CHAPTER 1

2129 Words
MAAGANG gumising ang dalagang si Josephine upang ipagluto ng almusal ang pamilya Guevas na kaniyang pinagsisilbihan. “Magandang umaga po! Kumain na po kayo at nakahanda na po ang hapag kainan para sa inyong dalawa,” masaya niyang bati nang nakababa ng hagdan sina Christopher at Kylie Guevas. Sinuklian siya nito nang matamis na ngiti at tarantang ipinatong sa lamesa ang bag na hawak ng mga ito bago umupo sa silya. “Maraming salamat sa pagkain, Josephine. Sigurado akong masasarap na naman ang mga niluto mo,” puri sa kaniya ni Kylie na ikinakamot ni Josephine sa kaniyang ulo. “Kailan ba naman kasi pumalpak sa pagluluto si Josephine, `Ma?” natatawa namang tanong ng amo niyang lalaki na si Christopher habang kumukuha ng ulam. Magkasabay at nagmamadaling kumain sina Christopher at Kylie habang inihahanda naman ni Josephine ang babaunin nilang pagkain sa opisina. Habang ginagawa niya iyon, malawak ang ngiti niyang tinitignan ang mag-asawa. Gandang-ganda siya kay Kylie na may maamong mukha, matangos na ilong, maputi ang kulay ng balat, at may straight at kulay brown na buhok. Malayong-malayo sa hitsura na mayroon siya. Si Christopher naman ay mala santo sa kagwapuhan. Malaki ang kaniyang katawan, matangkad, malakas ang s*x appeal, kulay kayumanggi ang mga mata at higit sa lahat, nakakamatay ito kung ngumiti. Minsan niya man itong natipuhan ngunit pinigilan niya ang kaniyang sarili dahil may asawa at mga anak na ito. Isa pa ay malaki ang utang na loob niya sa asawa nitong si Kylie sa pagkupkop sa kaniya at pagbibigay ng marangal na trabaho. Nagtatrabaho bilang isang guro si Kylie at bilang isang businessman naman si Christopher kaya’t kapwa abala sa kani-kanilang trabaho. Tanging si Josephine lamang ang nag-aalaga sa dalawa nitong mga anak na sina Alfred at Mica na ang edad ay pito at walo. Nang natapos kumain ang mag-asawa ay kaagad nang umalis ang mga ito. Hindi na nila nagawa pang hintayin na magising ang dalawa nilang anak kaya’t si Josephine ay umakyat na sa ikalawang palapag ng kanilang tahanan upang gisingin ang kaniyang mga alaga. Pinakain niya ito, pinaliguan, binihisan, at hinatid sa eskuwelahan. Binantayan niya ang mga ito sa loob ng kanilang silid-aralan, at nang mag-alas dose na ng tanghali ay magkakasama silang umuwi. Nagmeryenda at naglaro ang mga bata; ilang sandali pa ay kaniya na itong pinatulog kaya’t muli siyang nagkaroon ng oras upang ipagpatuloy ang kaniyang paglilinis. Nag-iisa lamang na katulong si Josephine sa bahay na iyon kaya’t walang araw na lumipas na hindi niya naramdaman ang matinding pagod. Gayunpaman, masaya siya sapagkat nagkaroon muli siya ng pamilyang tumanggap sa kaniya nang buong-buo. Muling nanumbalik sa kaniyang isipan ang masamang trahedyang kumitil sa buhay ng kaniyang pamilya, tatlong taon na ang nakakaraan. “Oh, anak? Mag-iingat ka sa pagpasok mo sa eskwela at maraming loko-loko riyan sa raan. Baka kung ano ang mangyari sa iyo,” bilin ng kaniyang ina. “Sila ang matakot sa akin, `Nay! Malaki yata ang muscles ko, `no!” Inililis niya ang manggas ng kaniyang kasuotan at ipinakita ang braso sa kaniyang ina. “Paanong hindi lalaki ito, e, palagi akong nag-iigib ng tubig sa likod ng bundok," sarkastiko pa niyang dagdag at saka tawa. Malapit sa bundok nakatira ang mag-anak, at katabi lamang nila ang isa sa mga kilalang bundok sa kanilang lugar na sagana sa malinis na tubig at sariwang simoy ng hangin. Malakas na tumawa ang kaniyang ina at saka ginulo nang bahagya ang kaniyang buhok. “Pilyo ka talagang bata ka!” Bahagya pa niyang piningot ang pango nitong ilong. “Oh, siya! Humayo ka na at baka mahuli ka pa sa iyong eskwela. Mag-iingat ka, anak,” muli nitong paalala na tinanguan naman ng batang si Josephine. “Kayo rin po nina Tatay. Mag-iingat po kayo rito, Nanay.” Hinalikan ng malambing na bata ang kaniyang ama’t ina at saka lumisan. Isang maputik na daan ang kaniyang tinuon. Nitong alas kuwatro lang ng madaling araw ay umulan nang malakas kaya't lubhang naging napakaputik ng daan. Sa isip-isip niya'y ibig niyang magtanggal ng sandalyas sapagkat bumabaon ang kaniyang mga paa sa maputik niyang dinaraanan. Bago siya makalayo nang tuluyan sa kanilang tahanan ay muli niyang nilingon ang kaniyang ama't inang malawak ang ngiti habang siya ay tinitignan. Ang mga ngiting iyon ay naghatid sa kaniya ng pinaghalong takot, lungkot, at pangamba na hindi niya lubos maunawaan. Bilang balik ay kumaway rin siya sa mga ito. “Panginoon, gabayan po ninyo ang aking pamilya. Nawa'y ang nararamdaman kong ito ay wala lamang,” mahina niyang bulong sa kaniyang sarili. Muli niyang itinuon ang maputik na daan pagkatapos niyang bumuntonghininga. Ilang sandali pa ang lumipas ay bigla na lang niyang naramdaman ang malakas na pagyanig ng lupa na naging dahilan upang mapaupo siya sa putikan. Kaagad niyang nilingon ang kanilang tahanan at nasaksihan ng kaniyang mga mata ang pagkakagulo ng kaniyang pamilya. Pinilit niyang tumayo kahit siya'y nakararamdam ng sobrang pagkahilo dahil sa malakas na pagyanig ng lupang kinatatayuan niya. “Nanay, Tatay! Lumabas na kayo riyan! Wendy, Jacob! Labas!” malakas niyang sigaw na kulang na lang ay mapatid na ang ugat sa kaniyang lalamunan. Naghalo-halo na rin ang uhog at luha sa kaniyang mukha. “`Tay! `Nay!” muli niyang sigaw at tumakbo papunta sa kanilang kabahayan ngunit siya'y natigilan nang nasaksihan niya ang mabilis na pagbagsak ng malalaking tipak ng bato at lupa sa kanilang tahanan. Siya'y sandaling natahimik at bigla na lamang napasigaw ng malakas. “Tatay! Nanay! Hindi! Ang mga kapatid ko!” muli pa niyang sigaw habang humahagulgol sa pag-iyak. Tinangka niyang tumakbo upang puntahan ang kaniyang pamilya nang bigla siyang hablutin ng kaniyang Tiyo Juanito. "Anak! Ano ka ba? Umalis na tayo rito bago pa tayo lamunin ng mabangis na lupa!” garalgal ang boses nitong sigaw kay Josephine. “Hindi! Bitawan ninyo ako! Pupuntahan ko sina Tatay. Kailangan ako nila Nanay at ng mga kapatid ko! Ibaba ninyo ako!” Nagpumiglas siya at pinagpapalo ang dibdib ng kaniyang tiyo. Tila hindi niya batid ang panganib na kasalukuyang nangyayari. “Hindi na pwede, anak! Umalis na tayo! Baka tayo ay mamatay rin dito!” Niyakap siyang mahigpit ng kaniyang tiyo at siya'y tumakbo nang mabilis kahit na sila'y pagewang-gewang sa kanilang dinaraanan dahil sa napakalakas na lindol. Napatulala si Josephine habang tumatakbo ang tiyo niya sa kaniya ay bumubuhat. Marami sa mga kasamahan nila ang duguan na at pinipilit pa ring iligtas ang kani-kanilang sarili. Maraming umiiyak at humihingi ng tulong tungkol sa kanilang pamilya na natabunan din ng lupa. Marami sa kanila ang nangadarapa sa pagtakbo. Sobra man ang lakas ng lindol ay pinipilit ng bawat isa ang makaligtas sa tiyak na kapahamakan. Pumikit na lamang si Josephine upang hindi makita ang bangungot na ngayon ay kasalukuyang nangyayari. “Ang aking pamilya, paano na sila?” Malalim na napabuntonghininga ang dalagang si Josephine. Muli niyang naramdaman ang masakit niyang nakaraan. Tila ay bumigat ang kaniyang magkabilang balikat. Nakita man ang katawan ng kaniyang pamilya ngunit wala na itong mga buhay. Marami siyang pinagdaanan bago siya napunta sa pamilyang Guevas na kumupkop sa kaniya. Masuwerte pa rin siya sapagkat binigyan pa siya ng Panginoon ng ikalawang pagkakataon upang mabuhay at tahakin ang buhay na sa kaniya ay nakatadhana. Mabilis na lumipas ang maraming araw, at katulad ng dati ay paulit-ulit lamang ang kaniyang ginagawa. Gumigising nang maaga upang ipagluto ang mag-asawang Guevas, pagsilbihan ang mga bata, ihatid at bantayan sa eskuwela, iuwi nang ligtas, pakainin, patulugin, maglinis ng buong kabahayan at marami pang iba. Nakararamdam siya ng lungkot paminsan-minsan sapagkat nag-iisa lamang siyang katulong na gumagawa sa lahat ng gawaing bahay. Napakalaki ng bahay ng pamilyang kaniyang pinagsisilbihan na kung minsan ay mansyon na niyang tawagin. Para siyang nasa isang malaking palasyo. Lahat ng mga gamit nila ay mamahalin. Kaya naman ingat na ingat siya sa bawat paglilinis sapagkat ilang beses na siyang kinaltasan dahil sa mga hindi sinasadyang nabasag. Nang marinig niyang bumukas ang pintuan ng bahay ay kaagad siyang napatayo mula sa pagkakaupo. Kasalukuyan kasi niyang pinupunasan ang mga koleksyon na figurine ni Kylie. “Ano ka ba naman, Christopher? Sinabi ko naman sa `yong alas otso na ako ng gabi makakauwi dahil hindi pa tapos ang pag-aayos ng stage para sa program ng mga bata bukas! Para akong sisiw na pinapauwi mo kanina. Alam mo namang eskuwelahan lang ang pinupuntahan ko at wala ng iba pero iyang pagseselos mo, sobra!” magkasalubong ang kilay na sigaw ni Kylie sa amo niya. “Alas otso? Uwi pa ba iyon ng isang babae, ha? May dalawa ka ng anak, Kylie! Hindi ka na dalaga!” sagot naman ni Christopher na nanglalaki rin ang mga mata. “Ano’ng sinasabi mo? Ano’ng koneksyon ng mga iyan sa program para bukas ng mga estudyante ko? Alam mo kung ano ang trabaho ko! Alam mong ako rin ang nakadestino sa pag-aayos ng program para bukas! Kaya ano’ng sinasabi mo? Sino na naman bang co-teacher ko ang pinagseselosan mo, ha?” mataray na tanong ni Kylie kay Christopher habang dinuduro ang mukha ng sariling asawa. Napayuko na lamang si Josephine at hindi na sila tinignan. Yumuko siya sa mga ito senyales ng paggalang sa kanilang pag-uusap at dahan-dahang nilisan ang sala upang magkaroon ang mga ito ng privacy. Narinig niyang sumagot nang sumagot si Christopher kay Kylie at ngayon ay kailangan na niyang puntahan ang mga bata sa kuwarto upang matiyak niyang hindi maririnig ng mga ito ang pag-aaway ng kanilang mga magulang. Kapansin-pansin ang napadadalas nilang pag-aaway na mag-asawa. Pakiramdam ni Josephine ay oras-oras na may pinagseselosan si Christopher. “Away nilang mag-asawa `yan kaya bahala sila. Dapat lang na mag-usap sila, pero sana huwag maapektuhan itong mga alaga ko dahil sa pag-aaway ng kanilang mga magulang,” mahinang bulong ng dalaga sa kaniyang sarili habang tinitignan ang mga batang abala sa pagkukulay. “Babi, nagwa-war po ba sina Mommy at Daddy?” tanong ng batang si Mica na ang gulang ay pitong taon lamang. “No, baby. Nag-uusap lang sila. Ituloy mo na ang pagco-color mo,” pag-iiba ni Josephine sa usapan na tinanguan naman ni Mica. Nagpatuloy silang magkapatid sa pagkukulay ng mga coloring book na binili ng kanilang mga magulang. Ikinandado niya ang pinto at nilakasan ang aircon upang hindi marinig ng mga bata ang masasakit na salitang lumalabas sa bibig ng mga magulang ng mga ito. Masakit para sa akin na makita ang mga batang ito na ibinabaling na lamang ang atensyon sa ibang bagay sa halip na sulitin ang mga oras ng kanilang mga magulang habang sila ay nabubuhay. Pero kung sabagay, bata pa naman sila at abala rin ang mga magulang. Sa ilang araw pang nagdaan, napapansin na rin ni Josephine ang hating gabing pag-uwi ni Christopher nang lasing na lasing. Alam niyang mayroon itong dinadalang problema. Maya't maya pa rin ang pagtatalo na mag-asawa. Si Kylie naman ay halos hindi na lumalabas sa silid nito at abala sa kung ano-ano’ng papel na tsinetsikan. Bukod na rin sila ng silid. Iba na ang kuwarto ni Kylie at ang kuwarto ni Christopher. Magkasama man sila sa iisang bubong, ngunit pakiramdam ni Josephine ay mayroong sirang pamilya ang mga batang kaniyang inaalagaan. “Nawa’y maging maayos na ang kanilang pagsasama,” muli niyang bulong sa kaniyang sarili. Naglinis ng katawan si Josephine sa banyo upang presko siyang makatulog. Sobra ang pagod na kaniyang nararamdaman dahil sa maghapong pagtatrabaho kaya naman maligamgam na tubig ang ipinangpaligo niya upang makaramdam ng ginhawa ang kaniyang katawan. Nang natapos ay nagbihis siya at ibinalot sa tuwalya ang buhok upang makapagsipilyo. Lumabas siya sa pintuan matapos, eksakto namang pagdating ni Christopher na gumegewang sa paglalakad nito. “Oh, sir? Ayos lang po ba kayo?” tanong niya, nag-aalala bago hinawakan ang braso nito. Idinilat lamang nito nang bahagya ang mga matang may malagkit na pagtitig sa dalaga. Nakaramdam ng kakaibang kaba si Josephine na hindi niya lubos maunawaan. “Oh, Josephine? Ikaw pala.” Hinawakan nito ang pisngi ng dalaga na siyang nagpatindig sa mga balahibo ni Josephine. Nang maramdaman niya iyon ay balisa niyang binitawan ang braso ni Christopher. Bigla siyang kinilabutan mula ulo hanggang paa. Ang mga titig ni Christopher sa kaniya ay para bang may halong pagnanasa sa mamasa-masa niyang katawan. “Oh, b-bakit?” Itinuro nito si Josephine na walang lakas ang mga braso at papikit-pikit ang mga mata kung makatitig; akala mo ay pagmamay-ari nito ang kaharap. “W-Wala po, sir.” Tumakbo nang mabilis si Josephine paakyat sa kaniyang silid, ngunit naisipan niyang sa kuwarto siya ng mga bata matutulog. Ikinandado niya ang pintuan at mga bintana. Hindi niya nagustuhan ang paghawak at pagtitig sa kaniya ni Christopher habang lasing ito. Tinignan niya ang kaniyang katawan at mabilis na napayakap sa kaniyang sarili. “Hindi! Huwag naman sana. Ayoko!”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD