PAGDATING niya sa bahay nila ay nakuha na niya ang pers, nakapag-grocery na rin siya ng mga kailangan nila. Hindi na rin niya dinatnan doon ang kanyang ama. Marahil ay nag-iinom na naman ito kaya bago pa siya nito abutan na nasa ganoong sitwasyon ay nagpasya siyang iwan ang mga pinamili sa sala saka pumasok sa loob ng kanilang kwarto. Kinuha niya sa ilalim ng damitan niya ang isang maliit na envelope at itinabi roon ang natirang pera mula sa nakuha niya. Nagtira lang siya ng isang libo. Dalawang limang daan iyon at pinaghiwalay niya. Ang isa sa pitaka, ang isa ay sa bulsa ng palda niya. Pagkatapos niyang gawin iyon ay lumabas na siya para ayusin ang mga pinamili niya. Alas diyes na rin naman kaya magluluto na siya ng tanghalian.
Dumiretso siya sa kusina at inilapag sa mesa ang groceries. Magluluto siya ng sinigang na baboy dahil minsan lang sila makapag-ulam nito at galing pa sa iyon sa karinderya kaya patitikimin naman niya si Sky ng lutong bahay.
Habang nagluluto siya, narinig niya ng malakas na pagbukas ng pinto at nang silipin niya kung ano ’yon, nakita niya ang kanyang papa na lasing na naman. Napabuntonghininga na lang siya saka napailing bago bumalik sa ginagawa. Hindi nga siya nagkamali na nasa inuman na naman ito ng ganoon kaaga. Naramdaman niyang naglakad siya papunta sa kanya ngunit hindi niya pinansin.
“Aba! Mukhang may biyayang dumating sa anak ko. Nag-grocery!” sambit nito saka marahas na hinila ang kamay niya. Dahil doon ay natabig ang baboy na hawak na hinuhugasan niya , nagawi roon ang tingin ng kanyang ama. “Nakababoy pa! Mukhang mapera ka, ah! Akina, bigyan mo naman ako ng biyaya mo!” sabi nito at napatingin sa pitaka niyang nasa mesa. Dadamputin niya sana iyon nang maunahan siya nito.
“Aba, may pera ka nga. Mabuti at ipingtira mo ako. Bubwenasin ako nito,” nakangiting sambit nito saka itinapon ang pitaka. Ibinulsa nito ang limang daan na nakuha saka naglakad palabas. Napailing na lang siya sa ginawa ng ama. Mabuti na lang talaga at itinago niya ang ibang pera, kung hindi niya ginawa iyon tiyak na wala siyang maiiwang pera kay Dky dahil kukunin lahat iyom ng kanyang ama. Dinampot na lang niya ang pitaka at baboy na nahulog saka muling nagpatuloy sa ginagawa.
Pagkatapos niyang magluto ay kumain na rin siya dahil may baon naman si Sky na tanghalian. Ipinagtabi na lang niya ito ng ulam para mamaya may maiulam ito. Mahirap nang iwanan ang ulam nang walang tabi dahil baka kuhain ng kanyang ama para ipangpulutan. Nang matapos siya ng kumain ay napatingin siya sa loob ng bahay nila at napansin na medyo makalat iyon. Kaya naisipan niyang maglinis ng bahay dahil wala naman siyang ibang gagawin. Bukas na lang siya dadaan sa karinderya para magpaalam kay Aling Perla at sa mga kasama niya.
**
“Mom, bakit naman ganoon mga kinuha mong katulong? Ang babata masyado tapos may mataba pa,” sambit ni Matthew sa kanyang ina nang pumasok siya sa office ng kanyang ina na nasa second floor.
Nakita niya kanina ang bagong mga katulong. They're too young for him and ’yung iba may edad na habang iyong isa kaninang umaga parang manang pa at ang taba. Paano siya gaganahan umuwi kung puro ganoon makikita niya sa loob ng bahay nila? Nalaman niya sa kanyang ina na ang huling limang babaeng lumabas kaninang umaga ay ang mga bagong kasambahay nila kasama ang nakaharang sa daan kanina.
“Sila talaga ang pinili ko para hindi mo landiin. Nakakailang palit tayo ng kasambahay sa isang linggo. Napapagod akong paulit-ulit na mag-interview tapos ikaw lang ang tatrabahuhin. My God, Matt, bakit hindi ka na lang magseryoso sa isang babae at mag-settle down. Kaya mo na rin naman bumuhay ng pamilya,” wika ng mommy niya. Ngumisi naman siya sa sinabi nito.
“What? No, mom. Ayokong matali ng maaga. I want to enjoy my life. Hindi ko rin naman pinapabayaan ang negosyo natin kahit ganito ang ginagawa ko. Sadyang sila lang talaga nagpapakita ng motibo, mom,” sagot niya kaya napailing ang ina nito.
“Pareho kayo ng kuya mo, sakit sa ulo. Basta, kung gusto mo na mag-settle down just tell me. Ayokong makakabuntis ka ng babaeng walang pinag-aralan o walang negosyo ang pamilya. Nakakahiya iyon sa mga kaibigan at business partner ng pamilya natin. And please, sana hindi ka na pumatol ng kasamabahay natin,” anito at nagkibitbalikat na lang siya.
Basta wala pa sa isip niya ang mag-settle down dahil sakit lang sa ulo ang mga babae. Mas gusto niya ang give and take lang sila ng mga babaeng lalapit sa kanya. Isa pa, sila naman pati ang lumalapit sa kanya kaya hindi siya makakabuntis dahil nag-iingat naman siya.
“That’s not gonna happen, mom,” sagot niya.
“Naku, baka kainin mo ’yang sinasabi mo.” Napatingin silang mag-ina sa nagsalita at si Myra iyon, ang kanyang nakatatandang kapatid na sinundan niya.
“Woah, you’re back! Kumusta bakasyon?” tanong niya. Tinapik nito ang braso niya bago lumapit sa kanilang ina para bumeso.
“Bakasyon sinasabi mo riyan? Negosyo inasikaso ko roon. May bagong business partner na sa America naka-base at kaya pinuntahan ko. So far maganda naman kinalabasan dahil pumayag siya. Magkakaroon na tayo ng branch sa America,” wika ng kaniyang ate. Liqour business din ang inasikaso nito at naka-base naman ito sa ibang bansa. Ayaw niyang bumabyahe sa ibang bansa kaya ate na lang niya ang nagpresinta para gawin iyon.
“Congrats, ate. Masaya akong makita ka pero kailangan ko nang umalis. Clear na ang schedule ko sa araw na ito kaya pwede na ulit akong mag-enjoy,” sambit niya at namulsang naglakad palabas.
“Matthew, ayusin mo lang,” sabi pa ng kanyang ina pero hindi na siya sumagot. Sisipol-sipol pa siyang naglakad palabas ng opisina.
Kung wala siyang makikitang sexy sa bahay na nila, sa Diamond Club meron. Marami. Isa iyong exclusive club na karamihan sa pumupunta ay magagandang babae. Kahit wala siyang gawin, tiyak na may kusang hahalik sa kanya at kakandong na ikatutuwa niya. At malaya silang gawin ’yon basta huwag silang aasang seseryosohin sila ni Matthew.
Sumakay siya sa sports car niya at sinipat ang suot niyang relo. Alasais y media na ng gabi kaya tiyak siyang marami nang tao sa Diamond. Kinuha niya ang cellphone niya upang tawagan si Kael, ang kaibigang matinik din pagdating sa babae. Isang ring lang ang sinagot agad nito ang tawag niya.
“Zup, bro!” aniya.
“Matthew, napatawag ka?” tanong nito kaya ngumisi siya.
“Busy ka? Mag-diamond tayo,” sambit niya. Narinig ko ang pagngisi nito sa kabilang linya.
“Ibang klase ka talaga. Nakakapaglaan ka talaga ng oras para sa babae,” sagot nito na ikinatawa niya.
“G*go! Parang ikaw hindi. Ano, game ka ba?” sagot niya. Humalakhak ito sa kabilang linya.
“Oo naman! Hindi ako pahuhuli sa ’yo!” sagot nito kaya napangisi lalo siya. Hindi talaga ito magpapatalo sa kanya sa tuwing magka-club sila.
“Sige, magkita na lang tayo sa diamond,” sagot niya at pinatay na ang tawag. Pagkatapos ay itinapon niya sa backseat ang cellphone at pinaandar na ang makina ng sasakyan palabas ng kanilang gate.
**
Napangiti naman si Stella nang maghain siya para sa hapunan nila ni Sky. Wala pa ang kanilang papa kaya sila lang ulit ang kakain. Madalas din naman nilang hindi makasabay ang kanilang ama sa pagkain kaya nasanay na rin sila ni Sky. Ininit niya ang natirang ulam kanina na itinabi niya para mas masarap ang kain nilang magkapatid.
“Kakain na tayo, Sky. Halika na,” tawag niya rito nang matapos niyang initin ang sabaw. Nasa sala ito dahol nanonood ng tv. Narinig niyang pinatay nito ang tv at naglakad papunta sa kusina.
“Hmm. Amoy masarap ang ulam, ate. May dala ka galing karinderya?” tanong nito sa kanya at umupo. Napangiti ito nang makita ang ulam na nakahain sa mesa. “Wow! Sinigang na baboy!” sambit nito. Natawa siyang umupo bago niya ito ipagsandok. “Oo at hindi ’yan galing karinderya. Binili ko ’yan,” sagot niya kaya napatingin ito sa kanya. Inilapag niya ang plato sa harap nito at ipinagsalok naman ito ng ulam.
“Talaga po? Saan galing pera mo, ate?” tanong nito.
“May bago na akong trabaho, Sky, kaya lang baka mag-stay in na ako roon. Okay lang ba na maiwan ka rito? Iniisip ko kasi ang kalagayan mo kung iiwan kita kay papa kaya balak ko sana mag-uwian na lang dahil hindi naman iyon ganoon kalayo,” sabi niya at inilapag ang mangkok na may ulam sa harap nito.
“Opo, okay lang ako. Palagi naman po ako sa school, ate, kaya hindi rin kami magkikita ni papa. Kaya ko na rin po asikasuhin ang sarili ko kaya huwag mo na po ako isipin, ate,” sagot nito pero hindi pa rin siya mapanatag. Nahihirapan siya dahil sa kanilang ama. Kung hindi sana ito ganoon madali lang sana siyang magdesisyon.
“Magiging okay lang ako, ate. Pwede naman po ako mag-text o tumawag sa inyo kung may problema rito,” sambit nito Napaisip naman siya sa sinabi nito at pwede naman nga iyon.
“Sige, pero pangako mo na mag-aaral kang mabuti, ah? Huwag ka magtatrabaho dahil kaya ako malalayo ng konti sa ’yo dahil para sa ’yo rin ’tong ginagawa ko, okay?” saad niya at tumango naman ito.
“Siya, kain na tayo at baka lumamig na ang ulam. Mas masarap kumain kapag mainit,” sabi niya at nagtawanan sila bago nagsimulang kumain.
Masaya na sila kahit ganoon lang pero mas masaya sana kung kasama nila sa hapag na ’yon ang kanilang ama. Kailan kaya ulit nila mararanasan na magkakasabay-sabay silang kumain?
Pagkatapos nila kumain ay niligpit na niya ang pinagkainan nila. Hinayaan na niya itong bumalik sa panonood dahil konti lang naman ang ligpitin. Hinugasan na rin niya iyon para magpapahinga na lang siya mamaya. Pagkatapos niya sa ginagawa niya ay pumasok siya sa kwarto at kinuha ang perang itinago sa envelope kanina saka lumabas ng kwarto. Tumabi siya kay Sky at iniabot ang envelope na ’yon sa kapatid kaya napatingin ito sa kanya bago tiningnan ang envelope.
“Ano po ’to, ate?” tanong nito nang tanggapin ang envelope.
“Panggastos mo dito kapag umalis ako. May grocery na rin diyan at bigas kaya wala ka na masyado iisipin. Pwede mo ’yan gamitin kapag may kailangan ka sa school mo,” sambit niya.
“Ang laki nito, ate,” sagot nito at akmang ibabalik ang envelope nang pigilan niya ito.
“Para sa ’yo talaga ’yan, Sky. Para sa pag-aaral mo, itabi mo muna kapag wala kang paggagamitan at kung maubos ’yan sabihin mo lang ako,” wika niya. Ngumiti ito at yumakap sa kanya.
“Salamat, ate,” sagot nito.
“Basta, mag-aral kang mabuti, ah. Huwag ka magbubulakbol, ah?” sabi niya habang nakayakap ito sa kanya.
“Opo, ate. Promise, magtatapos ako para sa ’yo. Salamat po, ate, dahil kahit hindi kinalakihan na may mama naramdaman ko naman ’yon sa ’yo,” sagot nito. Napangiti siya at hinaplos na lang ito sa buhok habang nakayakap sa sa kanya.
“Siya, mag-aasikaso lang ako ng mga dadalhin ko bukas. Manood ka muna rito,” sabi niya. Tumango ito at humiwalay sa yakap niya.
“Okay po, ate,” sagot nito sa kanya. “Huwag ka magpupuyat masyado, ah? May pasok ka pa bukas,” paalala niya. Tumango lang ito sa kanya habang nakangiti kaya bumalik na siya sa kwarto para mag-impake ng gamit na dadalhin ko bukas sa bahay ng mga Del Frado.