Dahan-dahan kong iminulat ang mga mata ko, tatayo pa sana ako ng maramdaman na parang binibiyak ang ulo ko.
"Gising na siya!" Sigaw ni Angie at nakita ko ang paglapit nila sa akin.
"Apo." Nag-aalalang tugon ni lola na naiiyak.
"N-nasaan po ako?" Nanghihina kong tanong.
"Nasa clinic ka ngayon, ano bang nangyari at nawala ka kagabi?" Tanong ni Gino na ngayon ay umupo sa tabi ko.
Ano bang nangyari kagabi? Ang naaalala ko ay hinahabol ako ng apat na lalaki tapos may tumulong sa akin.
"Mabuti na lang talaga dinala ka rito ng kaibigan mo." Gulat kong tiningnan si Chanchan.
"Hindi mo naman sinabi na may yummy ka pa lang friend," dagdag pa nito at agad siyang sinamaan ng tingin ng lahat na di kalaunan ay tinawanan din siya.
Bumukas ang pinto at iniluwal nito si Gabbi kasama si lolo na may dalang plastic bag, napangiti ako ng mapansin siyang nakangiti na papalapit sa akin.
"Andito na pala ang kaibigan mo." May pagka-intriga na sabi ni Angie.
"Kamusta ka na? May masakit ba sa 'yo?" Pag-aalala nito na tinawanan ko lang, grabe ang oa rin pala nito.
"Sige na, lalabas muna kami para makapag-usap kayo ng FRIEND mo." May diing sabi ni Chanchan, hinaplos muna ni lolo ang buhok ko at sabay-sabay silang lumabas.
Inalalayan ako ni Gabbi para makaupo.
Sabay kaming kumakain ngayon dahil marami siyang binili at alam daw niya na kulang pa iyon. Mukha atang naikwento na sa kanya nila Chanchan na matakaw ako.
"Bakit ganiyan ka makatingin? May dumi ba ako sa mukha?" Napangiti naman ako sa tanong niya.
"Thank you." Nahihiya kong tugon dito, yumuko ako para hindi niya mapansin ang pamumula ng pisngi ko. Buti na lang talaga at nagpunta siya roon kung hindi baka may masama ng nangyari sa akin. Oo nga pala paano niya nalaman na naroon ako?
"Wala iyon, oo nga pala kilala mo ba iyong lalaki?" Tumango ako sa tanong niya, pero si Anton lang talaga ang kilala ko sa kanila.
"Pano mo pala nalaman na naroon ako?" Napahinto siya sa tanong ko.
"May tumawag sa ak–" hindi na siya natapos nang sabay kaming napalingon sa gilid dahil biglang tumunog ang phone ko. Dali-dali ko itong sinagot.
Tumawag si mama at papa dahil nakarating na pala sa kanila ang balita. Pinagalitan ako na napalitan din ng pag-aalala. Sobrang swerte ko sa pamilya ko dahil bukod sa naibibigay nila ang kailangan ko ay mas napupunan nila ang pagmamahal na hinahanap ko, paminsan lang talaga ay busy sila.
Matapos namin kumain, hinatid na ako ni Gabbi sa amin kasama sila Gino at Angie, pumunta na kasi ng palengke si Lola kasama si Chanchan, samantalang si lolo ay may pinuntahan daw sa bayan.
"Kapag okay ka na, tawagan mo ako, ha?" Nginitian ko lang ito bago umalis.
"My God! Ampogi naman niya." Natatarantang tumakbo si Angie papalapit sa akin.
"Mas pogi sa akin?" Sabay kami ni Angie na napatingin kay Gino, parang tanga mukha ni Gino.
"Syempre para sa akin ikaw pa rin, pero para kay Caralina mas pogi si Gabbi. Tingnan mo, mabait na gwapo pa, ang ganda pa ng muscles." Napailing na lang ako sa sinabi ni Angie at hinawi sila paalis sa dinaraanan ko papasok sa bahay.
"Wala ka bang nararamdaman para kay Gabbi?" Napahinto ako sa tanong ni Angie, hindi ko rin alam, e. Kahit siya pa ang nagligtas sa akin hindi ko pa rin alam kung bakit, wala namang mali sa kaniya. Siguro dahil sa alam kong bawal ako magmahal o talagang iba ang taong gusto kong mahalin?
Dalawang araw ang lumipas at nakakalabas na ako, si Gabbi naman palaging nasa bahay at kasama namin nila Angie. Tuwang-tuwa si Gino dahil sa wakas daw ay may kausap na siya kapag hindi niya alam ang pinag-uusapan naming mga babae.
Ngayong araw hindi namin kasama si Gabbi dahil sasamahan niya ang lola niya para magpa check-up. Sa ngayon kasama ko ang mag-jowa pumasyal sa bayan, this time hindi na nila ako iniwan. Baka natakot din sa sermon ni lola sa kanila.
"Tara bilisan niyo." Nagulat ako sa mga taong tumatakbo at binabangga kami, tumingin ako kay Angie na parang nangungusap ang aming mga mata, sabay pa kaming napakibit-balikat.
"Baka napaglaruan ng maligno." Biglang binalot ng lamig ang buo kong katawan ng sandaling marinig iyon, dahilan para sumama ako sa pagtakbo ng mga tao.
Ano ba ang pinagkakaguluhan nila? Narinig ko pa ang pagtawag ni Gino sa akin pero patuloy pa rin akong tumatakbo pumunta sa pinagkukumpulan ng mga tao.
"Makikiraan po." Pagsingit ko sa mga tao upang tingnan ang pinagkakaguluhan nila. Nanlaki ang mga mata ko at napatakip sa bibig nang makita ang dalawang lalaki na nakabitin sa itaas ng puno at tila wala ng buhay.
Nabalot ng takot ang buong paligid kasabay nang bulungan ng mga tao. Saglit kong sinipat ang mukha ng dalawang lalaki at mabilis akong napaatras. Hindi, paanong mangyayari na si Anton at iyong kasama niyang lalaki ay nakabitin sa itaas?
"Dalawang araw na silang nawawala simula noong may handaan sa bahay nila Yuna." Rinig kong sabi ng babae sa likuran ko.
"Baka napagdiskitahan ng mga engkanto," dagdag pa ng isa nilang kasama.
"Tama lang iyan at ng wala na silang mabiktima pang mga kababaihan."
Napatingin ulit ako sa itaas kung saan nakabitin sila sa pagkataas-taas na puno at narinig ko sa iba na walang kayang umakyat dito, kaya imposible na naakyat ng dalawa o may nag-akyat sa kanila.
Ang natatandaan ko apat sila noong gabing iyon at nakatakas ang dalawa. Agad ko namang iginala ang paningin ko para hanapin pa ang mga kasama nila dahil alam ko na, nasa paligid lang din sila.
Napako ang mga mata ko sa kanang bahagi kung saan nakatayo ang dalawang lalaki. Sila, tama sila iyon at halata sa mga mukha nila ang pagkagulat. Napatingin sila sa gawi kung saan ako nakatayo at namutawi sa kanila ang matinding takot, humakbang ako papalapit sana sa kanila pero napaatras sila sa takot.
Anong problema? Bakit sa akin sila natatakot? Nakita ko ang mga katagang binitawan ng lalaki na kahit walang boses ay malinaw sa akin. "Halimaw." At takot na takot itong tukbo papalayo.
Naiwan akong gulong-gulo sa lahat, anong tinutukoy niya? Sino ang may gawa nito sa dalawang lalaki?
Muling umingay ang paligid at muli akong nakabalik sa wisyo ng may humila sa akin mula sa likuran.
"Ano bang ginagawa mo Caralina? Papatayin mo talaga kami sa kaba?" Hingal na tanong ni Gino.
"Yari kami kay lola kapag may masama na namang nangyari sa 'yo." Sermon pa ni Angie, napangisi na lang ako dahilan para lalo silang mainis.
"Para saan iyan? Talagang inaasar mo kami?" Ngayon ko lang nakita magalit si Angie, muntae.
Kumawala muna ako ng malakas na paghinga bago nagsalita.
"K fine, sorry na. Nakigulo lang naman ako sa kanila."
"B-basta sa susunod 'wag ka lalayo sa amin." Natawa ako bigla sa sinabi ni Angie na mangiyak-ngiyak pa. Niyakap niya ako at binawian ko rin ito ng yakap.
Ayos na ang lahat matapos ang insedente kahapon, mag-isa lang ako ngayon sa bahay dahil may inaasikaso si Angie at Gino. Si Gabbi naman bumalik muna saglit sa Manila.
Normal na araw, maganda ang langit malamig na hangin at mga berdeng tanawin. Nakaupo ako ngayon sa silong ng mangga habang nakatanaw sa malawak na palayan. Napaka payapa ng lahat na tila ba walang mga hindi magandang kaganapan nitong mga nakaraang araw.
"Kumusta ka na?" Halos mapatalon ako sa gulat dahil paglingon ko sa gilid ay nakaupo si Marlo, shet muntik na kami mag-kiss sayang.
"Paki mo ba?" Pagsusungit ko rito, mas lalo pa siyang lumapit sa akin at ngayon ay magkadikit na ang mga braso namin, malaki ang puno ng mangga na ito kaya sakop kahit parehas kaming nakasandal.
"Bigla kang nawala noong isang gabi." Umirap lang ako rito at muling ibinaling ang paningin sa malawak na palayan.
Nakakainis! Paano niya ako makikita e, wala naman siyang ibang tiningnan kung hindi si Yuna, naalala ko na naman tuloy! Naiinis ako!
"Galit ka ba?" Hindi ko pa rin siya tinitingnan at kinikibo.
Nanatili kaming tahimik dalawa. Ugh! Awkward!
"Ang ganda ni Yuna 'no?" Pambasag ko sa katahimikan namin.
"Oo naman, magaling din siya tumugtog ng gitara, piano at maganda rin ang boses. Magaling din siya sumayaw, magluto at mabait din siya." Mas lalo tuloy nag-init ang ulo ko sa pagbibida niya sa mga kayang gawin ni Yuna.
"Oh! Edi siya na ang magaling sa lahat ng bagay. Pakialam ko ba? ha?!" Sigaw ko rito. Nakakainis! Edi siya na magaling sa lahat, ano pinapamukha niya sa akin? Na lahat ng hinahanap ng isang lalaki sa babae ay na kay Yuna na lahat? Bakit naman ako maiinggit kay Yuna? Isa pa bawal ako magmahal kaya mas mabuti na lang na wala akong kakayahan para magustuhan ng kahit sino.
"G-galit ka ba?" Halata sa mukha niya ang pag-aalala, napapikit na lang ako sa inis. Ang manhid talaga nito.
"Hindi!" Padabog kong sagot.
"Akala ko galit ka." Napatikom ako ng kamao ko at pigil na pigil ang inis. Grabe ganoon lang iyon? Sinabi ko na hindi at talagang naniwala siya na hindi? Bakit ba hindi ka makaramdam Marlo?
"May gusto ka kay Yuna 'no?" Sandali itong napangiti, sinasabi ko na nga ba, e! Antanga mo kasi Caralina, alam mo na nga tatanungin mo pa. Sige maganda iyan, isang sakitan na lang.
"Da–" Hindi na niya natuloy ng bigla akong tumayo.
"Ayoko na rito." Inis kong sambit, iniwan ko siyang nakaupo roon at padabog na umalis. Med'yo madilim na rin at baka dumating na sila lola at hindi ako maabutan sa bahay.
Sa kalagitnaan ng paglalakad ko sa palayan may isang malakas na hangin ang dumaan sa harapan ko, parang may mabilis na sasakyan ang dumaan kaya bigla akong napahinto. Muli na naman akong binalot ng kaba.
"Kumusta ka na Caralina?" Bigla akong na estatwa ng muli kong marinig ang boses ni Inayah kaya agad akong napalingon sa gawing kanan.
"Inayah!" Hindi ko alam kung bakit ganito ako kaatat na makita siya kahit alam ko naman ang pakay niya.
Nagmadali akong lumapit sa kaniya pero umatras ito, anong nangyayari sa kaniya? Pati ba siya takot sa akin?
"Anong mero'n?" Pagtataka ko rito at mabilis niyang itinuro ang kanan kong kamay kung saan nakalagay ang bracelet na ibinigay ni lolo, itinaas ko ito at ipinakita sa kaniya.
"Ang matanda talaga na iyon." Natatawang wika ni Inayah, ibig sabihin alam niya na si lolo ang nagbigay sa akin nito?
"Hindi ako maaaring makalapit o maisama ka ng mas matagal sa aming mundo hanggat suot mo iyan." Napatango ako sa sinabi niya na med'yo natuwa.
"May itatanong ako sa 'yo." Napangiti ulit ito na nakatayo mula sa malayo.
"Hindi ako ang may gawa no'n." Deretsyong sagot nito, angas niya. Kaya rin pa lang bumasa ng isip ng mga engkanto? Paano niya nalaman na iyon ang gusto ko itanong?
"Pero sino?" Sa pagkakataong ito natakot ako sa ngiti ni Inayah na alam kong may malaking sikreto na nakakubli.
"Ikaw Caralina, ikaw ang may gawa." Nanlambot ang mga tuhod ko dahilan para mapaupo ako.
Anong ibig niyang sabihin na ako ang gumawa sa dalawang lalaki na iyon? Bakit wala akong maalala? Kaya ba ganoon na lang ang takot ng dalawang lalaki sa akin? Pero paano?