“Ako nga pala si Alfred Montemayor,” pakilala ng lalaki habang dahan-dahang tumatayo. Isa-isa rin niyang ipinakilala ang natitira sa kanyang mga kasama. At muli ay humingi siya ng paumanhin kina Lisa at sa mga kasama nito.
“Alfred Montemayor ng Black-Hound Family?” tanong ni Lisa habang kinikilatis ang hitsura ng lalaki.
Nagulat ang lalaki dahil kilala siya ng dalaga. At pagkatapos ay bigla siyang yumuko na tila nahiya. “Oo. Ako ‘yon. Ako ang boss ng Black-Hound Family, at ang nag-iisa at natitirang miyembro nito.”
Pamilyar kay Four ang pangalan ng pamilya na tinukoy ni Alfred. Pero kagaya ng ibang mga pangalan na narinig niya kay Lisa ay hindi niya maalala kung saan niya narinig iyon. Tinignan niya ng maigi ang lalaki at pamilyar din ang mukha nito sa kanya. Sinubukan niyang alalahanin kung saan niya nakita ito, pero muli lang sumakit ang ulo niya.
“Saan kayo galing? Marami pa ba kayong mga kasama?” sunod na tanong ni Lisa na ibinaba na ang kanina lang ay nakatutok na baril sa lalaki.
“Galing kami sa bandang timog. Sa Praq, dating Parañaque. Kapos na rin kami sa supply ng pagkain. Kaya nakarating kami rito,” sagot ni Alfred. “At kung kasama lang ang pag-uusapan, mayroon akong mahigit sa dalawang daang tao na pinamumunuan sa ngayon.”
Nabigla sila Four sa sinabing numero ni Alfred, pero kasabay noon ay ang kaunting pag-asa na umusbong sa kanila. Dahil marami pa pala ang nakaligtas mula sa misteryosong pagsabog na kumitil sa buhay ng marami. Gano’n din si Lisa, nagkaroon siya ng pag-asa na baka buhay pa talaga ang kasintahan niya.
“Alfred?” biglang tawag ni Four sa lalaki habang pinipigil ang pag-ubo. “Kilala mo ba ako? Parang pamilyar ka kasi sa akin.”
Napunta kay Four ang pansin ni Alfred. Sinipat niya ang mukha ng nagtanong sa kanya at nagulat siya nang makilala ito. Dati kasing sakop ng kapangyarihan ng Dragonica Family ang Black-Hound family at hindi siya pwedeng magkamali. Madungis man at mukhang patang-pata si Four ay sigurado siyang ito ang malupit na big boss ng pinaka-kinakatakutang grupo sa buong bansa.
Nahalata ni Lisa ang reaksyon ni Alfred kaya agad siyang sumabat bago pa ito makapagsalita. “Pasensya ka na. Nawala kasi ang mga alaala niya. At hanggang ngayon ay pilit pa rin niyang ibinabalik,” sabi ni Lisa habang deretsong nakatingin kay Alfred. Parang nakahinga naman ng maluwag ang binata pero halata pa rin sa mukha nito ang pagkailang kay Four. Alam din niya kung gaano kalupit ang taong sumakop sa dati niyang nasasakupan, at ngayong nakita niya itong muli, ay nakaramdam muli siya ng takot.
Naghihintay si Four ng sagot mula kay Alfred, na ngayon ay iniiwas ang tingin sa kanya. Pakiramdam ni Four ay may alam tungkol sa kanya ang lalaki. Magtatanong sana siyang muli nang tuluyan na siyang nanghina. Nakaramdam siya ng pagkahilo at bumigay ang mga tuhod niya. Agad siyang isinandal ni Lisa at inabutan naman siya ni Alden ng tubig.
“Magpahinga ka muna,” sabi ni Alden. “Mukhang napagod ka ng husto.”
Mahinang pagtango ng ulo ang isinagot ni Four at pagkatapos ay tinungga niya ang tubig na ibinigay sa kanya. Hindi muna siya gumalaw at pinilit niyang i-relax ang katawan. Pumikit at nakinig na lang muna siya sa usapan ng kanyang mga kasama.
“Paanong tumagos ang bala sa ulo niya?” tanong ni Alfred. “Pinaulanan namin siya ng bala pero bale wala lang sa kanya. Parang matigas at matibay na goma ang balat niya.”
“Hindi ko rin alam. Binaril ko lang siya sa parte na sa tingin ko ay mamatay siya kapag tinamaan. Sabihin na lang natin na swerte lang tayo at napatumba siya,” sagot ni Lisa habang nakatingin sa bangkay ng halimaw.
“Marami na rin ba kayong nakaharap na ganitong mga halimaw?” muling tanong ni Alfred.
“Hindi naman na bago sa amin ‘to,” sagot ni Bong. “Pero ito ang unang pagkakataon na nakakita kami ng ganito kalaki at ganito kalakas. Sa lugar kung saan kami galing, madalas na mga taong-lobo lang ang nakikita at nakaka-engkwentro namin. Sanay na kaming patayin sila, pero hindi ang isang tulad nito.”
Tumango si Alfred at umupo sa tabi ng bangkay para mas makita at ma-obserbahan ito. “Kami rin. Ngayon lang kami nakaharap ng ganitong klase ng nilalang. Pero napakaraming uri ng halimaw sa lugar na pinanggalingan namin. Bukod sa taong-lobo, marami ring malalaking alupihan sa amin. Nakakakilabot dahil kagaya ng isang ito, kumakain din sila ng tao.”
“Alupihan?” may pandidiri sa mukha ni Lisa nang magtanong.
“Oo. Mayroon ding, malalaking mga paniki na parang mga bampira. Mayroon ding maliliit. Para silang mga maliliit na tao na may kakaibang kaliskis, at bumubuga sila ng apoy. Hindi ko makalimutan ng inubos nila ang mga kasama ko sa Black-Hounds. Ang totoo ay hindi ko rin alam kung paano ako nakaligtas mula sa kanila. Nagising na lang ako na kasama na ako sa grupo ng mga kasama ko ngayon. Nakita na lang daw nila akong malay sa isang ilog.” Tumayo si Alfred at nabakas sa kanyang mukha ang kalungkutan. “Kaya, masakit sa akin ang pagkawala ng dalawa kong kasama sa halimaw na ‘to. Para ko na silang mga kapatid.”
“Sorry. Nakikiramay kami sa pagkawala nila. Pasenya na kung hindi kami kaagad nakatulong.” mahinahong sabi ni Lisa.
Muling nakaramdam ng takot si Four nang dahil sa mga narinig.. Parang gusto na naman niyang maiyak, ngunit pinigil niya iyon. Dahan-dahan niyang idinilat ang kanyang mga mata at nakita niya si Lisa na napa-upo at napasapo ng ulo. Naisip ni Four na hindi lang siya ang nakakaramdam ng takot at pangamba nang dahil sa mga narinig niya.
Nang makaramdam ng kaunting lakas ay pinilit na ni Four na tumayo. Inawat siya nila Alden pero nagmatigas siya na kaya na niya. Nag-iinat siya ng katawan nang biglang mabaling ang pansin niya sa halimaw na nakahandusay sa harap nila. Hiniram niya ang isang sulo kay Bong at itinapat ito sa mukha ng halimaw. Hindi siya nakaramdam ng takot. Pinagmasdan niya iyon hanggang sa may napansin siyang kakaiba sa halimaw.
“Tignan ninyo mga kasama.” lumapit ang mga naroon sa paligid niya. “Hindi ba’t mukha ng isang tao ito?”
Inilapit nila ang kanilang sarili para mas makita ang hitsura ng bangkay, at nagulat sila dahil tama ang sinabi ni Four. Hindi maipagkakailang ulo ng isang normal tao iyon. Sadyang ang katawan lang nito ang kakaiba. At isang tanong ang umikot sa mga isipan nila. Kung totoong tao ito, ano ang nangyari dito para magkaganito?
“Kung titignan ninyo, may luha sa mga mata niya. Nakita ko iyon kanina nang humarap ako sa kanya. Ngumiti siya, nakakatakot, pero kitang-kita ko ang luha sa gilid ng kanyang mga mata,”
Muling tinignan ng mga naroon ang mata ng halimaw at totoo ang sinabi ni Four. Bakat pa rin sa mukha nito ang tumulong luha. At hindi lang iyon, dahil kakaiba rin ang malungkot at tila nahihirapan na ekspresyon ng halimaw.
Pero bukod doon ay mayroon pang mas ikina-gulat si Lisa at si Bong. At iyon ay ang kakaibang pamamaraan ni Four ng pagsasalita ngayon. Hindi rin nila ito nakikitaan ng kahit anong takot habang tinitignan ang bangkay ng halimaw. Hindi kagaya ng dati na, sa simpleng bagay ay natatakot na ito. At maliban doon ay talagang kakaiba ang tapang, galing at talinong ipinakita ni Four sa pakikipaglaban sa halimaw kanina. At talagang nabigla at napahanga si Lisa at Bong sa kanya. Maraming kakaibang ipinakitang kakaiba si Four, gusto nila itong tanungin. Ngunit alam nila na hindi ito ang tamang oras para doon. Kitang-kita kasi ang pagod sa binata sa ngayon.
Nag-iwan ng isang malaking katanungan sa kanila ang halimaw, ngunit wala ni isa sa kanila ang makakasagot sa tanong na iyon. Kaya sa halip na pagurin ang sarili sa pag-iisip ay minabuti na lang nilang magpahinga. Pero bago iyon ay humanap muna sila ng maipangtatakip sa walang buhay na katawan ng halimaw. At habang ginagawa nila iyon ay napansin nilang nawawala si Carlito.
“Alden! Nasaan si Carlito?” tanong ni Bong.
“Ah! Sandali! Nandito lang siya kanina. Teka! Hahanapin ko siya.”
“Nandoon siya sa likod ng mga kariton na dadalhin natin bukas. Nakita ko siyang tumakbo doon habang nag-uusap tayo kanina,” sabi ni Four.
Agad na tumakbo si Alden sa lugar na sinabi ni Four habang isinisigaw ang pangalan ng hinihanap na kasamahan. At ilang sandali lang ay biglang nagsisigaw si Alden na rila inaaway si Carlito. Hindi kasi tumatayo si Carlito at parang may ibinubulong lang sa sarili na hindi maintindihan ng isa. Tumakbo si Lisa at Bong, para tignan kung ano ang nangyayari sa dalawa. Sumunod naman sa kanila sina Four at Alfred.
Nanginginig at pawis na pawis si Carlito nang madatnan nila. Hinihila ito ni Alden para itayo, pero hindi talaga ito umaalis sa sulok.
“Carlito! Anong problema?” tanong ni Lisa. Normal na sa kanila na kausapin ni Carlito ang sarili pero, kakaiba ito ngayon. Ngayon lang nila itong nakita na balisang-balisa at talagang takot na takot.
“May sundalo?” sabi ni Carlito habang naka-lukot ang katawan at tinatakpan ng mga kamay niya ang kanyang mga tainga.
“Ha?”
“Halimaw! Maraming halimaw! Hinahanap na nila ako! Paparating na sila! Paparating na sila!” natataratang dugtong ng lalaki na halos mahulog na suot na salamin sa mata.
“Huminahon ka, Carlito! Ano ba talagang nangyayari sa’yo?!” magkahalong pag-aalala at inis na ang nararamdaman ni Lisa. Lumapit siya sa kasama at inabutan niya ito ng tubig. Pero tinabig lang iyon ni Carlito. At sa pagkakataong ito, ay tila biglang naputol na ang pisi ni Lisa. Sinampal niya ng ubod ng lakas si Carlito. Umalingawngaw sa buong lugar ang tunog ng sampal at talagang natigilan si Carlito. Tumayo si Lisa para kunin ang tumilapon na bote ng tubig at iniabot uli iyon sa lalaki.
Kinuhan naman iyon ni Carlito at nanginginig niya itong binuksan. At pagktapos ay mabilis niyang nilaklak ang laman noon. Dahan-dahang bumagal ang paghinga niya at unti-unting naging kalmado na siya. Pinaalis ni Lisa ang mga kasamahan sa paligid ni Carlito ng sa gayon ay mas mapalagay ito.
“Carlito. Okay ka na? Magpahinga ka na. Aalis tayo bukas pagsikat na pagsikat ng araw. Kami na muna ang bahalang magbantay. Kung sakaling mayroon pang mga kalaban na susugod sa atin gigisingin ka na lang namin. Kailangan natin ng lakas mo bukas.”
Pilit pang pinahinahon ni Carlito ang sarili. Hindi niya sinagot ang sinabi ni Lisa at pagkatapos ay umiling siya. “Lisa… makinig kayo… may sasabihin akong mahalagang bagay.” Natigilan si Lisa at hinintay kung ano mang ang sasabihin ng lalaki.
Dahan-dahang tumayo si Carlito. Hinubad muna nito ang suot na salamin at pinunasan iyon. Sinigurado niyang malinis iyon bago niya isinuot muli. “Patawarin mo ako, kung matagal ko itong itinago sa’yo. Natatakot kasi ako sa pwedeng mangyari sa akin.”
Nagsalubong ang mga kilay ni Lisa sa pagtataka. “Bakit? Ano ba ‘yon?”
Itinaas ni Carlito ang suot na damit hanggang sa kanyang mga dibdib at pagkatapos ay may itinuro siya sa gawin kaliwa malapit sa gitna nito. Isang hugis kwadrado at kulay gintong bagay ang naroon. Kasing liit lang ito ng isang larawan para sa ID. At kung titignan ay mukhang nakabaon ito sa kanyang balat.
“Ano ‘yan?” agad na tanong ni Four.
Bago sumagot ay tinignan muna ni Carlito ang bawat isa sa mga kasama niya. Napansin ni Four at ng mga kasama niya ang panginginig ng mga kamay ni Carlito, pero pilit iyong itinago ng lalaki. Pero kahit anong gawin niya ay kita pa rin ang takot sa mga galaw niya.
“Isa itong micro-chip. Inilagay ito dito, para malaman nila kung nasaan ako at kung ano ang ginagawa ko. At sa oras na malaman nila may isinisiwalat ako tungkol sa kanila ay siguradong sasabog ito. Pero huwag kayong mag-alala, dahil nitong nakaraang dalawang buwan ay na-dectivate ko na ang tracking at pampasabog nito. Pero sigurado akong alam pa nila na buhay ako,” paliwanag ni Carlito habang pilit na pinipigil ang pag-iyak.
“Ha? Paanong… teka… naguguluhan kami. Bakit… tsaka, sinong sila?”
“Isa ako sa mga nag-initiate ng pagsabog ng araw na ‘yon.” Lumaki ang mga mata ni Four nang marinig iyon. Lalo na si Lisa at Bong, na mas matagal ng kasama ni Carlito. Muling nanginig ang katawan ni Carlito at minabuti na lang niyang umupo. “Isa akong scientist. At alam ko ang sanhi at bunga ng pagsabog na iyon, limang buwan na ang nakakaraan. Isa ako, sa tuluyang sumira ng mundong ito!”
Naging seryoso ang lahat nang marinig iyon at hinintay nila ang pagpapatuloy ng paliwanag ng kasama.
“Ang totoo, buong akala ko ay nakalayo na ako mula sa kanila. Pero nang marinig ko ang tungkol sa mga sundalo, nakadama ako ng takot. Dahil pakiramdam ko, hinahanap nila ako. Siguradong hinahanap at papatayin nila ‘ko,” tuluyan ng umiyak si Carlito.
“Bakit ngayon mo lang sinasabi sa amin ‘to?!” gigil na tanong ni Bong. “Limang buwan ka naming kasama, pero wala kang nabanggit tungkol dito!”
“Dahil natatakot ako!” mabilis at malakas na sagot ni Carlito. “Natatakot ako na baka, ipagtabuyan ninyo ako! Na pabayaan ninyo akong mamatay na lang! Hindi ko gusto ang nangyaring ito, pero wala kong nagawa! Dahil kung hindi ako susunod sa kanila ay papatayin nila ako!”
“Sino sila? Sino ang sinasabi mong naglagay ng chip na ‘yan sa ‘yo? Sino ang sinasabi mong humahabol at papatay sa’yo?” tanong ni Four.
“Ang Conquerors.”
“Conquerors?”
“Sila ang may pakana ng lahat ng ito. Binubuo sila ng malalaking mafia family at mga sikat na mga scientists. Pero ayon sa mga narinig ko, maging sa ibang bansa ay may koneksyon sila. At ang layunin nila, ay ang baguhin at gawing bago ang mundo.
“Hindi ko pa rin maintindihan. Bakit nila gagawin iyon? At paanong ganito ang epekto ng pagsabog na iyon. Paano mo ipapaliwanag lahat ng kakaibang nangyari?” sunod-sunod na mga tanong ni Four.
Umupo ng maayos si Carlito at sumandal. “Hayaan ninyo ipaliwanag ko. Kung ano, bakit at para saan ang pagsabog na iyon. At kung ano talaga ang plano ng Conquerors.”