag-aalala sa dalawang bata.
“Hindi po tama ang ginagawa ninyo! Ang gusto lang naman ni Kuya Four ay makatulong! Bakit po kayo ganyan?!” sagot ni Trixie.
“Tama po! Wala naman po siyang ginawang masama!” segunda naman ni Brix.
“Tumigil kayong dalawa at bumalik kayo rito! Huwag kayong lumapit sa lalaking ‘yan! Wala pa kayong naiintindihan sa mga nangyayari!”
Pero hindi umalis ang dalawang bata sa kinatatayuan nila. Kaya naman kumuha ng pamalo ang isang matandang babae at mabilis na lumapit sa kanila. Pero bago pa umabot ang babae sa dalawang bata ay mabilis na humarang si Lisa sa harapan nila. At siya na mismo ang pumigil sa galit at takot ng mga kasama niya.
“Sandali lang ho! Tama ang mga bata! Oo! Kakaiba at nakakatakot ang ginawa ni Four! Maging ako ay nabigla, pero ginawa niya iyon para makatulong! Tignan ninyo! Mas malawak na ang matataniman! Wala na rin ang sagabal na punong iyon na punong-puno ng mga peste!”
Pero hindi naging sapat ang katwaritan na iyon ni Lisa. Nagpatuloy pa rin ang mga kasamahan niya sa pagsigaw na paalisin si Four dahil sa nakakatakot at kahina-hinala nitong lakas.
“Hindi mo alam ang sinasabi mo, Lisa! Magiging banta siya sa ating lahat! Nakita mo naman ang ginawa niya sa napakalaking puno na ‘yon! Mayroon siyang lakas ng isang halimaw!” sigaw naman ni Kath na isa sa nagpasimulang sumigaw para palayasin si Four.
“At maaari nating magamit ang lakas niyang ‘yon!” muling katwiran ni Lisa. “Maaaring makatulong siya sa atin, hindi ba? Maaari niya tayong ma-protektahan sa mga halimaw na gumagala-gala. Mga kasama, delikado ang gagawin naming misyon para sa pagkain natin. At magagamit natin ang lakas ni Four sa mga ganitong pagkakataon.”
“Pero paano mo masisiguro na ligtas din tayo mula sa taong ‘yan! Kapag iyan ay nagalit, sa lakas niyang ‘yon, siguradong, kayang-kaya niya tayong tirisin! At nakakalimutan mo na ata kung sino siya!”
Sandaling tumigil si Lisa. Hindi niya nagustuhan ang huling linya ng babae, ngunit hindi niya iyon sinagot. Tinignan niya si Four para tignan ang naging reaksyon nito. Pero nakaluhod lang ito, habang iniinda ang sugat sa noo.
May naisip na siyang paraan, pero sa tingin niya ay hindi iyon makatao. Ngunit iyon na lang ang naiisip niyang sagot para makumbinsi ang mga tao na huwag ipagtabuyan ang binata. Totoo, maging siya ay natakot sa nakita. Paano nga naman kapag biglang bumalik ang Tyrant Four na kilala nilang lahat? Sa lakas na ipinakita ni Four kanina, kasama pa ng regeneration ability nito ay hindi na nito kailangan pa ang mga tauhan niya para pumatay. Pero naisip din ni Lisa na kapakipakinabang ang lakas na ‘yon sa mga gagawin pa nila.
Itinuro ni Lisa ang isang maliit na bahay sa tabi ng tinutuluyan nila. “Doon! Doon siya mananatili. Kapag hindi natin siya kailangan, hindi siya makakalabas doon. Ikukulong natin siya doon at lalagyan ko ng mga patibong ang paligid no’n para hindi siya makatakas.”
Nagbulungan muna ang mga tao, bago nila ibigay ang sagot sa dalaga. “Hindi pa rin kami payag, Lisa. Pero bahala ka! Kapag may nangyaring hindi maganda, ikaw ang sisisihin namin!” sigaw ni Kath. At pagkatapos ay sinundan iyong muli ng bulungan ng mga tao.
Isa-isang lumayo sa lugar ang mga kasama ni Lisa at bumalik sa kani-kanilang mga gawain. Napabuntong hininga na lamang ang dalaga at pakiramdam niya ay napagod siya sa nangyari. Tumakbo naman si Trixie at Brix kay Four na ngayon ay nakaupo na lang, habang umiiyak at nanginginig. Patuloy pa rin ang pagdurugo ng sugat nito sa noo. Agad nila itong inalalayan at pinakalma. Mabilis na kinuha ni Lisa ang first aid kit na nasa bag niya at ginamot ang sugat ni Four. Mabilis niya itong tinakpan ng malinis na gasa para walang ibang makakita ng mabilis na paghilom nito.
“Four, ayos ka lang ba? Kaya mo na bang tumayo?” tanong Lisa sa binata na nagpupunas ng pisngi. Tumango ito bilang tugon at dahan-dahang tumayo. “Wala na tayong oras. Kailangan na nating umalis. Kunin mo ang ilang mga gamit. Aalis na tayo.”
Muli, ay isang mahinang pagtango lang ang itinugot ni Four. Gustuhin man ni Lisa na ipaiwan si Four para makapagpahinga ay hindi pwede. Siguradong hindi siya titigilan ng mga kasama nila at isa pa, ay talagang kailangan nila si Four sa lakad nila.
Nang makumpleto nila Lisa ang mga kailangan ay ipinatawag niya ang lahat ng mga kasama niya. Kay Four pa rin nakatutok ang mga mata nila, pero hindi na iyon pinanasin pa ni Lisa. Humingi siya ng paumanhin, at ganoon din naman si Four. Pero naroon pa rin ang pangamba ng mga tao, hindi sila sumagot sa paghingi ni Four ng paumanhin, ni nagpaalam dito.
Ipinagkatiwala ni Lisa kay Kath ang pamumuno sa grupo hanggang sa makabalik sila. At matapos ibilin ni Lisa at Bong ang mga dapat gawin sa mga kasama, ay umalis na ang lima para maghanap ng pagkain. Bawat isa sa kanila ay may bitbit na matataas na kalibre ng baril at improvised na pampasabog, maliban kay Four. Hindi na rin ipinahiram ni Bong ang baril niya sa binata.
Habang naglalakad ay pinagmasdan ni Four ang paligid. Tanging mga sira-sirang gusali na lang talaga ang makikita. Mayroong ilang bahay na buo pa rin, pero hindi na maaaring tirhan dahil sa mga nakaharang na malalaking mga bato. May nakitang mga sasakyan si Four, at naitanong niya sa sarili kung bakit hindi na lang sila gumamit no’n para mas mapabilis sila. Mayroon namang gasulinahan sa tabi ng bahay nila. Ngunit nang makalagpas sila ng isang kilometro ay nasagot na ang tanong niyang iyon. Dahil ang karamihan sa mga daanan ay natabunan na ng mga gumuhong gusali at imposible nang makadaan doon, kahit isang motor. Naisip din ni Four na mas magandang gamitin na lang iyon para sa kuryente. Isang bagay na mahalaga, lalo na sa gabi.
“Hoy!” tawag ni Bong kay Four. “Dito ka nga sa harapan ko. Mauna ka.”
“Ba-bakit?” nauutal na tanong ni Four.
“Para makita kita. Hindi ako mapalagay na nasa likuran kita.”
“Wa-wala naman akong gagawing masama.”
“Sumunod ka na lang para walang gulo. At subukan mong gumawa ng kakaiba. Sinisigurado kong sasabog ‘yang ulo mo!”
Walang nagawa si Four at tuluyan na siyang natakot sa banta ni Bong kaya naman nauna na siya at hinayaan na lang niya si Bong sa gusto nito.
“Pasensya ka na. Kailangan ko lang makasigurado,” mahinang sabi ni Bong nang magkasalubong sila sa pagpapalit ng pwesto.
Nagpatuloy sa paglalakad ang lima. Si Lisa ang nasa unahan at tumitingin-tingin lang siya sa likuran para siguraduhing kumpleto pa ang kanyang mga kasama. Malayo-layo na rin ang nalakad nila, pero walang lugar na mapagkukuhaan ng pagkain silang nakita. Umaasa din kasi si Lisa na makahanap kaagad para hindi na sila lumayo pa.
Habang naglalakad ay napatingin si Four sa kanilang daanan ay napasigaw siya nang mapansin mga nagkalat na mga kalansay sa paligid. May mga naipit sa bato, may mga nasa loob ng mga sasakyan at ang iba ay nakahandusay lang sa daanan. Ang totoo ay kanina pa sila napapaligiran ng mga walang buhay na buto, hindi lang kaagad napansin ni Four dahil abala siya sa pag-iisip at pag-aalala. Pero may kakaiba sa mga kalansay, partikular na sa mga bungo. Lahat kasi ng ngipin ng mga ito ay wala na at makikita mo na katabi na lang din ng iba pang mga buto.
“Ang OA! Ngayon ka lang ba nakakita n’yan?!” sabi ni Alden na nainis sa biglang pagsigaw ni Four.
“Ha? Hindi! Pero ‘yong ganyan karami?”
“Ang totoo, Four? Limang buwan ng ganito ang mundo. Nasaan ka sa loob ng limang buwan na ‘yon para hindi makakita ng mga kalansay na gaya nito? Alam mo, sa totoo lang, gusto rin kitang iligtas at tulungan,” patuloy ni Alden. “Dahil kagaya namin, wala ka rin namang ibang pupuntahan. Pero ang misteryong bumabalot sa nangyari sa’yo ay talagang kahina-hinala. Lalo na ang kakaiba mong lakas. Sa ipinakita mo kanina, siguradong may nangyari sa’yo habang nasisira ang mundong ito. At dahil sa mga dahilang ‘yon ay hindi mo masisisi ang mga kasama namin na matakot sa’yo!”
Hindi sumagot si Four sa sinabing iyon ni Alden. Muli lang siyang yumuko at nagpatuloy sa paglalakad. Maging siya kasi ay naguguluhan na sa nangyayari sa kanya.
“Ako rin naman, nakakaramdam ng takot sa sarili ko,” biglang sabi ni Four na tumawag sa atensyon ng mga kasama niya. “Anong gagawin ko kung talagang wala akong maalala? Anong gagawin ko kung hindi ko alam ang nangyari sa nakaraang limang buwan? Ano ang gagawin ko, kung hindi ko alam kung bakit may kakaiba akong lakas? Ako rin naman, gusto kong masagot ang mga tanong na ‘yan.”
Tumigil si Lisa sa paglakad at humarap sa mga kasama. Nakikinig lang siya sa mga pinag-uusapan ng mga ito kanina. Nakita niya ang mga luhang pinipigil ni Four mula sa pagtulo. Naawa siya rito, pero hindi niya inaalis sa isipan niya na ang kasama niya ngayon ay ang malupit at walang awa na si Tyrant Four. Ang boss ng samahan na may malaking atraso sa kanya.
Pinatigil niya sa paglalakad ang lahat at niyaya silang magpahinga. Napakataaas din kasi ng sikat ng araw at talagang nakakauhaw.
“Mga kasama,” sabi ni Lisa na tumawag ng pansin ng lahat. “Tigilan muna natin ang pag-kwestyon kay Four pwede ba? Hindi kasi makakatulong sa atin ngayon kung lagi na lang siyang ganyan. Tignan ninyo, hindi siya mapakali sa kaiisip. Balisang-balisa na siya.”
“Pasensya ka na, Lisa,” sagot ni Bong. “Pero…”
“Pero ano? Walang laban sa atin si Four kung tutuusin. Sa isang iglap, kaya mo siyang barilin kung may gagawin siyang hindi maganda. Kaya kayong dalawa, pakiusap. Kapag nag-mental breakdown ang lalaking ‘yan. Ipapabuhat ko siya sa inyo. Naiintindihan ninyo?”
Sabay tumango si Alden at Bong bilang tugon.
“At ikaw naman, Four,” baling ni Lisa sa binata na talagang hindi mapalagay. “Iwasan mo ang pagsigaw-sigaw. At pakiusap, lakasan mo naman ang loob mo. Lalaki ka, hindi ba? Lagi ka na lang nanginginig at umiiyak. Nakakainis na.”
“Patawad.”
“Huwag kang mag-sorry. Gawin mo ang dapat. Sapat na sa akin ‘yon.”
Tumayo si Lisa, binuhat ang mga gamit at nagsimulang maglakad uli. Agad namang sumunod sa kanya ang apat na lalaki. Wala ng nagsalita sa kanila matapos noon hanggang sa makarating sila sa kanilang target na destinasyon. At mukhang hindi sila binibigo ng pagkakataon, dahil isang malaking supermarket pa ang nakatayo sa lugar na iyon. Agad na tumakbo ang lima para tignan ang lugar. Lumibot kaagad si Bong sa paligid para tignan kung may panganib, sumunod naman sa kanya si Carlito na inutusan ni Lisa.
“Negative! Walang kahit anong may buhay dito!” sigaw ni Bong.
“Pero may problema tayo!” sigaw naman ni Carlito.
“Ano ‘yon?”
“May nakaharang na malalaking bato sa mga pintuan. Tapos gumuho na ng tuluyan ang bandang likuran. Hindi tayo, basta-basta makakapasok! Matataas naman masyado ang mga bintana.”
Problema nga iyon. Nakakita nga sila ng maaaring mapagkuhaan ng pagkain pero hindi naman sila makakapasok. Tinignan ni Lisa si Four. Pero bago pa makapagsalita ang dalaga ay lumakad na si Four para tignan ang magagawa niya. Sumunod si Lisa at Alden sa kanya. Pagdating sa pintuan ay nakita ni Four na talagang isang malaking tipak ng bato ang nakaharang doon, na malamang na nanggaling sa isang gumuhong gusali sa tapat nito.
Pumwesto si Four sa gilid ng malaking bato. At walang anu-ano ay itinulak niya ito ng buong lakas. Lahat ay nakaabang sa mangyayari at umaasa na sana ay maalis niya ang nakaharang sa pintuan. Pero hindi iyon nangyari.
“Four! Sandali! Tutulong kami!” sigaw ni Bong na agad ding pumwesto sa gilid ng bato. Sumunod din si Alden at Carlito para tumulong.
Sabay-sabay na nagbilang ang apat at pagkatapos ay sabay-sabay nilang itinulak ang malaking bato. Pero bago pa man ito umurong ay nagulat na lang ang mga kasama ni Four nang biglang siya bumagsak at nawalan ng malay.