Chapter VI

2309 Words
Agad na napabalikwas mula sa pagkakahiga si Four nang idilat niya ang kanyang mga mata. Nasa isang hindi pamilyar na lugar kasi siya. Inilibot niya ang kanyang mga mata at nakita niyang napapaligiran siya ng malalaking mga estante na gawa sa bakal. Bawat estante ay may apat na palapag at bawat palapag ay mga mga kahon na tila nabasa na ng tubig at natuyo na lang. Nakaramdam ng takot si Four. Hindi kasi gano’n kaliwanag sa lugar na iyon at pakiramdam niya ay iniwan na siya nila Lisa. Agad niyang inisip kung ano ang nangyari bago siya nawalan ng malay, at naalala niyang, bigla siyang nakaramdam ng pagkahilo at panghihina habang sinusubukang ilabas ang kakaibang lakas sa pagtulak ng malaking bato na nakaharang sa pasukan ng supermarket. Tumayo siya mula sa pagkakaupo at hinanap ang mga kasama. Sinubukan niyang tawagin ang mga pangalan nila, ngunit walang sumasagot sa kanya. Pag labas ni Four ng kwartong iyon ay tumambad sa kanya ang malaki at malawak na supermarket. Napangiti siya kahit papaano, dahil ibig sabihin ay tagumpay ang misyon nila, at malamang na nakakuha ng mga pagkain at kailangan ang mga kasama niya. Umupo siya sa gilid ng pinto at yumuko. Inisip niya kung saan na siya pupunta ngayong nag-iisa na lang siya. Hindi naman niya masisisi sila Lisa kung bakit iniwan siya ng mga ito. Bukod kasi sa kahina-hinala na siya, wala pang silbi ang nakakatakot niyang lakas. Muli, hindi mapigilang maluha ni Four. Maging siya ay naiinis na sa sarili niya dahil hindi niya alam kung bakit napaka-iyakin niya. Kung bakit, ang wirdo niya. Hindi niya maintindihan kung bakit bigla na lang siyang nakakaramdam ng takot kahit sa napaka-simpleng bagay. Pakiramdam niya ay napakawala niyang kwenta. Ang tingin niya sa kanyang sarili ay isang basura. Walang pakinabang. Habang umiiyak ay nakaramdam ng gutom si Four. Biglang kumulo ang sikmura niya at napakalakas ng tunog noon. Nakaramdam din siya ng matinding uhaw. Tumayo siya at maghahanap sana siya ng pagkain at maiinom nang biglang nanlambot ang mga tuhod niya. Muli siyang napaupo at nakaramdam siya ng panghihina. Sa mga pagkakataong ito, ay naisip niya na mas maganda siguro kung natuluyan na lang siya ng taong-lobo na umatake sa kanya. Wala na sana siyang problema. Hihiga na sana si Four nang maramadaman niyang may papalapit sa kanya. “Sabi ko na nga ba at gising ka na,” nakangiting sabi ni Lisa sabay abot ng isang balot ng biskwit at isang bote ng tubig kay Four. “Sabi ni Alden, dehydrated ka raw kaya hinimatay ka.” Nagulat si Four nang makita ang dalaga. Hindi siya nakapagsalita at natulala lang dito. “Oh, bakit parang nakakita ka ng multo?” “A-akala ko kasi, i-iniwan na ninyo ako…” muling tumulo ang luha ni Four. “Pwede ba ‘yon? Kahit naman hindi ka gusto ng mga kasama ko, hindi ibig sabihin noon na hahayaan ka na lang din namin. Hindi kami gano’n.” “Paano ninyo naitulak ang bato?” tanong ni Four sabay bukas ng bote ng tubig at inom. “Pinasabog ni Bong. Buti na lang at talagang marami pang mapapakinabangan dito,” nakangiting sagot ni Lisa. “Sige na, ubusin mo na ‘yan. Tapos sumunod ka doon sa amin. Nag-aayos na kami ng mga dadalhin natin pauwi.” “Sige. Salamat uli.” Masayang binuksan ni Four ang pakete ng pagkain at kinain ito. Simpleng biskwit lang iyon, pero pakiramdam niya ay napakasarap noon. Agad niya iyong inubos at pagkatapos ay sinundan niya iyon ng isang bote ng tubig. Hindi man nabusog, pakiramdam ni Four ay bumalik na ang lakas niya. Agad niyang hinanap ang mga kasama. Una niyang nakita ang daan na pinasabog nila Bong. Talagang ang batong nakaharang at ang salaming nagsisilbing pinto ng supermarket lang ang nadurog ng ginawang pagpapasabog ni Bong. Buo pa rin ang daanan at naroon pa rin ang malapad na bakal na pansara dito. Nagpatuloy sa paglalakad si Four at nakita niya ang mga kasama sa bandang dulo ng lugar. Napapaligiran sila ng mga sako, kahon at mga malalaking plastic bags na puno ng kung anu-ano. “Oi! Gising ka na pala?!” sigaw ni Alden nang mapansin niya si Four. “Kumusta na ang pakiramdam mo?” “Ha?” nagulat si Four sa tanong. Hindi niya akalakin na tatanungin siya ng gano’n ni Alden. “Kumusta na ang pakiramdam mo?” “A-ayos na. Salamat sa inyo.” “Hindi ko alam kung paano ka na-dehydrate ng gano’n. Tuyong-tuyo ang balat at mga labi mo kanina. Samantalang uminom naman tayo at kumain noong nagpahinga tayo,” sabi ni Alden. “Kakaiba ka talaga.” “Pasensya na.” “O, sige na! Ayos na ‘yon. Tumulong ka na sa amin sa pagkakamada ng mga ‘to dito sa mga kariton. Sakto ‘tong malalaking push carts na ‘to. Gawan na lang natin ng paraan bukas para madala ito sa atin.” Isang malamig na ngiti ang itinugon ni Four kay Alden. Ngunit agad naman siyang kumilos para tumulong. Napansin nilang likas kay Four ang pagiging maingat at mahusay sa pagsasalansan ng mga bagay, kaya hindi na nila siya kinailangan pang bantayan. Marami-rami rin ang madadala nila. Ang isang kariton ay pinuno nila ng mga sako ng bigas at ang isa naman ay nilagyan nila ng mga instant noodles at delata. Kumuha na rin sila ng mga magagamit sa paglilinis ng bahay at ng kanilang katawan. Pero may isa pa silang problema ngayon. Papalubog na kasi ang araw at siguradong kailangan nilang magpalipas ng gabi doon. Sa isang lugar na hindi sila pamilyar. Sumilip si Bong sa labas para tignan ang kalangitan. Ilang minuto na lang at lulubog na ang araw. Kaagad siyang naghanap ng malawak na pwesto sa loob ng supermarket kung saan pwede siyang gumawa ng apoy. Kusa namang tumulong si Carlito sa kanya at si Lisa ay mabilis na naghanap ng panggatong sa labas. At sakto, bago tuluyang lumubog ang araw ay nakagawa sila ng malaking apoy at natapos nila ang pagkamada sa mga dadalhin nila kinabukasan. Inihanda na rin nila ang kanilang mga sandata, para ihanda ang kanilang mga sarili sa mga maaaring mangyari ngayong gabi. Umupo si Four sa harap ng apoy na ginawa ni Bong. Pinagmasdan niya iyon at biglang may pumasok na kung ano sa isipan niya. Isang bahay na nasusunog at pagkatapos noon ay isang sasakyan na kinakain ng apoy. Pinapanood daw niya ang mga iyon hanggang sa bigla iyong sumabog. Bigla rin siyang nakarinig ng putok ng mga baril na para bang nasa digmaan siya. Pinilit niyang alalahanin kung ano ang alaalang iyon. Inisip niya kung kailan nangyari iyon, saan, at bakit? Ngunit bigla siyang nakaramdam ng sobrang pagsakit ng ulo at muntikan na siyang matumba. Mabuti na lang at nasalo siya ni Lisa. “Anong nangyayari sa’yo?” biglang tanong ng dalaga. “May pumasok sa isipan ko habang tinititigan ko ang apoy. Parang isang alaala. Pero hindi ko maintindihan ang alaalang iyon. Hindi ko maalala kung kailang siya, nangyari, at bakit iyon nangyari.” Umupo si Lisa at tinitigan din ang apoy. “Huwag mo masyadong pilitin. Maaalala mo rin naman ang lahat ng bagay, Four.” “Gusto kong malaman kung sino ako, bago ang pagsabog na ‘yon. Siguro kung mangyayari ‘yon, makukuntento na ako. At mapapalagay.” Isang malakas na buntong hininga ang itinugon doon ni Lisa. Ang totoo, ay ayaw pa niyang maalala ni Four ang lahat sa ngayon. Hindi na lingid sa kaalaman niya ang mga maaaring mangyari sa oras na bumalik sa dati si Tyrant Four, pero hindi rin niya mapigilang maawa rito. Kahit na, marami siyang gustong itanong dito, may kinalaman sa Dragonica Family. “Ikaw, Lisa? Sino ka bago ang pasabog?” biglang tanong ni Four. At kasabay noon ay ang pagdating ng tatlong lalaking kasama nila na umupo rin sa paligid ng apoy para magpahinga. “Ako?” gulat ngunit nakangiting tanong ni Lisa na ibinaling ang tingin kay Four. “Oo. Ikaw, kayo, sino kayo dati?” Tumingin si Lisa sa mga kasama at pagkatapos ay ngumiti. Umayos siya ng upo at muling itinuon ang pansin sa naglalaglab na apoy. “Isa akong pulis. Tatlong taon na ang nakakaraan nang ma-assign ako sa lugar na ‘to. Dito sa Pasig. Iyon din ang unang taon ko sa pagka-pulis. Lumaki ako sa ampunan, dahil bata pa lang ako nang mamatay ang mga magulang ko. Siguro mga pitong taon ako noon. Natatandaan kong, kalalabas ko lang ng school ng hapon na iyon. Hinahintay ako nila mama at papa sa sasakyan. Nangako kasi sila sa ‘kin na kakain kami sa labas noong araw na iyon. Papatawid na ako noon, nang biglang sumabog ang sasakyan namin. Natulala ako noon, at hindi ko maalis ang mga mata ko sa nagliliyab na sasakyan habang hinihila ako ng isang hindi ko kilalang tao papalayo doon, at pagkatapos, ilang sandali lang ay muling sumabog ang sasakyan. Ni hindi ko na narinig ang boses nila, ni hindi ko na rin sila nakita. Hindi ko rin sila nakitang inilibing ang mga magulang ko at wala silang iniwan sa akin na kahit ano. Lumaki akong dala-dala ang trauma sa nangyaring iyon. Lagi akong nagtatanong kung bakit nangyari ang bagay na ‘yon, hanggang sa naisipan ko mag-pulis dahil alam kong masasagot ko ang mga tanong ko sa pagkamatay nila kung magpupulis ako. Nag-aral akong mabuti, naging scholar, ngunit ang nasa isipan ko lang noon ay ang malaman kung bakit maaagang nawala sa akin ang aking mga magulang.” Damang-dama ni Four ang lungkot at pangungulila ni Lisa sa kwentong iyon. Maging sila Bong, Alden at Carlito na matagal nang narinig ang kwentong iyon, ay hindi maiwasang madala. “Nasagot ba ang mga tanong mo?” sundot na tanong ni Four. Ngumiti si Lisa. Pero hindi niya inaalis ang tingin sa apoy. “Hindi lahat. Nalaman kong miyembro ng sindikatong Serpentene ang ama ko. Isang kaalyadong grupo ng Dragonica Family. Puro bukod doon, ay wala na akong kapakipakinabang na nalaman.” Pamilyar kay Four ang mga pangalang Serpentene at Dragonica. Pero hindi niya alam kung saan niya narinig ang mga ‘yon. Pinilit niyang isipin, ngunit sumakit lang uli ang ulo niya, na pilit niyang itinago sa mga kasama. “At bago ang pagsabog, ilang araw na lang sana noon, ikakasal na ako.” Nagulat si Four. Napatitig siya kay Lisa at napansin niya ang mga luha sa gilid ng mga mata nito. “Magkasama kami ng fiancé ko nang araw na ‘yon. Nakatulog ako pagtapos ng pagsabog at paggising ko, wala siya sa tabi ko. Walang bangkay at walang kahit anong palatandaan niya. Kaya naisip kong, hindi pa siya patay. Kaya nang makita kita, naisip ko na, baka nagaya siya sa’yo na nawalan ng alaala. Kaya nabuhayan ako, na baka, buhay pa siya kagaya natin. Siya ang pinakamahalagang tao sa akin. Gusto ko siyang hanapin, pero hindi ko alam kung saan magsasisimula.” Nakadama lalo ng lungkot si Four nang marinig ang karugtong ng kwentong iyon ni Lisa. Napatingin siya kina Bong na nakayuko na lang din habang nagpapahinga. Sigurado siyang, maging ang mga lalaking kasama nila ngayon, ay may malulungkot na kwento na nangyari matapos ang kakaibang pagsabog na iyon. Kaya naisip niyang, dapat niyang baguhin ang sarili dahil hindi lang siya ang nagdurusa sa ngayon. Biglang nabalot ng katahimikan ang lima matapos ang kwentong iyon. Tanging ang tunog ng natutupok na kahoy na lang ang kanilang naririnig. Maya-maya ay tumayo si Alden at kumuha ng mga pagkain. Napakarami pa talagang mapapakinabangan sa lugar na iyon, at nakakapanghinayang na limitado lang ang madadala nila. Pero ayos na din, dahil siguradong tatagal ng ilang buwan ang mga nakuha nilang pagkain. Isa-isang inabutan ni Alden ang mga kasama niya ng pagkain. Kumain sila ng mga biskwit, nagbukas sila ng ilang mga delata, at tig-isang bote ng tubig. Iyon na ang hapunan nila para sa gabing iyon. Habang kumakain ay biglang may narinig si Four. Hindi siya sigurado noon una, kaya tumigil siya sa pagkain para mag-focus doon. Dahan-dahang lumalakas ang tunog at pakiramdam niya ay papalapit na sa kanila ang kung ano mang iyon. Pero hindi siya kaagad nagsalita. Tinignan niya ang mga kasama niya, ngunit tila wala silang naririnig na kakaiba. Hanggang sa papalakas na ng papalakas ang tunog na naririnig niya at ngayon ay sigurado na siyang isang sasakyan ang papalapit sa kanila. “Mga kasama! May paparating!” sigaw ni Four sabay tayo. “Anong sinasabi mo? Kulang pa ba ‘yong pagkain?” may inis sa pananalitang sabi ni Bong. “Hindi ba ninyo naririnig? May papalapit sa atin na sasakyan!” Natawa sila Alden at Bong. Samantalang si Carlito naman ay biglang tumigil sa pagkain at biglang nanginig na parang natatakot. Para na namang may ibinubulong siya sa kanyang sarili na hindi maintindihan. “Maniwala kayo! May paparating! At masama ang kutob ko!” “Imposible ang sinasabi mo Four. Wala naman kaming naririnig,” malumanay na sabi ni Lisa. “Magpahinga ka lang, baka pagod ka lang.” Pero ilang sandali pa ay narinig nilang lahat ang tunog ng isang sasakyan. Hindi makapaniwala sila Lisa at Bong. Kaya kaagad nilang iniwan ang kanilang mga kinakain para tignan kung totoo ang kanilang narinig. Dahil kung totoong sasakyan iyon, siguradong tao ang laman noon. Mabilis silang tumakbo papunta sa pasukan ng lugar. Sumunod naman sa kanila si Carlito at Alden. “Sandali! Huwag kayong lalapit sa kanila!” pasigaw na pigil ni Four sa apat. “Bakit?!” “Madami sila at may mga sandata sila!” “Ha? Paanong?” Pero bago pa masagot ni Four ang tanong ni Bong, ay kaagad na silang nakarinig ng putok ng mga baril at nakita nila si Carlito na tumatakbo pabalik sa kanila habang pilit na umiiwas sa pag-ulan ng mga bala.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD