Sa kwarto niya, ibinagsak niya ang bag sa kama. Nanginginig ang kamay niya hindi sa takot, kundi sa galit.
Isang pangalan ang paulit-ulit sa isip niya.
Eric Lacsamana.
At sa gabing iyon, habang nakatitig siya sa kisame, isang desisyon ang nabuo, kung may isang taong dapat mauna kay Eric, hindi ang pamilya niya.
Kundi siya. Kailangan niyang gumawa ng plano para mabalaan ang lalaki, ayaw niyang may mabiktima pa ang mga ito. Di man niyang kilala talaga ang lalaki ay may mga naririnig na siya dati pa tungkol dito. Kilala ang mga Lacsamana na pinakamayaman at makapangyarihan sa bansa.
Hindi siya agad nakatulog nang gabing iyon. Siguro dahil sa matinding pagod sa trabaho at sa dami na din ng kanyang iniisip.
Nakahiga siya sa kama, patay ang ilaw, pero gising na gising ang isip niya. Paulit-ulit sa utak niya ang mga boses sa sala, ang mga tawa ni Clarisse, ang listahan ng luho at ang linyang “Ten million monthly. Maliit lang ‘yon sa kanya.”
Napapikit siya nang mariin.
“Ang kakapal ng mukha,” bulong niya sa sarili.
Bumangon siya, kinuha ang laptop, at naupo sa kama. Kung may isang bagay siyang sigurado, iyon ay hindi basta-basta si Eric Lacsamana. At kung may isang bagay din siyang alam sa pinsan niya, iyon ay hinding-hindi susuko si Clarisse kapag may target na.
Maganda. Maparaan. Marunong umarte.
At handang gamitin ang lahat pati katawan para makuha ang gusto. Ganun katindi ang pinsan niya sa mga lalaki, kahit nga may asawa pumapatol dito. Minsan na din itong naging kabet ng politiko namatay lang ng maaga kaya naudlot.
“Hindi ka puwedeng mauna,” bulong niya na iniisip ang nakangiting mukha ng pinsan niyang puno ng kompiyansa, habang nagbubukas ng browser. “Hindi sa paraan na ‘yon.”
ERIC LACSAMANA — WHO IS HE REALLY?
Unang lumabas ang mga basic na impormasyon.
Age: 34
Status: Single
Net worth: Confidential, pero base sa articles ay multi-billion ang mga pag aari nito.
Industry: Shipping, renewable energy, real estate
Personality: Private, reclusive, low-profile
“Private?” napakunot-noo siya sa kanyang nabasa. “Pero target ng mga social climber?”
Nag-scroll siya.
Walang scandal. Walang party photos. Walang babae sa braso sa mga gala events. Karamihan sa larawan corporate dinners, charity events, ribbon cuttings. Laging naka-itim o gray. Laging seryoso. Laging parang may distansya sa mundo.
“Hindi ka pala basta-basta,” bulong niya.
Lumipat siya sa interviews.
‘I don’t mix business with personal relationships.’
‘I value privacy more than publicity.’
‘Marriage is a commitment, not a strategy.’
Napahigop si Heather ng hangin.
“Kung alam mo lang,” bulong niya, “ginagawa ka nang business strategy.”
Napa-pause siya nang makita ang isang artikulo.
ERIC LACSAMANA TURNS DOWN HEIRESS RUMORED TO BE DATING HIM
Binasa niya.
Ayon sa source, ilang buwan daw niligawan si Eric ng isang kilalang sosyalera, luxury brands, travels, connections pero tinanggihan niya nang diretsahan. Wala raw siyang balak pumasok sa relasyon na may kapalit.
Napangiti si Heather kung hindi dahil natutuwa siya, kundi dahil mas lalo siyang kinabahan.
“Clarisse won’t like this,” bulong niya.
Kilalang-kilala niya ang pinsan niya. Kung may pader, aakyatin. Kung may harang, didiskartehan. At kung may lalaking hindi madaling mapasakanya ay mas lalo niyang gugustuhin. Ganun ka baliw ang pinsan niya.
Lumipat siya sa social media.
Kung hindi naka private ay inactive yung sa isa ay business-related posts only.
“Grabe,” napailing siya. “Parang multo.”
Napahinto siya nang biglang pumasok sa isip niya ang isang tanong.
Kung ganito kaingat si Eric… bakit kampante ang pamilya ko?
Kinuha niya ang cellphone at tinawagan ang isang kaibigan.
“Hello?” sagot ni Mara, antok ang boses.
“Mara, sorry,” sabi ni Heather. “May itatanong lang ako. Kilala mo ba si Eric Lacsamana?”
Biglang nagising ang kausap.
“Ha? Yung Eric Lacsamana? Bakit?”
“Just answer,” sagot niya.
“Girl,” sabi ni Mara, “kung may lalaki na hindi mo puwedeng laruan, siya ‘yon. Grabe ‘yon sa background check. May team ‘yon. May lawyers. May private investigators.”
Napapikit si Heather.
“So kung may babaeng lalapit sa kanya?” tanong niya.
“Malalaman niya agad kung may agenda,” sagot ni Mara. “At kung meron good luck.”
Bumaba ang kamay ni Heather.
Iyon na nga.
Alam niya ang kalibre ng pinsan niya. Alam niya kung paano ito ngumiti, umiyak, magpanggap. Kung paanong kayang gawing armas ang ganda at lambing.
At kung magkamali si Clarisse hindi lang siya ang masasaktan.
“Hindi lang ito tungkol sa pera,” bulong ni Heather. “Ito’y tungkol sa kahihiyan. At baka mas malala pa.”
Isinara niya ang laptop at tumayo. Lumapit siya sa salamin.
Tiningnan niya ang sarili niya walang glam, walang arte, walang maskara.
“Hindi kita ililigtas dahil mabait ka,” sabi niya sa repleksyon niya. “Ililigtas kita dahil ayokong manalo sila.”
Huminga siya nang malalim.
Sa isip niya, unti-unting nabuo ang isang ideya hindi pa buo, hindi pa malinaw, pero mapanganib.
Kung si Clarisse ay lalapit kay Eric bilang babae na may itinatagong agenda…
Siya naman
Lalapit siya bilang katotohanan.
At kung kinakailangan. Handa siyang ipusta ang sarili niya para pigilan ang planong hindi niya kayang sikmurain. Ilang henerasyon na ganun at ganun ang nangyayari sa pamilya nila. Ilang tiyahin naba niya ang hiwalay sa asawa, meron nakaapat na asawa kakahanap ng mas mapera. Di niya pinangarap ang maging ganun sa hinaharap.
Sa gabing iyon, unang beses niyang inisip ang isang bagay na hindi niya kailanman pinangarap, ang pakikipag-usap kay Eric Lacsamana.
Hindi bilang modelo.
Hindi bilang Alonzo.
Kundi bilang babaeng handang itama ang mga mali sa pamilya nila. Alam niyang maaring magalit sa kanya ang kanyang pamilya sa kanyang binabalak pero mas gugustohin niya iyon kaysa naman yung titingin at magmamasid lang siya habang nanloloko ng ibang tao ang mga kaanak niya.
Alam niyang di basta bastang tao ang isang Eric Lacsamana, di nga niya sure kung makakakuha siya ng appointment. Pero bahala na ang mahalaga lang naman sa kanya ay mabalaan niya ang lalaki. Kung di ito makikinig sa kanya at patulan parin ang pinsan niya ay bahala na ito sa buhay nito. Mukha namang matalino ang lalaki at di basta bastang mabibiktima pero di lang talaga komporme sa kalibre ng pinsan niya sa mga ganung pang aakit.