Chapter VII

2265 Words
Mabilis na tumakbo si Alden papunta kay Carlito at itinulak niya ito papalayo sa mga bala. Maswerteng hindi sila tinamaan. Agad na kinain ng takot si Carlito at hindi siya kaagad nakagalaw at nagsimulang manginig. Kaya naman gumapang papunta sa kanya si Alden at buong lakas siyang hinila nito sa isang mas ligtas na sulok doon habang patuloy ang pagpapaulan ng bala sa kanila. Maging si Lisa at Bong ay walang nagawa kundi ang dumapa at gumapang pabalik s mga gamit nila. Masyado ring madilim sa labas at hindi nila makita ang mga kalaban. At lugi sila sa palitan ng putok. Sa tunog pa lang ay masasabi na ng dalawang bihasa sa mga baril na mas malalakas na baril ang gamit ng mga nasa labas. Kaagaad na kumilos si Bong at pinatay ang apoy nila. Samantalang si Four naman, ay tuluyan nang natakot at nagtago na sa ilalim ng isang malaking lamesang kahoy na naroon. “Hindi kami kalaban! Pakiusap! Makinig kayo sa amin!” malakas na sigaw ni Lisa sa mga taong nasa labas. Sandaling tumigil ang putukan, ginamit iyon nila Alden at Carlito para makapagtago ng maayos. Sila Lisa naman ay tumakbo para kunin ang kanilang mga armas. Ngunit ilang sandali lang ay muli silang pinaputukan ng mga nasa labas. Kaya wala nang nagawa sila Lisa at Bong kundi ang lumaban. Pero talagang lugi sila sa lakas ng mga baril ng kalaban. “Pakiusap! Makinig kayo sa amin! Hindi kami mga kalaban!” muling sigaw ni Lisa, pero walang pa ring narinig ang mga nasa labas. Habang nakatago ay unti-unting sumilip si Four sa nangyayari. Ngunit napakadilim na at tanging ang liwanag lang mula sa maulap na kalangitan ang nagbibigay ng liwanag sa labas. Naaaninag niya sila Lisa at Four na nakikipagbarilan at nahihirapan. Gustong tumulong ni Four, pero ayaw ng katawan niya. Hanggang sa, may eksena na namang biglang pumasok sa isipan niya. Isang lalaki na may nakapusod na buhok. Pamilyar ang lalaki sa kanya. Nasa harapan niya ito at nakikipag-barilan. Napakarami nilang kasama at lahat ng mga kasama nila ay naka-itim na amerikana. Naaalala niyang may hawak siyang isang mataas na kalibre ng baril at nakikipagpalitan rin ng putok. At kitang-kita niya kung paanong isa-isang namamatay ang kanilang mga kalaban at kung paano sila humingi ng awa mula sa kanila. “Boss! Sugurin na natin sila! Kakaunti na lang sila!” sigaw ng lalaki sa alaala niya. Kasabay noon ay ang patuloy na pakikipagpalitan ng putok nila Lisa sa mga nasa labas. “Sige, Desmond!” pabulong na sabi ni Four na para bang kaharap niya ang lalaking nasa alaala. Biglang tumayo si Four at kinuha niya ang isang nakatabing baril ni Bong, Isang IMI Galil rifle. Para sa kanya sana talaga iyon, pero dahil sa mga nangyari ay hindi iyon ipinahawak sa kanya ni Bong. Tinignan niya kung may bala ang baril at pagkatapos ay kumuha siya ng ilan pang mga magasin. Umasinta si Four at sa hindi malamang kadahilanan ay natuwa siya nang makitang maganda ang pagkakagawa sa baril. Wala na rin ang takot na nararamdaman niya kanina. Nagsimulang magpa-putok si Four. Paisa-isa at dalawang kalabit lang ang ginagawa niya at tila nakikisama sa kanya ang kalangitan dahil biglang nahawi ang mga ulap at biglang lumiwanag sa labas. Nasa mga pitong tao ang kalaban nila, at dalawa sa mga ito ay mga babae. Halos mapasayaw ang mga kalaban ng simulan na silang ratratin ni Four. Nagulat si Lisa at Bong sa galing at kontrol ni Four sa paghawak ng mataas na kalibre ng baril. At dahil doon ay talagang hindi maipagkakaila na isa siyang boss ng tanyag na Mafia family. Narinig nilang nagsisigaw ang mga tao sa labas. Umurong ang mga kalaban at narinig nila Four na umandar ang sasakyan ng mga ito, ngunit ilang sandali lang ay narinig din nilang bigla itong bumangga sa kung saan. At sinundan iyon ng malalakas na sigawan. Sigawan na parang nakakita ng nakakatakot na kung ano. Ilang sandali pa ay naramdaman nilang umuga ang lupa, kasabay noon ay malalakas na kalabog na tila mga yabag ng isang higante. Dahan-dahang lumakas iyon, hanggang sa nagkalaglagan na ang ilang mga bagay sa loob ng supermarket. At lalong umalingawngaw sa labas ang sigawan ng mga tao. Tumakbo si Four dala ang baril at flashlight para tignan ang nangyari. Balak din niyang tapusin na ang mga taong iyon, at ang nasa isip niya ay wala siya ititra ni isa sa kanila. Pero iba ang nakita ni Four nang makalabas siya ng supermarket. Bigla siyang natigilan at nakaramdam ng kilabot nang makita niya ang sanhi ng pag-uga. Biglang nawala ang tapang niya at nangatog ang kanyang mga tuhod. Isang malaking nilalang kasi ang nakatitig sa kanya. Sa wari niya ay lagpas sa pitong talampakan ang tangkad ng nilalang. Malalaki rin ang pangangatawan nito, na tila puro solidong laman. Normal lang ang laki ng ulo nito. Ngunit nakakatakot ang umiilaw at kulay dilaw nitong mga mata. Pinaputukan ng mga taong kanina lang ay nakikipaglaban kina Lisa ang halimaw. Pero kahit anong paputok nila ay hindi ito natitinag. Parang tumatalbog lang ang mga bala sa matigas na katawan nito. “Anong nangyayari?!” sigaw ni Lisa nang lumabas siya kasama si Bong. At lahat sila ay natigilan sa nakita. “Fo-four! Ano ‘yan?!” Parang laruan na dinampot ng halimaw ang isang babae na galing sa bumungong sasakyan. Patuloy na nagpaputok ang mga kasama nito, hanggang sa naubusan na sila ng bala. Nagsisisigaw habang humihingi ng tulong ang babaeng hawak ng halimaw. Tanging ang ulo at mga nagpupumiglas na binti na lamang nito ang nakikita. Pero walang magawa ang mga kasama ng babae. Maging sila Four ay napako na lang sa kinilang kinatatayuan. At walang anu-ano ay nginasab ng halimaw ang babae. Ni hindi na ito nakasigaw nang nguyain ng higanteng halimaw. At talagang kakila-kilabot ang lumalagutok na mga buto ng biktima habang hina-hapunan ng nakakatakot na nilalang. “Hindi! A-anong klaseng… nilalang ‘yan?!” nanginginig na tanong ni Lisa na nagsimula na ring manginig ang katawa. Pero walang nakasagot sa tanong na iyon. Walang ni isa man sa kanila ang nakakita na dati ng ganoong klase ng halimaw. Isa pa, ang bawat isa sa kanila ay abala sa pag-iipon ng lakas ng loob para labanan ang takot at makatakbo. Walang natira sa babaeng kinain ng halimaw, maging ang sapatos nito ay hindi nakaligtas sa dambuhalang nilalang na nasa harapan nila. Narinig nila ang huling paglunok nito. At pagkatapos ay lumibot ang nanlilisik nitong mga mata sa kanila na tila kinikilatis kung sino ang sunod nitong gagawing hapunan. “Bong…” mahinang sabi ni Four habang nakatuon pa rin ang mga mata sa halimaw. “Sindihan mo na ang siga. Kailangan na nating ng ilaw.” “Oo, Bong. Hindi sapat flashlight sa kanya.” agad na sang-ayon ni Lisa. Napalunok ng laway si Bong. Pakiramdam niya kasi ay sa kanya nakatingin ang halimaw. Huminga siya ng malalalim at pinakalma ang sarili. Dahan-dahan siyang humakbang paatras at nang magawa niyang igalaw ang isang binti ay kaagad siyang kumaripas ng takbo papasok ng supermarket. Ngunit isang malaking pagkakamali iyon, dahil nang sandaling gumalaw si Bong ay nagalit ng husto ang halimaw. Sumigaw ito ng napakalakas. Napakalakas ng sigaw na iyon para makapaglabas ng hangin na hindi kaaya-aya ang amoy. “Lisa, Alden! Pasok na sa loob!” Pagsigaw na pagsigaw ni Four ay biglang sumugod sa kanila ang halimaw. Sa kada hakbang nito ay umuuga ang paligid. Pero kahit nahihirapan sa pagtakbo ay pinilit pa rin nilang makapasok sa loob. Mabilis na sumunod sa kanila ang mga taong kanina ay nakikipagbarilan sa kanila. Hindi na sila kinuwestyon pa nila Four, hinayaan nila silang makapasok. Hindi nga lang pinalad ang isa sa mga lalaking kasama nila, na biglang nadakot ng halimaw at siyang nagpatigil dito. “Alden! Tulungan mo ‘ko!” sigaw ni Four habang hinihila ang bakal na pangsara ng supermarket. Hindi niya kasi iyon mahila kahit anong gawin niya. Muli niyang sinubukang ilabas ang kakaibang lakas niya, pero bigla siyang nakaramdam ng pagkahilo. “Four! Wala na tayong oras!” sigaw ni Alden nang makitang tapos na uli sa pagkain ang halimaw. “Papasok na siya dito!” “Kaya mo pang tumakbo?” tanong ni Four na sinagot ni Alden ng alangan na pagtango. “Sige! Tara! Takbo!” Buong lakas na kumaripas ng takbo ang dalawa. At agad naman silang hinabol ng higanteng halimaw. Hindi kasya sa pasukan ng supermarket ang halimaw. Pero napakalakas nito, isang bunggo lang at nagmistulang mga laruan ang mga konkretong pader. Kasabay din noon ang pagkabasag ng mga salamin sa mga bintana. Muling sumigaw ng malakas ang halimaw, pero hindi tumigil sa pagtakbo sila Four. Tinignan ni Four si Bong. Nakita niyang nanginginig ang mga kamay nito kaya hindi makapagsimula ng apoy. Kailangan na nila ng apoy, pero huli na ang lahat. Kung wala silang maiisip na paraan ay mamamatay silang lahat dito dito. “Lisa! Paputakan mo ng paputukan ‘yong halimaw!” sigaw ni Four kay Lisa. “Kayo naman!” Baling niya sa mga taong kanina ay kabarilan nila. “Kung may natitira pa kayong mga bala, paputukan din ninyo ang halimaw!” Agad na sumunod ang mga taong iyon, pero hindi rin nagtagal ang mga bala nila. Nagpatuloy sila Four sa pagtakbo at inararo naman ng halimaw ang lahat ng humaharang saan nito. Kaunti na lang at maaabot na sila Four at Alden ng higanteng halimaw. Hirap na hirap na rin silang tumakbo dahil sa malakas na pag-uga ng sahig. Nakita ni Lisa na talagang nasa panganib na ang kanyang mga kasama. Pumikit siya at huminga ng malalim. Pinatigil niya ang nangangatog niyang katawan at inihanda ang sarili. Kinuha niya ang kanyang sniper rifle at mabilis siya umaakyat siya sa isang mataas na lugar. Sa isang pwesto kung saan kitang-kita niya ang ulo ng halimaw. Sa itaas ng isang mataas na estante. “Four!” Napalingon si Four kay Lisa. Nakita niyang nakapwesto na ang dalaga at handa ng bumaril “Alden. Mauna ka! Pagdating sa dulo, lumiko ka sa kanan!” utos ni Four. “Ha?” “Basta! Sundin mo na lang!” “Sige!” Itinodo na ni Alden ang pagtakbo at kagaya ng sinabi ni Four ay bigla siyang lumiko pakanan. Agad namang tumigil si Four at humarap sa halimaw. At kagaya ng inaakala niya, ayong sa plano niya, ay tumigil ang halimaw sa harapan niya. Ngumiti ito sa kanya na parang ipinapakita ang maiitim niyong mga ngipin, at pagkatapos ay itinaas nito ang kanang kamay. Pero hindi na kumilos si Four, nakatitig lang siya sa higanteng halimaw, na parang hinihintay ang pag-atake nito. Hindi siya kumukurap at kalmadong-kalmado ang paghinga niya. Akmang dadakmaain na siya ng halimaw ng umalingawngaw sa buong lugar ang isang malakas na putok ng baril. Hindi naibaba ng halimaw ang kanyang kamay. Sinundan iyon ng isa pang putok, at isa pa. At sa pagkakataong iyon ay dahan-dahang napaluhod ang halimaw. Muling narinig ang malakas na putok at iyon na ang tuluyang nagpatumba na halimaw na kanina ay tila walang kahinaan. Lahat ng tatlong balang pinakawalan ni Lisa ay tumama sa ulo ng halimaw. Lahat ng bala ay tumama lang sa isang parte ng ulo nito hanggang sa tumagos ng tuluyan ang bala na pumatay dito. Napaluhod si Four pagkatapos noon. At bigla siyang nakaramdam ng panghihina. Ang tapang na mayroon siya kanina, ay biglang nawala. At naiyak siya sa takot nang makita ang bangkay ng halimaw na nakatingin sa kanya. “Four!” sigaw ni Lisa habang tumatakbo papalapit sa kanya. “Ayos ka lang ba?” Tumango si Four pero hindi na siya makasagot. Sa halip ay naubo siya. Tuyong-tuyo ang bibig at lalamunan niya. Napansin naman iyon ni Lisa at agad na inabutan ng tubig ang kasama. Agad iyong ininom ni Four at pagkatapos noon pinilit niyang tumayo. Pero parang napagod ng husto ang mga binti niya sa pagtakbo, kaya natumba siya. Mabuti na lang at nasalo siya ni Lisa. Dahan-dahang lumapit sa kanila ang lima sa mga nakabarilin nila kanina. At sa likuran nila ay si Bong na nakagawa na ng apoy at dalawang sulo. Sa harapan nila ay lumuhod ang isang lalaki. May katangkaran siya at balingkinitan ang katawan. Mayroon siyang balabas na maayos ang pagkakagupit at kapansin-pansin ang bali niyang ilong. “Humihingi ako ng paumanhin sa iyong lahat. Sana ay wala kaming nasaktan sa mga kasama ninyo. At nagpapasalamat kami, dahil hinayaan ninyo kaming makapasok rito.” Itinutok ni Lisa ang hawak na baril sa ulo ng lalaki. At kasabay noon ay ang pagluhod ng mga kasama rin nito. “Bakit ninyo kami pinaputukan kanina?!” malamig na tanong ni Lisa. “Ipagpatawad ninyo. Akala namin, mga kalaban kayo.” “Kalaban?” “Oo! Nitong nakaraan kasi, may naka-engkwentro kami na mga naka-uniporme ng pang-sundalo. Nakita nila kami habang naghahanap kami ng pagkain. Pinaputukan nila kami kaagad at lima sa mga kasama ko ang nasawi.” “Naka-uniporme ng pang-sundalo? Sigurado kayo? Ibig sabihin…” “Oo. Pero napatay namin silang lahat. At wala man lang kaming nakuhang clue kung sino o ano talaga sila. Ang nakakapagtaka, nung kukunin na sa namin ang mga radyo nila, ay isa-isang sumabog ang mga katawan nila. At sigurado kaming galing sa mga radyo nila ang pagsabog na iyon.” Nagkatinginan si Lisa, Four at Bong. Kung totoo ang sinasabi ng lalaki, ibig sabihin noon ay marami pang nakaligtas kagaya nila. Pero bakit bigla na lang silang nagpapaputok at pumapatay? At bakit kusang sumasabog ang kanilang mga katawan sa oras na mamatay sila?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD