NANG malaman ni Kylie na day off ngayon ng asawa niya, nagkunwari siyang may sakit at nagpaalam sa school na kaniyang pinagtatrabahuhan na hindi siya makapapasok.
Walang sinabi sa kaniya si Christopher na may lakad siya o kung ano man ngayon. Sitting pretty lamang ito sa sala habang nakataas ang dalawang paa sa lamisita. Si Josephine naman ay naglilinis hindi kalayuan sa kinalulugaran ni Christopher.
Makita pa lang niya silang dalawa na medyo malapit sa isa’t isa ay kumukulo na ang kaniyang dugo. Magdadalawang taon na o mahigit nang dalawang taon na naninilbihan sa kanila si Josephine pero ang ipinagtataka ni Kylie ay bakit ngayon pa siya natipuhan ni Christopher?
Gayunpaman, gusto ni Kylie na mahuli sila nang makasigurado siya kung ano ang namamagitan sa kanilang dalawa ni Josephine. Mahirap namang lumusob sa isang laban nang wala siyang dalang armas. Ayaw niyang mapahiya kaya kailangan niyang makita o makakuha ng pruweba.
“`Ma, wala ka bang pasok?” tanong sa kaniya ni Christopher nang maraanan niya siya sa sala. Papunta siya kunwari ngayon sa banyo.
“Wala. Day off ko,” malamig niyang sagot.
“Nagd-day-off ka pala?” Napabalikwas si Christopher sa pagkakaupo at gulat na gulat siyang tinignan.
“Bakit? Ayaw mo ba?” Ngumisi siya.
“H-Hindi naman,” tipid na sagot ni Christopher.
Nakita ni Kylie ang paglunok nito ng laway at pag-iwas sa mga tingin niya.
“Sinasabi ko na nga ba! Talagang may binabalak itong gawin. Nararamdaman ko. Kilala ko ang asawa ko kaya ang mga galawan niyang ganito ay alam na alam ko na,” aniya sa kaniyang isipan, “Talagang mapapatay kita, Christopher!” dagdag pa niya.
Buong maghapon niyang binantayan ang bawat kilos ng katulong niya at ng kaniyang asawa. Kulang na nga lang ay kumain pa siya ng popcorn at uminom nang malamig na juice habang pasimpleng pumoporma ang asawa niya kay Josephine. Nagkukunwari siyang hindi iyon napapansin kahit sa loob-loob niya ay gusto niya na silang pagbuhulin na dalawa.
“Subukan mo lang magpahuli sa akin, Christopher. Talagang makakalbo ka nang walang bayad at nang hindi nabibilad sa araw para magpunta sa barber shop,” muli niyang bulong.
Mukha namang napansin ni Josephine ang masamang pagtitig sa kaniya ni Kylie kaya umiwas ito ng tingin at umalis sa harap nilang mag-asawa.
“Oh, Josephine? Saan ka pupunta?” tanong ng asawa niyang ikinataas niya ng kilay.
Humarap naman itong si Josephine na halata mong kinakabahan na.
“S-Sa k’warto po ng mga bata. Gigisingin ko lang po sila para makakain na po sila ng almusal,” anito.
Isang beses na tumango si Christopher at kapwa nakataas ang kilay na muling ibalik sa cellphone ang tingin. Palagay ni Kylie ay naglalaro na naman ito ng kinaaadikan niyang online games.
“Pagdala mo ako ng sandwich at juice pagbaba mo, ha?” utos pa nito.
Walang nakakasama ng loob sa sinabi ni Christopher pero pakiramdam ni Kylie ay painitan ng tubig ang dugo niya at kanina pa kumukulo sa kanila. Pakiramdam niya kasi ay gumagawa ng paraan ang asawa niya para mapalapit kay Josephine.
“Ito namang si Josephine, tatanga-tanga! Gusto rin yatang kumabit sa asawa ko, e,” naiinis niya na namang bulong.
“Ah, Mama? May lakad nga pala ako ngayon. Isasama ko sana ang katulong natin na si Josephine para magbitbit ng mga bibilin ko,” anito nang hindi nagtataas ng tingin sa kaharap niya. Naka-focus lang siya sa nilalaro at may pag-ikom pa ng bibig habang bumabaril ng kalaban.
“Bakit kailangan mo pa siyang isama? May mga kamay at paa ka naman, `di ba? Si Josephine, kinuha kong katulong para sa loob lang ng bahay at hindi para utusan mo hanggang laba—”
Hindi na niya naipagpatuloy ang sinasabi niya nang biglang sumigaw si Christopher, “Tang*na! Talo na naman!”
Sa inis ni Kylie ay dinampot niya ang remote na nakapatong sa kaniyang tiyan at naibalibag iyon kay Christopher. Tumama iyon sa noo nito.
“Huwag kang bastos, ha!” sigaw niya. Kitang-kita sa mukha niya ang panggagalaiti.
“Ano ba, `Ma? Ang sakit, ah!”
“Wala akong pakialam! Huwag mo akong binabastos sa loob ng pamamahay ko!” sigaw pa niya.
Tignan mong kanina pa kumukulo ang dugo ko, dadagdagan mo pa!
“Inaano ba kita? Ano bang problema mo?”
“Ikaw! Ikaw ang problema ko!” tugon niyang nakasigaw habang nanlalaki ang nanlilisik niyang mga mata.
“Ano kamo? Ako pa talaga, e, ikaw ang laging badtrip diyan! Kung may problema ka sa sarili mo, huwag mo akong maramay-ramay!” Tinapunan siya ni Christopher nang masamang tingin bago umalis. Iniwan niya siyang nanggagalaiti habang nakatayo.
“B’wiset!” Napakamot siya sa kaniyang ulo at saka nagpamaywang.
“Hoy, Josephine! Nasaan ka bang babae ka, ha? Bilisan mo at aalis na tayo!” malakas na sigaw ni Christopher kaya napabaling ang ulo niya sa hagdan na tinawid ni Christopher paakyat sa ikalawang palapag.
Nagtungo rin si Kylie roon. Binilisan niya ang pag-akyat sa hagdanan. Nang nakarating na siya roon ay ang saktong pagpasok naman ni Christopher sa kuwarto ni Josephine. Sinundan siya ni Kylie. Pumasok din siya roon at nakita niya ang mahigpit na paghawak ni Christopher sa braso ni Josephine. Halata na kay Josephine ang takot at kaba.
“Sasama ka sa akin sa ayaw at sa gusto mo!” sigaw pa nito. Napapikit naman si Josephine.
“P-Pero, sir, p-pakakainin ko pa po kasi ang mga bata.”
“Sino bang amo mo rito, ha? Ako, `di ba? Ako ang nagpapasahod sa `yo kaya sundin mo ako!”
“Teka! Teka! Ano kamo, Christopher? Ikaw ang nagpapasahod kay Josephine?” Pumasok si Kylie sa eksena at hinablot niya ang kamay ni Josephine mula sa nagngangalit na si Christopher. Kahit naiinis siya kay Josephine ay hindi niya pa rin maatim na sinasaktan siya ng asawa niya.
“Oh, bakit? Totoo naman, `di ba? Ako ang gumagastos para bayaran siya, pagkatapos pagsama lang sa akin, hindi pa niya magawa?”
“For your information, Christopher, pera ko ang nagbibigay ng pera sa kaniya! Kaya huwag mong maisumbat-sumbat na ikaw ang nagpapas’weldo dahil kahit isang buwang sahod niya ay hindi mo magagawang ibigay, mas inuuna mo pa nga ang mga bisyo mo, e! At saka, bakit kailangan mo pang isama ang katulong ko sa lakad mo? Dito lang si Josephine! Hindi siya aalis. Kung gusto mong umalis, bukas ang pintuan! Lumayas ka na!” bulyaw niya pa.
Narinig niya naman ang pag-iyak ni Josephine sa kaniyang likuran habang hawak niya ang isa nitong kamay. Diniinan niya iyon nang bahagya. Nakaramdam siya ng awa kay Josephine. Pakiramdam niya ay mali na pinagdudahan niya ito. Baka talagang itong si Christopher lang ang may sira sa ulo.
“B’wiset! Masyado kang kontrabida! Huwag kang magtataka na kung isang araw, hihiwalayan at pagsasawaan kita!” Dinuro ni Christopher ang mukha niya at saka padabog na umalis at isinara ang pintuan. Kulang na lang ay bumigay ang k’warto sa lakas ng pagkalabog nito.
Nilingon niya mula sa kaniyang likuran ang tumatangis na si Josephine. Hinawakan niya ang mukha nito at pinunasan ang mga luha roon.
“P-Pasensya na po kayo, madame. Hindi ko po intensyon na galitin si Sir Christopher at mag-away kayo. Sorry po, madame. Pasensya na po talaga kayo,” paulit-ulit niyang paghingi ng paumanhin.
“Shh. Hindi. Wala kang dapat ikahingi ng paumanhin. Sige na at maghilamos ka. Ipagpatuloy mo na ang mga ginagawa mo. Ako na lang ang magpapakain sa mga anak ko.”
Sinunod ni Josephine ang sinabi niya at iniwan siya nitong mag-isa sa kuwarto ng dalaga. Napaupo siya sa kama ni Josephine at napabuntonghininga. Hindi mawala-wala sa isip niya si Christopher. Ibang-iba na ito sa dating nagustuhan, minahal, at pinakasalan niya. Halos hindi niya na ito makilala. Kung si Josephine ay malinis ang intensyon sa pamilya nila, alam niyang si Christopher, hindi.
Nang sumapit ang gabi, mag-isa niyang hinintay ang pag-uwi ni Christopher. Ilang oras din siyang naghintay bago ito umuwi. Katulad noon ay lasing na lasing na naman itong umuwi ng bahay. Ganito ang gawain ni Christopher sa tuwing mag-aaway silang mag-asawa. Aalis siya, uuwi nang gabi pagkatapos ay lasing.
Napabuntonghininga na lang siya nang malalim. Hinawakan niya ang kaniyang asawa sa braso upang iakyat sa taas nang nakapasok sila sa kuwarto, ngunit iwinaksi ni Christopher ang kamay niya.
“Huwag mo akong mahawak-hawakan!” bulyaw niya at mag-isang umakyat ng hagdan na akala mo ay gumagapang.
Naipilig niya ang kaniyang ulo habang sinusundan si Christopher mula sa likuran nito. Nang nakarating sila sa loob ng kuwarto ay kamuntik na itong hindi umabot sa kama. Mabuti na lang at nahawakan niya ang braso nito, pero nang muli itong makatayo ay itinulak pa siya nito.
“Hindi ba ang sabi ko ay huwag mo akong mahawak-hawakan?” Binalingan ni Christopher nang masamang tingin si Kylie.
Hindi sinasadyang nasampal niya ang mukha ng kaniyang asawa. “Ikaw na itong inaalala ko, ikaw pa itong choosy?”
“Choosy? Oo! Choosy ako dahil pangit at laspag na ang katawan mo. Hindi ka na katulad ng dating katakam-takam.” Muli siyang itinulak ni Christopher na naging dahilan ng pagbagsak niya sa semento. “Matutulog na `ko,” paalam niya pa at lumundag na sa kama.
“Buwiset!” bulong niya.
Masama man ang loob niya ay inayos niya pa rin ang pagkakahiga ni Christopher sa kama nang nasigurado niyang tulog na talaga ito. Baka mamaya kasi ay mag-anyo itong kabayo at bigla na lang siyang sipain. Nang natapos ay hinalikan niya ito sa noo at nahiga sa tabi niya. Ipinagpapasa-Diyos na lamang niya ang lahat ng nangyayari. Hindi niya alam kung ano’ng plano ng Diyos, pero magtitiwala na lang siya kaysa mabaliw siya sa kaiisip. Gayunpaman, hinihiling niya na sana, walang kahit ano man na may nararamdaman si Christopher para kay Josephine bukod sa isa siya sa mga amo nito.
Ipinikit niya ang kaniyang mga mata nang may kurot sa dibdib hanggang sa nakatulog siya, ngunit ilang sandali lamang ay nagising siya nang naramdaman niya ang pagtayo ni Christopher mula sa kama.
Gumegewang-gewang na naglakad palabas ng pintuan si Christopher habang palihim siyang nakasunod ng tingin sa kaniya. Nang nakalabas ang kaniyang asawa ay nagmadali naman siyang bumangon upang sumunod. Dahan-dahan niyang binuksan ang pintuan. Nakita niyang pumasok si Christopher sa silid ni Josephine.
Tripleng kaba ang naramdaman ni Kylie. Pakiramdam niya, habang papalapit siya nang papalapit kay Christopher ay nadaragdagan nang nadaragdagan ang kabang nararamdaman niya na kulang na lang ay magpabingi sa kaniya.
Mula sa pintuan ng kwarto ni Josephine ay dahan-dahan siyang sumilip, nang bigla siyang matigilan kaya’t nabitawan niya ang hawak niyang cellphone na gagamitin sana niya upang kumuha ng ebidensya kung may makikita man siyang kakaiba.
Kapwa sila natigilan sa ginagawa nila at napatingin sa madilim niyang direksyon.
“M-Madame?”