HABANG tumatagal ay mas lalong nakakaramdam ng pagkailang si Josephine sa amo niyang lalaki. Ang malagkit na pagtitig ni Christopher sa kaniya ay hindi maalis-alis kahit na kaharap nito ang kaniyang asawa habang sila ay kumakain ng agahan. Pareho silang nakagayak upang pumasok sa opisina at paaralan.
Kagat-labing nakayuko si Josephine habang nakatayo sa likuran ni Kylie. Ayaw niyang taasan ng tingin si Christopher dahil alam niyang malulusaw lang siya sa malagkit nitong pagtitig. Hindi niya alam kung bakit bigla na lang nag-iba ang tingin ni Christopher sa kaniya. Babae siya at nararamdaman niya iyon. Kung kailan magdadalawang taon na siyang naninilbihan sa kanila at saka pa nag-iba ng pakikitungo si Christopher sa kaniya.
“Yaya, ipagluto mo ng bacon at hotdog sina Alfred at Mica,” malamig na utos ni Kylie sa kaniya.
Tumango siya at sumagot ng opo. Nilisan niya ang hapagkainan at nagtungo sa kusina upang ipagpirito ng mauulam ang mga bata.
“Hindi kaya masarap ang pagkakaluto ko ng kaldereta? Pero okay na rin iyon. Nakatakas ako sa malagkit na pagtitig ni Sir Christopher,” aniya sa kaniyang isipan.
Sa sobrang pagkatulala niya habang nagluluto ay napasigaw na lang siya nang bigla siyang matalamsikan ng kumukulong mantika. Kaagad niyang kinuskos ang brasong napaso at mabilis na nanggilid ang mga luha.
“Josephine!” narinig niyang sigaw ni Christopher.
Nagulat na lang siya nang makitang halos lumipad si Christopher sa ere, mapuntahan lang siya kaagad. Hindi tuloy niya napigilan ang pagnganga.
“Ano'ng nangyari? Ayos ka lang?” nag-aalalang tanong ni Christopher at saka hinawakan ang braso niyang naglilintusan na ngayon dahil sa tumalamsik na mantika.
Kabang walang kapantay ang naramdaman ni Josephine kasabay ang pagkailang at biglang pagkaramdam ng takot kay Kylie nang makita niyang masama ang pagtitig nito sa kaniya. Awtomatikong napaatras ang isa niyang paa palayo sa amo niyang lalaki na bakas ang sobrang pag-aalala sa mukha nito.
“O-Okay lang po ako, sir. Nagulat lang po ako. Sige po, sir. Gigisingin ko lang po ang mga bata,” sagot niya at iniwasan niya ng tingin si Christopher. Bago siya umalis ay pinatay niya muna iyong stove at mabilis na naglakad paakyat sa ikalawang palapag ng bahay para puntahan sina Alfred at Mica.
Nang makapasok siya sa loob ng kuwarto ng mga bata ay napasandal siya sa likuran ng pinto at magkabilang kamay na napahawak sa dibdib kasabay ang malalim na pagbuntonghininga.
“May gusto yata talaga sa akin ang lalaking iyon. Paano na kaya ito? Dapat yata ay mag-resign na ako hanggang maaga pa para makaiwas at hindi na ito lumala pa, pero paano? Saan ako pupulutin, e, wala na akong pamilyang mapupuntahan? Ang hirap naman!” Bahagya niyang binatukan ang kaniyang sarili. “Nakaka-stress!” dagdag niya pa.
Ginising niya ang mga bata at pinagsipilyo sila sa banyo pagkatapos ay sabay-sabay silang bumaba ng hagdan. Si Christopher kaagad ang una niyang nakita kahit na si Kylie ang nag-aabang sa kanila sa hagdan.
Awtomatiko siyang napaiwas nang nagtama ang mga tingin nila ng amo niyang lalaki. Ang mabilis na pagpintig ng puso niya ang mas nangingibabaw sa kaniya.
“Hindi ito iyong kilig, e. Takot ang nararamdaman ko. Sobrang takot,” mahinang bulong niya.
“Baby, aalis na si Mommy, ha? Behave lang kayo ni Kuya, okay?” mapang-u***g bilin ni Kylie sa mga bata at saka niya hinalikan sa noo at magkabilang pisngi si Mica. Ganoon din ang ginawa niya sa alaga ni Josephine na si Alfred.
“Mag-uuwi na lang ng pasalubong si Mommy! Mag-study kayo nang mabuti, okay? Bye!” dagdag pa nito at iniwan na ang mga anak. Nauna itong lumabas ng bahay habang nakatingin ang mga anak nito sa kaniya.
Napalingon si Josephine kay Christopher na hanggang ngayon ay hindi umaalis sa kaniyang kinatatayuan. Malagkit na may halong pang-aakit siyang nakatingin kay Josephine na mabilis din namang iniwasan ng tingin ng dalaga.
“Magpapakabait kayo sa yaya ninyo para may reward kayo kay Daddy, ha?” wika pa nito at muling tinignan ang dalaga mula ulo paibaba sa kaniyang dibdib bago ngumisi. Bago siya umalis ay tinapunan pa niya ng kindat si Josephine na nagbigay kilabot sa dalaga.
Kung ang iba ay kikiligin, siya naman ay hihimatayin. Hihimatayin siya sa kakapalan ng mukha ni Christopher. Ang akala niya siguro ay sobrang guwapo niya. Gayunpaman, lalong bumabaon sa isip at puso niya ang labis na pangamba na baka mamaya ay bigla na lamang siya nitong galawin. Kapag nangyari iyon, hindi niya na alam kung ano pa ang maaari niyang gawin. Nanaisin niya na lang yatang mawalan ng hininga dahil hindi niya na alam kung ano pang mukha ang ihaharap niya sa amo niyang babae na nagdala sa kaniya sa bahay na ito at nagsimulang kumupkop sa kaniya.
Kung hindi lang dahil kay Kylie at sa mga bata ay umalis na siya rito magmula nang nakitaan niya ng kakaibang kilos ang kanilang padre de pamilya.
Pinakain at pinaliguan ni Josephine ang mga bata at saka niya ito hinatid at binantayan sa eskuwelahan katulad ng palagi niyang ginagawa. Nang nakauwi sila ay nanood naman sina Alfred at Mica ng TV habang siya ay sinamantala iyon upang maglinis. Mabilis na lumipas ang mga oras hanggang ang mga bata ay nag-aya nang umakyat sa taas upang matulog.
Alam na nila Alfred at Mica ang karaniwan nilang ginagawa pagkatapos magpahinga galing sa eskwela kaya hindi na masyadong nahihirapan pa si Josephine. Nang masigurado niyang mahimbing na ang tulog ng mga ito at saka naman siya bumaba para ipagpatuloy ang paglilinis.
Hindi niya maiwasan ang pagkatulala sa tuwing naiisip niya si Christopher na sobrang nagbibigay sa kaniya ng kabang hindi niya maipaliwanag. Kung maaari lang na hindi na sila muli pang magtagpo ay gagawin niya talaga.
Nang natapos niyang hugasan ang mga pinagkainan, nagpunta naman siya sa harap ng pinto para lumabas at linisin ang hardin nang bigla namang iluwa ng pinto si Christopher na labis niyang ikinagulat.
Animo'y pinagtatambol ang dibdib niya sa sobrang kaba. Napaatras siya nang dalawang hakbang palayo kay Christopher na siya namang paglapit niya sa kaniya at pagtitig nang hindi maganda. Iyong pagtingin na palagi niyang ginagawa. Ang tingin na punong-puno ng pagnanasa.
“S-Sir, a-ang aga niyo naman pong dumating,” napapakamot sa ulong sabi niya at saka siya iniwasan ng tingin.
“Yes. Ayaw mo ba?” mapang-akit niya pang tanong na mas lalong nagpalaki sa mga mata niyang may pagkasingkit, kasabay ang bigla na lamang paglapat ng mga palad niya sa magkabilang balikat ng dalaga.
Para siyang binuhusan nang malamig na tubig. Naramdaman niya ang biglang pagtindig ng mga balahibo niya.
“S-Sir, a-ano po’ng ginagawa ninyo?” magkasalubong ang kilay niyang tanong kay Christopher. Panay siya sa pag-iling sa magkabilang kamay ni Christopher na nakahawak sa braso niya.
“Wala naman. Ayaw mo bang mag-enjoy?” wika pa niyang may halong pang-aasar kasabay ang malagkit na pagtitig.
Lalong nagngalit ang mga kilay niyang nagsasalubong. Kaagad niyang itinulak ang mga braso nito palayo sa kaniya.
“Nananahimik ako, sir! Tigilan ninyo ako!” Tumakbo siya nang mabilis paakyat sa kuwarto ng mga bata upang doon makapagtago, subalit nakakandado iyon. Kinapa niya ang susi sa kaniyang bulsa ngunit wala ito. Naalala niyang ipinataong niya iyon sa lamesa habang naglilinis siya sa ilalim ng lababo kanina.
Wala nang sapat na oras upang bumalik doon. Wala na siyang pamimilian kung hindi ang pagtatago sa kuwarto niya.
Naghalo-halo na ang matinding kaba, takot, panginginig ng katawan at pagpapawis niya nang malamig. Nang nakapasok siya sa loob ay ikinandado niya iyon maging ang nag-iisang bintana ng kuwarto niya.
Abot-langit ang kaniyang pagdarasal na sana ay umalis na si Christopher o hindi kaya'y dumating na ang amo niyang babae galing sa trabaho nito.
“Oh, Diyos ko, iligtas ninyo ako,” magkadikit ang palad niyang panalangin kasabay ang sunod-sunod na pagtulo ng kaniyang mga luha.
Lumipas ang ilang oras na hindi niya paglabas sa kwarto. Unti-unti na ring naglaho ang kabang nararamdaman niya. Nang maging maayos na talaga ang nararamdaman niya ay dahan-dahan niyang ibinukas ang pintuan ng kaniyang kwarto at inilusot roon ang kaniyang ulo upang silipin ang paligid kung naririto pa ba ang amo niyang lalaki. Nang nasigurado niyang wala na ito ay lumabas na siya nang tuluyan sa kaniyang kuwarto. Hinanap niya ito sa buong kabahayan at wala nga ito. Tinignan niya rin ang labas ng bahay, wala na rin doon ang kotse ng kaniyang amo. Tuluyan na ngang nakahinga ng maluwag si Josephine.
Muli niyang binalikan ang mga nililinis niya. Nang nakita niya ang mga susi sa lamesa ay kaagad niya iyong kinuha. Muli pang nahagip ng mga mata niya ang isang maliit na kutsilyo na sobrang dalang niya lang gamitin. Nilapitan niya iyon at kinuha.
“Mabuti nang handa,” mahina niyang bulong at saka iyon itinago sa kaniyang bulsa.
Apat na oras pa ang lumipas. Magkasabay na umuwi sina Christopher at Kylie. Kaagad siyang napaiwas ng tingin nang nagtama ang mga tingin nila ni Christopher. Mas lalong bumalik sa alaala niya ang mga nangyari kaninang tanghali.
“Yaya, pakidalhan ako ng yelo sa kuwarto ko. Namamaga ang braso ko,” utos ni Kylie na kaniyang tinanguan.
Pinansin niya si Christopher ngunit wala itong reaksyon nang sabihin ni Kylie na namamaga ang braso nito. Napabuntonghininga na lamang si Kylie at umiling. Umakyat siya sa ikalawang palapag ng bahay at pakiramdam niya’y mas lalo niyang naramdaman ang mabigat na presensya. Nalungkot siya para sa amo niyang babae. Mukhang nagpapaawa siya sa kaniyang asawa at ninanais ang oras at atensyon nito, ngunit si Christopher ay parang wala na lang. Imbis na ang asawa niya ang tinitignan ay siya na katulong niya ang pinagtutuunan niya nang malagkit niyang pansin.
Sino bang katulong na nasa sitwasyon niya ang hindi maiilang, matatakot, at mahihiya kay Kylie?
Niyukuan niya si Christopher na huminto sa kaniyang tapat. Nagpaalam siya sa kaniyang aalis na siya upang sundin si Kylie. Hindi niya na hinintay na makasagot pa si Christopher at umalis na siya bago pa man siya nito mapigilan.
Nang nakakuha siya ng yelo ay dinala niya iyon sa kuwarto ni Kylie. Katulad ng palagi niyang ginagawa ay binubuksan niya iyon at kusa na siyang pumapasok kapag alam niyang si Kylie lang ang laman ng kuwartong iyon.
“Madame, naririto na po ang yelong ipinag-uutos ninyo,” malumanay niyang wika.
“Pakilagay na lang diyan sa lamesa. Salamat, Yaya,” anito.
Nakaupo si Kylie sa gilid ng kama at nakatalikod sa kaniya. Hawak niya ang kanang braso at tila namimilipit sa sakit. Mula sa kinatatayuan ni Josephine ay kitang-kita niya ang namamaga ng braso ng amo niyang babae.
“Madame, maaari po ba akong lumapit sa inyo?” nagbabakasakaling tanong ng dalaga.
Baka kung lumapit siya kay Kylie nang hindi nagpapaalam ay magalit siya gayong alam niya namang hindi sila okay ni Christopher ngayon.
“Oo, yaya. Pasensya ka na at makirot talaga ang braso ko,” tugon nito.
Tinanguan niya ito at kinuha sa lamesa ang yelo. Binalot niya iyon sa bimpo. Lumapit siya kay Kylie at umupo sa tabi nito. Inililis ni Josephine ang manggas ng damit ni Kylie at dahang-dahang idinampi ang malamig na yelo sa braso ng amo.
“Ano po bang nangyari sa braso ninyo, Madam?” mausisang tanong niya.
Hindi niya mapigilan ang kuryosidad na bumabalot ngayon sa kaniyang isipan.
“Nag-away kami kanina ni Sir Christopher mo at pinagbuhatan niya ako ng kamay. Pabigla at mahigpit niyang hinila ang patpatin kong braso kasabay ang malakas na pagsampal sa pisngi ko. Huwag ka na lang maingay at magkunwari kang walang alam. Sobrang sama lang ng loob ko, yaya. Hindi ko ni minsan inakalang kaya akong saktan ng sarili kong asawa. Ang akala ko ay malayong-malayo siya sa ibang mga lalaking nakarelasyon ko noon, ngunit mas masahol pa pala siya.”
Nabigla si Josephine sa mga sinabi ng amo niyang babae. Gustuhin man niyang mang mag-react at muling magtanong ay pinigilan niya na lamang ang kaniyang sarili. Hinayaan niyang ipagpatuloy ni Kylie ang kaniyang sinasabi.
“Ilang beses na ba siyang nangbabae? Hindi ko na mabilang, yaya. Wala pa kaming anak ay maya't maya na lang naming pinag-aawayan ang pambababae niya. Kung ikaw ba ako kanina ay hindi ka mapapasugod bigla?” Biglang lingon ni Kylie sa kaniya at nakita niya ang ngayon ay namumugtong mga mata nito.
“A-Ano po bang nakita ninyo?”
“May kahalikan lang naman na babae ang asawa ko sa coffee shop na madalas naming puntahan noong mga dalaga at binata pa lamang kami. Sa coffee shop kung saan ay sinagot ko nang ligawan niya ako. Sa coffee shop kung saan ay marami nang masasayang alaala ang nakatira. Hindi mawala sa isip ko kung paano niya hawakan ang batok ng babae niya habang naglalapat ang mga labi nila. Ngayon ang pakiramdam ko, nandidiri ako sa mga labi ng aking asawa,” mahaba niyang kuwento na punong-puno ng emosyon.
Hinagod ni Josephine ang likod nito at nagpatuloy lamang si Kylie sa pagkukwento.
“Paulit-ulit niya na itong ginawa sa akin, yaya, pero hanggang ngayon ay hindi pa rin ako nasasanay. Kailan kaya ako matututo sa kaniya? Kailan ko kaya matatanggap na ang asawa ko, babaero nang talaga? Masakit, yaya. Sobrang sakit.” Bahagya niyang kinabog ang dibdib niya at dahan-dahang humagulgol sa pag-iyak.
Hindi siya nagsalita at sa halip ay niyakap niya na lamang ang amo niyang babae. Ito ang unang pagkakataon na niyakap niya ito.
“Ang sakit lang kasi, yaya, e. Daig ko pa ang sinaksak ng sampung matutulis na kutsilyo sa dibdib. Gusto ko siyang kalimutan at ang nangyari kanina pero hindi ko magawa. Sariwang-sariwa sa alaala ko kung paano siya magpakasarap habang hinahalikan niya ang labi ng babaeng hindi naman niya asawa at hindi ina ng mga anak niya,” punong-puno ng hinanakit na sabi niya.
Maging siya ay naaawa at sobra ring nasasaktan para kay Kylie. Sobrang hardworking ni Kylie at hindi siya iyong tipo ng amo na nananakit ng katulong o nangmamalupit. Hindi rin siya nananakit ng anak at mas lalong hindi niya ni minsan sinaktan ang asawa niya kahit sobra na ang galit niya rito. Madalas pa ngang makita ni Josephine na si Kylie ang sumusuyo kay Christopher na dapat ay ang amo niyang lalaki ang gumagawa.
Hinayaan niyang ilabas ni Kylie ang lahat ng sama ng loob niya hanggang sa siya ay nakatulog. Dahan-dahan niyang nilisan ang kuwarto nito at saka bumalik na sa kusina upang maglinis. Patuloy niyang nararamdaman ang panlulumo. Pangarap niyang magkaroon ng asawa ngunit sa nakikita niya ngayon sa mga amo niya ay nakararamdam na siya ng takot. Takot na baka paulit-ulit din siyang lokohin ng magiging asawa niya. Takot na baka paulit-ulit niya ring piliting ayusin ang pamilya niyang sinisira ng asawa niya.
Nang natapos siyang maglinis at nang nakakain na ang mga bata ay naligo na siya sa banyo pagkatapos niyang magpahinga nang isang oras sa kaniyang kuwarto. Sabik na sabik na siyang matulog dahil sobrang pagod na pagod na siya. Pakiramdam niya ay lalagnatin pa siya. Panalangin niyang huwag dahil marami pa siyang gagawin kinabukasan.
Lumundag siya sa kama matapos niyang linisin ang kaniyang katawan. Naramdaman niya ang pag-unat ng likod niya.
“Ang sarap sa pakiramdam. Parang maghapong hinanap-hanap ng katawan ko ang pag-unat ng likod ko sa kama,” aniya. Dahil sa pagod ay mabilis siyang nakatulog.
Makalipas ang sa tingin niya ay dalawang oras niyang pagtulog ay bigla niya na lamang naramdaman ang mga palad na gumagapang sa kaniyang hita. Kumunot at nagsalubong ang mga kilay niya. Kaagad siyang napatingin sa kaniyang hita nang biglang nanlaki ang mga mata niya matapos niyang makita na nakapagitna sa mga hita niya ang mukha ni Christopher na halatang-halatang may kung ano nang nararamdaman na sekswal sa kaniyang sarili. Awtomatiko siyang napabalikwas ng bangon at napasigaw nang malakas.
“Shh! Huwag kang maingay! Naudlot ang pag-e-enjoy natin kanina nang takbuhan mo ako kaya ngayon na lang natin iyon ituloy. Papaligayahin kita, Josephine,” mapang-akit niyang tugon gamit ang malambing niyang boses.
Mistulang nagwala ang mga alagang daga ni Josephine sa kaniyang dibdib. Mabilis siyang pinagpawisan nang malamig. Nanginginig ang buong katawan niya at hindi niya alam ang gagawin niya.
“S-Sir, p-pakiusap po. H-Huwag niyo pong g-gawin sa akin ito,” pakiusap niya habang nangangatog na ang mga labi niya sa takot.
“Ano'ng huwag? I'll promise. Makakalimutan mo ang sarili mong pangalan sa sarap na ibibigay at ipaparanas ko sa iyo,” wika pa ni Christopher at hinila ang dalawang paa ni Josephine at ibinukaka iyon sa kaniyang harap. Maikling short na medyo maluwag at manipis ang suot ng dalaga. Hindi niya ugaling magsuot ng bra at underwear kapag natutulog siya kaya't alam niyang halos ay nakalantad na sa harapan ni Christopher ang kabuuan ng kaniyang katawan.
Nagpumiglas siya at pinagsisipa niya si Christopher hanggang sa tamaan siya sa ulo at bumaliktad sa kama. Sinamantala niya ang pagkakataong iyon upang makatakbo at makalabas ng kuwarto. Nagpunta siya sa kuwarto ng mga bata at ikinandado iyon. Iniharang niya ang dalawang durabox ng mga bata sa pinto. Isinara niya rin ang bintana at ibinaba niya ang kurtina. Nanginginig siya sa takot na niyakap niya ang mga batang mahimbing na natutulog.
Paulit-ulit siyang nagdasal na sana ay hindi siya pasukin nito sa kuwarto ng mga bata.
“Diyos ko, ano ba kasing nangyayari sa lalaking iyon?”